ANG PANGITAIN NI PRAYLE RODRIGUEZ


Jose Rizal

 

          Nakahilata isang gabi sa isang maginhawa't malaking luklukan, si Prayle Rodriguez, na nasisiyahan sa kanyang sarili at sa kanyang kinaing hapunan, ay nangangarap sa mga kuwaltang nalilikom buhat sa mga bulsang pilipino, sa pamamagitan ng pagbibili ng kanyang maliliit na aklat. Kaginsa-ginsa'y parang malikmatang naging putting napakaningning ang dati'y manilaw-nilaw na liwanag ng kingke, napuno ang hangin ng mahinhing bango, at sa-lilitaw ang isang taong hindi malaman kung saan nanggaling o paano dumating.

Ang taong ito'y isang matanda, katamtaman ang taas, kayumanggi at payat; maputi ang balbas, na lalong nagpapatingkad sa kanyang mga matang buhay na buhay at nagniningning, bagay na nagbibigay sa kanyang mukha ng isang kasiglahang hindi pangkaraniwan. Natatakpan ang kanyang mga balikat ng isang magarang balabal, sa kanyang ulo'y nakasuot ang "mitra" at may hawak na isang tungkod na tinatawag na "bakulo." Ang mga bagay na ito'y nagpapakilalang siya'y isang obispo.

Nang siya'y mamataan ni Prayle Rodriguez ay naghihikab na bumubulong ito:

--Mga guniguni ng aking malusog na gunamgu…

Hindi siya tinulutan ng pangitain na tapusin ang pagsasalita; sapagka't pinalo siya sa batok ng bakulo.

--Hoy! Masakit namang biro ito!--ang naibulalas ng prayle, samantalang hinahagud-hagod ng isang kamay ang nasaktang batok, at kinukusot naman ang isang mata ng kabilang kamay; ito pala'y hindi isang panagimpan, datapuwa't, kumpare!

Ikinagalit ng nababagong tauhan ang pagkakasalita sa kanya ng parang siya'y isang kapalagayang-loob, kaya't hinampas na nang malakas ng bakulo ang tiyan ng prayle. Ito'y ikinalundag ni Prayle Rodriguez buhat sa kanyang luklukan nang mamalas na iyon pala'y sadyang totohanan.

--Hoy! Prayle Pedro! Bakit mo ginawa ito? Ganyang ba ang paniningil mo sa mga indulhensiya? Hindi ganyan ang ating kasunduan! Aray! Aray!, patawarin pio ninyo ako!

Ang nababagong obispo, na lalo pang nagalit ay hindi na nagkasya sa paghambalos sa tiyan, kundi pinalo na nang totohanan ang ulo ng prayle sa pag-aakalang ang bahaging ito'y siyang lalong maramdamin. Nguni't siya'y nagkamali, Ang ulo ni Prayle Rodriguez ay ubod ng tigas, kaya nabakli ang bakulo. Sa wakas ay nawatasan na ni Prayle Rodriguez kung ano ang tunay na nagyayari. Ang kahabag-habag na prayle, na maputla pa kaysa kanyang abitong pambahay, at nanginginig at takot, ay nahandusay, at umusad-usaad nang pagapang sapagka't hindi na makatayo.

Nang hindi makita ng nababagong tao ang kahabag-habag na kalagayan ng prayle, ay naglubag ang kanyang galit. Tinigilan, ang pagpalo at inilagay sa ibabaw ng isang hapag ang naputol na bakulo, at buong paghamak na nagbulalas:

--Homo sine homine membra sine spiritu! Et iste appellatur filius meus. ("Tao ka, wala namang pagkatao, katawan kang walang kaluluwa! At ang taong ito'y tinataguriang anak ko!")

Nang marinig ni prayle Rodriguez ang tinig na itong tumataginting at ang mga pangungusap na yaong hindi niya nauunawa, ay lalo pa siyang nagulumihanan. At ang taong yao'y hindi maaaring si prayle Pedro, ni sinumang kasama niyang nagbabalat-kayo! Aba, talagang hindi maaari!

Et tamen --ang patuloy ng naiiba-- tanta est vanitas vestra, ut ante me, Patrem vestrum…sed video, loquor et non audis! ("Gayon man, ay kay laki ng iyong pagmamarangya kahit na ikaw ay nasa aking harap…nguni't napapansin kong ako'y nagsasalita at hindi mo nawawatasan ang aking sinasabi.")

At nayayamot na umiling-iling. Makaraan ang ilang saglit ay nagsalita sa wikang kastila na may himig na tagaibang-lupa:

--Kayo ba ang tumatawag sa inyong sarili na mga anak ko? At umating na ba sa sukdulan ang inyong kapalaluan na hindi lamang ninyo hinahangad na kayo'y katakutan at sambahin ng mga namamahala at pinamamahalaan, kundi pati ako ay hindi na ninyo pinagpipitaganan? Hindi ba ninyo pinagpaphamakan ang aking pangalan, at pinagmamalabisan ang aking mga karapatan? Sa anong kalagayan natagpuan ko kayo? Mga tampalasan sa mga sawimpalad, at mga duwag sa mga hindi natatakot sa inyo. Surge et audi! ("Tindig at makinig!")

Gayon na lamng ang kapangyarihan ng tinig sa pag-uutos at gayon na lamang ang kahulugan ng kumpas ng kamay kaya't mawatasan ito ni prayle Rodriguez. Buong panginginig na tumindig, nagtangkang iunat ang katawan, at paurong na nagsiksik sa isang sulok.

Humupa ang galit ng pangitain nang mamalas ang gayong katunayan ng pagsunod, bagay na sa kasalukuyan ay napakabihirang matagpuan sa mga taong namamanata ng pagsunod. Ang paghamak na nakakintal sa pagmumukha ng pangitain ay napalitan ng pagkahabag. Pinigil ang isang buntung-hininga, at nagpatuloy ng pagsasalita sa isang himig na lalong marahan, bagama't hindi nawawalan ng kadakilaan:

--Dahil sa iyo, dahil sa iyong mga kahangalan, ay napilitan akong lumisan sa pook na iyon upang parito! At lubha akong napagal bago kita natagpuan at makilala sa karamihan! Lahat ay nakakaparis mo, kahit na may kaunting pagkakaiba. Kayong lahat ay may ulong walang laman, at mga sikmurang sandat! Doon ay hindi ko tinitigilang biru-biruin dahil sa kagagawan niyong lahat, at lalo na dahil sa iyo. Wala akong nahita sa pagpapanggap na hindi ko sila naririnig. Hindi lamang si Lopez de Recaldo o Ignacio de Loyola ang umuuyam sa akin sa pamamagitan ng kanyang walang tugot na ngiti at mapagpakumbabang kilos. Hindi lamang si Domingo ang tumatawa sa akin-- oo, si Domingo na may hangaring magsamahal-na-tao at sa noo ay may mga bituing yari sa puwit ng baso. Pati ba naman si Francisco, ang lubhang hangal na si Francisco, naiintindihan mo ba? Ay lumilibak sa akin; binibiru-biro nila ako--oo, ako, na kahit pagsama-samahin silang lahat, ay mahigit pa rin ako sa pagkapalaisip, sa pagmamatuwid at sa pagsusulat kaysa sa kanila.

 

--Ang samahang itinatag mo ay dakila at makapangyarihan--ang wika sa akin ni Ignacio, kasabay ng pagtutungo ng kanyang ulo,--katulad ng mga piramide sa Ehipto; malaking-malaki sa paanan (at ikaw ang paanan), datapuwa't habang tumataas ay lalong lumiliit. . . ! At siya'y lumayo na bumubulong nang buong kababaang loob: "Anong laking pagkakaiba ng paanan sa tuktok!"

--Doktor--ani Domingo--bakit hindi ninyo ginamit ang inyong karunungan, gaya ng pagkakagamit ko sa kamahalang-asal, na ipinamana ko sa aking mga anak! Sana'y pinakinabangan nating lahat!

--Mon ami, katoto ko, ang may pagdaramdam na salo ni Francisco o ni Giovanni Bernardone-- kung mamarapatin ng Diyos na ako'y makabalik sa lupa upang mangaral, gaya noong una, sa mga hayop at ibon ay mangangaral ako sa iyong mga kumbento…"

At humalakhak siya ng gayon na lamang, na bagama't parang tinting kapayat ay tila ba siya puputok.

Nawalang kabuluhan ang pagsagot ko sa kanila na ang kanilang mga anak ay hindi naman hihigit pa sa kabutihan kaysa inyo at kung kami'y maghahalukay ng mga basahan ay kailangang kaming lahat ay magtakip ng ilong. Ba! Sino ba ang makalalaban sa tatlo, lalo na kung ikaw ang kailangan ko pang ipagtanggol? Tatlo ba ang sinabi ko? Ano bang tatlo! Si Pedro, yaong matandang mangingisda, na parang nahalina ng halakhakan, ay lumisan sa pintuang binabantayan at sinumbat sa akin ang mga pakanang isinagawa ninyo sa kanyang mga pari, na inagawan ninyo ng mga parokiya, gayong sila'y nangauna sa inyo ng pagdating sa mga pulong ito nang hindi kukulangin sa dalawampung taon, at gayong sila rin ang mga kauna-unahang nagsipagbinyag, hindi lamang sa Sebu, kundi sa Luson man.

--Alam ko na,-- ang idinugtong ni Pedro,--palibhasa'y mga tamad ang aking mga anak at nangagkakalaban-laban, samantalang ang iyong mga anak ay mga sinungaling, mabunganga, at lalong makislot kaysa aking mga anak ay napapaniwala nila ang mga mangmang at kaya sila nangagtagumpay. Datapuwa't nagagalak ako; harinangang maubos ang aking angkan!

          --Iyan din ang aking ninanais tungkol sa aking angkan.

--At ako rin.

--Harinawang mangyari rin iyan sa aking lipi--ang sabay-sabay na bulalas ng maraming tinig.

Datapuwa't hindi tumugot si Pedro hanggang hindi siya nakapaghiganti. Kahapon ay ginawan niya ako ng isang masakit na biro. Hindi niya sinamsam ang isang balutang kahina-hinala na kipkip ng isang indiyong kararating lamang noon. Bukod pa riya'y hindi niya itinuro sa indiyo ang kinalalagyan ng mga tulala, bagkus isinama pa niya sa pook na aming kinaroroonan. Ang dala-dalang baon ng sawimpalad na iyon ay isang balutang punung-puno ng maliliit na aklat na sinulat mo, at ibinigay sa kanyang kura, na nangako ng mga indulhensiya para sa kabilang buhay. Ang pagkakarating niya, ang pagkalat ng balitang siya'y may dalang maliliit na aklat na katha ng mga paring agustino, at ang pag-aagawan sa mga aklat…ang lahat ng iy'y sabay-sabay na nagyari sa isang kisap-mata. Tinangka kong magtago, datapuwa't hindi ko nagawa. Nagdatingan ang mga langkay-langkay na anghel; nawala sa kumpas ang mga aklat sa halip na tunghan ang mga papel na inaawit at dahil dito'y pumipiyok sila sa pag-awit, at pati ng baboy ng matandang si Antonio ay nagsimulang ngumalngal at magpagalaw-galaw ng kanyang buntot.

          Ako'y tutoong napahiya. Nakikita kong itinuturo ako ng lahat at pagkatapos ay nangaghahalakhakan. Datapuwa't si Zarathustra, ang pormal na si Zarathustra ay hindi tumatawa. Angkin ang isang pagmamataas na ikinaaba ko, ay pinangusapan niya ako ng ganito.

          --At anak mo baga iyang nagsasabing ang aking relihiyon ay pagano rin? Sumama na bang lubha ang iyong mga anak? Hindi ba nila kayang ibukod sa pagsamba sa mga anito sa relihiyong nangangaral na maraming diyos, ang itinuro kong wagas na relihiyon, ang relihiyoong ina, ang ibang mga relihiyong lalong ganap? Hindi na ba nila nalalaman na ang salitang paganismo ay nagbuhat sa katagang pagani, na ang kahulugan ay mga "naninirahan sa parang ," palibhasa ang mga ito'y siyang lalong namalagi sa pananampalataya sa politieismo o maraming diyos, na iniaral ng mga griyego at romano? Ipapakli mo sa aking hindi sila marunong ng wikang latin, kung gayon ay huwag silang napakapangahas sa kanilang pagsasalita! Sabihin mo nga sa kanila na ang salitang Paganus ay nanggaling sa salitang Pagus na pinagkunan din ng salitang pages, payes, paien, paese, pais, at iba pang gangganitong salita . Sabihin mo sa mga sawimpalad na iyan na ang relihiyon ng Zend-Avesta ay hindi sinampalatayanan kailanman ng mga taong-bukid sa mga bayan-bayang romano. Sabihin mo sa kanila na ang aking relihiyon ay monoteista at nagtuturong iisa lamang ang Diyos, at ito'y lalo pang monoteista kaysa relihiyong katoliko apostoliko romano, na tumanggap, na hindi lamang ngaking dualismo o pagkakaroon ng dalawang basal na simula, kundi ginawa pa nilang diyos ang maraming ibang nilalang. Sabihin mo sa kanila na ang salitang Paganismo, kung ang malawak at sinirang kahulugan nito ang isasalang-alang, ay walng ibang katuturan kundi politeismo; at dahil dito, ni ang relihiyon ni Moises, ni ang relihiyon ni Mahoma ay hindi kailan man naging mga relihiyong pagano. Pangaralan mo silang basahin ang iyong mga sinulat at doo'y masusumpungan nila sa bawat hakbang ang sinabi mo tungkol sa mga pagani. Ulitin mo sa kanila yaong sinabi mo noong talakayin mo ang relihiyon ng mga Manikeo, na hinango lamang sa aking mga aral at pinasukan ng ilang pagbabago, na iyo ring sinampalatayanan at nakapangyari sa iyong mga sinulat, at hangga ngayon ay nakapangyayari sa iyong relihiyon at minsang nakapagpaalinlangan sa simbahang romano. Totoo ngang inilagay ko ang simula ng kasamaan sa harap ng simula ng kabutihan, na dili iba kundi si Ahura-Mazda, ang Diyos; datapuwa't ito'y hindi nangangahulugan na tinatanggap kong may dalawang diyos, gaya ng iyong sinabing: ang pagsasalita tungkol sa kalusugan at sa karamdaman, ang wika mo, ay hindi nangangahulugan ng pagtanggap na may dalawang kalusugan. At ano? Hindi ba nila sinipi sa akin ang aking simula ng kasamaan na tinatawag nilang Satanas, ang simula ng karimlan? Pangusapan mo sila na kung hindi man sila marunong ng wikang latin, ay pag-aralan man lamang nila ang iba't ibang relihiyon, yamang hindi rin lamang nila maaaring mapag-alaman kung alin ang tunay na relihiyon!

          Ganyan ang pangungusap ni Zarathustra o Zoroastro; datapuwa't si Voltaire, ano ang kanyang sinabi? Si Voltaire na nakababatid ng mga isinaysay mo tungkol sa kanyang kamatayan ay lumapit sa akin, at nakangiting hinigpit ang aking kamay, at nagpapasalamat sa akin.

          --Bakit?--ang tanong ko sa kanya.

          --Ang mga anak mo, mon cher Docteur de l'Eglise, mahal kong doktor ng Iglesiya,--ang kanyang tugon,--ay nangagpapatibay at patuloy ang kanilang pagpapatibay, sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ng aking mga paninidigan sa pamamagitan ng salita…

          --At ano ba ang iyong pinaninindigan?

          --Na bukod sa sila'y mga hangal, ay mga magdaraya pa.

          Wala akong naisagot kundi magsawalang-imik, sapaagka't may katuwiran siya. Dapat mong malamang siya'y namatay sa gulang na walumpu't apat na taon aat hanggang sa mga sandali ng kanyang kamatayan ay nanatiling maliwanag ang kanyang isip, kaya noong siya'y gambalain upang siya'y pagkumpisalin ay walang itinugon kundi : "Bayaan ninyo akong mamatay nang payapa," at pagkawika nito'y nalagutan ng hininga. Datapuwa't hindi kita kinagagalitan tungkol sa bagay na ito, sapagka't bagaman ikaw ay nagkamali ay inulit mo lamang ang iyong mga narinig. Ang lalong masama ay hiniling ni Voltaire sa Diyos na ikaw ay dalhin sa langit na buhay at nakaabito. Nang siya'y tanungin kung bakit, itinugon niya ay: "upang tayo'y maaliw".

          Si Pedro, nang makita niya ang mga indulhensiyanginilagay ng Arsobispo sa iyong aklat upang makahuli ng mga mamimili, ay nagwika:

          --Bakit hindi ko naisipan,--anya, sabay ng pagtapik sa kanyang ulong upaw,--bakit hindi ko nga naisipang payamanin sa mga indulhensiya ang mga isdang ipinagbibili ko noong ako'y nangingisda pa? Sana'y yumaman tayo, at si Judas, sa halip na ipagbili ang guro, ay nakapaglako sana ng tamban at tinapa! Hindi ko na sana naitatwa ang guro, at hindi rin sana ako pinasakitan pagkatapos…Sa katothana'y sinasabi ko sa inyo na ang aking kalagyo ay lalo pang tuso kaysa akin asbagay na ito na pagkakamal ng salapi, at gayon ako'y isang hudyo.

          --Iyan ang katotohanan, hindi mo ba alam na ang iyong kalagyo ay isang galyego?--ang sabad ng isang tinig.

          Ang tinig na yaon ay nagbuhat sa isang matandang dumating doon ng may ilang taon lamang ang nakaraan. Ang ngalan niya'y Tasyo. Ito'y lumapit sa akin at nagwika:

          --Kayo'y isang dakilang Doktor, at bagama't madalas kayong nagkakasalungat-salungat sa inyong mga kinatha gaya ng sa mga aklat na RETRACTATIONUM at sa inyong CONFESSIONES, ay inaari ko kayong isang talinong katangi-tangi at napakalawak na karunungan. Yamang wala kayong pagkakahawig na anuman sa inyong mga anak, na kung ipagtatanggol ang kanilang sarili ay ginagawang itim ang puti at ang puti naman ay ginagawang luntian, ay ihihinga ko sa inyo ang aking mga daing upang sila'y maituwid ninyo yamang kayo'y ama nila.

          "Doon sa lupa ay may isang kasapi sa inyong samahan na nakagawa, bukod sa maraming kahangalan nitong mga sumusunod:

          Una. Naibig niyang ipasarili sa isang indiyo, na nagngangalang Rizal, ang aking mga sinabi noong ako'y nabubuhay pa sa lupa sa dahilang sinulat ng Rizal na ito sa isang aklat na kanyang ginawa ang aking mga sinabi. Gaya ng inyong nakikita, kung pagsusumundan ang ganyang pangangatuwiran, nararapat ding maging sarili ni Rizal at nararapat na siya'y maging kasang-ayon ng mga kaisipang isinisiwalat ng mga prayle, mga guwardiya sibil, mga gobernadorsilyo, at iba pa. Kayo mang iyan, banal na Pantas ay nararapat ding masarili ninnyo at maging kasang-ayon ng mga pangungusap na inyong isinasabibig ng mga erehe, pagano, at lalo na ng mga manikeo.

          Ikalawa. Ninanais niyang ako ay magkuru-kuro at magsasalita ng katulad niya, sapagka't pinupulaan niya ako dahil sa pagbanggit ko sa "bibliya at mga santo Ebangheliyo" . Hindi ko iniaalis na maniwala siya, kagaya ng lahat ng bulag ang pananampalataya, na ang bibliya at ang mga santo ebangheliyo ay bumubuo ng isang bagay lamang; datapuwa't ako, na nag-aral naman ng Bibliyang orihinal na nasusulat sa wikang Hebreo, ay nakababatid na ito'y hindi naglalaman ng mga Ebangheliyo. Sapagka't ang Bibliya ay gawa, kasaysayan, kayamanan at pag-aari ng ibang Hudiyo, ang may kahuli-hulihang kapangyarihan sa bagay na ito ay ang mga hudiyo, na hindi kumikilala sa mga ebangheliyo. Sa dahilang ang salin niyaon sa latin aay hindi tumpak sa ilang bahagi, kaya hindi matuwid na sa bagay na ito'y ang mga katoliko ang magpasiya kung ano ang kautusan, bagaman may kaugalian ang mga katoliko na umangkin sa hindi kanila, at magpakahulugan sa salin alinsunod sa kanilang kagustuhan at sa kanilang ikinalulugod, kahit na mabago ang diwa ng mga nasusulat. Isa pa, ang mga Ebangheliyo, bukod tangi kay Mateo, ay sinulat sa wikang griyego, at nahuli sa Bibliya. Sa katunayan, sa kanilang pinakabuod, ay kanilang iginuguho ang mga kautusan ni Moises. Bilang katunayan nito ay ang alitan ng mga hudiyo at mga kristiyano. Kaya nga, palibhasa'y nababatid ko ang mga bagay na ito, ay bakit ako magsasalitang tulad ng isang bulag ang pananampalataya o tulad ng isang walang muwang na prayle? Hindi ko hinihingi sa kaninumang prayle na magsalita ng parang isang may malayang pagkukuro; kaya naman hindi nararapat na ako'y piliting magsalita ng isang prayle. Bakit nagsusumakit ang mga prayle na pagkamalang iisa lamang ang dalawang bagay na nagkakaiba at manakanaka'y nagkakasalungatan? Mapararaanan nang ganyan ang gawin ng karaniwang kristiyano, datapuwa't hindi ko nararapat gawin ang ganyan, at hindi ko naman magagawa. Bukod dito, ang pagbabanggit ng magkahiwalay sa dalawang aklat na iyan ay iniaatas ng katuwiran, sapagka't ang mga iyan ay tunay na dalawang aklat, dalawang mababatas, at dalawang pananampalatayang ibig pagbatayan ng relihiyong katoliko.

          Ang inyo ring anak ay nangangatuwiran, na parang isang diyos, nang sabihin niyang hindi ko nalalaman na ang mga santo Ebangheliyo ay iba sa Bibliya at hindi isang mahalagang bahagi ng Bibliya. Sabihin mo sa kanya banal na Pantas, na sa lahat ng bansa, ang isang bahagi, kahit na ito pa'y pinakamahalagang bahagi ay lagi nang naiiba sa kabuuan. Bilang halimbawa: ang lalong mahalaga kay Pray Rodriguez ay ang abito nguni't ang abito ay iba kay Pray Rodriguez, sapagka't kung hindi magiging ganito ay magkakaroon ng isang prayle Rodriguez na marungis, isang prayle Rodriguez na magara, isang prayle Rodriguez na gusgusin, isang prayle Rodriguez na maluwang, isang prayle Rodriguez na maikli, isang prayle Rodriguez na mahaba, isang prayle Rodriguez na malibag, isa pang unat na unat, at isa pang bagung-bago lamquam tabula rasa, na walang iniwan sa sulatang walang anumang nasusulat, at iba pa. Ang abito at ang prayle ay hindi nararapat na ariing isang bagay lamang sa pagka't ang isang putol na kayo kahit na pagkarumi-rumi, ay hindi maaaring maging pangahas, ni mapaghari-harian, ni walang muwang, ni maging kaaway ng pagkatuto ng bayan.

          Ikatlo. Upang mapatunayang may purgatoriyo ay binabanggit niya si San Mateo, anya, ikalabindalawang kabanata, talatang ikatatlumpu't anim. Datapuwa't namamali ang kanyang banggit, sapagka't sa talataang ito'y hindi mahihinuha na mayroong purgatoriyo o anumang bagay na nawawangki sa purgatoriyo. At kung hindi, ay tingnan natin. Ang aklat sa wikang ebreo ay nagsasaad: Wa' ebiji' 'omar lakam kij' al kal dbar reg aschar idabbru'abaschim yittbu heschhboun biom hammischphat. Ang nasulat naman sa aklat sa wikang griyego ay: Lego de nymin hoti pan rema argon ho ean lalesosin hoi anthropoi apodosousi peri autou logon en hemera kriseos. Ang pagkasalin nito sa latin ay nagsasaad: Dico autem vobis quoniam omne verbum otiosum quod lucuti fuerint homines, reddent rationem de eo in die judicii, at sa kastila: Y digoos que toda palabra ociosa qque dijeren los hombres daran cuenta de ella en Dia del Juicio. (At sinasabi ko sa inyo na bawat salitang walang kabuluhan na wikain ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.") Gaya ng inyong makikita, Doktor, na sa pagsasalaysay sa apat na wikang binanggit ko, ay walang ibang bagay na mahuhulo kundi ito: na si Prayle Rodriguez ay magbibigay, sa araw ng paghuhukom, ng isang pagtutuos na totoong napakahaba, na marahil ay tatagal hanggang kinabukasan ang pag-uulat, yamang napakarami na ang mga kahangalang kanyang nawika. Datapuwa't ang inyong anak na walang iniwan sa isang tulig, ay nagtangkang bumanggit ng talataang ikatatlumpu't dalawa na nagsasaad ng ganito: At sinumang magsalita laban sa anak ng tao, ay ipatatawad sa kanya; nguni't ang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi ipatatawad sa kanya maging sa dantaong ito, maging sa susunod. Buhat sa talataang ito'y ibig na naman niyang hinuhain ang purgatoriyo: anong panghihinuha!

          Ikaapat. Sa dahilang sina San Irineo, San Clemente ng Alehandriya, at Origenes, tatlo silang lahat--na hindi nga naman kabilang sa mga kauna-unahang kristiyano, ay may isang hinagap na nahahawig, bagama't malayo, tungkol sa purgatiriyo, ay hindi ibig sabihin nito na ang mga kristiyano nang mga unang dantaon ay nangagsisisampalataya sa purgatoriyo, tuwing hindi mapagtitibay na ang tatlo katao ay bumubuo sa kalahatan, at kahit na sa kabuuan ay may mga kuru-kurong lubhang nangagkakalaban. At ang katunayang hindi nga gayon na rin, santo Doktor, na ama ng prayleng yaon, kayong nabuhay noong mga dantaong ikapat at ikalima, kayo na pinakadakila sa mga Ama ng Iglesiya, ay nagpasinungaling nang tiyakan sa maraming sinulat ninyo sa pagkakaroon ng purgatoriyo. Kayo ang nagsabi sa inyong pangaral bilang CCXCV na nagsimula ang Frequenter Charitatem Vestram, ng mga sumusunod na pangungusap na sukat makalutas sa bagay na ito: Nemo se decipiat, fratres; DUO enim LOCA sunt et TERTIUS non est ullus; Qui cum Christo regnare non meruerit, cum diabolo ABSQUE DUBITATIONE ULLA perebit. (Huwag magkamali ang sinuman, mga kapatid; dalawa lamang ang lunan, at walang ikatlo. Ang sinumang hindi naging marapat na magharing kasama ni Kristoo ay walang anumang pag-aalinlangang mapapahamak na kasama ng diyablo." At pagkatapos ay inyong sinabi sa De Consalatione Nortuorum ang mga sumusunod na pangungusap: Sed anima quae carnalibus oculis non videtur, ab angelis suscipitur et collocatur, aut in sinu Abrahae, si fidelis est, aut in carceris inferni custodie si peccatrix est. Alalaong baga'y : "Bagkus sa pagyao ng kaluluwa na hindi nakikita ng mga mata ng katawan, ay tinatanggap iyon at inihahatid ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham kung yaon ay tapat, o sa bilangguan ng impiyerno kung yaon ay makasalanan." Makababanggit ako sa inyo ng marami pang nakasulat na mga pangungusap ninyo, palibhasa para sa inyo, ang purgatoriyo ay isang bagay lamang na dili ang hindi maaari, impossibile non est, at ito, kahit na itinanggi ninyo nang tiyakan nang inyong wikaing : Tertius non est ullus, alalaong baga ay: Walang ikatlong lunan. Idagdag ninyo rito ang sinabi ni San Fulgencio, na nabuhay pagkatapos ninnyo noong mga dantaong ikalima at ika-anim. Sinabi niya sa kabanatang ikalabing-apat ng incarnatione et gratia ang sumusunod: Quicumque regnum Dei non ingreditur; poenis eternis cruciatur. Ang ibig sabihin ay : "Ang sinumang hindi makapasok sa kaharian ng Diyos, ay pasasakitan ng parusang walang hanggan."

          Ikalima. Ang inyong anak ay alin sa dalawa: o hindi maalam bumasa o may buktot na kalooban kung gumawa. Akalain ba naman ninyo na sa aking pangungusap na ang sinasabi ay ganito: "Ang mga protestante ay hindi SUMASAMPALATAYA sa bagay na ito, at ang mga ama ng simbahang griyego ay hindi rin, sapagka't kanilang winawalang kabuluhan …" at iba pa, ay kanyang nahulo ang ganito: Ang mga ama ng simbahang griyego ay hindi NANGAGSISAMPALATAYA sa purgatoriyo. Paano niyang nagawang pampanahunang pangnagdaan ang panahunang pangkasalukuyan upang kanyang mabaluktot lamang ang pangungusap at mahinuha dito ang mga santong ama ng simbahang griyego? Ang ginamit ko'y pangkasalukuyan at sa kapanahunan ko'y wala na ng mga santong ama ng simbahang griyego at wala na kundi mga ama lamangg na kaanib sa simbahang griyego. Bukod dito, sa dahilang sinusunod ko ang halayhay na pangkasaysayan, kaya hindi ako maaaring makapagsalita tungkol sa mga protestante muna at pagkatapos aay sa mga santong ama ng simbahang griyego, na nagsisampalataya sa mga bagay-bagay na maaari nilang sampalatayanan noong kanilang kapanahunan at noong ako'y nabubuhay pa sa lupa ay pawang nakaraan na para sa akin. Sa ngayon, sila, na lalo pang maalam at mulat ay sumasampalataya sa sinasampalatayanan nating lahat. At angkin ang kabuktutang-asal na ito, ay tinatawag, pagkatapos, na mapanirang-puri, mapanlinlang, at mangmang ang taong sumulat ng aking sinabi.

          Datapuwa't ang ganyang pamamaraaan ay naging katangian na ni prayle Rodriguez. Sa ibang aklat, at sa pagtalima sa tuntunin niya na ang isang bahagi ay ariing kabuuan ay pinakahuluganan niya ng araw ang pariralang sinag ng araw , at ito'y kanyang ginawa upang libakin ang may-katha ng aklat at matawag na mason. Sabihin nga ninyo, sino ang mapanlinlang dito, ang mapanirang-puri, o ang mangmang?

          Ikaanim. Sa halip na tawagin niyang mangmang ang iba at magpanggap siyang palabasa, aay marapat siyang mag-ingat na lalo. Siya ang hindi man lamang nakabasa sa inyo gayong kayo ang kanyang Ama, at tungkulin niyang malaman kung ano ang inyong sinabi. Kung ito lamang ay kanyang ginawa, ay hindi sana siya nakapagsabi ng napakaraming kahangalan, at hindi sana siya nabunyag at napakilalang kakaunti ang kanyang kaalaman. Natatalos ko kung saan niya kinukuha ang kanyang sinusulat: sa ilang maninipis na aklat na inilathala sa Katalunya nina Sarda at Salvani upang panatilihin ang kamangmangan sa bayan.

          Nguni't ang matandang lalaki ay hindi nakapagpatuloy sapagka't tinawag ako ng tinig ng Kataas-taasan sa harap ng kanyang karurukan. Nanginginig akong lumapit at nangayupapa.

          --Pumanaog ka sa daigdig,--ang utos ng makapangyarihang tinig,-- at sabihin mo sa mga taong yaon na tinatagurian ang kanilang sariling mga anak mo, na Ako, na lumalang sa angaw-angaw na araw na nililigiran ng angaw-angaw na daigdig, at bawa't isa sa mga ito'y tinitirhan ng angaw-angaw na bagay-bagay na nilikha ko dahil sa aking walang hanggang kabutihan, ay ayokong maging kasangkapan ng mga imbing simbuyo ng ilang hindi naman siyang pinakamagaling sa mga nilikha, isang dakot na alabok na tinatangay ng hangin, maliit na bahagi ng mga naninirahan sa isa sa mga lalong maliit na daigdig ko! Sabihin mo sa kanilang hindi ko ibig, na sa ngalan ko'y pagsamantalahan nila ang kaabaan at kamangmangan ng kanilang mga kapatid. Ayokong sa ngalan ko'y tangkaing pilitin ang pag-iisip at ang pagkukurong ginawa kong malalaya. Ayokong sa aking ngalan, ay gumawa ng anumang pagmamalabis, o humugot kahit na isang buntung-hininga, malaglag kahit na isanng patak na luha o mabubo kahit na isang patak ng dugo. Hindi ko rin nais na Ako'y ilarawan nilang maluppit, mapaghiganti, tagasunod sa kanilang mga pita at tagaganap ng kanilang kalooban. Ako ang kabutihan, kaya huwag nila akong gawing isang mapaghari-harian at isang mabangis na Ama. Huwag silang magpanggap na sila lamang ang tanging may hawak ng liwanag at ang buhay na walang katapusan. Paanong magkakaganito? Hindi baga ako ang nagkaloob sa bawa't nilikha ng hangin, liwanag, buhay, pag-ibig at pagkain upang mabuhay at lumigaya? Kung gayon, itatanggi ko ba ang lalong pianakakailangan, ang lalong pinakamahalaga, na dili iba kundi ang walang hanggang kaligayahan, dahil lamang sa kapakinabangan ng iilang taong hindi naman siyang pinakamabuti sa lahat? Iya'y isang kalapastanganan, kabalighuan at kabaliwan! Ipatalastas mo sa kanilang Ako ang lahat, at maliban sa akin ay wala nang iba pa, at walang maaring mabuhay kung hindi ko niloloob at pinahihintulutan. Wala Akong kaaway at hindi maaaring magkaroon; walang makapapantay sa akin, at walang sinumang makasasalansang sa aking kalooban! Ipamukha mo sa kanila, na ang kanilang mga kaaway ay hindi ko kaaway, na kailan man ay hindi ako nakiisa sa kanila at ang kanilang ginagawi ay walang kabuluhan, kundi kahangalan at kalapastanganan. Ipabatid mo sa kanila na pinapatawaad ko ang kamalian, datapuwa't pinarurusahan ko ang kasamaan; nililimot ko ang isang pagkukulang sa akin, nguni't pinag-uusig ko ang pagduhagi sa isang kulang-palad, palibhasa Ako'y makapangyarihang walang hanggan, at ang lahat ng kalapastanganan ng tanang naninirahan sa buong daigdig, kahit na pag-iba-ibayuhin ng libu-libo ay hindi makapipinsala kahit na katiting sa aking kaluwalhatian; datapuwa't ang kaliit-liitang pagduhagi sa maralita at sa inaapi ay aking parurusahan, sapagka't wala akong nilalang na anuman, wala akong binuhay na alinman upang maging sawimpalad at maging laruan ng kanilang mga kapatid. Ako ang Ama ng tanang bagay-bagay na nasa sang-maliwanag. Nababatid ko ang hangganan ng bawa't pinakamaliit na bagay. Bayaan nilang mahalin ko ang aking nilikha, na ang kaabaan at mga pangangailangan aay nalalaman ko. Bawa't isa sa kanila'y nararapat tumupad saa kani-kaniyang tungkulin at Ako, ang butihing Diyos, ay nakaaalam kung ano ang aking gagawin!"

          Ganyan ang pangungusap ng Makapangyarihan sa lahat, at ako'y naparito upang sundin ang kanyang kalooban. At sinasabi ko sa inyo:

          "Ang mga kaabaan ng sawimpalad na indiyo na inyong pinaghirap at pinakitunguhang para bangang sila'y mga hayop, at nakararating hanggang sa luklukan ng Kataas-taasan. Nakarating doon ang napakaraming pag-iisip na pinagdilim ninyoo aat niluray, ang maraming malilinis na babaing inyong ginahasa. Nakarating doon ang sigaw ng napakaraming pinatapon, pinahirapan at pinatay dahil sa inyong pag-uudyok. Nakaabot na roon ang mga luha ng napakaraming ina, ang kasawiang-palad ng napakaraming ulila. Lahat nang mga yaon ay may kasamang alingasngas ng inyong mahalay na pagsasaya.

          Alamin ninyo na may isang Diyos. (Marahil ay pinag-aalinlanganan ninyo ito at kung sinasambit man ninyo ang ngalan ng Diyos ay upang matamo lamang ang inyong pinipithaya.) Ang Diyos na iyan ay maaaring humingi sa inyo balang araw ng pagtutuos sa lahat ninyong kasalanan. Alamin ninyong hindi niya kinakailangan ang salapi ng dukha. Ang pagsamba sa kanya'y hindi nagkakasiya lamang sa pagsisindi ng mga kandila, sa pagsunog ng kamanyang, sa pagmimisa, sa pagsampalatayang pikit ang mata sa sinasabi ng iba sukdang ito'y nalalaban sa katuwiran; hindi, sapagka't siya'y may mga tanglaw na lalo pang mahahalimuyak kaysa lahat ng bulaklak sa balat ng lupa, at may tugtugin siya sa magkakatugmang tunog ng mga bituin. Siya'y nakasisiya sa kanyang sarili. Nilalang niya ang pag-iisip, hindi upang ito'y busabusin, kundi upang sa tulong ng mga pakpak nito ay maging maligaya ang tao at makapailanlang sa Kanya. Hindi siya nangangailangan ng sinuman; nilalang Niya ang tao, hindi para sa Kanyang sarili, kundi para sa tao rin. Hindi Niya kinailangan ng tao ni hindi Niya kinakailangan: maligaya Siya buhat sa kawalang-hanggan.

          "Mahigpit kayong nananangan sa isipang nauukol sa purgatoriyo. Ito'y ibig ninyong ipagtanggol at para sa bagay na ito'y ginagamit ninyo ang lahat ng sandata, kahit na ang lalong imbi. Bakit sa halip na sayangin ang panahon sa paninindigan sa hindi ninyo nakita kailan man, ay hindi ninyo ipangaral ang pag-ibig sa kapuwa, ang pagmamahalan? Bakit sa halip ng mga parusa sa purgatoriyo, aay hindi ninyo ipangaral ang aliw at pag-asa upang patamisin ng bahagya ang mga kasamaan sa buhay? Bakit? Sapagka't ang tunay na aral ni Kristo ay hindi makapagdudulot sa inyo ng salapi, at ang hinahangad ninyo'y ginto, ginto, maraming ginto, at upang magkamal nito ay kinakasangkapan ninyo ang Purgatoriyo upang makunan ninyo ang ulila at balong babae sa pamamagitan ng mga kakila-kilabot na kuwento tungkol sa kabilang buhay, upang sila'y makunan lamang ninyo ng ilang kuwalta? Nalimot na ba ninyo ang sinabi ng Apostol: Nolo vos ignorare, frates, de dormientibus, ut non concristemini, sicut qui spem non habent? ("Ayokong hindi ninyo malaman, mga kapatid, ang nauukol sa mga nangakakatulog, upang huwaag kayong mahapis na tulad ng mga walang pag-asa.") Nalimot na rin ba ninyo itong aking sinabi na: Haec enim est christianae fidei suma: vitam a eternam expectare post morten? Alalaong baga'y "Heto ang kabuuan ng pananampalatayang kristiyano: umasa sa buhay na walang hanggan pagkatapos ng kamatayan." Datapuwa't kayo'y nagkukulang sa pag-ibig sa kapuwa. Gumagawa kayo ng nalalaban kay Kristo, at dahil sa imbing pakinabang ay nanghihimasok kayo sa mga kahatulan ng Diyos. Ang buong lakas ng inyong pagmamatuwid ay nasasandig dito, namay mga kaluluwang hindi sapat na makasalanan upang mapasama magpasawalang-hanggan, ni hindi naman sapat na malinis upang makapasok sa langit. Sino ang nagpahintulot sa inyo na pangunahan ang mga kahatulan ng Diyos na tumitimbang at nagsasa alang-alang kahit na ng pinakamaliit na kaisipan, at nakababatid na hindi maaaring mahingan ng kaganapang maka-Diyos ang mga nilikhang yari sa putik, na napapailalim sa mga kaabaan dito, mga pangangailangan, at mga kaapihan? Sino ang nagsabi sa inyo na hahatol Siya gaya ng paghatol ninyo, kayong mga taong may makitid na kaalaman? Sino ang nagsabi sa inyong hindi natin napagbabayaran dito ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng mga pagdurusang ating dinaranas sa buhay na ito? Kung noong una'y maaari kong matanggap ang anino ng pagka-maaaring mangyaring bagay na yaon, ngayon, sa dahilang lalo ko nang nasasaklawan ang kabutihan ng Diyos at ang kaabaan ng tao, ay mayroon akong buong-buong pananalig sa Kanya at natitiyak ko nang ang Kanyang pamamaraan at kahatulan ay magiging walang-hanggan na lalo pang matuwid at mabuti kaysa akin, Kaya nga, iwaksi na ninyo ang pagsusumakit sa pagkakamal ng kayamanan; mayroon na kayong sapat. Huwag kayong humatol sa mga kaluluwa ng iba upang agawin ang kahuli-hulihang subo ng kanin sa mga dukha. Ipaubaya ninyo sila sa mga kamay ng sa kanila'y lumikha at huwag ninyong pamagitanin ang inyong mga sumbong upang maagaw lamang ang kaunting salaping iniwan ninyo sa kanila. Pakatandaan ninyo yaong winika ni Fulgencio: Et si mettetur in stagnum ignis et sulphuris qui nudum vestimento nan tegit, quid passurus est qui vestimento crudelis expoliat? Et si rerum suarum avarus possesor requiem non habebit, quomodo alienarum rerum insatiabilis raptor? ("At kung inihuhulog sa tangke ng apoy at asupre ang hindi nagpadamit sa hubad, ano kaya ang dadalitain ng isang malupit nas a kanya'y naghubad? At kung hindi matatahimik ang nagmamaramot sa mga ari-arian niya, paanong matatahimik ang magnanakaw sa ari-arian ng iba?") Bulay-bulayin ninyo na sa kaarawan ng paghuhukom ay maaari kayong ipagsumbong ni Satanas kay Kristo ng ganito: Tui autem christiani, pro quibus crucifixus et mortuus es, ut morti ipsi non timerent, sed essent de ressurectione securi, non solun lugent mortuos voce et habitu, sed etiam ad ecclesiam procedere confunduntur; aliquanti etiam ipsi clerici tui et pastores ministerium suum intermittunt, vacantes, luctui quasi insultantes tuae voluntati. ("Datapuwa't ang iyong mga kristiyano, na dahil sa kanila'y ipinako ka sa krus at namatay, upang sila man ay huwag matakot sa kamatayan bakkus buong tibay na manalig sa pagkabuhay na mag-uli, ay hindi lamang tinatangisan ang mga namatay sa pamamagitan ng tinig at pananamit, kundi nagkakasagasaan pa sa pagparoon sa simbahan. Marami rin naman sa iyong mga klerigo at tagapastol ang nagsisitigil sa pagganap ng kanilang katungkulan at inaatupag ang paghihinagpis, na para bagang nilalait ang iyong kalooban.")

          "Kaya nga ipangaral ninyo ang relihiyon ng mga pag-asa at mga pangako, sapagka't kayo'y lalong nangangailangan ng kapatawaran kaysa sinuman. Huwag kayong magsalita tungkol sa mga kahigpitan at huwag ninyong hatulan ang sinuman ; baka kayo'y dinggin ng Diyos at hatulan ng alinsunod sa mga kautusang inyong pinagtahi-tahi. Ikintal ninyong lagi sa inyong alaala ang sinabi ni Kristo: Vae vovis Scribae et Pharisaei hypocritae qui claudutis regnum caelorum ante homines; vos non intratis, nec introeuntes sinitis intrare.-- ("Sa ba ninyo, mga eskribas at pariseos na mapagbalatkayo, at nangagpipinid ng kaharian ng langit sa mga tao; hindi na kayo makapapasok ay hindi pa ninyo pinababayaang makapasok ang iba.") Bawasan ninyo ang kasakiman, at dagdagan ang inyong pag-ibig sa kapuwa.

          "Ngayon ang tangi kong sasabihin ukol sa iyo ay ito: Ikaw ay isang hangal na sawimpalad. Marami kang sinasabing mga kahangalan, nguni't hindi halos kita masisi, sapagka't ano pang ibang bagay ang dapat kong hintin sa iyo, at hindi ko nais na parusahan ka dahilan sa iyong mga kahangalan. Datapuwa't nagkaroon ka ng kapangahasan, hindi lamang sa paglait sa iba, at sa bagat na ito'y nagkasala ka sa pag-ibig sa kapuwa, kundi nangahas ka rin namang purihin ang iyong sarili at isulat ang papuring iyan sa naglalakihang titik upang mapansin ng lahat. Noong ikaw ay nagsasalita tungkol sa iyong sarili ay sinabi mong: "Ang paring ito'y nakikilala kong mabuti. O ikaw ay nagsisinungaling o si Don Pepe mo na hindi pala nakakikilala sa iyo. Sa ganang nauukol sa iyo, tinitiyak kong hindi mo nakikilala ang iyong sarili-- bagaman tila may bahagyang katigasan ang iyong ulo. (Ano bang bahagya?) Hindi mo ba nakitang nabakli ang aking bakulo sa iyong ulo, na tila isang bato? Nguni't hindi mo na kailangan pang ipahayag iyon, sapagka't nalalaman ng buong daigdig na ang katigasan ng ulo ay katangian ng mga taong magaspang at walang pinag-aralan. Ganoon man, ay hindi mo nakaugaliang magsalita nang walang kapararakan,-- ito'y tutoo sa isang dako: palibhasa'y katagang saabihin mo ay nagiging sanhi g tawanan, maging dito sa lupa at maging sa langit. Hindi ka rin nahirati sa pagsasabi ng mga bagay-bagay nang hindi mo pinag-iisip muna; kaipala'y totoo yaon; dangan nga lamang at talagang makitid amg iyong isip. Dahil sa hangal sa pagmamarangyang ito, ay marapat kitang atangan ng isang pasakit, isang parusa, minsan lamang nguni't panghabang panahon, sapagka't hindi mo na ako pipiliting bumalik pa upang pangusapan kita tuwing magsasabi ka ng mga kahangalan. Hindi magsasayang ng panahon ang aking buhay sa pagsasaayos ng iyong mga kaungasan.

          --Kung ikaw ay aking hahatulan alinsunod sa paraan ng iyong pag-iisip, ay walang agam-agam na nararapat kang mahulog sa impiyerno o iyong purgatoriyo man lamang; datapuwa't hindi, hindi panununtunan ng Diyos ang iyon mga kapasiyahan...Isa pa'y mayroon ka rin namang nagagawang bahagyang kabutihan bagama't hindi mo kinukusa, at ito'y dili iba kundi ang pagpapatawa mo sa maraming bihasang tao, at upang maisagawa ito'y kinakailangan din ang pagtitiis. Nararapat ko bang gawing huwag mag-alis ng sambalilo ang mga indiyo o huwag humalik sa iyong kamay, kung ikaw ay makasalubong nila? Yao'y magaling upang maparusahan ang iyong kapalaluan, nguni't kung ito'y aking gagawin ay ipatatapon, pagkatapos, ang mga kahabag-habag na indiyo o ipabibilanggo kaya at hindi tumpak na dagdagan ko pa ang samang inyong ginagawa. Nararapat bang pagdusahan ang iniuukol mo kay Voltaire, kung yaon ay pakahuhuluganang isang kaparusahan? Tila nararapat sa iyo ang gayon, tila minamabuti mo ang kasamaang iyon. Datapuwa't maaaring may ilang paniwalaing nagsisipaniwala sa iyo, at kapag nakita nila, pagkatapos, nana ikaw ay nagtitiis ng gayon ding parusa ay baka akalain nilang ikaw ay katulad ng taong iyang lubhang matalino; kaya, hindi, hindi iyan ang dapat iparusa sa iyo. Ikaw ba'y gagawin kong kimaw at pipi? Iyan sana ang pinakamagaling na parusa, datapuwa't baka naman akalain ng iyong mga kapatid na ang gayo'y isang pagsubok na ipinadala sa iyo ng Diyos….. hindi, hindi mo ako masisilo ngayon. Ano nga ba ang nararapat kong gawin sa iyo?

          --A, alam ko na,--ang kanyang idinugtong pagkatapos na makapagdili-dili.--Masusumpungan mo ang iyong parusa sa iyong kasalanan. Heto ang parusa ko sa iyo: Sa buong buhay mo'y wala kang sasabihin o isusulat liban sa kahangalan, upang pagtawanan ka ng madla, palibhasa'y walang ibang kapararakan ang iyong sinasabi kundi iyan lamang. At sa araw ng paghuhukom, ay hahatulan ka, alinsunod sa nararapat sa iyo!

          --Siya nawa! Ang itinugon ni Prayle Rodriguez.

          Pagkawika nito'y nawala ang pangitain. Ang liwanag na nagbubuhat sa kingke ay naging dilaw uli. Napawi ang mahinhing bango. At nang sumunod na araw, ay nag-ibayong sigla si Prayle Rodriguez sa pagsulat ng lalo pang malalaking kahangalan.

          --Siya nawa!

 Rizal Page