Marahil mahigit na sa pitong milyong migranteng Pinoy ang nakakalat sa 
buong mundo at ang migrasyong ito sa kasalukuyan ay hindi na 
itinuturing na "bagong penomena" dahil sa ang Pilipinas ay tanyag na 
pinanggalingan ng maraming uri ng migrante partikular ang mga OFWs.  Isang anyo ng 
migrasyon, eksilyo o pagpapatapon ang ating tatalakayin. Ito ay 
tumutukoy sa sinumang napilitang humiwalay sa bayan na maaaring bunga ng 
personal o aksidental na salik, subalit kadalasan ay pulitikal at ang mga 
isyung tumutugon laban sa awtoridad o estado kung kaya't may mga bantang 
panganib.  Maaaring tumukoy din ang eksilo sa isang "deportee" at 
hambing sa mga salitang "expatriate", "diaspora", at "refugee migration."  
Karaniwan na rin ang pagtukoy sa mga eksilo sa pisikal na pagkakawalay 
subalit maaari rin itong internal or panloob na paghihiwalay ng 
kamalayan.
	Sa paksang ito, layunin naming bigyan ng isang komparatibong 
pag-aanalisa ang mga "eksilo" sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol at ang 
kasalukuyan sa Utretch.  Nahahati ang ating diskusyon sa Unang Kilusang 
Propaganda na kinabibilangan nina Jose Rizal at ang mga Ilustrado, 
Propagandista at Deportado at ang Ikalawang Kilusang Propaganda kabilang si 
Jose Ma. Sison at ang pamayanang eksilo sa Olandes tulad nina Antonio 
Zumel at Luis Jalandoni.  Bunga na rin ng magiging paghahalintulad ng 
dalawang grupo ang mahalagang katanungan ukol sa magiging "pagbabalik" 
(kung mangyayari man) ni Jose Ma. Sison dito sa Pilipinas lalo na ang 
kanyang hinaharap sa pagpataw ng hatol ng ating bansa at ng pandaigdigang 
komunidad.
	Inaanyayahan naming ang kanilang kuro-kuro, diskusyon at suhestyon 
para sa aming website at sa kaaalaman ng lahat upang tayo ay maliwanagan, 
mamulat sa katotohanan at magkaroon ng makabuluhang paninidigan.