ANDRES BONIFACIO: Ang Buhay na Puno ng Pakikipagbaka

ANDRES BONIFACIO

Ang Buhay na Puno ng Pakikipagbaka


 

Daniel Mendoza Anciano

Hindi mapag-aalinlanganan na ang mga Filipinong ilustrado ay nakapag-ambag  ng malaki sa ebolusyon ng nasyonalismo  sa  bansa, ang  kanilang  pagnanais na isulong ang interes  na  dinadala  ng kanilang kinabibilangang pangkat sa lipunan at mga naging  mapangahas  nilang pagpapahayag ng ideyalismo para sa  kapantayan  ng mga Filipino sa mga Espanyol ay nagsilbing mga lagabog ng maso na lumamat sa tila matibay na moog ng kolonyalismo sa bansa.  Ngunit ang kanilang mga mahalagang nagawa ay mayroon limitasyon, dahilan sa taglay nilang ilusyon na magkakaroon ng reporma at  posibilidad  ng asimilasyon sa sistemang kolonyal ay hindi  nila  tinawid ang parametro ng radikal na pagkilos upang tahakin ang kasarinlan ng bansa mula sa pagkaalipin ng mga banyaga.

Sa  ilang huling mga taon na lamang ng ika-19  na  daantaon, ang  ilusyon na dinala ng mga ilustrado ay nagbigay daan sa  dis-ilusyon at napagtanto na ang pangarap na reporma ay hindi magaganap sa isang lipunan na kontrolado ng mga pangkat ng mananakop na hindi  kaylanman naging mapagparaya sa pagbibigay daan  para  sa mga positibong pagbabago, dahilan dito ang kurtina ng kasaysayan ay nahawi na para bigyang daan ang ating himagsikan.

Ang Himagsikang Filipino ng 1896 ay maituturing na pinakamapagpasiyang  pangyayari sa pahina ng kasaysayan ng  ating  bansa. Ito  ang  panahon  na ang sambayanang Filipino  ay kolektibo  at nangahas  na pinili ang pagsusulong ng isang armadong  pakikibaka bilang  paraan  ng paglatid ng kadena ng  kolonyalismo.  Ito  ang panahon  na ipinahayag ng sambayanan ang kanilang paghahangad  na maging  mga  tunay na panginoon na magpapasiya  sa  kapalaran  at kahahantungan ng ating bayan. Kung ang himagsikan ay isang mapangahas  na pagkilos, gayundin masasabi nating ang naging  tagapasimuno nito ay nagtataglay ng isang mapangahas na personalidad at tila  aserong determinasyon upang pamunuan ang isang  kilusan  na maglalatid ng kadena ng pangkaalipin ng kaniyang mga abang  kababayan.  Ang lider na ito ay walang iba kundi si Andres  Bonifacio, ang tagapasimuno at kaluluwa ng himagsikang Filipino.

Kung  ang mga ilustrado ay nakipaglaban para sa  interes  ng gitnang  uring  kanilang kinabibilangan ang  masang  Filipino  ay nakatagpo  din  ng lider na magsusulong ng kanilang  totoong  interes, sa katauhan ni Bonifacio, kung naging mas radikal man  ang kaniyang naging direksiyon sa pagtahak sa pagbabagong  panlipunan ay  sa dahilang ang buhay ng isang anak-maralita ay  naratibo  ng pang-araw-araw  na personal na pakikipaglaban para  mabuhay.  Mga karanasan  na  pumanday upang magkaroon ng isang malalim  na  repleksiyon sa katotohanan ng buhay ng kaniyang mga kapwa  maralita at epektibo mapamunuan ang himagsikan na magpapalaya sa  kaniyang mga kababayan sa dinadanas nilang paniniil at kadahupan.

 

Ang Panimula ng Pakikipagbaka

Ang  maralitang lider ay ipinaganak sa isang kubo  sa  Tondo noong  Nobyembre  30, 1863 sa mag-asawang Santiago  Bonifacio  na isang  sastre  at Catalina Castro. Sa batang edad ay  naulila  sa parehong magulang at natagpuan ang sarili na tagakupkop ng  kaniyang mga nakababatang kapatid. Sa pagtutulungan ng mga magkakapatid  nakita  nila ang kanilang mga sarili na  nasa  lansangan  ng Maynila  o  nasa mga patyo ng simbahan  (na  tila streetchildren ngayon)  at  naglalako ng pamaypay at baston  sa  mga  nagdadaan. Nagpatuloy ang kaniyang pagsuporta sa kaniyang mga kapatid  hanggang sa pagdating ng sapat na taong gulang at maempleyo si  Bonifacio sa Fleming & Company (pag-aari ng mga Ingles) at sa bandang " huli  bilang ahente ng Fressel and Company (pag-aari ng mga  Aleman).

Ang leksiyon ng kaniyang unang pakikibaka ay ang makita  ni Bonifacio  na siya ang nagsilbing magulang ng kaniyang mga  kapatid.  Isang  karanasan na naghanda sa kaniya para  tanggapin  ang papel na maging isang ama na gagabay sa kanyang ulilang bansa.

 

Ang Pakikipagbaka Laban sa Kamangmangan

Si Bonifacio bilang isang anak mahirap sa kaniyang kapanahunan na pinalala ng pagkaulila at pangangailangan na maandukha ang kaniyang mga nakakabatang kapatid, ang isang mas malaking pakikipagbaka  na kaniyang hinarap ay ang labanan ang  kamangmangan  na tiyak  niyang  kahahantungan. Sa kaniyang kabataan  ang  kaniyang tanging  pormal na edukasyon ay ang pagpasok niya sa paaralan  ni Don Guillermo Osmeņa na ito ay agad din naputol. Sa  pagtatantiya ni  Professor Teodoro Agoncillo, sa ating panukatan ang  kaniyang natapos ay ikaapat na baitang lamang ng paaralang elementarya.

Ngunit  ang tunay na esensiya ng edukasyon ay  hindi  lamang turuan  ang mag-aaral kundi ang matutunan ng mag-aaral na  turuan ang  kaniyang sarili. Nilabanan ni Bonifacio ang kamangmangan  na maari niya sanang nasadlakan sa pamamagitan ng sariling pag-aaral at  ang kaniyang pagtatrabaho sa mga establisementong dayuhan  ay nagbigay  daan para masundan niya ang mga kaganapan at  pag-unlad ng kaisipan sa labas ng bansa. Ang kaniyang pakikisalamuha sa mga Espanyol sa tanggapang kaniyang pinaglilingkuran ay nagpatalas sa kaniyang  komprehensiyon ng wikang Espanyol at magkaroon  ito  ng sapat  na  kaalaman upang maunawaan ang wika ng dati  nating  mga panginoon.

Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng pagkakataon na maunawaan  ang mga  kaisipan ng mga pantas ng kanluran na si Hugo (Les  Misarables_), Sue (Wandering Jews); inunawa ang sistemang presidensiyal ng  Amerika  (Buhay  ng mga Pangulo ng Estados  Unidos);  at  ang kalakaran ng  himagsikan sa aklat na Kasaysayan  ng  Himagsikang Pranses.  Nagkaroon din ng inpluwensiya sa kaniyang kaisipan  ang mga  sulatin ng mga Filipinong Propagandista sa Europa,  lalo  na sina Del Pilar at Jose Rizal sa aklat ng huli na Noli Me  Tangere at El Filibusterismo. Ang  pagbabasa ng supremo ay hindi lamang naging isang  pag-sasanay  na pangkaisipan at hindi rin nanatili lamang sa  bakuran ng  kaniyang kaisipan. Ang kaniyang mga natutunan ay  nagsilbing isang  apoy na nagpakulo ng kaniyang kaisipan, na sa dakong  huli ang namuong ideya ay nailipat sa mas kongretong pagkilos.

Isa rin sa naging sanayang pang-kaisipan ni Bonifacio ay ang tanghalan na kung saan siya ay isa sa mga gumaganap sa palabas na moro-moro.  Ang moro-moro ay isang pagtatanghal ng paglalaban  ng dalawang magkasalungat na puwersa, sa una ay maririnig ang argumentong  isinasaad ng kaisipan at sa dakong huli ay ang  pagpipingkian  ng mga sandata ng dalawang pangkat na ang argumento  ay hindi  pinapakinggan  ng isa't isa. Sa tanghalan  lumalabas  ang salungatan, katwiranan, at sa bandang huli ang pisikal na paglalaban. Dito natutunan ni Bonifacio ang pangangailangan sa  pagkakaroon ng isang malakas, mapang-akit at makapangyarihang  pananalita, at ang pagtatantiya ng takbo ng istorya para sa mga tauhan. Nilisan ng supremo ang kaniyang tanghalang paaralan, ginamit niya  ang  pangangailangan  ng  mapang-akit  at  makapangyarihang pananalita sa kaniyang mga naging kasama sa Katipunan. Sa  paglisan  niya ng tanghalan ng moro-moro ay kaniyang inilipat  ito  sa mismong puso ng lipunan na kaniyang ginagalawan.

 

Pakikibaka Laban sa Matandang Kaisipan

Ang lipunan sa panahon ni Bonifacio ay pinangingimbabawan ng sapot  kamangmangan  at pamahiin na pinanatili ng mga  alagad  ng kolonyal  na Kristiyanismo sa paniniwala ng mga ito na ang  kanilang  pagsasamantala sa ating bayan ay malulubos lamang sa  isang kapaligiran na hindi sinisikatan ng liwanag ng kaalaman. Ang  mga alagad  ng kolonyal na Kristiyanismo ang nagpakalat ng  paniniwala a ang mga katutubo ay likas na mahina, mangmang, at ang edukasyon  para sa mga ito ay mapanganib sa kanilang mga kaluluwa  - sa mismong panulat ng isang prayle Ang isang indio kapag natuto, ay magiging kalaban ng Diyos at ng Espanya

Sa  pamamagitan ng sariling edukasyon, namulat ang  mata  ni Bonifacio sa kalagayan ng lipunan sa kaniyang kapanahunan. Ngunit ang kaalamang natutunan ay hindi sinarili manapa ay kaniya  itong ibinahagi sa iba sa layunin na gisisingin ang kaniyang mga kababayan para sa pagbabago sa bayan. Nagsimula bilang isang  masugid na tagasuporta ng kilusang propaganda at naging tagapamahagi  (sa pamamagitan  ng  lihim na pagtitinda) ng mga  literaturang  pang-protesta  sa mga mag-aaral ng Unibersidad ng Santo Tomas, at  sa pamamagitan  ng pagtitinda ng mga literaturang  pang-protesta  ay nakilala  niya  si Ladislao Diwa na noon ay  isang  mag-aaral  ng abogasya  sa  unibersidad at sa dakong huli ay  nakasama  niyang naging tagapagtatag ng Katipunan.

Sa pagkakatag ng Katipunan ay inandukha niya ang pagkakaroon ng  isang limbagan at pahayagan ng kilusan. Sa pagkakalathala  ng _Kalayaan_ naiparating niya sa pamamagitan ng panulat ang  kaniyang mga pananaw, at adhikain para sa inang bayan. Katulad ng kaniyang mga nabasang mga literaturang politikal mula sa mga ilustrado  sa kaniyang panahon, ikinalat niya ang kaniyang paniniwala  na  ang mga  Filipino  ay  hindi mangmang at hindi  dapat  na  manatiling mangmang,  ngunit kakaiba sa kaniyang mga  kasabayang ilustrado, naniwala si Bonifacio sa kakayahan ng mga mababang uri na  mapalaya  ang kanilang mga sarili. Sa pamamagitan ng  propaganda  ng Kalayaan  ay  naiparating ni Bonifacio ang  pag-aaring  ganap  sa pangangailangan ng isang armadong pakikibaka para sa katubusan ng bayan mula sa kadena ng mga dayuhan.

 

Ang Pakikibaka Para sa Bayan

Sa taong 1896, dumami ng bilang ng kasapian ng Katipunan  at ang  pagiging  lihim  nito ay hindi na maitago  sa  mga  dayuhang maykapangyarihan.  Sumapit  na ito sa bingit  ng pagkakatuklas. Hiniling  niya ang payo ni Rizal sa pamamagitan ng emisaryong  si Pio Valenzuela at sinabing ang bayan ay hindi pa handa dahilan sa kakulangan  ng  sandata at kawalan ng isang  bansa  na  posibleng maging kakampi sa panahon ng pagsiklab ng himasikan, at ilan din sa kaniyang mga mismong kasama sa samahan ay tutol na ang pasimulan ang himagsikan dahilan sa kawalan ng katiyakan ng tagumpay.

Natuklasan ang Katipunan sa panahon ng kawalan ng kahandaan, ano  ang  magagawa ng mga itak, sibat na  kawalayan,  paltik,  at ilang lumang baril at mga katipunerong walang aktwal na  pagsasanay  sa  digmaan  sa panahon na ito ay mapaharap  sa  puwersa  ng kolonyal  na  pamahalaan na kumpleto sa kagamitang  pamuksa,  may ganap  na pagsasanay at ang nakakarami ay mga beterano ng  ilang mga  labanan  para Espanya sa nakalipas. Ito  ang  predikamentong namamayani  ng ginaganap ang mapagpasiyang pagpupulong  sa  Pugad Lawin. Ngunit ang supremo ay tumayo, pinangibabaw ang ideyalismo laban sa pragmatismo at hinikayat ang mga kasamahan na  magpasiya ng  taliwas  sa tila matinong pangangatwiran  ng  mga  segurista, pinunit nila ang mga sedula na isang hayagang dokumento ng pagkaduwagi at sinindihan ang mitsa ng himagsikan.

Ito ang himagsikang pinasimulan ng supremo, kulang sa armas, pagkain, lohistika, at mahusay na istratehiya na kinakilangan  sa isang  matagumpay na pakikipaglaban sa isang hukbo ng  kaaway  na nagmamay-ari ng lahat ng kalamangan. Ang mga salik na ito rin ang naging dahilan upang magapi ang supremo sa Pinaglabanan. Bumagsak ang Pinaglabanan ngunit katulad isang malaking dinamita, kinakailangan  munang masunog ng mitsa. Pagkatapos ng Pinaglabanan,  ang himagsikan  ay  kumalat  na tila malaking apoy  sa  mga karatig lalawigan ng Maynila at sa momentum ng lagablab ay nilalamon  ng apoy nito ang habi ng istrakturang kolonyal.

 

Ang Huling Pakikibaka

Sa  pagdating ni Bonifacio sa Cavite ay nahantad  sa  kaniya ang  katotohanan  na ang pagtatagumpay ng mga  rebolusyonaryo  sa nasabing lalawigan ay naging sanhi ng karibalan ng mga kapwa niya rebolusyonaryo.  Nilasing  ng tagumpay ang pamunuan ng mga  paksiyong Magdiwang at Magdalo sa Cavite, pagkalasing na  nagpalimot sa isa sa pangunahing aral ng Katipunan na kapatiran. Nilimot ang kapatiran  dahilan  sa pagnanais na kunin  ang  kapangyarihan  at ipinatupad pa ng isang paksiyon ang maitim na balakin na  lusawin ang  Katipunan  at palitan ito ng bagong anyo  ng  pamahalaan  na dominante ng mga ilustradong Caviteņo.

Sa  Kumbensiyon ng Tejeros nalansag ang Katipunan sa  pamamagitan  ng isang tiwaling halalan, naagaw ang liderato  mula  sa supremo at nalipat sa kamay ng mga ilustrado. Hindi ito natanggap ng  supremo  at  binalak niyang bawiin ang nawala  sa  kaniya  sa pamamagitan  ng pagproprotesta sa resulta ng eleksiyon na  kilala sa tawag na Acta de Tejeros at sa pag-oorganisa ng isang  kahiwalay na pamahalaan sa ginanap na pagpupulong sa Naic.

Sa mga unang pakikibaka ng supremo laban sa puwersang  kolonyal  ng kaniyang kapanahunan ay naging matagumpay  siya,  ngunit hindi sa kaniyang huling pakikibaka sa mga taong minsan ay  kaniyang  niyakap  at  tinawag na mga kapatid  sa  mga  isinagawang inisasyon ng Katipunan sa nakalipas.

Sa  pagbabasa  kaya  ni Andres Bonifacio  ng  Kasaysayan  ng ebolusyong Pranses hindi kaya niya nabasa ang yugto sa buhay  ng isa sa mga naging tagapasimuno nito na si Maximilian  Robespierre? Si Robespierre ay bumagsak sa kapangyarihan pagkatapos na maisagawa ang isang Kombensiyon ng mga Maghihimagsik at pagkatapos  ay pinutulan ng ulo sa gilotina sa isa sa mga lansangan ng Paris  sa kaniyang kamatayan na nakasama niyang pinutulan ng ulo ang  kaniyang  nakakabatang kapatid na si Augustine.

Ito rin ang kinahantungan ni Andres Bonifacio, ang pagbagsak sa  Kombensiyon ng Tejeros at ang pagbitay sa kaniya at sa  kaniyang  kapatid na si Procorpio sa paanan ng isa sa mga bundok  sa bayan ng Maragondon, Cavite.

Minsan  kung kung ikukumpara ang kamatayan ng dalawang  pambansang bayaning Filipino ay makikita rin ang balintuna ng kasaysayan.  Sa  dalawang bayani na tila nag-aagawan  sa  pedestal  ng kadakilaan ay makikita ang hayagang salungatan. Si Rizal na hanggang sa huli ay naniniwala sa pagiging tapat ng Espanya na maglalapat  ng reporma pasa sa Filipinas. Samantalang si Bonifacio  ay nanalig  sa  kakayahan ng mga Filipino na mapalaya  ang  kanilang sarili  mula sa pamatok ng pagkaalipin. Ngunit ng  ipagparaya  ng kasaysayan ang kanilang mga buhay sa altar ng kalayaan, si  Rizal na  naniniwala  sa Espanya ay namatay sa kautusan  at  punlo  ng hukbong  kolonyal,  samantalang  si Bonifacio  na  naniniwala  sa kakayahan ng mga Filipino ay kinitilan ng buhay sa utos at punlo ng kaniyang mga sariling kababayan.

 

BALIK

 

 

1 1