MGA SIGNOS NG TRAHEDYA KAY BONIFACIO SA CAVITE


    

Daniel Mendoza Anciano

 

 

          Ang signos ay isang di karaniwang pangyayaring nagaganap sa isang pagkakataon na naghahatid ng maaring maging larawan ng magaganap sa darating. Maging ang supremo ng Katipunan ay hindi naging ligtas sa ganitong pagbibiro ng pagkakataon, sapagkat bago pa man maganap ang trahedya sa paanan ng kabundukan sa Maragondon ay mababakas na ang kadena ng mga pangyayari na nagpapahiwatig ng isang malagim na darating. Tingnan natin ang mga talang ito ng mga pangyayri sa supremo ng Katipunan.

 

Ang Unang Kamalasan

          Bago sumiklab ang himagsikan ng 1896, ang mga taga lalawigan ng Cavite ay aktibo sa pag-oorganisa ng Katipunan. Isang ganap na kaalaman na ang Cavite ay hati sa dalawang malaking sanggunian ng magkalapit na bayan ng Noveleta at Kawit - Magdiwang at Magdalo.

          Sa memoir ni Santiago Alvarez ay mapuna sana ang isang pangyayari na kaniyang isinalaysay ukol sa isang pagbisita ni Bonifacio sa Cavite noong Biyernes Santo ng 1896 (ito ay bago pa ang himagsikan) upang tingnan ang kalagayan ng mga sanggunian sa Cavite. Sa ganap na ika - 9:00 ng umaga ay nagtungo ang supremo sa Noveleta kasama sina Pio Valenzuela, Emilio Jacinto, at Pantaleon Torres. Sa ika-5:00 ng hapon ang supremo at mga kasama ay nagtungo sa Kawit at naging panauhing lihim nina Emilio Aguinaldo, Baldomero Aguinaldo, at Candido Tirona upang saksihan ang pagtatag ng isang sangay ng sangguniang Magdalo.

          Karaniwan lamang mga naging kaganapan sa pag-uusap at pagpupulong na iyon ng supremo at mga Magdalo, hanggang makarinig sila ng sigawan ng mga tao ng "sunog! sunog! sa Maynila". Lumabas ng bahay sina Bonifacio at mga kasama at nagtungo sa tulay na bato kung saan tanaw ang look ng Bacoor at malalagos ng tingin ang lunsod ng Maynila. Dito ay napansin ni Santiago Alvarez na habang tinitingnan ng supremo ang sunog sa Maynila ay nakitahan niya ng panlalambot na sinundan ng pagkakaupo sa tabi ng pader at pagsasabing nasusunog ang kaniyang bahay at mga kasangkapan. Dahilan sa panlalambot ng supremo ay agad itong bumalik ng Noveleta upang magpahinga at makasakay ng unang alis na bapor sa Cavite, kinaumagahan.

          Makaraan ang dalawang araw tumanggap ng sulat si Santiago Alvarez mula sa supremo na nagbabalitang nasunog ang bahay ng huli kasama ang mga mahahalagang kasangkapan ng Katipunan. Dahilan sa sunog na naganap ang supremo, ang asawa nito at ang kanilang dalawang buwang sanggol na anak ay pansamantalang sumilong sa bahay ni Pio Valenzuela. Ito ang unang kamalasan ng supremo sa lalawigan ng Cavite, sa pangyayaring ito ang unang nawala sa supremo ay ang bahay.

 

 

Ang Signos sa Maragondon

          Ang lugar ng kamatayan ni Bonifacio ay kaniyang nahulaan sa dahilang noong panahon ng Himagsikan at magtungo ang supremo sa Cavite, isa sa kaniyang pinagkaabalahan ang paghahahanda ng isang lugar sa baybayin ng lalawigan, na sakop ng bayan ng Maragondon upang pagbabaan ng mga armas na ipinapangako ni Feliciano Jocson na darating mula sa bansang Hapon. Sa nasabing paglalakbay sa Maragondon, kasama nina Pascual Alvarez, Emiliano Riego de Dios, at iba pang mga kasama na nangagsisipangabayo ay natanaw nila ang isang mabundok na lugar na kanilang tinungo. Ang daan sa nasabing malapit sa paanan ng bundok ay nahahadlangan ang isang sanga ng punong kahoy na hanggang dibdib ni Pascual Alvarez na noon ay siyang pinakamataas at sakay ng pinakamalaking kabayo. Ang pangkat ay dumaan sa pamamagitan ng paglalarong pagyuko sa tuwing tatapat ang isa't isa sa nakaharang na sanga ng kahoy. Ang pinakahuling lumampas ay ang supremo na bagaman pinakamababa ang kabayo ay siya pang nasalabid sa sanga na ikinahulog nito sa kabayo at patihayang lumagpak sa lupa. Agad dinaluhan ng lahat ang nahulog na supremo at nag-iisip, kung bakit kung sino pa ang may pinakamababa at pinakamaliit na kabayo ay siya pa ang nasalabid at di nakalambas sa nakaharang na sanga. Pagkatapos na matigilan ng kaunti ay tumayo ang supremo at nagwika na "Ito ay pamihiin ng mga matatanda sa pagkatalo. Marahil kung tayo ay kukulanging palad na talunin ng mga kaaway, at hanggang sa sa dakong ito ako ay usigin, dito na ako mamamatay at mababaon." Sa lugar na iyon ng Maragondon ayon sa mga nakakita ay ang pook na pinagbitayan at pinagbaunan sa magkapatid na Bonifacio.

 

Ang Pagbibiro ng Kahapon at Kasalukuyan

          Ang supremo Andres Bonifacio ay dinakip ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo sa Baryo ng Limbong, Indang, Cavite. Naging makahayop ang nasabing pagdakip, sa sagupaan ay napatay si Ciriaco Bonifacio, at ang supremo sa kabialng dako ay may tama ng punlo, at walang habag na sinaksak sa leeg ng isang pinunong Magdalo na si Jose Ignacio Pawa. Sugatan ang supremo, kasama ng kaniyang asawa, kapatid na si Procorpio, at mga bihag na tauhan ay inilakad na tila mga kriminal sa kahabaan ng kalsada ng Indang patungo sa bayan ng Naic.

          Sa buong panahon ng paglilitis, ang supremo ay sugatan at nagnanaknak ang sugat at walang anumang aktwal na medikasyon na nailapat sa kaniya. Ang paghihirap ng supremo ay nagtapos ng buong lupit siyang bitayin at ang kaniyang kapatid sa paanan ng kabundukan ng Maragondon.

          Mahirap paniwalaan ngunit isang kabalintunaan na tila nagbibiro ang kasalukuyan sa isang mahapding nakaraan. Ang supremong sa huling sandali ay minaltrato ng mga pamunuan ng Sangguniang Magdalo sa dahilang ang pangalan ng pagamutang panlalawigan ng Cavite ay ANDRES BONIFACIO MEMORIAL HOSPITAL.

 

BALIK