PACIANO: ANG LIMOT NA RIZAL


Daniel Mendoza Anciano

 

Ang taong 1996 ay idineklara ng ating pamahalaan na Taon  ng Mga Bayani at ang kulminasyon ng nasabing aktibidad ay masesentro sa  pagunita ng sambayanang Filipino sa sentenaryo ng  kamartiran ni  Dr. Jose P. Rizal. Isang indibidwal na nag-alay  ng  kaniyang buhay para sa katuparan ng kaniyang bisyon na magkaroon ng  kagalingan  para sa kaniyang mga kababayan sa pamamagitan  ng  pagpapairal ng mga reporma sa noon ay kolonyal na pamahalaan ng  Espanya  sa  bansa. Sa kabilang dako, ang  pagdakila  ng  sambayanang Filipino  kay  Rizal  ay nagsilbing isang  trahedya,  sa  isang lalaking  tunay na nasa likuran ng kaniyang buhay at  kabayanihan na  natabunan ng kaniyang maningning na kasikatan - ang  lalaking ito ay si Paciano Mercado, ang limot na Rizal.

Mayroong  dalawang  kontensiyon ukol  sa  pagiging  pigurang historikal  ni  Paciano; Una naging sikat si Paciano  dahilan  sa kapatid siya ni Rizal; pangalawa, naging sikat si Rizal,  dahilan sa  naging kapatid niya si Paciano. Sa dalawang magkasalungat  na kontensiyong  ito, wala akong pangingimi kahit isang  sandali  na piliin ang huli. Ang manunulat ng biograpiya ni Rizal na si  Leon Ma.  Guerrero  ay napuna ang pagkalimot kay  Paciano  Mercado  at ipinahayag  ang  ganito "Ang papel na ginampanan  ni  Paciano  sa buhay  ni Jose ay nangangailangan ng higit na atensiyon kaysa  sa kaniyang dapat na matanggap". Ang artikulong ito ay naglalayon na bakasin  ang  kritikal at mapagpasiyang na papel  ni  Paciano  sa kamulatan  ng  kaniyang nakababatang kapatid, kung  papaano  niya inihatid si Rizal sa kalagayan bilang isang pambansang bayani, at kung papaano nilandas ni Paciano ang isang ideolohiya at pagkilos pulitikal  na  kailanman  ay  hindi  pinangahasang  landasin   ng kaniyang higit na tanyag na kapatid.

 

Si Paciano sa Panahon ng Liberalismo

Ang  taon ng pag-aaral ni Paciano Mercado sa Colegio de  San Jose  ay napanahon sa pagbagsak ni Reyna Isabel II ng Espanya  na naging  dahilan sa pangingimbabaw ng liberalismo hindi lamang  sa Espanya  kundi maging sa Pilipinas. Ang panunungkulan  ni  Carlos Ma. de la Torre bilang gobernador heneral sa Filipinas ay  nagbigay daan sa kaluwagan pulitikal, na-organisa at aktibong  kumilos ang Komite ng mga Anak ng Bayan na binubuo ng mga Filipino at mga liberal na Espanyol, at ang pagsikat ng isang paring sekular  na nagngangalang  Jose  Apolonio Burgos. Ang mga  kaanib  ng bagong gitnang uri ay naging agresibo na isulong ang interes na dinadala ng pangkat panlipunan na kanilang kinabibilangan, pangunahin dito ay  usapin ng kanilang paghahangad ng kapantayan sa mga  Espanyol na  noon ay may monopolyo sa mga matataas na puwesto sa  kolonyal na burukrasya at simbahan.

Pagkakataon o tadhana, na sa panahon ng pag-aaral ni Paciano Mercado  ay  nakasama niya si Burgos na manirahan  sa  ilalim  ng iisang bubungan. Ang pagiging malapit ng dalawa ay mapapansin  sa salaysay  ni  Dr.  Paz  Policarpio-Mendez. May  pagkakataon  na naisasama  ni  Paciano  si Burgos sa pagbisita  sa  kaniyang  mga kapatid  na  babae  na nag-aaral din  sa  Maynila,  gayundin  may pagkakataon  na  bumisita si Burgos kasama si Jacinto  Zamora  sa bayan  ng Calamba sa paanyaya ni Paciano upang dumalo ng  piyesta at  doon  nakita ni Jose Burgos ang batang kapatid na  lalaki ni Paciano na kaniyang kapangalan". Ang pagiging malapit ni Paciano at Burgos ay isang indikasyon lamang ng kanilang pagiging iisa ng opinyon at interes.

Tahimik  man ang mga aklat kasaysayan sa lalim at  antas  ng kamalayan   na  naipunla  ni  Burgos  kay  Paciano,  ngunit  ang apelyidong   Mercado  bilang  isang  aktibistang   mag-aaral   ay napahanay sa mga pangalang Buencamino, Sanciangco, Mapa. Soriano, Tizon, Alejandro at iba pang mga anak ng nakakariwasang Filipino na kabilang Juventud Escolar Liberal na naging aktibo at nangahas na  nagdaos  ng  demontrasyon ng mga  mag-aaral  sa  Maynila  (na hinihinalang lihim na pinamumunuan ni Burgos).

Masakit ang naging hagupit ng tadhana para kay Paciano, bago matapos  ang  1871,  muling nabalik ang  mga  reaksiyonaryo  sa pamahalaan  at  sa unang buwan ng 1872 naganap ang  Pag-aalsa  sa Cavite  at sa sumunod na buwan, Si Burgos, ang lalaking  kaniyang kasama,  kausap, at kapalagayan loob ay nilatiran ng  hininga  ng kaniyang mga hayagan at lihim na kaaway sa andamyo ng bitayan ng Bagumbayan.

 

Si Paciano Bilang Magsasaka

Ang pangyayari ng 1872 ay nagsilbing isang balakid sa pagpapatuloy  ng edukasyon ni Paciano. Pagkatapos ng trahedya,  iniwan niya  ang paaralan at nagbalik sa Calamba upang  pangasiwaan  ang lupain  na  inuupahan ng kanilang pamilya mula  sa  mga  prayleng Dominikano. Pagkatapos  ng pagbitay sa GOMBURZA, ginugol ni Paciano  ang kaniyang  panahon sa pagsasaka ng kanilang inuupahang bukirin  at higit sa lahat sa pagbubungkal ng higit na mapangakong sakahan  - ang kaisipan ng kaniyang kapatid.

Sa pag-uwi ni Paciano sa Calamba,  nagtagubilin  ang kaniyang ama ukol sa  dalawang  salita  na hindi  maaring banggitin sa kanilang tahanan - Burgos at  Cavite. Sa kabila ng pagbabawal, naandoon ang pagkakataon ng  pakikipagkuwentuhan sa kaniyang nakakabatang kapatid at naitanim niya  ang binhi  ni  Jose Burgos sa matalas na isipan  ng  kaniyang  batang kapatid,  pagkukuwentuhan na ganap na nagpabago ng  kahahantungan ng  ating kasaysayan - binuhay ni Paciano ang ideya  ng  kaniyang kaibigan  at  kasamang  si Jose Burgos sa  katauhan  ng  kaniyang nakakabatang kapatid na si Jose Rizal.

 

Ang Pagsubaybay sa Edukasyon

Isa si Paciano sa nakapansin sa talino ng kaniyang  kapatid, marahil ang _eksepsiyonal_ na katalinuhang taglay nito ang nagtulak upang  mahinuha  ni  Paciano na ang kaniyang  batang  kapatid  ay mayroong  mapagpasiyang papel na gagampanan sa  kasaysayan.  Kung mayroon mang naging malaking interes si Paciano para sa kay Rizal ay ang mabigyan ito ng tumpak at progresibong edukasyon.

Sa kasaysayan ng pag-aaral ni Rizal ay makikita na laging nakabuntot sa likuran ang anino ni Paciano sa likuran. Unang-una na sa kaniyang pagpapatala Jose Rizal sa paaralan ni Justiniano Aquino Cruz, na kaniya  ring naging dating guro sa Bi_¤"an. Sa kolehiyo, mapapansin ang pagsama niya  sa kaniyang kapatid upang magpatala sa Ateneo at  ng  hindi matanggap  si  Rizal  dahilan sa pagiging  huli  sa  patalaan  at kaliitan, hiningi niya ang tulong ni Manuel Xerxes Burgos  upang ito ay matanggap sa nasabing paaralan.

Sa pagtatapos ng kolehiyo, ang matinding pagtutol ng ina  ni Rizal sa pag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas ay sinalungat ni Paciano, maging si Rizal ay kaniyang sinabi "Ngunit ang  aking kapatid (Paciano) ay isinama ako sa Maynila sa kabila ng luha  ng aking ina". Pagkatapos ng ilang taon sa Unibersidad , si Paciano ay  gumawa ng paraan upang lihim na makaalis si Rizal patungo  sa  Espanya upang  magpatuloy ng pag-aaral, at sa pamamagitan ng pensiyon  na ipinadadala  ni Paciano ay nai-agdong ni Rizal ang kaniyang  pag-aaral ng medisina at pilosopiya sa Europa.

Kung  ano ang dahilan ng pagpapakasakit ni Paciano  para  sa edukasyon ni Rizal ay mapapansin na sa kaniyang mapagpahiwatig na sulat dito:

."Tandaan mo na ang pangunahing dahilan ng iyong pag-alis ay  hindi ang pagpapabuti ng iyong sarili sa  propesyong iyon  (medesina),  bagkus ay para sa  higit  na  kapaki-pakinabang na bagay"

 

Ang Lalaki sa Likuran ng Isang Nobela

Ang kadakilaan ni Rizal ay matatagpuan sa kaniyang  pagsulat ng isang nobelang panlipunan na pinamagatang Noli Me Tangere, ang nobela ay utang natin sa kakaibang katalinuhang pangliteratura ng may-akda, sa malinaw na paglalarawan at pagsasalamin ng mga sakit ng  lipunang kolonyal sa kaniyang panahon. Gayundin  nagpasalamat ang  kasaysayan  kay Ginoong Viola na  nagpahiram  ng  kaukulang salapi upang mailigtas ang nobela mula sa disulusyonadong balakin ng may-akda  na  gawing panggatong sa  apoy  ang  manuskrito  ng nobelang nagpabago ng tunguhin ng kasaysayan, ngunit nalimutan ng kasaysayan na pasalamatan ang dalawang tunay na  pinagkakautangan ng nobela. Una,  ang  lalaki na tunay na gumastos sa  pagpapalimbag  ng nobela - si Paciano. Ang salaping ginamit sa pagbayad sa utang ng pagpapalimbag  ng nobela  ay  galing  sa  pagod  at  pawis   ng nakatatandang  kapatid ng may-akda at; Pangalawa,  tahimik  ang kasaysayan  sa  pagbanggit (at pagpapasalamat)  na  ang  salaping ginamit  sa  pagpapalimbag ng Noli Me Tangere ay  nanggaling  sa mismong mga bunga ng lupa ng Filipinas na noon ay binubusabos  ng mga mapagsamantalang dayuhan.

Ngunit  ang pagbabayad ni Paciano mahal na presyo ng  nobela ay  hindi lamang sa sukatan ng salapi higit sa lahat,  sa sakripisyo  na  kaniyang  tiniis. Ang sulat ni Rizal  kay  Paciano  ay nagpaliwanag ng ganito :

Ukol sa presyo ng libro, nagkamali ako sa aking pagtantiya, Akala ko sa 1500 na kopya ay gugugol lamang ako ng P200  ngunit  sa mga limbagan ito ay aabot pala  ito  ng halagang  P 1,500... Hindi ako humihiling  ng  ganitong halaga; Alam kong napakalaki nito para sa isang aklat na maaring  maghatid sa inyo ng higit na kapighatian  kaysa sa kaligayahan.

          „_„_

Sa pagsagot ni Paciano sa sulat ni Rizal ay nagpadala ito ng P 1,000, nais pa nga nito na magpadala ng higit ngunit ang asukal ay hindi pa nabibili Nagkaroon  ng katuparan ang sinabi ni Rizal "Alam kong  .... isang  aklat na maaring maghatid sa inyo ng higit na  kapighatian kaysa sa kaligayahan" dahilan sa ang pinakamalaking kabayaran  na binata ni Paciano sa aklat na sinulat ng kaniyang batang  kapatid ay ang paalisin ang pamilyang Rizal sa kanilang inuupahang  sakahan  ng mga Dominikano, at sunugin ang kanilang bahay sa  Calamba at ipatapon si Paciano sa Mindoro, mula Septyembre 1890  hanggang Nobyembre 1891.

 

Ang Liberalismo tungo sa Radikalismo

Ang  pagiging  progresibo ni Paciano  ay  matatagpuan  hindi lamang sa kaniyang pagsuporta sa kaniyang kapatid kundi maging sa kilusang  propaganda,  isa siya sa mga  tagasuporta  ng  Diariong Tagalog,  La  Solidaridad at sa bandang huli ay  tagasuporta  ng Katipunan  at isa sa mga aktibong nagpalaganap nito sa  lalawigan ng Laguna.

Sa pagkabilanggo ng kaniyang kapatid noong 1896, si  Paciano ay dinakip at ikinulong ng mga Espanyol at pisikal na pinahirapan ngunit  ito  ay kaniyang pinagtiisan upang hindi  maisangkot  ang kaniyang kapatid sa rebolusyon.

Ilang araw pagkatapos ng pagbitay kay Jose Rizal,  natagpuan  ni  Paciano  ang kaniyang sarili, kasama  ng  isa  kaniyang kapatid  na  si Trinidad, at ng kaniyang hipag  na  si  Josephine Bracken  na  binabagtas  ang lalawigan ng Cavite  na  noon  ay sentro  ng Rebolusyong Filipino. Habang tinatawid nila ang  tulay ng  Zapote na hangganan ng Las Piñas at Cavite, mararandaman  na hinuhubad  na ng mga Rizal ang kanilang paniniwala sa reporma  at niyapos na ang doktrina ng armadong pakikibaka para sa  katubusan ng bayan mula sa kuko ng kolonyalismo.

Sa panahon ng himagsikang Filipino, si Paciano ay naglingkod bilang  heneral ng rebolusyonaryong hukbo, nagpakita  ng  tapang, lideratura, at inpluwensiya sa tunguhin ng himagsikan. Ngunit ang pinakadakilang  panahon  ng kaniyang pamumuno  ay  naganap  noong buwan ng Hunyo 1898. Isinalaysay ni Antonino Guevara y Mendoza sa kaniyang talatakdaan ang pangyayaring ito:

 

Pagkatapos ng anim na araw ng patuloy na paglusob, bumagsak  ang  Calamba,  at ito ay  kinubkob  ni  Senyor (Paciano)  Rizal. Samantalang isinusuko ng mga  talunang Espanyol  ang  kanilang  mga sandata  sa  mga  nagwaging Filipino,  ang  komandanteng  Espanyol  ay  lumapit  kay Senyor Rizal at nagwikang "Ako ay tiyak na babarilin  ng aking  mga  nakakataas sa Maynila  dahilan  sa  pagsuko. Ngunit, ang mga prayleng ito na inyo ngayong mga  bihag ang  maaring makapagligtas sa aking  buhay.  Nakikiusap ako  na iligtas ang buhay ng mga prayle, at kung  maari, ay  mapanatili  ko ang 11,000 piso na  nasa  aking  pag-"iingat " Sumagot si Senyor Rizal na "Ingatan  mo ang 11,000 piso at sumasang-ayon ako sa iyong pakiusap na iligtas ang buhay ng mga prayleng ito; sa kondisyon, na  ipaalam mo sa kanila, na sila ang mga tunay na pumatay sa  aking kapatid na si Doktor Rizal, at higit sa lahat, sila  ang mga tunay na nasa likod ng pagwasak ng Calamba na  aking tahanang bayan.""

Sa  ganitong pagkakataon, ipinakita ni Paciano ang  pagpapakumbaba  sa  harap ng tagumpay, at ang kahinahunan sa  kabila  ng silakbo  at mapanuksong paghahangad ng paghihiganti, bagay na hindi niya  nakita kahit kapiraso mula sa mga prayle noong pinipilipit ng garote ang leeg  ni Burgos o nang tinutudla ng bala ang katawan ng  kaniyang kapatid.  Ipinakita ni Paciano na hindi siya ang  halimaw  na rebolusyonaryong kinatakutan ni Rizal ng kaniyang banggitin sa El Filibusterismo ang katagang A que la independencia, silos  esclavos  hoy,  seran los tiranos de mañana - Para ano  ang  kalayaan, kung ang alipin ngayon, ang siyang maninikil bukas.

Pagkatapos  ng pagkapanalo ng himagsikan laban  sa  Espanya, nakitang   muli  ni  Paciano  ang  kaniyang  sarili   na muling nagtatangan ng sandata, sa pagkakataong ito hindi para matamo ang kalayaan, kung hindi sa mas malaking suliranin - ang preserbasyon ng kalayaan, na noon ay buong dahas na inaagaw ng mga  Amerikano. Malakas ang bagong mananakop at sa proseso ng digmaan nadakip  si Paciano,  ngunit  ang kaniyang katapatan  sa  kalayaang  kaniyang ipinakipaglaban ay naipamalas niya ng tumanggi siyang  maglingkod sa  ilalim ng pamahalaan ng Amerika at pagpapakita ng  delicadesa ng  kaniyang  tanggihan  ang pensiyon na inaalok ng  mga  ito  sa kaniyang mga matatandang magulang.

 

Ang Dakilang Filipino

Sa  paglalagom  ng  artikulong ito, wala  akong  pangimi  na angkinin na sa panahon ng sentenaryo ng kamartiran ni Jose Rizal ay hindi dapat na mawala sa ating paggunita ang nagawa ni  Paciano.  Kung  tinitingala ng sambayanang Filipino si Jose  Rizal  sa pedestal  ng mga bayani ito ay dahilan sa pagpaparaya ni  Paciano ng kaniyang balikat upang magsilbing tuntungan para sa kadakilaan ng kaniyang nakababatang kapatid.

Si Jose Rizal mismo, sa kaniyang sulat kay Blumentritt  ang nagbigay  ng  pinakamataas na parangal kay  Paciano  ng  kaniyang sabihin dito na "Ang aking kapatid na si Paciano, ang pinakadakilang Filipino."

Mga Sanggunian:

"Ang  lahat  ay hiniram ng may akda, mula  sa  mga  aklat sanggunian,  ang  tangi ko lamang maangkin  ay  ang  mga kahinaan at kamalian.

1.  Corpuz,  Onofre  D.: Roots of  the  Filipino  Nation

2. Guerrero, Leon Ma.: The First Filipino

3.     Guevara,  Antonino  y Mendoza: History  of  One  the Initiators of the Filipino Revolution.  

Isinalin ni Onofre D. Corpuz

4. Juaquin, Nick: Manila, My Manila

5. Mendez, Paz Policarpio: Adventure in Rizaliana

6. NHI: _Filipinos in History Volume II

 

Rizal Page

Balintuna