ISANG PAGDALAW
NI HESUS SA PILIPINAS
Nalimot
nang lubos ng mga naninirhan sa lupa, marami nang dantaong tinalikdan ng Diyos
Ama ang mga bagay-bagay sa daigdig na ito. Ang pamamahala sa lupa'y ipinaubaya
niya sa mga santo at iba pang kilalang diyus-diyusang sinasamba ng mga tao
dahil sa kabaliwan nila. Pinagkakaabalahan niya ang ibang mga araw at buntala
(planeta), na lalo pang kaaya-aya't malalaki kaysa atin, sapagka't sa mga yao'y
hinahandugan ng isang pagsambang wagas at walang dingal ang Walang-hanggang
Lumalang. Tuwing tumatama ang kanyang makapangyarihang paningin sa ating maliit
na bolang nababalot ng ulap na umiikit sa walang katapusang alangaang, ang
kanyang tingi'y batbat ng sama ng loob na inilalayo roon na walang iniwan sa
isang amang nagagalit sa pagkakamalas sa isang anak na walang utang na loob at
namumuhay nang di-mabuti. Sa gayon, ang lupang ipinaubaya sa mga diyus-diyusan
ay nabatbat ng karalitaan at ng sakit; ang karimlan ay bumaba sa ibabaw niya at
sa kanyang sinapupunanay umaangal ang nagngangalit na simbuyong anaki'y mga ahas
na nakulong sa kanilang mga lungga. At ang mga pananaghoy ng mga sawimpalad at
mga hinaing ng mga napapriwara'y pumupuno sa kalawakan, naglalagos sa mga ulap
at pumapailanlang hanggang sa luklukan ng Nakapangyayari sa lahat.
Sa wakas ay nahabag ang Walang Hanggan,
at isang araw, matapos ilagay ang kanyang salamin sa mata, ay nagwika sa
sarili:
--Tingnan, tingnan natin kung ano ang
nangyayari sa mga taong tunggak na naninirahan sa parang suha nilang kabilugan.
Tumingin ang Diyos sa dakong lupa at
niloob ng pagkakataong ang kanyang tingin ay tumama sa isang lipon ng mga
pulong ang karamiha'y mga bulubulundukin, naliligiran ng mga sinisigwang dagat
at niyayanig ng malakas na lindol na anaki'y isang maysakit na nakakain ng
asoge. At nakita ng Diyos ang mga lalaking may iba't ibang lahi at kulay, ang
ilan ay nakasaya, ang iba'y nakapantalon, may mga ulong inahitan sa tuktok at
may naiwang buhok sa paligid ng dakong ibaba ng ulo, samantalang ang iba'y
pabaligtad naman, na anupa't inahitan ang dakong ibaba ng ulo't sa gitna'y may
isang tungkos ng buhok na mahaba, gaya ng sa babae. At ang isa't isa'y
nagsisiindak at nagsasabi ng maraming kahangalang ipinatutungkol sa Kanya, sa
Amang Walang Hanggan; ang ilan pa'y gumagawa ng lalong maraming pag-indak at
lalo pang maraming kahangalan sa paniniwalang ang gayo'y makalulugod saa Kanya.
Akala ng Amang Walang Hangga'y nakakita siya ng mga pangitain, inayos na mabuti
ang kanyang salamin sa mata at pinagbuting lalo ang pagmamatyag.
Namasdan niyang may mangilan-ngilang
nabubuhay nang walang anumang ginagawa, umaapi't umaalipin sa iba, dumudukit sa
mga mata, sumisipsip ng utak, at hindi pa yata nasisiyahan sa mga ito'y kanila
pang nilalait at dinudusta. Datapuwa't ang lalong ipinagtaka ng Amang Walang
Hanggan ay nang makita niyang ang lahat ay pawang di nasisiyahan, at sa
katunayan, ang mga nang-aapi ay lalo pang hindi nasisiyahan kaysa mga inaapi.
--Lintik, lintik! --ang bulong na
kasabay ang malakas na pag-iling ng ulo at paghaplos sa kanyang balbas--tila
masama ang nangyayari sa mga pulong iyon. Hoy! Ikaw, halika!--ang idinugtong sa
isang malakas na tinig at tinawag si arkanghel Gabriel na nagdaraan sa malapit
doon.
Lumapit si Gabriel!
--Nalalaman mo ba kung ano ang ngalan
ng mga luntiang pulong iyon sa ibaba, na may di-karaniwang naninirahan at may
mga ugaling lalo pang di-karaniwan?
Tinanaw ni Gabriel ang itinuturo sa
kanya.
--Bakit po hindi ko malalaman!--ang
isinagot niya-- sa doo'y nagkaroon ako noong araw ng isang templo at isang
liwasan!
--Ikaw, Abeng, diyata't ikaw ay nagkaroon
doon ngisang templo't isang liwasan! --ang bulalas na natitilihan ng Amang
Walang Hanggan.--Pinahihintulutan mo ba ang gayong mga kalabisan?
--Ba, yao'y binawi na po sa akin.
Ibinigay nila sa isang prayle. Doon ang lahat ay humahantong sa mga kamay ng
mga prayle!
--Mga prayle ba ang sabi mo? Anong uri
ng kulisap ang mga iyan?
--Iyan po'y…ang isang prayle, ang isang
prayle'y isang bagay na napakahirap pong ipaliwanag--ang tugon ni Gabriel na
nalilito. Isang prayle… nariyan ang quid,iyan ang kahirapan. Ako ma'y
hindi ko nauunawa kung ano ang isang prayle.
--At ano ang ngalan ng mga pulong
iyan?--ang tanong ng Diyos na buong pag-uusisang tumingin sa lupa.
--E, ano pa po kundi ang Sangkapuluang
Pilipinas!
--Aha! Iyan pala ang bantog na
Sangkalupaang Pilipinas, ang bansang pinagbubuhatan ng maraming…. Datapuwa't
ang akala ko'y…Nguni't sabihin mo nga sa akin: bakit nag-aangkin ng ngalang
tunog kastila gayong alinsunod sa aking naririnig ang mga naninirahan doo'y
hindi naman nagsasalita ng wikang iyan?
--Iya'y isa pang quid na hindi
ko maunawa, Amang Walang Hanggan--ani Gabriel na tutoong nawili sa katagang quid
noong siya'y nasa Pilipinas pa;--ang mga naninirahan sa mga pulong iya'y
nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga kastila!
--Nasa ilalim, Gabriel, nasa ilalim ba
ang sabi mo? Nilikha kong malaya ang mga tao; ipinanganganak na malaya ang mga
tao…pantay-pantay ang lahat ng mga tao…!
--Iyan pa nga ang isang quid?
--Tumigil ka sa ka-qui-quid-quid, Gabriel,
at magpaliwanag ka nang lalong mahusay.
--Aba! Kung ipaliliwanag ko sa Inyong
Maharlikang Kadiyusan ang mga bagay na nangyayari diyan sa ibaba, ay hindi tayo
magkakaunawaan kahit na sa loob ng pitong araw…
--Datapuwa't ipaliwanag mo man lamang
sa akin, kung bakit gayong nilikha ko ang lupa para sa tao, para sa taong
nagbu-bungkal niyaon, at gayong nilikha kong malaya at pantay-pantay ang lahat
ng tao, ay kung bakit ang mga naninirahan sa mga pulong iyo'y namamanginoon sa
mga kastila?
--Sapagka't …isang taong tinatawag na
Alejandro VI, na sa ngalan ng Inyong Maharlikang Kadiyusan…
--Ano, ano sa aking ngalan? Aba!--ang
putol ng amang Walang Hanggan na hindi na makapagpigil --sino ba ang Alejandro
VI na iyan?
--A! iya'y isa pang quid …--ang
itinugon ni Gabriel na hindi makalimot sa masama niyang nakagawian-- iyang si
Alejandro VI na naghahangad mamahala sa daigdig sa ngalan ng Inyong Maharlikang
Kadiyusan…
--Ano, ano, sa aking ngalan? Aba!--ang
putol ng amang walang Hanggan na hindi na makapagpigil -- sino ba ang Alejandro
VI na iyan?
--A! iya'y isa pang quid …--ang
itinugon ni Gabriel na hindi makalimot sa masama niyang nakagawian--iyang si
Alejandroo VI na naghahangad mamahala sa daigdig sa ngalan ng Inyong
Maharlikang Kadiyusan, ay isang taong tampalasan na lumason sa marami , gumawa
ng mga kahalayan sa anak niyang babae.
--Hesus, Maria!--ang putol ng Amang
nagkurus-- Hesus, Maria! At ang buhong na iyo'y namamahala sa aking ngalan! Sanctus
Deus, banal na Diyos!
--Sa dahilang ang Inyong Maharlikang
Kadiyusan ay hindi na nakikialam sa lupa… Kapag natutulog ang panginoo'y
nagdiriwang at nagsasaya naman ang mga utusa't magnanakaw!--ang sagot na may
himig pagsisi ni Gabriel.--Ang buong daigdig ay nakaaalam na ang Alejandrong
iyan ay isang tampalasang mapanlinlang, kaya't siya'y sinumpa't itinakwil ng
lahat ng taong marangal, ng buong Europa't Amerikang bihasa at ang ngalan
niya'y naging singkahulugan ng mga salitang mahalay, mamamatay-tao,manlalason,
mapagagawa ng salita, mapang-apid sa malalapit na kadugo…Bukod-tangi at diyan
lamang sa mga pulong iyan dinarakila siya : diya'y itinalaga sa kanya ang isang
buong lansangan na pinamagatan ng kanyang pangalan!
--Totoo ba iyan? Nasisiraan na ba ng
bait ang bansang iyan? Nguni't magpatuloy ka: sinabi mong ang tampalasang iyon,
sa pagmamalabis sa aking ngalan…
--Ibinigay niya ang mga pulong iyan sa
mga portuges!
--Sa mga portuges? Nguni't hindi mo ba
sinasabing ang mga pulong iya'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga kastila?
Ano, kung gayon ang kinahinatnan ng aking ngalan at puri?
--Iya'y isa pang …ibig kong sabihi'y
magpapaliwanag ako: sa pagsasamantala sa pagpapabaya ng Inyong Maharlikang
Kadiyusan ay hinati ni Alejandro VI sa mga kastila't mga portuges ang buong
lupa…
--Nguni't sino ang nagbigay sa kanya ng
kapangyarihang makahati sa lupang hindi naman niya pag-aari?
--Aba, ba! Napagkikilalang matagal nang
panahong hindi nalalaman ng Inyong Maharlikang Kadiyusan ang nangyayari sa
lupa; sapagka't ni hindi nakapipigil sa mga papa ng pagsasaalang-alang sa mga
bagay na iyan! Pati na ang langit ay naari nilang pakialaman, ang kaharian ng
Inyong Maharlikang Kadiyusan at ampu ng Inyo na ring Maharlikang Kadiyusan.
--Pinakikialaman nila ako,
pinakikialaman ang langit, ano ang iyong sinasabi?--ang naibulalas ng Diyos Ama
na napatindig.
--Uy, uy!-- ani Gabriel, at hindi
lamang ang mga papa, na sa anu't anoma'y nagpaphalaga at nag-aangkin ng
kapitapitagang anyo, kundi pati ng kahuli-hulihang prayle, ang kahuli-hulihang
unggoy, gaya ng sinasabi namin sa Maynila, ay nangangahas na mag-utos sa inyo,
at kayo'y ginagawa nilang parang isang tagaganap ng mga nais nila. Uy, uy, uy!
--Hesus, Maria, sus Maria! Iyan ba'y
maaaring mangyari? --ang sigaw ng Amang sabay sa pagtukop ng dalawang kamay sa
ulo;--o tempor! o mores! "O mga panahon, O mga kaugalian!"…Datapuwa't
magpatuloy ka, magpatuloy ka: sinasabi mong hinati niya sa mga kastila't mga
portuges ang lupa…
--Ang mga pulong natatanaw ng Inyong
maharlikang Kadiyusan ay nauukol sa Portugal.
--Hindi po, Panginoon, bagkus pa nga'y
kabaligtaran ang nangyari. Isang portuges na may mga kaibigan sa Espanya, ang
siyang sumakop niyaon para sa mga kastila…
--Isang portuges, ang wika mo?
Samakatuwid ba'y gumawa siya ng isang pagkakanulo sa kanyang inang-bayan? Hindi
kita maunawaan.
--Siyangapo, Ama, siya'y nagtaksil sa
kanyang inang-bayan, nguni't siya'y nagdahilan sa pagsasabing ang hari niya'y
ayaw magdagdag ng upa sa kanya.
--At sa dahilang iya'y nagtaksil siya
sa kanyang hari't inang-bayan? Ano ang ginawa pagkatapos sa taong iyon?
--Sa karangalan niya'y nagtayo ngisang
bantayog sa Pilipinas at isang lansangan ang bininyagan ng katulad ng kanyang
ngalan, gaya rin ng ginawa kay AlejandroVI.
--Isa pa! Ito ba'y dahil sa doo'y
pinararangalan ang lahat ng mga pilyo?
Tiniklop ng arkanghel Gabriel ang
kanyang pakpak.--Alamin ninyong ako'y wala nang templo roon,--ang bulong niya.
--Datapuwa't ang Portugal, ano ang
ginawa nang magkagayon,--itinanong ng Amang lalong nananabik dahil sa
kagusutan.
--Tumutol siya, at nang makilala ni
Carlos, na hari ng mga kastila, ang mga matuwid na pinanghahawakan, at dahil sa
isang malaking halaga ng salapi, na noo'y kanyang kinakailangan, ay ibinigay ni
Carlos sa Portugal ang mga karapatang maaaring naging kanya hinggil sa pulong
na yaon.
--At yao'y kinuha ng Portugal, kung
gayon?
--Hindi po, Ama: si Carlos ay
nagpadalang muli ng mga pandarayuhan upang sakupin ang pulong iyon, nguni't
ito'y hindi naman nila natamo hanggang, sa wakas, ang anak niya'y siyang
nakalupig niyaon sa pamamagitan ng katusuhan, ang isa'y sa pamamgitan ng
pakikirigma, at ang isa pang bahagi'y sa pamamagitan ng mga matatmis na
pangako.
--At ang Carlos na iyan at ang kanyang
anak, ay may mga bantayog din ba sa Pilipinas?
--Wala pa po, nguni't magkakaroon din
sila pagdating ng panahon--ani Gabriel.
--At ano ang ginawa ni Alejandro nang
makita niyang hindi tinupad ang kanyang mga pasiya, nagsikap ba siyang gumawa
ng pag-aayos?
--Hindi po, namatay na siya, pagka't
siya'y nilason. Nguni't hindi niya diniribdib ang kanyang mga kapasiyahan!
--At ang mga tao, ano ang kanilang
sinasabi kapag nakikita nilang napapalungi ang aking kabanal-banalang ngalan sa
ganyang mga pagkakasundo?
--Ano pa ang sasabihin nila, Walang
Hanggang Ama, kundi alin sa dalawa: o walang Diyos, o kung kayo ma'y nabubuhay,
sila'y inyong pinabayaan?
Nagtakip ng mukha ang matandang Diyos,
at pagkatapos, taglay ang kalungkutan sa mukha'y nagwika:
--Tingnan natin, Gabriel: yamang ikaw
ay nakarating na sa mga pulong yaon at tila nakikilala mong mabuti, ano ang
inaakala mong nababagay gawin upang malunasan ang mga kasamaan doon?
--Itinanong po ba ng Amang Walang
Hanggan kung ano ang aking palagay?
--Oo, anak ko, sapagka't hanggang sa
akin ay nakararating ang mga tinig at ninanais kong bigyan ng wakas ang gayon
kalaking kasaliwaang-palad.
--Kung ako, ay dudurugin ko ang lahat
ng pulo… at si Gabriel ay nagpamalas ng isang anyong nagpapakilalang parang may
dinudurog sa kanyang mga daliri.
--Ganito, Amang Walang Hanggan, ganito,
at ako'y gagawa ng mga bagong pulong may mga bagong naninirahan. Ganito, ganito
nga!
--Aba, aba,-- anang matandang Diyos sa
isang makaamang tinig,--napagkikilalang ikaw ay bata at hindi ka pa
nahihirating makakita ng mga kadiyabluhan. Marahil ay masakit pa ang iyong loob
dahil sa inalisan ka ng iyong templo at ng liwasan upang maibigay sa isang…ano
ang tawag mo sa kanya?
--Prayle!
--Iyan nga, prayle! Anong pangalang
napakakakatwa, hindi ko natatandaang lumikha ako ng ganyang bagay! Datapuwa't
hindi nararapat maging mapaghiganti; tularan mo ako. Alalahanin mong ako'y tinatawag
na Diyos ng mga paghihiganti, gayong ako ay puno ng awa! Ako'y siyang nagkaloob
sa kanila ng lahat, at ako'y wala roon kahit isang templo; binigyan ko ng
kalayaan ang lahat, at ang aking ngala'y pinagmamalabisan upang sirain ang
aking nilikha. At gayon man, ako'y hindi lamang hindi naghihiganti kundi
nagnanasa pa rin ngayon na sila'y paligayahin.
--Mabuti po, kung gayon--isinagot ni
Gabriel--kung ang Inyong Maharlikang Kadiyusan ay ayaw sumunod sa aking
palagay, ay humingi Kayo sa ibang nag-aankin ng malaking kabantugan sa
Pilipinas. Haya't nagdaraan si San Andres, ang pintakasi ng Maynila, na ang
kapistaha'y ipinagdiriwang taun-taon nang buong dingal at gara, may mga
watawat, mga prusisyon, mga tambol, mga tagahatol, mga alguwasil mga
nakabalatkayo, mga kabayong patpatin, at iba pang matatandang bagay-bagay!
At ang arkanghel, matapos na
makapagpugay, ay lumayo.
--Hoy, Andres, ano ang nalalaman mo
hinggil sa Pilipinas? --Ang tanong ng Diyos Ama sa isang matandang nagdaraan na
may daladalang isang kurus nang umugong ang ngalan ng Pilipinas.
--Hala, ano ang ipinapayo mo sa akin
upang mailagay sa kaayusan ang Maynila?--ang dugtong ng Ama sa isangmatamis na
tinig nang makitang si Andres ay nauumid.
Napangiwi si San Andres nang marinig
ang mga salitang kaayusan at Maynila at tinawagan ang lahat ng
mga santo.
--Hala, magsalita ka! Ano ang iyong
ipinapayo?
--Ako, Panginoon, ako, wala, talagang
wala!--sa wakas ay nasabi ng Apostoles--wala akong pakialam sa bansang iyan,
ayokong makitungo sa mga taong iyan, ako'y isang santong mahilig sa katahimikan
at bahagya nang magsalita, isa pa'y hindi ako makauunawa ng mga kasulatan.
Pabayaan nila ako sa kapayapaan, napakarami nang sama ng loob ang ibinigay nila
sa akin!
--Nguni't, hindi ba ikaw ang pintakasi
ng Maynila?
--Hindi po, hindi…hindi…Ama…opo…Ama,
ang ibig kong sabihi'y…opo…nguni't hindi po…hindi…hindi…
--Nguni't, tao ka nga pala,
magpaliwanag ka.
Hinaplos ni San Andres ang kanyang
batok, pinaypayan ang sarili ng laylayan ng kanyang balabal sa dahilang
nararamdaman niyang siya'y nasa kagipitan gaya noong siya'y ipako sa kurus; at
matapos makagawa ng isang pagpupumilit ay nakapagsabi rin sa wakas:
--Tingnan ninyo Maharlikang Kadiyusan,
ako'y walang kasalanan. Ang kasaysaya'y ito. Maraming taon pagkatapos na
masakop ng mga kastila ang mga pulong iyon ay dumating doon ang ang maraming
insik na nagtangka ring sumakop sa mga nasabing pulo. Doo'y naglabanan sila,
nagpatayan at ako'y hindi nakialam sa anumang bagay; paano ko po ba magagawa
iyon? Datapuwa't ang mga nanalo, upang papagtibayin ang kanilang pananakop ay
nagkunwang palitawing tumpak ang kanilang ginawa at ako'y isinangkot at iniukol
sa aking panghihimasok ang kanilang pananalo; iligtas nawa ako ng Diyos! Dahil
daw sa ang paglalaban ay nangyayari sa aking kaarawan, na para bang ako'y may
kinalaman sa lahat ng bagay na ginagawa sa araw na iyon. Nguni't ang lalong
kakatwa sa pangyayari'y hindi ko naman kaarawan iyon, sapagka't ang mga
kastila, dahil sa naglakbay sila nang sunod sa takbo ng araw ay nagkamali
tungkol sa araw ng talaarawan. Diya'y makikita ng Inyong Maharlikang Kadiyusan
na ako'y talagang walang kasala-sala sa ginawa nilang pagkakapatungkol na iyon.
--At kanino nauukol ang araw ng
kanilang paglalabanan?
--Ano po ang malay ko sa bagay na iyan,
Walang Hanggang Ama?--ang sagot ni San Andres na nag-astang aalis na. Tila po
sa isang nagngangalang Prokulo, o isang Evasio. Maraming santo ang nakalagay sa
talaarawan, at sila ang siyang nararapat papanagutin!
Ipinahanap nag mga santong binaggit,
datapuwa't hindi sila nakikilala ng mga anghel, at ang Amang Walang Hanggan, na
hindi nauubusan ng pagtitiis, ay nagtanong:
--Nguni't tingnan nga natin, ano bang
relihiyon ang sinusunod sa Pilipinas?
Nagtinginan ang mga pinagpala,
nagtanungan ang mga anghel sa pamamagitan ng kanilang tingin na walang iniwan
sa mga batang nag-aaral na hindi nakaaalam ng takdang aralin, hanggang ang
isang lalong malikot at pangahas kaysa iba, isang tunay na enfant terrible,
ay sumagot:
--Ang relihiyon kristiyano po!
--Sino ang nagsabing ang aking
relihiyon ay siyang umiiral sa mga pulong yaon?--ang tanong ng isang tinig
lalaki, maliwanag at tumataginting,--sino ang nangangahas lumait sa aking
relihiyon?
At isang taong matangkad, may pormal at
mapanglaw na pagmumukha, makisig ang tindig at kapita-pitagan ang lakad,
aynapagitna sa mga lalong dakila sa mga nagtatag ng mga relihiyon. Ang anghel na
matabil, na nanginginig ang buong katawan at nagugulumihanan, ay nagkubli sa
likod ng kanyang mga kasama, na nag-ukol sa kanya ng ganitong pagsisi:
--Aba, mabuti nga sa iyo!
--Anong relihiyon, kung gayon, ang
sinusunod sa Pilipinas--ang muling tanong ng Amang Walang Hanggan na nakatingin
sa lahat:--samakatuwid ba'y walang relihiyon ang mga pulong iyon?
Si Hesus ay nanatiling lalong mabagsik
at lalo't higit na mapanglaw; kaya't bagaman marami ang nakatingin sa kanya, ay
walang makapahangas magsalita. Sa wakas, isang lalong nakatatanda, may bikas
insik, may bigote't balbas na makapal, kulay kayumanggi at mga matang singkit,
pagkatapos ng maraming pasikut-sikot na anyo at pagyukod, ay sumagot, sa isang
tinig na mapagpahiwatig at malumanay:
--Ang makatuwirang si Hesus ay nagsabi
ng katotohanan; ang relihiyon niya'y hindi sinusunod sa Pilipinas, at halos
mapapangahasan kong sabihing ang kanyang aral ay hindi nakikilala roon. Nguni't
ipahintulot sa kanyang di-karapat-dapat na alagad na si Kungsten na sabihin sa
kanyang bagama't totoong ang mga kautusan niyang maka-Diyos ay hindi umiiral
doon, sa kabilang dako nama'y pinagmamalabisan ang ngalan niya, at sa ngalan
niya'y ginagawa ang mga pagkakasala't mga kasamaang hindi pa naririnig . Ito'y
nalalaman ko sa dahilang ang bansa ko'y malapit sa Pilipinas, at maraming
nagsisisamba sa mga anito sa amin ang nagki-kristiyano doon dahil sa mga
hangaring humigit-kumulang ay kasumpa-sumpa, humigit-kumulang ay mahalay!
Ang mga pangungusap ni Kungsten ay
nag-aangkin ng malaking bigat sa mga kapulungan sa langit, kaya't si Hesus ay
walang pagkagalit na sumagot ng ganito:
--Sumasang-ayon ako kay Kungsten,
nguni't hindi ako maaaring panagutin sa mga pagmamalabis na ginawa sa aking
ngalan ng ilang mapagkunwari, lahi ng mga ahas, mga ulupong, mga libingang
pinintahan ng puti. Kung ang ngalan ng Ama'y pinagmamalabisan, ano ang hindi
gagawin sa aking ngalan? Ang aral ko'y nasusulat, at bagama't binago ay
naroro't nagniningning, tumututol. Pinagmamalabisan ang aking ngalan sa
dahilang ang mga tao'y nakalimot na sa akin, sa dahilang hindi nila
nagugunitang akong nangaral ng pag-ibig at pagmamahalan, ay hindi ko maamin ang
anumang paghahari-harian, ang anumang pang-aapi. Tinuruan ko silang
mangatwiran, sumuri, magsiyasat, bakit ipinipikit nila ang kanilang mga mata?
Ano ang kasalanan ko kung may mga bulag at hangal sa lupa? Sa anong kalagayang
katawa-tawa ibig nila akong pababain kapag sa paglimot nila sa aking aral, sa
pinagbabatayang kagandahang asal ng aking gawa sa pinakadiwa ng aking pangangaral,
sila'y nagpapatirapa ngayon sa pagsamba sa mga bahagi lamang at loob ng aking
katawan? Itinakwil ko ang lahing iyan ng mga mapagkunwari at matagal na sanang
panahong ako'y tumutol kung hindi ko lamang nababatid na sa pagkakagulo'y
masasangkot ang aking ina.
--Ipagpaumanhin mo, anak; --ang salo ng
isang mabait na babaing may pagmumukhang kaakit-akit at tinging maawain--ang
aking ngalan ay pinagmalabisan nila nang higit ng pagmamalabis nila sa iyo, at
kung ako'y hindi tumututol ay upang huwag kang bigyan ng sama ng loob. Tingnan
mo, doo'y kinakalakal ako, ang aking pag-ibig, ang aking damdamin; ang aking
ngalan ay kinakasangkapan upang kunin ang kahuli-hulihang kuwalta ng dukha,
upang upanganyaya nga mga babaing may asawa, upang ilugso ang puri ng mga
dalaga, upang ilugmok ang buu-buong angkan sa kamangmangan at sa kaabaan. Ako'y
inilalarawan kung minsang maitim, kung minsa'y kayumanggi, at kung minsan pa'y
maputi. Akong lagi nang nabuhay sa aking paggawa at kailanma'y hindi nanghingi
ng limos kaninuman, ngayo'y kailangang maglakbay sa bayan-bayan, sa
bahay-bahay, at nagpapalimos upang sandatin sa ginto ang mga nabubuhay sa mga
kasayahan at kasaganaan; ako'y ginagawang panakip o sangkalan ng mga gawang
nakaririmarim at ng mga paliligawan, tagapagtinda ng mga rosaryo, kalmen at
sintas, at kung maisipan nilang ako'y bihisang mabuti, ang hangad nila'y
makapagkamal ng lalong maraming salapi gaya ng ginagawa nila sa isang mananayaw
sa sirko. At hindi pa yata sila nasisiyahan sa mga ito, ay ipinakikilala nilang
ako'y may mga pangangailangan at may mga kahinaan, ako'y ipinalalagay na
mapaghiganti, masakim, matigas ang puso, at maminsan-minsa'y
ipinakikipagkagalit nila ako, ipinakikipagbalitaktakan at ginagawang kaaway ng
akin na ring sarili; ako'y pinaliligo, pinasasayaw, binibihisan ng mga
kakatuwang damit at ginagawa sa akin ang lahat ng uri ng kalapastangana't
kadiyabluhan. Ngayong nalalaman mo na, isinasamo ko sa iyo, anak ko, na ako'y
alisin mo sa mga pulong yaon sapagka't hindi ko nakayang bathin pa ang mga
iyon. Iwan mo roon ang mga santo, at bahala na silang makipagkasundo sa kanila,
nariyan sina Agustin, Domingo, Ignacio…
--Nequaquam, sa anumang paraa'y
hindi maari--ang tutol ni San Agustin--doo'y masama ang aking kinahinatnan. Ang
aking mga anak, kung hindi mga manunulat na hangal ay mga mangangaral namang
matatabil: ang pinakamabuti sa kanila'y isang komidiyante. Sila'y ibinibigay ko
na sa iyo, Francisco.
--Ang mga anak jko ay labis-labis sa
katabaan--ang tugong malungkot ng patpating si San Francisco--minamabuti ko
nang makipag-unawaan sa aking maliliit na hayop. Ang nararapat paghabilinan ng
mga iyan ay si Ignacio, na ssiyang lalong mahiman at masipag.
--Sa matibay na pananampalataya't
kalooban marahil ay may magagawa ako,--ang pakling may kasabay na mabining
ngiti ni Ignacio de Loyola--ang aking mga anak ay naaralang mabuti at sumusunod
sa mga alituntunin, nguni't ang iyong mga anak, minamahal kong Domingo, sa
kabila ng lahat ng aking pagpapaunlak sa kanila, ay nagtatangkang maglagay ng
sagabal sa lahat ng aking gawain, nagtatangkang itapon ako…Kung ikawa sana'y
maaaring mamagitan…
--Sino? Mamagitan ako?--tanong ni
Domingo--oh! Kailanman! Una, ako'y ginagalit nila dahil sa aking kalmen at mga
bituing yari sa mga batong huwad. Sila'y nakahandang alisan ng hanapbuhay.
Bahalang magtuwid sa kanila ang Nunsiyo at si San Pedro!
--Sino ang nagsasalita tungkol sa akin?
--ang tanong ng isang tinig na gumagaraalgal gaya ng isang matandang
tagapag-ingat ng pinto.
Siya'y si San Pedrong dumarating, upaw
ang ulo at ang mga kamay ay puno ng tinta.
--Sinasabi namin--ang sagot ni Santo
Domingo--na nararapat ninyong ayusin ang mga bagay-bagay sa Pilipinas yamang
kayo'y may isang Papa…
--Ipinakikiusap ko sa inyong huwag
banggitin sa akin ang Papa, para na ninyong awa;--ang putol ni San Pedro
--tingnan ninyo kung gaano kapuno ng tiinta ang aking mga kamay dahil sa
pagtatala ng mga indulhensiya. Lumalaki ang aking ulo! At wala kayong ibang
ninanais kundi ayusin ang Pilipinas! At kung ako'y bitayin? Nababagay bang
ako'y mag-ayos ng isang bansang pinaglilingkuran ng aking mga anak na parang
mga utusan lamang o mga koadhutor, samantalang sumisipsip sa kanya ang iyong
mga anak? Kayo ang siyang mag-ayos at kung hindi naman , bahala na silang
mag-ayos sa kanilang sarili.
At pagkasabi nito'y umalis, pagka't
narinig niyang may kumakatok sa pinto.
--Siyanga, sila ang bahalang mag-ayos
sa kanilang sarili!
--Kanin nilang kasama ng kanilang
tinapay!
--Manalangin sa Diyos na kasabay ang
paggawa!
--Bawa't bansa'y nagkakaroon ng kapalarang
nararapat sa kanya.
--Ang mga naghahari-haria'y nabubuhay
sapagka't pinahihintulutan sila ng mga pinaghaharian!
--Ang sinumang pumapayag sa lahat ay
nararapat magdusa.
Ito't iba't iba pang bagay ang sinasabi
ng mga santo sa takot nilang paroon sa Pilipinas. Nang silang lahat ay mamalas
na pawang umiiwas sa panganib, ay hindi malaman ng Amang Walang Hanggan kung
ano ang gagawin.
--Datapuwa't tingnan natin, alamin muna
natin kung ano ang nangyayari sa Pilipinas…Sino ba sa inyo ang nakakaalam?
Walang sinuman? Lintik! Nguni't wala bang sinumang pilipino diyan…
--Mayroon po, Amang Walang Hanggan,
marami rin po-- ang sagot ni San Juan na may dala ng mga talaan ng langit,
nguni't sila'y napakabihira at napaka…
--Kahit na, paparituhin sila, tayo na
ang bahalang kumuha sa kanila ng kahit kaunting balita. Kiniha ko ang lahat ng
bagay buhat sa wala!
--Mga pilipino, hoy! Mga pilipino.
Kayong mga nakapanirahan sa Pilipinas!--ang pahayag ng mga anghel sa buong
niluwang-luwang na kalangitan.
III
Napansin
ang isang di-karaniwang nagpapayao't dito sa mga pulu-pulutong ng mga
naninirahan sa kalangitan. Marami sa mga pilipino'y natutulog, nagtatago ang
ilan dahil sa inaakala nilang sila'y kakapkapan, hihingan ng sedula ng
pagkamamamayan, o pagagawin ng walang bayad sa mga gawaing bayan at iba pa,
gaya ng pinagkahiratihan nila sa lupa. Ang mga anghelito, pagkakita sa kanila,
ay nagkindatan at sila'y itinuturo, ang mga birhen ay nagpipigil ng ngiti,
tinatakpan ang kanilang mukha ng pamaypay upang makapag-anasan ng ilang
pangungusap, ang mga matatanda'y naglagay ng salamin sa mata upang lalong
makakita, at ang mga arkanghel, kerubin at serapin na hindi maaaring makalimot
sa kanilang kadakilaa'y nagsisikuhan at nag-uubuhan.
Kapagkaraka'y
lumakad ang isang hanay na ang mahabang dulo'y nawawala sa kalayuan, at sa
bawa't sandali'y nararagdagan. Nasa unahan ang lalong mga tanyag, ang lalong
matatanda'y ayaw makihalo sa mga binata.
Ipinakilala
ni San Juan Evangelista ang kauna-unahan at inisa-isa ang mga karapatan at mga
katangian nito. Siya'y isang taga-Espanya, matigas ang balbas nguni't lalo pang
matigas ang tingin. Siya'y namatay sa Pilipinas sa sakit na iti.
--Ang
kamahal-mahalang Ginoong Policarpio Rodriguez Mendes de la Villaencina,
dakilang pantas sa mga bagay -bagay na may kinalaman sa mga pilipino,
nakakikilala sa buong bansa, at ayon sa kanya'y nakapaglakbay sa lahat ng pulo,
nakaunawang lubos sa indiyo at nakaaalam kung bakit, paano at sa anong paraan
hindi umuunlad ang Sangkapuluang Pilipinas!
--A
la bonne--heure! Magaling! Ang sigaw ng Diyos Amang ibinuka ang mga
bisig,--hala, magsalita kayo; kami'y liwanagan ninyo, kami'y pukawin ninyo!
Ang
buong kalangita'y tumahimik at pati ng mga malilikot na anghel at mga walang
bait na birhen ay nagsitigil ng pagkikindatan at pagngingitian.
Si
Ginoong Policarpio at iba pa ay umubo nang makalawa o makaitlo, lumingus-lingos
sa kaliwa't kanan nang may malaking pagpalibhasa, lumura't ibinuga nang
napakalakas ang laway sa kalagitnaan pa naman ng inahit na tuktok ni Santo
Domingo. Hindi man lamang humingi ng paumanhin ay muling umubo at nagsimula ng
pagsasalita sa isang tinig na gumagaralgal:
--Tantuin
ninyo, alamin ninyong nakikilala kong mabuti ang b ansa at nagkaroon ako ng
isang karanasan na… naku! Kayong lahat na naririto'y mananaghili at nanaisin
ninyong nagkaroon sana ng gayon; at hindi ko sinasaklaw ang Inyong Maharlikang
Kadiyusan…na…nakauunawa na sa sinasabi ko. Kaya nga, huwag akong pagmayabangan
ng iba, pagka't tinatawag kong tinapay ang tinapay at alak ang alak, sa
dahilang ako'y sadyang gayon at magustuhin ako sa liwanag, sa tiyakang
pagsasabi! Nasabi ko na, iyan nga!
At
muling lumurang pinalakas sa kabilang sulok ng bibig, na pumatak ngayon ang
laway sa tainga ng mabait na si san Francisco.
Ang
Amang Walang Hanggang sumusubaybay nang buong pagmamatyag sa talumpati ni
Ginoong Policarpio'y nanatiling nakatunganga.
--Datapuwa't,
ang bakit, ang paano, at sa anong paraan…?
--Tantuin
ninyo, alamin ninyong nakikilala kong mabuti ang bansa at mayroon akong isang
karanasang…
--Tumigil
na kayo, tao pala kayo, tumigil na kayo--ang putol ng isang taong nasa likuran
niya--hindi ninyo nalalaman ang inyong sinasabi, dito'y wala tayo sa Maynila
kundi sa Kaharian ng Langit.
Ang
nagsabi ng gayo'y isang ginoong makisig na may mga kilos na katangi-tangi.
--Hala!--anang
Ama sa ikalawang tao-- tila lalo kayong nakakikilala sa Pilipinas, liwanagan
ninyo kami.
Ang
tinukoy ay nag-ayos ng kanyang bigote, tumingin sa lahat nang may matiwasay na
ngiti at sa pagkagunita sa katipunan ng mga birhen ay nag-unat ng tayo, at sa
isang tinig na matamis at tumataginting ay nagwika:
--Napakabanal
na Maharlikang Kadiyusan, ang kahinhinang lagi ko nang ikinatangi sa lahat ng
mga pagtitipong bayang naging kapalaran kong dakuhan-- pinanguluhan kong
manaka-naka ang mga ito, buhat sa mga karaniwang miting na pambayan hanggang sa
mga kapita-pitagang pagpupulong ng mga kapulungan ng aking tinubuang lupa…
--Sa
butil agad, tao ka, sa butil-- ang sabad ni Ginoong Policarpio.
--Tao
naman kayo, huwag sana kayng bastos! Bayaan ninyo akong magsalita!
--Tumahimik
kayo, hoy!
Nagkainitan
sila sa pagtatagisan ng mga salita, at magsusuntukan na sana kung di namagitan
si San Miguel, ang pinuno ng kaayusan doon sa itaas, na pumayapa sa kanila.
Inutusan silang umalis ng Amang Walang Hanggan. Sinikap na pigilin ng mga
anghel at mga birhen ang ngiti nila.
Sumunod
ang isang manang na nagkakangbubukot sa dala-dalang kalmen, mga kandila, mga
aklat sa pagsisiyam, mga sintas, at iba't iba pang kulukuti.
--Ito
po'y si Ginang Antonia, tubo sa Pilipinas --ani San Juan. Inaksaya ang lahat
niyang kayamanan sa pagbili ng mga kulukuting ito at inubos ang walumpung taon
sa pagngata ng mga dasal!
--Urong!--anang
Amang Walang Hanggan --ito, ano ang maaaring malaman nito tungkol sa Pilipinas?
--Ito
naman--ani San Juan--ay isang ulo ng balangay na namatay sa bilangguan dahil sa
utang.
--At
ano ang nalalaman niya tungkol sa bansa?--ang tanong ng Amang Walang Hanggan.
Ang
kura, Panginoon, ang mga talaan ng mga mamamayan, Panginoon, ang kura, ang mga
talaan ng mga mamamayan, ang talaan ng mga mamamayan, ang kura,…--ang
pautal-utal na wika ng sawimpalad.
--Ilayo
siya--ang wika niyang nagbubuntung-hininga.
--Ito'y
isang manananggol na naghawak ng mataas na tungkulin sa bansa, dahil sa siya'y
naglingkod na mabuti sa mga prayle.
--Tingnan
natin, magsalita ang manananggol!
Ang
manananggol ay isang lalaking pandak at malaki ang tiyan; nagsimulang lumakad
na ang bigat ng katawan ay ibinubunto sa isang paa at pagkatapos ay sa kabila,
umubu-ubo nang hindi makabigkas kahit isang kataga at sa wakas ay nagdidighay.
Hindi na nakapagpigil ang mga birhen at mga anghelito at ibinulalas ang
napakataginting na halakhakan.
--Katahimikan--anang
Amang Walang Hanggan--tayo na, magsalita kayo, dito'y nasa piling kayo ng mga
kaibigan, magtiwala kayo.
Nang
marinig ng lalaki ang magigiliw na pangungusap na ito, siya'y nagsimulang
umiyak at dahil dito'y pinaurong siya. Madalas na hinaplos-haplos ng Amang Walang
Hanggan ang kanyang balbas.
--Ang
sumunod ay may kabantugan sa pagiging pinakamatalas ang isip noong kapanahunan
niya, lagi na siyang nanungkulan, naging hukom, gobernador, patnugot at iba pa.
--Hala,
tayo na, magsabi ka sa amin tungkol sa Pilipinas sapagka't ninanais kong ako'y
maliwanagan.
--A!
ninanais ba ng Inyong Maharlikang Kadiyusan na kayo'y maliwanagan? Kung gayo'y
tumungo kayo sa mga prayle, sumangguni kayo sa mga prayle, kumapit kayo sa mga
prayle, maglangis kayo sa mga prayle, pumanig kayo sa lapian ng mga prayle,
magbigay katuwiran kayo sa mga prayle…
--Kung
gayo'y pabalikin siya sa mga prayle-- ang utos ng Kanyang Maharlikang Kadiyusan
na nag-anyong galit.
Ang
lalaki'y sinunggaban ni San Miguel, sinipa sa isang bahagi ng katawan, at parang
lumilipad na patungo sa lupa at pagdating dito ay naging isang bangang luwad at
humantong sa silid ng mga maysakit ng isang kumbento.
--Bakit
pinabayaang makapasok ang ganyang mga nilikha sa aking kaharian nang hindi muna
nalilinis? Ano ang ginagawa ni Pedro--anang Amang Walang Hanggang nagpamalas ng
mga tanda ng matinding pagkayamot.
Iniharap
ni San Juan ang isang matandang lalaking nagpauna nang buong kakisigan.
--Ito
po'y isa sa mga ibong lalong matataba sa Pilipinas--ani San Juan--sa buong
buhay niya'y naging prayle...
--Aha!
Ito pala'y isang prayle!--ang ibinulalas ng Amang Walang Hanggan, na tumingin
na may pananabik sa matanda--tingnan nga natin kung paano magpaliwanag ang
prayle. Hala, magsalita kayo.
--Kung
gayon, Panginoon, dito, na inyong kinakikitaan sa akin-- anang matanda--ako'y
isang kababalaghan; pinaunlad ko ang bansa sa pagsisikap na makuha ko ang lahat
ng salaping makukuha ko. Pinabahaan ko ang lupa ng mga "pastoral" na
hindi binasa; umawit ako ng mga "Te Deum", awit ng pasasalamat, sa
paniniwalang natapos na ang mga lindol ay nagsimula uli; binatbat ko ng mg
indulhensiya ang mga hangal na aklat upang ang mga ito'y maging lalong
kagalang-galang, at ang baya'y lalo pang tumawa; nagpagawa ako ng mga sasakyang
pandigma sa pamamagitan ng salapi ng bayan upang maipagsanggalang ang bansa
laban sa mga di-binyagan at ang mga sasakyang pandigmang ito'y nasamsam ng mga
di-binyagan at ang salapi'y hindi na nakita ninuman. Sa wakas ay pinaligaya ko
ang Pilipinas, pinatawa ko siya, pinatawa't pinatawa at hanggang ngayo'y
tumatawa pa marahil.
--Kung
gayo'y hindi tunay ang karalitaang nakikita ko…
--Ano
bang tunay!, hindi, Panginoon, doo'y walang karalitaan!
Noong
ako'y mamatay ay nakapag-iwan ako sa bawa't tagapagmana: dalawa o tatlo sa
bawa't bayang kinaroonan ko! Karalitaan aba, wala po niyan, Panginoon. Itanong
ng Inyong Maharlikang Kadiyusan sa lahat ng mga prayleng ito; nakikita ba ninyo
kung gaano sila katataba at kapupula? Mangyari'y kararating lamang nila buhat
sa Pilipinas; nakita na ng Inyong Maharlikang Kadiyusan na ang lahat doon ay
kasaganaan!
--Humayo
kayo!umalis kayo sa aking harap!--ang sigaw ng Amang Walang Hanggan nang
mamalas ang gayon kalaking kawalang-hiyaa't kahangalan; umalis kayo, at baka
pumutok ang aking galit at papagbalikin ko kayo sa lupa at gawing mga hayop na
karumal-dumal!
Nagsiyaong
nalilito ang mga pilipino; ang ilan ay malabis na nagdamdam, sa dahilang sa
kanila'y may makapagsasaysay ng ilang bagay na matino at may kabuluhan tungkol
sa Pilipinas. Datapuwa't sila'y nasa dakong huli ay walang sinumang
nakapag-akalang sila'y naroroon!
Pagkaraan
ng ilang saglit na pagwawari-wari, ang Amang Walang Hanggan ay nagsalita, sa
mabalasik na tinig, kay Hesus:
--Yamang
sa iyong ngalan ay ginagawa roon sa lupa ang kapuot-poot na kawalang matuwid ay
kinakailangang manaog ka, pag-aralan mo ang kasamaan at ipagbigay-alam mo sa
akin kung ano ang nangyayari upang malunasan ko.
--Makikipiling
akong muli sa mga pariseo?--ang tanong ni Hesus na namutla.
--Oo
sa piling nila uli! Kung iniwan mo sanang nakasulat ang mga batas at mga
pangungusap mo, kung ikaw sana'y nagpahayag nang lalong maliwanag at tandisan,
disi'y hindi ka dinaya ng iyong mga mananalaysay, hindi sana binago ang
kahulugan ng iyong mga aral at hindi sana pinagmalabisan ang iyong
kapangyarihan! Gaanong mga pagtatalo, gaanong mga pagkakaalitan, gaanong mga
digmaan at mga pag-uusig ang sana'y natipid mo sa sangkatauhan at kay bilis
sana ng kanyang pagkakaunlad!
Iniyuko
ni Hesus ang ulo at nagbulalas ng isang buntung-hininga.
--Nguni't
wala kang dapat ikatakot--ang may katamisang dugtong ng Amang Walang
Hanggan:--ngayon ay lalayo sa iyo ang kalis ng pasakit, sapagka't sa dahilang
lalo kang magiging maingat ngayon sa pagkagunita sa nakaraan, ay sisikapin mong
dumaan nang hindi napapansin at iiwasan mo hanggang maaari ang pagkakalapit sa
mga pariseo at eskribas. Hindi na kakailanganing ipanganak ka ng isang inang
birhen , bagay na maahirap mangyari doon, sapagka't ayon sa sabi'y isang kasalanan
daw ang magkait ng tungkulin sa asawa…Hindi na rin kailangang pugutan ng ulo
ang labing-apat na libo, bagkus nararapat dumating ka roon nang buo na ang
pagkatao, may gulang na at ganap nang tao, sapagka't kung ikaw ay ipanganganak
doon at doon ka mag-aaral ay lalaki kang mangmang, magiging timawa at
mahihirapan ako nang gayon na lamang upang ikaw ay mapatino. Buong ingat na
iwasan mo ang pakikipagtalo sa mga pantas sa kanilang batas, sa dahilang walang
salang hindi ka nila pahihintulutang makaalis nang buhay, at ikaw ay tatawaging
pilibustero; iadya ka nawa ng Diyos sa pagpapaalis sa templo sa mga
nagtitinda't mga mangangalakal, sapagka't ikawa ay isusuplong at isasakdal, at
higit sa lahat ay magpakaingat kang huwag tumawag ng ahas at lahi ng mga ulupong
sa libu-libong pariseong matatagpuan mo roon. Hayo na, pumanaog ka na
nga,--alang-alang sa pag-ibig sa sangkatauhan, alang-alang sa kabunyian ng
iyong ngalan, at upang huwag makasama sa mga tao ang pagpapakahirap na tiniis
mo, maging matiisin ka, maging mabait ka, maging mapagmatyag ka!
At
ang Walang Hanggang ay bumaling kay San Pedro, na kararating lamang, at nagsabi
sa kanya:
--At
ikaw, sa dahilang pinabayaan mong makapasok sa kaharian ko ang napakaraming mga
tulala at walng kaluluwa na nangangailangan muna ng mga dantaon ng paglilinis
at pagdurusa dahil sa kasalanan, sa dahilang naging pabaya ka sa pagbabantay sa
pintuan, ikaw ay babalik sa lupa.
Napasigaw
si San Pedro at nanikluhod.
--Nguni't
Panginoon, ako po'y abalang-abala sa pagtatala ng mga indulhensiya!--anyang
pinagdaop ang mga palad.
--Babalik
ka sa lupa at sasamahan mo si Hesus sa kanyang pangingibang bayan --ang patuloy
na nagmamatigas ng Walang Hanggan. --Pinahintulutan mong mag-iwan ng iyong mga
kahalili sa lupa, na nangagpapanggap na mga kahalili ni Hesus; kaya nararapat,
kung gayon, na ikaw ay paroong kasama niya sapagka't sa ngalan ninyo'y ginagawa
roon ang lahat ng pagmamalabis!
Walang
nagawa ang dalawa maliban sa itungo ang ulo at pagkatapos na matanggap ang
bendisyong maka-ama, ay malungkot na nagsilayo.
--Panginoon--ani
San Pedrong tumatangis kay Hesus--ngayo'y hindi na tayo makaliligtas! Wala
kayong kaalaman kung paano inaayos ang mga bagay-bagay sa Pilipinas, ako po'y
oo, mayroon akong balita. Kung bagaman si Pilato'y naghinaw pa ng kamay,
datapuwa't sa Pilipinas, ang mga kamay ay sadyang dinurumhan. Nang kayo'y ipako
ng mga hudiyo sa kurus, ay hindi nila inusig ni ang inyong ina, ni ang inyong
mga kamag-anak, ni kahit na ang inyong mga alagad nguni't, Guro, sa Pilipinas,
naku! Sa Pilipinas…! Doon sa Hudea, noong kayo'y nagpapasan na ng kurus ay
nagpamalas pa sa inyo ng habag ang mga babae, datapuwa't sa Pilipinas, hindi pa
kayo isinusuplong ay itinatakwil na kayo upang sila'y huwag maging
kahina-hinala! Sa aba ko! Ay! ay!
--Tapang,
Pedro, tapang! Tayo ang may sala. Iniwan mo ang mga susi roon sa lupa, at ako
nama'y gumawa ng isang paglalaro ng mga salita tungkol sa iyong ngalan nang
itatag ko ang aking iglesiya, at ito'y magtuturo sa aking huwag gumamit ng
anumang calambours (kamusmusan) kapag ang pinag-uusapa'y mabibigat at
mahahalagang bagay!
IV
Habang
nalalapit sila sa lupa'y lalo't laong nagiging malungkot at mapag-isip si
Hesus. Ang kanyang pagmumukhang lalaki'y nababalot ng hapis at masasabing ang
gabi'y bumababa sa kanyang mukha. Ang lupang yaong naging sanhi ng pagbububo ng
kanyang dugo upang mapangaralan ng pag-ibig ay natagpuan niyang nagugumon sa
gayon ding kasamaang asal na gaya ng dati at kaipala'y lalo pang masahol;
pagtangis, pagluluksa't kawalang-pag-asa sa isang dako; mga mapag-imbot na
halakhak at masasayang panlalait sa kabilang dako; at saanmang dako, ang
sangkatauhang kaaba-aba't walang kasiyahan na pinaghihirap ng di-matapos na
damdamin. Gaya ng dati, ang maralita'y inaapi ng masalapi; ang mahina'y supil
ng malakas; mga batas para sa mga dukha, mga tungkulin para sa mga taong
nagdarahop; datapuwa't para sa mga mayayaman, para sa mga makapangyarihan, ay
mga karapatan at mga tanging biyaya. Sa ibabaw ng karagatang ito ng kaabaan at
luha ay nakita niyang lumilitaw na parang mga di-karaniwang pulo ang
mangilan-ngilang mukhang nakangiti at tahimik, na buong pagkahapis na
lilingus-lingos sa kanilang paligid, nguni't ang mga alon sa paligid-ligid ay
umaangal na nagngangalit, nagpapatilamsik sa kanila ng mga bulang mapapait, sa
kanila'y nagpaparusa, nanlalait, dumurusta at sa gitna ng pagsisigawan ay
naririnig ni Hesus na sinasambit ang Kanyang pangalan.
--Kakila-kilabot!--ang
sigaw ni Hesus na nagtakip ng kanyang mukha.--kakila-kilabot! Kay raming mga
pagdurusang walang kabuluhan, kay raming pagpapakahirap na walang
kasaysayan…Lalo pa sanang naging kapaki-pakinabang kung ang sangkatauha'y
pinabayaan kong tumubos sa kanyang sarili, sa pamamagitan ng paglinang ng
kanyang mga katutubong lakas at ng maliliwanag na titis na ipinagkaloob ng
Walang Hanggan! Sapagka't kung nakaya ng taong tuklasin ang napakalalalim na
lihim sa madilim na sinapununan ng kalikasan at ipahayag ang maka-diyos na
batas nito, sa anong dahilan at hindi niya matutuklasan at mapagniningning ang
binhi ng mabuting kaasalang itinanim ng Diyos sa kanyang budhi at puso? Lalo pa
bang madali ang pagsisiyasat sa mga kakanyahan ng metal na nakabaon sa pusod ng
lupa kaysa mga kahingian ng budhing nakikipag-usap sa atin sa lahat ng oras?
Ano ang kinahinatnan ng aking ginawa, ng aking pagpapakasakit at kamatayan?
Kaya ba ako nagtiis ay upang ang ngalan ko'y magpatibay sa kawalang matuwid,
uminis sa mga budhi't magpadilim sa pang-unawa?
Halos
hindi makasunod si San Pedro sa kanyang Guro.
--Panginoon,
anya-- tayo'y nalalapit na…nguni't ano ang nagyayari sa inyo, Guro, at ang
inyong noo'y puno ng dugo? Tumatangis kayo at ang inyong mga luha'y
dugo…Masasabing kayo'y muling nasa Hetsemani.
Malungkot
na umiling si Hesus.
--Harinawang
wala akong ibang damdamin kundi ang mga hinagpis ng kamatayan-- ang kanyang
tugon.--Makalilibo pang mamabutihin ko ang kamatayan, ang libu-libong Hetsemani
kaysa pasakit na nagpapahirap sa akin ngayon. Kapag ang isa'y namamatay
alang-alang sa pag-ibig o sa pananalig na sa kanyang pagkamatay ay makagagawa
ng isang kabutihan , ang kamatayang iya'y nagiging isang kaligayahan.
Datapuwa't kapag ang kasunod ng kamatayan, kassunod ng mga paghihirap ay
dumarating ang pagkabigo…ay! na hindi ko magawang ako'y mauwi ngayon sa wala,
magkaluray-luray ang aking sarili, mawasak ang aking budhi upang huwag nang
makita ang mapanirang bunga ng aking ginawa. Naparito ako sa lupa na parang
liwanag, at kinasangkapan ako ng tao upang yao'y balutin ng karimlan; Naparito
ako upang aliwin ang mga dukha, at ang aking relihiyo'y may mga biyaya't
pagtingin lamang sa mayayaman; Naparito ako upang iguho ang pamahiin at sa
aking ngalan ay sinupil at inatasan ang mga lalawigan, kaharian, lupalop, at
mga lipi'y inalipin at napawi. Naparito ako upang ipangaral ang pag-ibig, at sa
aking ngalan, dahil sa walang kabuluhang pagtatangi-tangi, dahil sa
pagdudunung-dunungan ng mga tamad, ang mga tao'y naglalaban-laban at pinuno ang
lupa ng kamatayan at pagkakawasak, at pinapaging banal ang katalampasanan sa
pamamagitan ng kabantugan ng kadiyusan! Kakila-kilabot, katawa-tawa, kamaliang
walang kasinglaki, kagulat-gulat na paghamak!
At
tumangis si Hesus nang buong pait at kadalamhatian.
--Kung
matuwid --ang kanyang idinugtong-- kung katungkulan kong tubusin muli ang
sangkatauhan sa banging kinahuhulugan niya, at ako'y magtiis ng makalilibong
kamatayang lalo pang malupit kaysa naging kamatayan ko, hindi ako dapat
matakot…Lumayo ka sindak; sukat na ang pagkatakot; ngayo'y hindi ang pag-ibig
lamang, kundi ang pag-ibig, ang tungkulin at ang katuwiran ang siyang
magbubunsod sa akin sa pagpapakasakit…!
--Ano
po, Panginoon, iniisip ba ninyong papakong muli sa kurus?--ang tanong ni
Pedrong nanginginig.
Si
Hesus na walang hinaharap kundi ang kanyang pagninilay-nilay ay hindi sumagot.
Malapit na sila sa Pilipinas, nababanaagan na nila ang matataas na bundok na
nakaputong sa mga pulong namumukod sa ibabaw na kumikinang na tubig, na
kumikislap sa tama ng mga liwanag ng bituin; sa malayo'y natatanaw nila ang
namumula-mulang palong ng isang bulkan na parang isang bahid ng dugo sa ibabaw
ng sawimpalad na lupang yaon. Sa dakong Silanganan ay nagsisimula nang sumungaw
ang banaag na tagapagpahiwatig ng bukang-liwayway.
Si
San Pedro, na nababalisa sa hawig na tinutungo ng mga pasiya ng kanyang guro,
ay nasisindak sa pagpasok sa Pilipinas, kaya't sinamantala ang pagkakataong
dumaraan sila sa isang pulong hindi nauukol sa kapuluan, at nagsabi kay Hesus:
--Guro,
tila nararapat tumigil muna tayo sa pulong ito upang makapaghanda at tumalaga
sa mapanganib na paglalakbay na ito. Kinakailangang malaman muna natin ang
kalagayan ng labangang iyan, at gaya nang kayo'y mag-ayuno ng apatnapung araw
at apatnapung gabi bago makiharap sa mga hudiyo, ay magparaan muna tayo rito ng
tatlong buwan sa dahilang para sa mga pilipino, ang lahat ng pag-iingat ay
kakaunti.
Binalak
ni San Pedrong libangin ang kanyang guro o maipagpaliban man lamang kaya ang
pagpasok sa Pilipinas. Si Hesus, na ang buong pinagkakaabalaha'y ang kanyang
pagninilay-nilay ay nagpabayang siya'y akayin ni San Pedro, na nagsamantala sa
pagkakatong ito upang dalhin ang kanyang guro sa nasabing pulo at sila'y bumaba
sa isang ilang na pook na di-lubhang malayo sa kabayanan. Gumuguhit na ang
bukang liwayway at ang mga bagay-bagay ay nagsisimula nang mapagmalas-malas,
mapuputi, parisukat na maraming durungawang parang mga bahay-kalapating
pinagbai-baitang sa paa ng bundok na siyang bumubuo ng pulo.
Yamang
kinakailangang hubdin nila ang mga kautusang makalangit para sa paglalakbay na
isasagawa, ginamit ni Hesus ang kanyang talino, upang ang kanyang balabal ay
magawang isang ternong matingkad na bughaw, na may wastong tabas bagama't di
naman sunod sa mga kautusan ng moda. Inahit ang kanyang balbas, pinutol ang
buhok na mahaba, at upang magkaroon ng lalong pagkahawig pilipino, ay inihukot
ng bahagya ang katawan na parang isang taong nahirati na sa pagsunod at
pamanginoon. Kung siya'y makikita sa gayong pagbabagong anyo ay
masisinungalingan, kahit na ang di-pagkakamali ng papa, at ang pinakamabuting
maaakala sa kanya'y isang pilipinong buhat sa isang mabuting angkan na
naglalakbay upang magliwaliw.
Sa
ganang kanya naman, inakala ni San Pedro na sa dahilang narinig niya sa langit
na ang mga insik ay siyang lalong mabuti ang kabuhayan sa Pilipinas, ay inakala
niyang lalong mabuti at kapaki-pakinabang na siya'y tumulad sa insik, at gayon
nga ang hiniling niya sa Guro; nguni't naging napakasaliwa ang kanyang palad,
sa dahilang siya'y upaw at mangilan-ngilan lamang ang natitirang buhok na hindi
matitirintas, kaya't siya'y nagmukhang insik na panot. Nag-iwan ng ilang buhok
upang gawing bigote; ang kanyang balabal ay ginawang salawal na maluwang at ang
kanyang balabal ay ginawang barong insik; sa ganito, ang asta niya'y naging
lubhang kakatuwa, na kung di sa malabis na kapormalan ni Hesus ay napahalakhak
na sana.
Pumasok
sila sa lungsod na nagsisimula nang sumigla. Ang mga bagay ay nagigising na at
ang mga lansangan ay napupuno na ng mga utusan, manggagawa, mamamangka,
mandaragat na ang karamiha'y mga insik. Nabatid ni San Pedro, na dahil sa
kanyang kasuutan at tinirintas ay nagkaroon ng biyayang makapagsalita ng insik,
na sila'y nasa isang daungang insik na tinatawag na Biktoria dahil sa ito'y
pinamamahalaan ng mga kampon ng reyna ng Inglatera.
--Masama
ang ating binabaan--ani San Pedro--tayo'y nasa bansa ng mga insik, at bukod
dito'y pinamamahalaan ng mga protestante.
At
idinugtong pa sa kanyang sarili--Iniwasan namin ang ulan at kami'y lumagpak sa
dagat.
At
si San Pedro na lubhang nahahapis at nababalisa hinggil sa kanyang kapalaran,
ay lumalakad na sa kanyang loob ay tinutungayaw ang kanyang naisipang pagpanaog
sa pulong yaon. Ang Pilipinas, bansa ng mga kristiyano, ay nakikilala na niya,
at kahit na maging masama ay lalong mabuti na ito kaysa mabuting kikilalanin
pa.
Si
Hesus, na lumilingap-lingap sa lahat ng dako na parang may hinahanap, ay
nakapansin ng ilang malalaking gusaling magkakawangis, iisang anyo ang
pagkakayari, at inakala niyang ang mga yao'y mga pagamutan marahilo kaya'y
isang gusaling bayan sa pagkakawang-gawa, datapuwa't sinabi ni San Pedro, na
may masamang pagkakakilala sa mga ingles at insik, na marahil ay mga kuwartel
iyon; inakala niyang hindi mangyayaring makagawa ng ibang bagay ang mga taong
iyong walang pananampalataya. At upang malutas ang kanyang pag-aalinlangan, ay
lumapit sila sa isang binata, na mukhang mestiso, at nagtanong:
--Sa
mga paleng dominiko!--ang tugon ng binata.
--Sa
mga paring dominiko!--ang namamanghang ulit ni San Pedro--Guro, ang mga bahay
na ito'y pag-aari ng mga anak ni Domingo.
Nakatungangang
pinanood nilang dalawaang gayon karaming mga bahay, at namangha sila sa
kainaman ng mga ito.
--Si
Domingo, na nagpapaniwala sa ating ang mga anak niya'y may panata ng
pagpapakarukha!--ang ulit ni San Pedro.
--Huwag
kang magtaka, Pedro-- ani Hesus--Kung ako'y hindi nagkakamali, sila'y may mga
misyon sa Tsina; marahil ang gawai'y napakalaki at kinakailangang tumira rito
ang libu-libong misyonero upang mapapaging Kristiyano ang mga tagarito.
Nagpatuloy
sila ng paglakad, at nakita nila ang isa pang mahabang hanay ng mga bahay, na
hindi man malalaki, ay mabuti naman ang pagkakayari.
--Walang
salang ang mga ito'y siyang mga kuwartel--ang sabi sa sarili ni San Pedro, at
nagtanong sa isang tao kung ang mga bahay na yao'y mga kuwartel nga.
--Sa
mga paleng dominiko! --ang tugon ng pinagtanungan.
--Aba!--ang
bulalas ni San Pedro--at yaong mga natatanaw ko sa dako roon, na ang kulay ay
puti't pula?
--Sa
mga pali lin! Lahat-lahat ito sa pali -- ang isinagot ng taong
nagkukumpas at itinuturo ang maraming lansangan. --Mga pali malaming bahay
lito sa laang ito, sa laang yan at sa iba pang laang.
--Aha!
Aha! Kung gayo'y maraming dominiko rito.
--Hini,
dalawa lang.
--Dalawa
lamang? At sinu-sino ang tumitira sa mga bahay na iyan?
--Mga
insik.
--Ang
mga insik?, mga kristiyano sila, hindi ba?
--Hini!
--Paano? ang mga insik na hindi
binyagan ay nakatira sa mga bahay na ipinatayo ng mga katolikong dominiko?
--Oo, insik mayad-mayad mabuti sa
mga paling dominiko, malaming pela at malaming milyon sa mga bangko at
aksiyong…
--At paano silang naging napakayaman?
Masipag ba sila sa paggawa, nagbubungkal ba sila ng bukid? Sila ba'y nag-aabala
sa industriya?
--Hini!
--At saan sila kumuha ng napakaraming
salapi upang makapagpatayo ng napakaraming bahay?
--Sa Pilipinas. Migay-migay sa
kanila ang mga indiyo ng malaming salapi!
--Kung gayo'y ang mga indiyo sa
Pilipinas ay napakayayaman?
--Hini, totoo pulubi! Tila sila sa maliit
na kubo.
--Pulubi, kung gayo'y hindi ko
nauunawaan! At ang mga Dominiko'y nagpapatayo ng mga bahay para sa mga insik na
hindi binyagan sa pamamagitan ng salapi ng Pilipinas, samantalang sa Pilipinas
ang mga kristiyano'y nakatira sa mga abang kubo.
--Oo.
Lumapit si San Pedro sakanyang Guro
upang ipagbigay alam ang kanyang mga pag-aalinlangan, nguni't ito'y nakita
niyang nagninilay-nilay nang napakalalim.
Natatanaw ni Hesus, buhat sa pook na
kanyang kinaroroonan ang patyo ng isang malaking gusaling nasa malayo. Doo'y
maraming taong nakabihis nang magkakaparis at ang kanilang ginagawa'y angatin
at ilagpak sa lupa ang ilang bolang tila may kabigatan. Mayroong isang wari'y
namamatnugot sa gayong gawain.
--Yao'y isang bilangguan--ang wika sa
ingles ng isang taong pinagtanungan ni Hesus.--Doon dinadala ang mga
naparusahan, ang mga magnanakaw, mga manghuhuwad, mga mandarahas, mga mamamatay
tao. Yaong nakita ninyo'y isa sa mga gawaing ipinarusa sa kanila; may ilan pang
ibang gawain, gaya ng gawin ang himaymay ng abaka, paikutin ang isang gulong,
at iba pa.
--At ang mga sawimpalad na iyo'y mga
di-binyagan bang lahat?
--Hindi, sa kanila'y may mga
kristiyano, mayroon ding mga ingles, sapagka't dito'y walang pagtatangi-tanging
ginagawa sa mga salarin: doo'y may mga taong nagsipaghawak ng matataas na
tungkulin sa mga bayang sakop natin.
--At ang inyong karangalan--ang tanong
ni San Pedro--hindi ba kayo marunong mag-ingat ng inyong karangalan, gaya ng
mga kastila sa Pilipinas?
--Ang aming karangalan ay wala sa aming
pagmumukha kundi nasa aming tuntunin ng mabuting-asal--ang itinugon ng insikna
hindi man lamang minarapat na tumingin kay San Pedrong nakabihis insik.
Sumang-ayon si San Pedro na sa anu't
anuma'y maaaring magkaroon ng katuwiran ang ingles sa lalong pagpapahalaga sa
karangalang nababatay sa kabutihang-asal kaysa sa kabunyiang nababatay sa lahi,
daatapuwa't sinabi niyang lubhang ipinagmamayabang at lubhang
ipinangangalandakan ng ingles ang kanyang pamamaraan, at nararapat na iyo'y
makilala nang lalong mabuti ng mga pilipino sa dahilang, una, ang mga ito'y mga
katoliko at ikalawa, dahilang doo'y nagtatamasa siya ng sapat na kabunyian.
Nagpatuloy sila sa kanilang paglalakad
at pagmamatyag at napansin ni San Pedro, sa malaki niyang pagtataka, na
bagama't sila'y nasa bansa ng mga di-binyagan, ay maaaring makapaglakad nang
walang panganib; walang mga karwaheng sumasagasa sa mga naglalakad; ang mga
ingles ay hindi namamaslang sa mga insik; ang mga pulis ay hindi nagnanakaw sa
mga maralita ni gumagambala sa mga ito, at kung may sinumang pagkayaman-yaman
at pinagpipitaganan , na nagmalabis sa isang aba, siya'y dinadala sa isang
hukuman, doo'y hinahatulan sa loob ng ilang sandali't walang maraming
kasulatan, at hindi pinagugugol ang nagsusumbong, hindi siya pinagyayao't dito
sa iba't ibang tanggapan, hindi pinag-aaksaya ng panahon upang ang kalabasan ay
bukod pa sa paluin ay maging biktima pa ng kung mga anu-anong takda ng
pangasiwaan. Kaya't si San Pedro, na tinatakasan na ng kanyang pangamba, ay
sumasang-ayon na sa pamamahala sa pulong iyon, at nagnanasang manirahan nang
patuluyan doon kaysa paroon sa Pilipinas, at dahil dito'y maamo niyang
iminungkahi kay Hesus na Panginoon natin.
--Guro, hindi ba lalong mabuting tayo'y
manuluyan sa isang bahay dito upang kayo'y makapagparaan ng apatnapung araw na
pag-aayuno?
--Bakit mag-aayuno?--ang itinugon ni
Hesus na nakahula sa binabalak ni Pedro. --Kinakailangan ko ang lahat ng lakas
ng aking katawan at kaluluwa, kinakailangan kong ang aking buong pagkatao'y
mag-angkin ng ganap na kaayusan upang makipagbaka sa kahirapan ng ating
layunin…Bakit mag-aayuno? Ang aking katawan, na ipinaglihi n g walang bahid na
kasalanan, ay hindi kaaway ng aking kaluluwa upang siya'y aking panlupaypayin.
Naunawaan ni San Pedro ang
pagkamatuwiran ng tugon.
--Gayon pa man, Guro--ang pakli
niya--hindi kalabisan na tayo'y tumigil muna dito upang mapag-aralan ang
kalagayan ng bansang dadalawin natin. Maaari tayong makituloy sa mga dominiko,
na marami ang bahay, sapagka't ayon sa aking nakikita, ang parang dito'y hindi
maaaring tirhan.
Sumang-ayon si Hesus sa panukala ni San
Pedro, at matapos na maipagtanong kung saan nakatira ang mga dominiko, ay
tumungo sila roon.
--Marikit na gusali!--ang bulalas ni
San Pedro, nang makita niya ang kumbento o palasyong ginagamit na
pinakatanggapan ng dalawang prayle--Natitiyak ko, Guro, na tayo'y patutuluyin
dito nang walang bayad, at tayo'y pakikitunguhan na parang mga kapatid.
Sa kasawiampalad ay dumating sila sa
isang napakasamang pagkakataon. Ang prayleng prokurador ay natalo nang araw na
iyon ng isang pilipino sa isang usaping ang naging sanhi'y isang maliit na
suliranin tungkol sa sahod na ayaw bayaran ng dominiko; inakala nito na
mapapanaig ang kanyang nais kung kakasangkapanin niya ang kayamanan ng kanyang
orden, at ang usapi'y nakarating sa matataas na huhuman ng bansa bagay na
nagbigay ng malaking alingasngas. Datapuwa't hindi natakot ang mga hukom na
ingles, at naggawad sila ng katarungan; at ang dakilang prayle'y hinatulang
magbayad ng utang niya, ayon sa batas at sa karapatan.
Dahil dito'y may sumpong siya nang araw
na iyon, at nang ipagbigay-alam sa kanya ng utusan ang mga dalaw at ang layunin
ng mga ito, sa pag-aakalang ang mga dalaw ay pilipino, ay ipinagtabuyan sila ng
buong paghamak, at sinabing ang tanggapan ng Prokurador ay hindi natatalaga
para sa mga pulubi, at kung sila'y walang maibabayad sa isang bahay ay manatili
sila sa lansangan. Hindi maparam kay San Pedro ang kanyang pagtataka; hindi
mapag-alinlangang lahat ay lumalabas nang pabaligtad; inakala niyang masama ang
lungsod at ito'y natagpuan niyang malaya; inakala niyang magandang loob sa
pagtanggap sa nanunuluyan ang mga prayle at ito'y natagpuan niyang malulupit at
maramot. Si Hesus naman ay nalulungkot lamang at lalong malalim ang
pagbubulay-bulay.
Silang dalawa'y nagtungo sa isang otel
at doon sila nanuluyan, at habang naghihintay ng isang sasakyang-dagat na
patungo sa Pilipinas, sa halip na magparaan ng mga araw sa isang ilang o
sa pag-iisa, at sa dahilang nararapat silang mamuhay sa gitna ng mga buhay at
ng mga baya't lungsod, ang hinarap nila'y ang pag-aaral ng mga kaugalian sa
lupa, at naglakad sila araw-araw sa mga lansangan at kumuha ng mga mahahalagang
tala:
Nagkataong sa lungsod ng Biktoriya, ay
napag-alamang may isang dayuhang mahiwaga, kaipala'y isang anak ng mga raha na
naglalakbay nang di-napakilala, na naroroon sa kabayanan at gumagawa ng isang
pag-aaral at kumukuha ng mga tala, upang pagkatapos ay tumungo sa Kapuluang
Pilipinas at pag-aralan angbayang iyon. Ang balita'y nakatawag ng kalooban ng
mga naninirahan sa Biktoriya na may kinalaman sa Kapuluan, lalo na ng mga
korporasyon ng mga prayleng may malalaking pag-aari roon at ninanais nilang
mapanatili, anuman ang mangyari, ang kanilang mabuting pangalang
pinag-aalinlanganan at sa maraming pangyayari'y napanganyaya.
Sa gayon, ang nangyari isang umaga,
samantlang si Hesus ay nagdidilidili sa kanyang silid sa otel ay tumanggap siya
ng pagdalaw ng isang maginoong may kilos na lubhang malumanay, mga salitang
napakatamis at magalangin sa bawa't hakbang.
--Ipagpaumanhin ninyo--ang sabi ng
di-kilala--na ako'y humarap sa inyo sa ganitong ayos at marahil ay makagambala
sa inyo, nguni't narinig kong binabalak ninyong pasa Pilipinas upang
makapagliwaliw…upang mapag-aralan iyon marahil…sanhi marahil sa isang utos ng
pamahalaan…o marahil ay upang sumulat ng isang aklat…
Ang di-kilala'y ngumingiti, nguni't si
Hesus ay nagpapailing-iling ng kanyang ulo sa anyong alanganin, na anupa't
hindi naaring maunawaan ng di-kilala ang bagay na binabalak gawin ng
manlalakbay.
--Yamang nakikilala namin ang bansa--
ang patuloy ng di-kilala at kami'y maraming kaibigan at kapanalig
doon…kami…………………….ay iyong kabutihan!
--At ikaw, o Maykapal, natalong Diyos
ng aking mga ninunong mangmang, ikaw na tumakas dahil sa karuwagan nang
dumating ang mga agustino't ibang prayle, ikaw ay pinasasalamatan ko dahil sa
mga matipunong kalamnang ipinagkaloob mo sa akin upang ipagdiwang ang mga
kaiga-igayang bagay na nilikha ng Diyos ng mga malalakas, ang iyong panginoo't
mananalo! Ang mga ninuno ko'y hindi naging matapat sa iyo, nguni't ngayon ay
naipaghiganti ka na sa kanilang karuwaga't kapabayaan! Kung ikaw ay maaaring
makakuha ng pasaporte at ninanasa mong dumalaw sa dati mong kaharian , iyan ay
gawin mo at ikaw ay makakakita ng mga bagay na lubhang hindi pangkaraniwan. Ang
Tikbalang at ang Tiyanak, ang mga dati mong kasama, ay naroroon pa at kami na
rin ay hindi nakaunlad kahit na isang hakbang sa relihiyon; makikilala mo agad
ang mga apo ng mga sumasamba sa iyo, at kung ikaw ay may bahagyang pagkatuso at
ninanasa mong gumawa ng mga kababalaghan, ay maaari mong matamong muli ang
iyong kaharian. Maykapal, Maykapal, Diyos na walang kaya't walang kabuluhan,
patigilin mo ang aking pagtawa, isauli mo sa akin ang pagtangis!
--Masama ang aking pagkasimula--ani San
Pedro.
Sa dahilang ang karamihan ng mga bahay
ay pag-aari ng mga dominiko, inakala nilang walang kabuluhang pagpapagod ang
paghanap ng matitirhan at ipinasiya nilang sumakay na patungong Pilipinas.
--Bakit mo kami hinihingan ng
pasaporte? --ani Skunuk (Schuch) --ako'y isang Pilipino, at upang makabalik sa
Pilipinas ay nangangailangan pa ba ako ng pasaporte? Kailan pa naging
kailangang humingi ng kapahintulutan ang isang tao upang makapasok sa sarili
niyang bahay?
Sinabi ng Kapitan na yao'y ipinag-uutos
ng pamahalaan at kailangang humingi ng pasaporte ang ating mga manlalakbay: ang
naging halaga nito kay Skunuk at tatlong piso't isang salapi, at kay San Pedro,
sa dahilang ito'y insik, ay labing-anim na piso. Hindi magkasiya sa galit si
San Pedro.
--Guro, hindi ganito ang daigdig ng
kapanahunan natin! Noon ay lalong maykalayaan, higit na pagkakapatiran sa mga
bayan-bayan! Hindi ba sinabi ninyong silang lahat ay pawang anak ng iyong ama?
--Siyang tunay, Pedro, sinabi ko nga
ang gayon nang paulit-ulit, at maanong hindi ko sinabi iyon kailanman! Yao'y
inuulit ngayon ng ilan, nguni't ang lalong mabuti'y itangi ang iba.
--Masama ang simula ng ating
paglalakbay, Guro, masamang pasimula!--- ang bulong ni San Pedro habang
sumasakay sa bapor.
Isang magandang umaga nang sila'y pumasok
sa look ng Maynila.
Si San Pedrong nalula ng gayon na
lamang sa paglalayag ay hindi magkasiya sa tuwa nang magunitang sa wakas ay
aahon na sila buhat sa sasakyan. Ang dagat ng Tsina'y ibang iba sa nakita niya
sa Galilea. Hindi minarapat ng kanyang Guro na gumawa ng anumang himala upang
patahimikin ang mga alon.
Kaya nang mabanaagan ang lungsod buhat
sa malayo ay naging matabil siya at kipkip ng isang bisig ang isang manok na
tataliin ay ginagambala ang lahat sa kung anu-anong itinatanong.
--Anong gusali iyong natatanaw natin sa
kaliwa, may dalawang tore na parang kuta, gaya ng sa mga kastilyo ng
peudalismo, o ng taguan ng mga tulisan sa Samarya?
--Ang simbahan ng Santo Domingo!--ang
tugon ng marino. Halos nabitiwan ni San Pedro ang kanyang manok.
--Simbahan! Santo Domingo!--ang ulit
niyang namamangha--si Domingo'y nagsasa-panginoong puedal dito, at kami sa
langit ay naniwala pa namang siya'y napaka…Walang pag-aalinlangang marami
siyang kayamanang itinatago roon!
--Marami? Ba, tao pala kayo!-- ang
itinugon ng marino--Sila'y hindi napakahangal na iiwan sa simbahan ang kanilang
salapi. Itinatago nila iyan sa ibang pook.
--Nguni't paano sila nakapagkamal ng
gayong napakaraming kayamanan? --ang usisa ni San Pedro.--Masipag ba sila sa
paggawa? Nagbubungkal ba sila ng lupa? Sila ba'y may mga industriya? Dapat
silang mamatay sa paggawa, sapagka't upang maging mayaman…kung hindi ako
namamali'y sinabi sa akin ni Domingo na ang mgaa anak niya'y may panatang
magpakarukha!
Ang marino, na hindi nakaunawa sa
sinabi sa kanya ay hindi kumibo.
--At ang habong na iyon, ang bubong na
pabilog na iyon at malaki, na natatanaw natin sa dakong kanan, ano iyon?
--Ang katedral ni San Pedro!
--Ano?--ang naibulalas ni San
Pedro--ano, anong ngalan ang sinabi mo?
--San Pedro!
--Ang aking katedral, akin, akin,
pag-aari ko! At akin, na hindi ko man lamang nalalaman. Wala, walng sinasabi sa
akin ang mga galawgaw na nanggaling sa lupa. Nguni't ako'y nagagalak, nagagalak
ako!
At sa pagnanasang makaalis siya sa
sasakyang dagat at sa pagkalimot sa kanyang mga pag-iingat laban sa Pilipinas,
ay gumayak na umahon. Datapuwa't siya'y pinaalalahanan ng isang marinero na
nararapat munang maghintay ng pagdalaw, na sadyang ipinag-uutos at maghintay ng
kapahintulutan ng mga maykapangyarihan upang makaahon at makapasok.
--Nguni't may kapahintulutan na
ako--itinugon ni San Pedro.--May pasaporte na akong binayaran ko ng labing-anim
na piso.
--Walang kakabu-kabuluhan iyan!
--Bakit wala? Nang kami'y dumating sa
Biktoriya, na isang bayang sakop, ay hindi kami nangailangan ng kapahintulutan
ni ng pasaporte, gayong yao'y isang bansa ng mga insik at di-binyagan!
--Iyang-iyan din nga ang dahilan,
nguni't ito'y isang bansa ng mga katoliko!
--Dahil din diyan; ang lahat ay
tinatawag na kapatid ng mga katoliko!
--A!--ang naibulalas ni San Pedro, at
bagama't hindi niya nauunawaan ay napahinuhod na siya.
Pagkaraan ng dalawang oras na
paghihintay, sa dahilang ang dadalaw ay nakikipagmasarapan pa sa
pakikipagsatsatan sa kanyang mga kaibigan, ay dumating ang lantsa ng Kapitanya,
upang ipagbigay-alam sa kanila na sila'y ikukuwarentas sa Maribeles.
--Ano? Bakit kami ikukuwarentas?--ang
nagngangalit na tutol ni San Pedro.
--Oo, sapagka't nanggaling tayo sa pook
na marumi.
--Nguni't hindi ba sinabi mo sa akin
nang tayo'y naglalayag na lalong malinis ang maraming lansangan sa Biktoriya
kaysa mga lansangan sa Maynila?
--Hindi iyan ang pinag-uusapan--ang
tugon ng marino-- ang dahila'y may kolera sa Biktoriya.
--A, gayon pala!; datapuwa't hindi ba
sinabi mo rin sa akin na may kolera sa Maynila; at iyon ang ikinamatay ng iyong
asawa, at hindi siya ipinalibing ng mga kura sa dahilang namatay nang hindi
nagkumpisal? Kung gayo'y bakit pipigilin ang ating pagpasok?
--Sapagka't kailangang tumupad sa mga
kautusan. Dito'y mahigpit na ipinatutupad ang mga kautusan, nauunawaan mo ba?
--A!-- ang muling naibulalas ni San
Pedro, nang hindi naunawa ngayon nang higit sa nakaraan.
--At sabihin mo nga sa akin, titigil ba
kayo, kung gayon, ng apatnapung araw sa Maribeles?
--Hindi, tao pala kayo, tatlong araw
lamang.
--Kung gayo'y sinasabing kuwarentena
-- apatnapu?
--Sapagka't ang kuwarentena ay
nangangahulugan ng isa, dalawa, o tatlong araw!
--A! Datapuwa't ang aking pasaporte,
ano ang kahulugan nito? Hihingin kong isauli sa akin ang labing-anim na pisong
ibinayad ko, ako'y tututol!
--Sst! Ang mga insik ay hindi
nagsisitutol.
Naalala ni San Pedro na ang mga insik
ay hindi nagsisitutol, at nagbubuntung-hiningang namanhik sa kanyang Guro na
siya'y gawing ibang naninirahan sa lupa.
--Datapuwa't Pedro, at ang iyong
pasaporte? Natatandaan mong ipinagbilin sa atin ng Amang Walang Hanggan na
iwasan ang pakikipag-usapin sa mga maykapangyarihan dito.
Sinumpa ni San Pedro ang sandaling
ikinapag-isip niyang mag-sainsik at pagkaraan ng tatlong araw na
pagkakakuwarentenas sa Maribeles, ay ipinagbigay-alam sa kanilang maaari nang
pumasok sila sa Maynila. Nguni't ang lahat ng mga bungang-kahoy niya'y nabulok
at ang kanyang kalakal ay napanganyaya.
--Ba! Ang sabi niya sa
sarili--ipagbibili natin ang mga panyong seda.
Datapuwa't ang kabo ng mga guwardiya'y
hindi pumayag na si San Pedro'y makababa nang hindi muna nasisiyasat ang maleta
nito at nang makita ng kabo ang mga panyo'y dumampot ng dalawa. Pinabayaan siya
ni San Pedro upang pagaanin ang loob ng kabo at nang ito'y magbigay ng
"guia" , yamang kung wala nito ay sinabi sa kanyang hindi siya
makaaahon.
Si Hesus ay lumalakad nang walang
napapansin at nag-iisip-isip, samantalang si San Pedro'y nakasimangot at
nagtutungayaw sa pagtutol sa gayon karaming mga paghihigpit.
--Makikita ninyong pagdating ko sa
aking katedral ay makikilala nila ako roon!-- ang sabi sa sarili.
Isang karabinerong nakakita sa kanya
ang naghinaalang may dala siyang kontrabando kaya'y siya'y kinapkapan buhat sa
paa hanggang ulo. Tumutol ng buong higpit si San Pedro, at kung dala-dala
lamang niya nag kanyang tabak ay tinapyas na sana niya ang tainga ng
karabinero.
--Huli, huli! -- ang sigaw ng buong
galak ng karabinero, na nakatuklas ng isang balot ng pisong mehiko-- Huli!
--Nguni't iya'y akin, iya'y akin -- ang
sigaw ni San Pedro.
--Iyan ng ang dahilan! -- ang itinugon
ng karabinero.
Akala ni San Pedro'y nasisiraan na siya
ng bait: ang bansang yao'y talagang hindi maaaring maunawaan. Nang makita siya
ni Hesus sa gayong kagipitan at maalaala ang tagubilin ng Amang Walang Hanggan,
ay nagtangkang maghiganti sa inasal sa kanya ni Pedro noong siya'y itatwa nito
sa Herusalem, sa pamamagitan ng pagtatwa naman niya ngayon kay Pedro. Nguni't
nanaig ang puso niyang dakila't mabuti at siya'y sumunod sa dalawa.
Si San Pedro'y dinala ng karabinero sa
isang malapit at maliit na kuwartel na kinaroroonan ng isang opisyal na kastila
at maraming karabinero.
Sinamsam nila ang lahat ng mamisong
dala-dala ni San Pedro, hiningan ito ng tanong, at nang makita ni Hesus na
isasakdal ang kanyang alagad, ay nagtangkang mamagitan.
Sa himig na ginamit niya nang may labingwalong
dantaon na ang nakaraan, noong siya'y makikipag-usap sa mga pariseong nagtanong
sa kanya kung nararapat ba o hindi magbayad ng buwis kay Sesar, ay sinabi ni
Hesus sa opisyal na europeo:
--Iapkita mosa akin ang isang piso
ninyo!
Ang opisyal na kailanma'y hindi
nakabasa ng bibliya, ay walang kahina-hinala sa silong inihanda sa kanya.
Dumukot sa kanyang bulsa ng isang pisong mehikano, na katulad na katulad ng mga
piso ni San Pedro.
--Ang piso bang ito'y inyo at ito ba'y
ginagasta ninyo sa bansang ito?
--E ano pa kundi gayon, sa iya'y bahagi
ng ipinasahod sa akin. Ang salaping iyan ang ipinambabayad ng pamahalaan.
--Datapuwa't kumg ang mga salaping to'y
pinahihintulutan sa bansa at ginagamit ng pamahalaan, bakit sinasamsam ninyo
ang daladala ng insik na ito? At kung siya'y inyong isusuplong, bakit hindi
ninyo isuplong ang inyo ring pamahalaan?
Hindi malaman agad ng opisyal kung ano
ang isasagot; siya'y nalilito.
--Sa dahilang ayaw kami rito ng pisong
mehikano-- ang pakli niyang nagngangalit.
--Kung gayo'y bakit hindi ninyo itapon
sa ilog ang mga pisong pag-aari ninyo?
--Hindi; sa mga piso lamang na nasa
amin ay mayroon nang sapat!
--Kayo ba't gumawa ng panata ng
pagpapakarukha?
--Aba! Anong panata ng pagpapakarukha
ang sinasabi mo?--ang tugon ng karabinero. Kami'y mayayaman na sana kung kami'y
gumawa ng panata ng pagpapakarukha.
Inakala ng opisyal na siya'y
binibiru-biro ni Hesus at sa dahilang wala siyang mahagilap na matuwid upang
ilaban sa mga tanong, siya'y nagalit at tinawag si Hesus na mapagbago at kaaway
ng kastila. Bilang pinakabunga nito, ay iniutos niyang si Hesus ay kapkapang
mabuti ng dalawang kawal.
Kinapkapan ang lahat ng mga bulsa ni
Hesus at nakuha nila ang aklat ng mga alaala na sinulat ni Hesus upang ihandog
sa Amang Walang Hanggan. Nang mabasa ng opisyal ang mga puna ni Hesus tungkol
sa kuwarentenas, nagliwanag ang kanyang pagmumukha sa isang ngiting
makaimpiyerno!
--Aha! Naaamoy ko na nga bang ikaw ay
pilibustero! Ang sigaw niya na humarap kay Hesus.-- A! walang hiya! A,
Pilibustero. Tinutuligsa mo ang mga bagay-bagay na nakatatag, pinahihintulutan
mo ang iyong sariling sumulat ng mga puna, inaakala mong dapat pintasan at
kakatwa ang ginagawa doon, at pinupulaan mo ang kuwarentenas. Dalhin siya sa
bilangguan aat ngayon di'y isakdal siya.
Si San Pedro, nang makita niyang
sumasama ang lakad ng mga bagay-bagay, ay nagsamantala sa kaguluhan at
nagsimulang lumayo nang unti-unti; at nang marinig niyang panganlang
pilibustero ang kanyang guro, ay nahulog na muli sa masama niyang kaugalian,
lumabas sa kuwartel at tumakas nang buong bilis. Sa kasamaang palad, noon ay
katanghaliang tapat at wala ni isa mang tandang na tumilaok. Mayroon siyang
malabong kaalaman tungkol sa tawag na pilibustero na narinig niya sa isang tao
sa langit, at sa di pag-aalaala sa anuman at walng sumasaisip kundi ang
panganib, ay nilisan at pinabayaan ang kanyang guro.