ANG UNANG BIGONG MISYON NG KATIPUNAN


Daniel M. Anciano

 

Sa mga pahina ng mga pahayagan sa nakaraang  ilang mga taon ay sumikat ang Alex Bongcayao Brigade na dating isang pangkat ng Communist Party of the Philippine - New People's  Army (CPP-NPA) na siyang naatasan na  maglapat ng madaliang kaparusahan na kamatayan para sa mga taong kontra sa masa at mga may "krimen laban sa bayan".

Sa pag-aaral ng kasaysayan ay mabubuking na  hindi lang pala sa huling kwarto ng ika-20 daantaon ito nauso, kundi pala bago pa man magsimula ang himagsikan ng  1896 ay mayroon narin palang sariling death squad ang Katipunan at dito ang mismong kabilang ay sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Dr. Pio Velenzuela.

Ayon  sa salaysay ni Pio Valenzuela,  Noong  Hulyo 1896, ang kanilang misyon ay "itumba" ang isang prayleng Agustino na noon ay kura paroko ng Tondo, bilang kaparusahan  sa kaniyang brutal na pakikitungo sa mga  Pilipinong  kaniyang nasasakupan sa parokya. Ang pagligpit  sa nasabing prayle ay nakaatang mismo kina Bonifacio at kay Jacinto,  kaya lang ay nagkasakit si Jacinto ng  biglaan at ang ipinalit sa kaniya ay si Valenzuela.

Upang  maisakatuparan  ang pagtutumba  sa  prayle, hinintay nina Bonifacio at Valenzuela nang tatlong  gabi ang  prayle sa harapan ng simbahan dahil ugali  nito  na lumabas gabi-gabi sa harapan ng simbahan para  magpahangin. Ngunit parang ayaw makipagtulungan ng prayle sa mga taong  nakatakdang  pumatay sa kaniya, dahil  hindi  ito lumabas sa tatlong gabing iyon.

Sa  ikaapat na araw ay nagpunta si Valenzuela  kay Mabini sa Nagtahan at kinunsulta nito si Mabini ukol  sa kanilang desisyon na itumba ang prayleng kura paroko  ng Tondo. Sinabi ni Mabini kay Valenzuela na Kung handa na ang  Katipunan para sa himagsikan, patayin na  nila ang brutal na prayle. Pero kung hindi pa handa sa himagsikan ang Katipunan, mabuti pang ipagpaliban ang pagpatay  sa prayle dahilan sa magkakagulo lamang_". Entonses, sinunod nila si Mabini at ipinagpaliban ng ABB este ng KKK  ang pagliligpit sa prayle.

Mabibigla kayo dahilan sa ang prayle na ipinagpaliban  nina Bonifacio at Velenzuela ang kamatayan  noong Hulyo 1896 ay walang iba kundi si Fray MARIANO GIL ang kura paroko ng Tondo at naging kasangkapan sa  pagakakatuklas ng Katipunan noong Agosto 1896.

BALIK