ISANG MAKISIG NA GUBERNADORSILYO


Jose Rizal

 

          Lahat ng maginoo sa Binundok ay inanyayahan: ang Kura, ang Alkalde, ang taga-usig, ang Tenyente ng Guwardiya Sibil Beterana na katatatag pa lamang, isang prayleng pransiskanong kaibigang matalik ni Kapitan Pepe, ang kura sa Tundo, dalawa o tatlong mangangalakal na taga-ibang bansa at ilan pang tao. Ang pistang ito ay inihandog ni Kapitan Pepe sa taunang pag-aalaala sa kamatayan ng ina ng kura, na nangyari sa Kalahora, at dahil dito'y sinasabi niya sa mga inanyayahan: Pumaroon kayo sa aming bahay; ipagpista natin ang kamatayan ni Ginang Kalora, ang ina ng kura.

          Doo'y maaari rin tayong dumalo kahit hindi tayo inanyayahan. Gawin natin ang ginagawa ng kadete, mga paruparong tumutungo kung saan may liwanag, tugtugan o hapunan, hanging sumisingit sa lahat ng dako, na sukat na ang isa'y nakakakilala o hindi sa may-ari ng bahay upang silang lahat ay maipakilala o hindi.

          Si Kapitan Pepe ay may apatnapu o apatnapu't limang taong gulang, pandak, mataba, malinaw ng bahagya ang kulay, mahaba ang buhok sa harap at panot sa likod, may kakitiran nang noo, bilog at maliit ang ulo, at liig na maikli at mataba. Siya'y isang taong marunong mag-anyong manlulupig o sultan kapag nakikitungo sa kanyang mga kababayan o nasasakupan, at kumilos na parang isang bubong pormal kapag nakikipag-usap sa kura at sa iba't ibang may kapangyarihan. Siya'y mayaman, may limang bahay sa daang Rosario at Anloague, at maraminig pakikipagkasunduan sa Pamahalaan. Siya'y nagpapalit ng relihiyon huwag lamang makagalit ng kura, makalawang nagpapamisa sa isang linggo para sa ikagagaling ng mga kaluluwa sa Purgatoriyo; kung linggo't pistang pangilin ay nakikinig ng misa ng ikasampu, at pagkatapos ay nagtutungo sa sabungan; dito'y asentista siyang nakikipagyari sa mga pustahan. Madalas siyang nakikitang nangunguna sa orkestra upang bumati sa kura, sa Tinyente ng Guwadiya Sibil, sa Alkalde, at hanggang, kung ako'y hindi namamali, sa isang insik na kaibigang-kaibigan ng Gobernador Sibil. Pinalalabukan niya ang kanyang pagtatalumpati, kinakanta ang mga awit na sadyang kinatha para sa pagkakataon upang nasain ang tagumpay at ang korona para sa mabait na pari. Kilala siya sa Maynila dahil sa kanyang mga pasayaw at papiging; tinatangkilik siya ng mga kawani sa pamahalaan at minamahal nang labis ng mga sakristan. Siya'y naghandog ng isang bastong yari sa ginto at mahahalagang hiyas sa Birhen sa Antipolo nang siya'y mahirang na gubernadorsilyo; yao'y isinama ng loob ng kura sa Binundok, na isang paring dominiko. Ang nasabing sama ng loob ay pinawi ni Kapitang Pepe sa isang paraang makadiplomatiko, sa paghahandog sa Birhen sa Binundok ng isang balabal na binurdahan ng ginto at nagkakahalaga ng 8,000 piso. Siya'y ginantimpalaan ng Diyos sa kanyang pagka-makarelihiyon; minarapat ng Diyos na kusang loob na ibuhos ng maraming angkan sa mga kamay ni Kapitang Pepe ang naimpok nila nang mahabang panahon. Dahil dito'y bumayad siya nang taong iyon sa simbahan ng Antipolo ng apat na misang "solemne" na nagkakahalaga ng dalawang daang piso bawa't isa, at may mga kasamang kwitis, paputok, musiko, at maraming dupikal ng mga batingaw. Kailan ma'y hindi nataas sa gayong kaluwalhatian ang isang tao. Marami siyang kaagaw na mga matatandang manong at sinasabing sa pagpapalaluang ito'y hindi miminsan siyang tinalo ng isang balong babaeng tagapagmana ng kanyang mga anak, mga kapatid, at mga pamangkin at nang panahong yao'y nagtatamasa rin ng malaking kabantugan sa mga sakristiya at kumpisalan.

          Si Kapitan Pepe, tapat sa kanyang pamumulitika, ay nakikitungo sa Diyos, gaya ng pakikitungo niya sa mga tao. Kung gaano ang pagpapaulan niya ng mga regalo kapag may ninanais na makamit sa Kura, sa Alkalde, o sa Pamahalaang Sibil, gayon din naman kapag ninanasa niyang manalo ng malaking halaga sa sabungan ay naghahanda siya ng mga misa "solemne" sa sinusundang tatlo o apat na araw. Kapag nanalo siya ay nagdaragdag ng mga pamisa, namumudmod ng salapi sa mga sakristan, nagkakaloob sa Kura ng mga kapon at pabo; kapag siya'y natalo ay sinisisi naman ang sarili sa karamutan sa mga kandila, sa pagpapabawas ng bilang ng mahahabang dupikal ng mga batingaw, sa masamang tinig ng paring nagmimisa at dinadagukan ang kanyang dibdib nang makalawa o makaitlo at pagkatapos ay idinudukot ang kamay sa bulsa para sa ibang pamisang lalong maingay at lalong maraming pailaw, kaya't muling sumisilang ang kanyang pag-asa.

          Ang taong ito, sapagka't sa wakas ay tao rin siya, ay walang kagalit na sinuman. Ang kanyang kabaita't kagandahang asal ay pinupuri ng mga manang maliban sa isa: siya'y pinupuri ng kura sa harap ng lahat at inihaharap na uliran sa mga mayayaman at makapangyarihan. Ang biyaya ng langit, sa katunayan, ay umuulan sa kanya; ang kasunduan tungkol sa apiyan ay pinagtutubuan niya ng malaki; ang mga tinali niya'y halos lagi nang nananalo, at ang mga lupain niya'y lalong bumubuti.

          Isang araw ay sinabi sa kanya ng isang uldog ng Orden Tersera na winika umano ni Hesukristo na lalo pang madaling makapasok sa isang butas ng karayom ang isang kalabaw kaysa isang mayamang makapasok sa langit; at dahil sa ito'y sinabi ng uldog sa isang paraang nakababagbag ng loob at tiniyak na nabasa niya sa isang nobena, si Kapitang Pepe ay nabalisa ng gayon na lamang at nagsadya upang sumangguni sa Kura Paroko. Inaliw siya ng kura sa pamamagitan ng mga salitang sumusunod, na sinabi nang buong kapormalan at sa napakasamang pananagalog:

          --Nararapat kang matutong magpakahulugan sa mga pangungusap ng ating Panginoong Hesukristo. Tinutukoy niya ang mga mayayamang hindi nagbibigay ng anuman sa Iglesiya, hindi naka-aalaalang magpamisa, maglimos, magregalo. Nakita mo na, Pepe (dito'y nabagbag ang loob ng Kapitan) Sina Abraham, David at Solomon, Hob at iba pang banal ay ubod ng yaman, datapuwa't palibhasa'y hindi sila nakalilimot sa Diyos at nagpapamisa sa ikagagaling ng mga kaluluwa sa Purgatoriyo, ay minahal sila ng Panginoon. Magpatuloy ka, Pepe (dito'y naliligid ang isang patak ng luha ng pagkamairugin kay Kapitang Pepe) -- magpatuloy ka sa iyong mabuting landas at huwag kang tumulad sa ilang tampalasan sa Diyos na hindi nagbibigay kailan man sa Iglesiya. Tingnan mo, sasabihin ko sa iyo ang isang lihim na huwag mong ibubunyag kaninuman; ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso; ito'y sinasabi ko sa iyo sapgka't totoong minamahal kita (si Kapitang Pepe ay naiyak nang totoo) -- Kagabi ay napanaginip kong ikaw ay diinadala ng mga anghel sa langit sa gitna ng mga kuwitis at paputok at ang mga masasama'y nahuhulog na pabalintuwad sa impiyerno at nakataas sa iyo ang kanilang mga bisig na anaki'y nagmamakaawa.

          Ito'y sinagot ni Kapitang Pepe ng mga hibik, nag-iwan siya ng sampung tig-aapat na piso para sa isang pamisa ng pasasalamat, hinagkan ang kamay ng kura, at umalis.

          Ang araw na siya'y gawing gubernadorsilyo! Ang simbang-baras ay naging araw na napakasaya para sa lahat ng mga sakristan, mga kawani, mga natiwalag sa pamahalaan, mga karabinero, mga alguwasil at… Kay raming mga papel de bangko. Kay raming mga pabalsa.

          Ang buong panahon ng kanyang pagkagubernadorsilyo ay isang pagdiriwang na walang tantan. Ang pamistang kasuutang tinabas ni Alberto Reyes ay nakikita sa lahat ng dako, sa araw at gabi, sa mga prusisyon, sa sabungan, sa pangungulo sa mga mamamayang taga-Binundok o sa mga insik na mamamasan, tagapaghatid ng hamon, pabo, mansanas, mangga, manok at iba pang maraming-marami. Ang mga ito'y palagiang kasa-kasama ni Kapitang Pepe, walang iniwan sa mga liktor ng matandang Roma, upang dumalaw sa maykapangyarihan sa Intramuros o sa Kapitan Heneral sa Malakanyang. Dahil sa mga ito'y naging matalik siya sa mga diyus-diyusan sa Olimpo, walang pagpapalagayang-loob, sa ilang may kadakilaan.

          Sa loob ng panahon ng kanyang mga pagreregalo't paninikluhod, alalaong baga'y samantalang namamahala siya sa isang maliit na paraan, sa Binundok ay hindi nawala ang mga kahatulang lalong napabantog, mga kahatulang lalong katangi-tangi at iba't iba. Sakaling ang aming mambabasa'y hindi taga-Maynila, tatalakayin namin dito ang dalawa sa lalong hndi napabantog na makapagtatangi at magpapakilala sa kanya.

          May dalawang taong nagtatalo kung ang isa sa kanila'y nakapagpahiram sa ikalawa ng gayon karaming kuwalta. Ang ikalawa'y nagpapatunay na hindi umabot sa gayong halaga, at kapuwa nila pinagbabatayan ang mga kasulatan, katibayan, mga sulat, at iba pa, at sila'y nagkakainitan na.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

MGA GUNITA NG ISANG MANOK

 

          Ang kauna-unahang nakita ko'y hindi ang liwanag kundi ang gabi sa silong ng isang bahay. Ang sinilangan ko'y isang kaing na kawayan, puno ng dayami, na kinaroroonan din ng maraming sisiw na gaya ko, sa pagitan ng mga balat ng itlog na pinagpisaan . Sa gitna namin ay naroon ang aming ina, na ang init ay nakapangangalaga nang bahagya sa amin laban sa lamig, sapagka't ang maiikling balahibo namin ay halos hindi makapagsanggalang sa amin sa karahasan ng panahon. Masayang-masaya ako, datapuwa't hindi ko nababatid kung bakit, marahil din naman ay dahil sa pagkakatagpo ng gayon karaming kapatid na nakakalaro o sa pagkakaramdam ng mainit-init na singaw sa pagkakadaiti ng aming ina. Ang nangyari'y napakasaya ko at pumupiyok-piyok akong paminsan-minsan na taglay ang malabis na kaligayahan; napapalingon tuloy sa akin ang aking ina upang masdan akong parang namamangha sa kaligayahang nakalalasing sa akin. Sinubok kong gamitin ang aking maliliit na mga paa, hinakbang-hak-hakbangan ang ibang sisiw at nakipag-usap sa kanila, at pumipiyok ako na parang nagbibigay sa kanila ng maligayang bati; labing-isa kaming lahat, matataba, bilugan ang katawan, may maliliit na tuka at ang ulo'y may kalakhan; pumipiyok kami at ang lahat ay inaalihan ng isang katuwaan at kasiyahang sariling-sarili ng mga manok.

          --Mga bata! Anang aming ina, huwag kayong mag-ingay na lubha. Mahina lamang kung kayo'y pipiyok sapagka't nagkakatulog sila sa itaas. Tumigil kami, bagaman hindi namin nalalaman kung sinu-sino ang mga tinutukoy na nagkakatulog pa raw.

          Namamangha kayo, marahil, na pagkalabas na pagkalabas namin sa itlog ay marunong na kaming magsalita at nagkakaunawaan na kami. Kayo'y tao at may katuwiran nga kayong mag-alinlangan, sapagka't ang tao'y ipinanganganak na kulang sa lahat ng bagay at mangmang, palibhasa'y tunatanggap sila ng lahat ng pagkakalinga ng kanilang mga magulang at iba pang kamag-anak at nabubuhay sila ng mahabang panahon; dahil dito'y may mahabang panahon silang ikatututo ng isang wika at ng iba pang gawa at gawi. Nguni't kaming mga sisiw, kaming wala kundi iisang ina at kaming mga anak ay napakarami!isang inang napakadukha at naghihikahos, na gaya naming walang sukat mapagdagisunan. Ano ang mangyayari sa amin kung sa maikling panahon ng buhay na ipinagkaloob sa amin ng tao ay kailangan pa naming mag-aral magsalita at bawa't kataga'y isa-isa pang ituturo sa amin? Napag-alaman kong ang mga anak ng tao'y tumatagal ng tatlo, apat o higit pang taon bago makapagsalita at makapagsaysay nang pautal-utal; kung kinakailangan pang kami'y mag-aral, kaming walang sapat na utak at pantanda, ay mamamatay na kami bago makapagpahayag ng isang nais. Samakatuwid ang kalikasang mapanangkilik at makatuwiran ay nagkaloob sa amin ng maraming bagay na ipinagkait sa inyo sa simula, bagaman pagkatapos ay inyong napagiging ganap at maayos sa isang anyong halos di-mapaniwalaan.

          Sinasalita nga namin ang aming wika, na marahil ay maraming kapintasan, datapuwa't sadyang makahulugan naman. At samanatalang kaming mga sisiw ay nag-iisip-isip kung sinu-sino kaya iyong mga nagkaktulog pa sa itaas, at abalang-abala sa mga panghuhula, ang aming ina'y nagsalita ng ganito:

          --Mga anak: humigit-kumulang sa kalahating oras na dahil sa katutuka ko ay nabasag din ang balat na naglilingid sa inyo sa daigdig, kaya'y napakamusmos pa kayo upang makaunawa ng ilang bagay. Ang masasabi ko sa inyo'y kayo at ako mang ito ay pawang pag-aari ng isang taong nagpapakain sa atin at siya ring magpapasiya sa inyong buhay at sa akin man -- at isang buntung-hininga ang pinapulas matapos ang mga huling salitang ito.

          Hindi ko natatap na mabuti ang halaga ng buntung hininga at sa udyok lamang ng pagkamausisa ay tinanong ko ang aking ina.

          --Ano po ba ang tinatawag ninyong tao?

          --Anak ko, ang tao… tao, hintay ka, paano ko bang isasaysay sa iyo? Ah, ganito, ang tao'y isang manok na lalong malaki kaysa inyong lahat, napakamakapangyarihan at napakalakas.

          --Lalo pang malaki at lalo pang makapangyarihan kaysa inyo?

          --Oo, malaking-malaki pa.

          Kaming lahat ay paraparang nagulumihanan! Anu-anong mga hula ang aming ginawa at anu-anong mga haka-haka! Ano kaya iyong manok na lalong malaki at lalong makapangyarihan kaysa aking ina?

          Nag-iisip-isip pa kami nang marinig namin ang isang malakas na tilaok, mataginting, mahaba, awit na tila nanggaling sa kaligayahan, kayabangan, pagmamataas at kahambugan.

 

Rizal Page