TIRONA AT
NORIEL SA HUKUMAN NG KASAYSAYAN
Daniel
Anciano
Nalathala sa
Filipino Magasin
Nobyembre 10,
1997
Noong
nakaraang Mayo 10, ay ginunita ng sambayanang Pilipino ang sentenaryo ng
kamatayan ng Supremo Andres Bonifacio. Isandaan taon na ang nakalipas nang ang
mgakapatid na Andrea at Procorpio Bonifacio ay bitayin (sabi ng ilang palabiro
ay sinalvage) sa paanan ng isa samga bundok ng Maragondon, Cavite.
Ang kamatayan
ng supremo ay isa sa itinuturing na pinakamatingkad na dungis sa ginintuang
Pahina ng Unang Yugto ng Himagsikang Filipino ng 1896-1897. Hanggang sa
kasalukuyan ang misteryo ng kamatayan ng magkapatid na Bonifacio ay patuloy
parin na pinag-uusapan ng mga taong may hilig sa kasaysayan.
Dalawang
katipunero ang nagkaroon ng malaking papel sa malagim na kinasapitan ng supremo
sa paanan ng bundok ng Maragondon – sila ay sina Daniel Tirona at Mariano
Noriel, dalawang pangunahing heneral ni Pangulong Emilio Aguinaldo.
Sa artikulong
ito ay ating susundan ang mga sumunod na kaganapan kina Tirona at Noriel at
kung papaanong ang kasaysayan ay humatol sa kanila upang matagpuan ng mga
sumusunod na lahi ng mga mananalaysan ang dalawang personalidad sa basurahan ng
kasaysayan.
DANIEL TIRONA
Ang
Panghihiya sa Supremo
Si Heneral
Daniel Tirona ay nagsilbing Direktoer ng Digmaan ng Sanggunuang Magdalo bilang
kapalit ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Koronel Candido Tirona na
nasawi sa madugong labanan ng Binakayan noong Nobyembre 11, 1896.
Sa pagdating
ni Bonifacio sa Cavite noong kalagitnaan ng Disyembre 1896, si Tirona pa ang
naghatid sa supremo mula sa Imus, Cavite patungong San Francisco de Malabon
(Bayan ng General Trias, ngayon). Sa nasabing parada si Tirona ay nakasakay pa
sa kabayo na nasa kanang paning ng karitelang sinasakyan ng Supremo Andres
Bonifacio. Nakabunot pa ang espada ni Tirona at sumisigaw pa sa mga taong
nadadaanan ng parada ng "Mabuhay ang Supremo."
Ayon sa
pagsasalaysay ni Heneral Santiago Alvares, ang nabanggit na paghahatid at
pagsigaw ng pagbubunyi ni Tirona sa supremo ay hindi minabuti ng Sangguniang
Magdalo, dahilan ito upang siya ay mapagalitan ng mga kasamahan niya. Bilang
pagbabangong puri sa kaniyang mga kasamahan sa Magdalo. Si Tirona ay nagpakalat
ng mga mapanirang sulat laban sa katauhan ng supremo.
Labis na ikinagalit
ng supremo ang ganitong mga mapanirang sulat, kaya ng magkita sina Bonifacio at
Tirona sa San Francisco de Malabon ay tinutukan agad ng baril ni Bonifacio si
Tirona. Mapalad na lamang at naawat ng mga taong sa bahay ang supremo sa
kaniyang pagpisil ng gatilyo.
Ang
pinakamalaki at pinakapopular na panghihiya ni Tirona laban sa supremo ay
naganap sa Kumbensiyon ng Tejeros. Pagkatapos na matalo ng sunod-sunod ang
supremo sa mga mahahalagang puwesto sa itinatayong Rebolusyonaryong Gobyerno na
papalit sa Katipunan, nahalal din sa wakas ang supremo bilang Direktor ng
Interior. Sa kabilang dako, ang nasabing puwesto para kay Bonifacio ay
tinutulan ni Tirona at iminungkahi ang pangalan ni Jose del Rosario na mas
angkop sa puwesto. Sa pagkakataong ito, naging labis na ang pagkamuhi ng
supremo at tinutukan ng baril si Tirona. Sa ikawalang pagkakataon ay naging
mapalad si Tirona dahilan sa naawat ni Ricarte ang supremo, na nagbigay ng
pagkakataon para kay Tirona na mabilis na makatakbo.
Ang Hatol ng
Kasaysayan
Pinarusahan
ng kasaysayan si Tirona sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon. Una ay nang
mabawi ng mga Espayol ang Cavite noong 1897 mula sa kamay ng mga
rebolusyonaryo. Si Tirona at si del Rosario (na pinagpipilitan ni Tirona bilang
kapalit ni Bonifacio) ay nagtungo sa Tanza at buong kaduwagang nakaluhod ma
humihingi ng amnestiya sa mga Espanyol.
Noong 1898 ay
nagbalik si Aguinaldo mula sa Hongkong at naitatag ang isang bagong pamahalaan.
Muli niyang tinawag si Tirona para maglingkod sa pamahalaan bilang heneral ng
hukbo ng unang republika. Sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano, si Tirona
ay naatasan na mamuno sa Cagayan bilang gobernador-militar ng nasabing
lalawigan.
Ang kaduwagan
ni Tirona ay naipakitang muli sa ikalawang pagkakataon. Sa talaarawan ni Dr.
Simeon Villa na nakapaloob sa petsang Pebrero 5, 1900, mapait niyang
isinalaysay ang mga kawalanghiyaan ni Tirona. Sinulat ni Dr. Villa na ginamit
ni Tirona ang kaniyang posisyon sa pamahalaang panlalawigan sa pagmomonopolyo
ng mga kalakal na pumapasok sa Cagayan na nagkaloob kay Tirona ng napakalaking
pakinabang na pera.
Kabilang sa
isinulat ni Dr. Villa sa kaniyang talaarawan ay ang insidente kung saan ang
bahay ng isang mayamang taga Tuguegarao, Cagayan ay nilooban ng mga masasamang
loob at nilimas ang alahas at salapi. Hindi na nahuli o nakilala ang gumawa ng
pagnanakaw. Pagkatapos ng dalawang buwan, ang ilan sa mga alahas na ninakaw sa
bahay ng mayamang taga Tuguegarao ay nakitang nakasuot na sa katawan ni Tirona.
Dito ay natanto ng mga taga Cagayan kung sino ang tunay na utak ng nakawan.
Sa pagsalakay
ng mga Amerikano sa Cagayan, isinisi ng mga taga-roon ang pagbagsak ng
lalawigan sa kabuktutan, kaduwagan at kawalan ng kahihiyan ni Tirona. Agad
sumuko si Tirona sa mga Amerikano. Nang sumukod si Tirona, nakahanay siya sa
harapan at sa pagkakataong ito ay harapang iniinsulto siya ng mga taga Cagayan
na nakasaksi sa pagsuko. Sumisigaw ang mga taga Cagayan ng buong pagkutya na
nagsasabing si Tirona ay magnanakaw na may pinakamaitim na balahibo, walang
karangalan at duwag.
Si Tirona ay
nagsilbing isang alila sa kapitang Amerikano na nakadakip sa kaniya. Sa
nasabing kapitang Amerikano (heneral si Tirona) si Tirona ay naglingkod bilang
tagalinis ng sapatos at tagapaglinis ng opisina.
MARIANO
NORIEL
Ang Lagda ng
Kamatayan
Pagkatapos ng
kumbensiyon sa Tejeros, nagbalak ang supremo na muling I-organisa ang kaniyang
puwersa sa pagpupulong na naganap sa casa hacienda sa Naic, Cavite. Sa
nasabing pagpupulong kaniyang itinalaga sina heneral Pio del Pilar at Mariano
Noriel na na maging pinuno ng hukbong mapaghimagsik (na hiwalay sa Tejeros).
Ngunit ang
nasabing pulong ay natuklasan ni Aguinaldo at nakita niya na ang kaniyang
dalawang heneral sa paksiyong Magdalo na sina Noriel at Tirona ay kasama sa
pagpupulong ni Bonifacio. Ipinatawag ni Aguinaldo ang dalawa at kanilang sinabi
na "nilinlang lamang sila ni Bonifacio" at muling nakilahok sa
pangkating Magdalo.
Dahilan sa
naganap na pagpupulong ni Bonifacio sa Naic ay natanto ng mga Magdalo na ang
supremo Bonifacio ay isang tinik sa kanilang lalamunan at banta sa bagong tatag
na rebolusyonaryong pamahalaan. Nadakip ang magkapatid na Bonifacio sa Sito ng
Limbon, Indang, Cavite, pagkatapos ng isang sagupaan na ikinamatay ni Ciriaco
Bonifacio at labis na ikinasugat ng Supremo. Mula sa Indang, dinala ang mga bihag
sa Naic, Cavite upang litisin ng tribunal militar na pinamumunuan ni Heneral
Mariano Noriel. Ang paglilitis ay nagsimula ng Abril 29, 1897 at inilipat sa
Maragondon noong Mayo 4, 1897. Ngunit ang aktwal na paglilitis ay naganap noong
Mayo 5, 1897 at ng sumunod na araw ay nakapagpalabas na ng hatol na kamatayan
ang tribunal militar.
Nang iharap
kay Aguinaldo ang desisyon ukol sa hatol na kamatayan laban sa magkapatid na
Andres at Procorpio Bonifacio, nagpalabas si Aguinaldo ng kautusan na nagbabawi
ng kaparusahang kamatayan sa magkapatid na Bonifacio kapalit ang kaparusahang
pagpapatapon na lamang. Ngunit sina Noriel at del Pilar ang pumilit kay
Aguinaldo na hayaan na lamang na manaig ang desisyong iginawad ng tribunal
militar "alang-alang sa kapakanan ng himagsikan."
Noong Mayo
10, 1897, si Major Lazaro Makapagal ay ipnatawag ni Heneral Noriel, pinagsama
ng ilang tauhan , may iniabot na sulat, inutusan na kunin ang mga preso at
dalhin sa bundok Tala. Sinunod ni Makapagal ang utos at dinala ang magkapatid
na preso sa kabundukan ng Maragondon. Bago pa man marating ang bundok Tala ay
pinilit ni Bonifacio si Makapagal na basahin ang sulat. Nang buksan ang sulat
ay natagpuan nila ang ganitong nilalaman.
Major
Makapagal,
Sang-ayon
sa kauusan ng Sangguniang Pandigma na ginanap sa Maragondon noong Mayo 8 laban
sa magkapatid na Andres at Procorpio Bonifacio, na hinatulan na patayin sa
pamamagitan ng pagbaril, ikaw ay inuutusan na ipatupad ang nasabing kahatulan.
Ikaw
sa pamamagitan nito ay binabalaan na anumang pagpapabaya o kawalan ng ingat na
iyong magagawa sa pagpapatupad ng kautuasng ito, ikaw ay mananagot at
pasasailalim ng higpit ng mga batas na nakapaloob sa Kodigo ng Hukumang Militar
Pang-Espanyol.
Banatayan
ka nawa ng Diyos sa maraming mga taon.
(Lagda)
M. Noriel
Maragondon,
Mayo 10, 1897
Nang mabasa
ito ni Makapagal at narinig ito ni Bonifacio ay hindi sila kapwa makapaniwala.
Maging ang nakakahigit na ebalwasyon ng paglilitis sa kaso ng supremo ay nauwi
sa isang konklusyon na ang mga akusasyon ay higit na hindi kapanipaniwala.
Mapagbirong
Wakas
Ngunit
mayroong naganap na kabalintunaan sa kasaysayan para kay Heneral Mariano Noriel
pagkatapos ng 12 taon. Noong 1909, sa panahon ng pamamahala ng mga Amerikano,
si Noriel ay inakusahan ng salang pagpatay kasama ng kaniyang dalawang tauhan
na sina Luis Landas (alcalde ng Bacoor, Cavite) at Roman Malabanan.
Noong Marso
23, 1914, hinatulan si Noriel at ang kaniyang mga kasamahan ng parusang
kamatayan sa kabila ng hinala ng marami na ang pagkakasangkot ni Noriel sa
kasong pagpatay ay gawa-gawa lamang.
Noong Enero
27, 1915, si Heneral Noriel na lumagda ng kautusan ng pagbitay sa magkapatid na
Bonifacio ay binitay din sa Piitan ng Bilibid sa Maynila. Katulad ng supremo
Bonifacio, namatay si Noriel na hindi niya matanggap ang pagiging matuwid ng
hatol ng hukuman.
Napakahusay
ng pagbibiro ng kasaysayan, ang lalaking lumagda sa kautusan ng pagbitay kay
Bonifacio ay inilakad din ang huling hakbang ng kaniyang mga paa patungo sa
andamyo ng bitayan, kasama ng kaniyang dalawang kaibigan.