Introduksyon
Klimang Politikal
Aksyon at Adhikain
Tunggalian
Konklusyon
Sanggunian
Mga Lumikha

Iba pang artikulo:
Si Joma Sison

Makilahok sa aming talakayan. I-klik ang mga larawan sa ibaba upang pumasok sa aming forum.


Klimang Politikal

"Eksilo at Panlipunang Pagbabago:
Isang Komparatibong Pag-analisa sa Dalawang Yugto ng mga Pilipinong Eksilo"

Sa panahon ni Jose Rizal, matindi ang panawagan ng asimilasyon. Bunsod ng kanyang pag-aaral sa Europa ay natutunan niya ang mga bago at radikal na konsepto na maaaring makapagpapabago ng kanyang Bayan. Bagamat may sinasabing gobyerno ng Espanya sa representasyon ng gobernador-heneral, isa lang ang tunay na namumuno at kumokontrol, iyon ang Korporasyong Relihiyoso. Ang kapangyarihang monastiko ang tinitingalang diyos ng mga "indio" sa pag-angkin ng papel bilang prayle. At ang praylokrasiya ang nagpahirap sa mahirap ng kalagayan na makikita sa stratipikasyon ng lipunan. Dahil sa konserbatibong sitwasyon, mapanupil kung tutuusin, naging atrasado ang lipunan. Ang mga ideyang panlabas lalo ng sa "Rebolusyong Industriyal at Pranses" ay huli na nang malaman at naintindihan ng ating kababayan. Binulag tayo ng maling paniniwala ng panananmpalataya, ngunit hindi ng relihiyong Katoliko kundi ng mga prayle, kung saan sa bawat pagsermon sa pulpito at pagpataw ng mga ordinansa kabilang and hindi makatarungang polo y servicios, ay isang gawaing opresyon. Kaya naman, higit sa pagiging subersibo ang panahong iyon, halimbawa ang pagsusulat ng napakaraming pampleta at iba pang uri ng panitikan, naging matindi ang panawagan ng mga Pilipino ang panlipunang pagbabago gayundin ang pangamba ng nasa puwesto sa kanilang nalalapit ng pagpapatalsik dahil sa kanilang kapabayaan at maling pamamahala.

Kung ihahambing sa kasalukuyang klimang pulitikal, masasabi na higit pa ang opresyon at banta sa kay Jose Ma. Sison at sa pamayanang eksilo. Hindi lamang ang admnistrasyong Arroyo ang may kapangyarihang magpabalik sa kanya dahil kaaakibat nito ang presyur ng Estados Unidos at European Union. Ibig sabihin na ang demokrasya noon ay naiiba sa kalayaan batay sa konteksto kung saan mas limitado ang mga opsyon ng mga Propagandista subalit ngayon ay mayroon ng lehitimong "political freedom" subalit nananatiling konsepto lang din ito. And pakikipaglaban at paglilingkod saa bayan ni Sison ay banta hindi lamang sa Pilipinas ngayon kundi maging sa buong mundo. Naghahari ang imperyalismo kontra sa oryentasyon ng mga ideolohiya ni Sison ng komunismo at sosyalismo.

Sa kainitan ng Batas Militar naging kilala si Ginoong Sison na matindi ang adbokasiya na baguhin ang lipunan. Dumating ang panahon sa kanyang karir na kalaban niya ang estado kaya't bumagsak siya sa mga kamay nito at naging political prisoner. Binibigyang pansin lang natin na ang klimang pulitikal ng dalawang yugto ng mga eksilo ay isang pangyayari ng matinding "opresyon." Magkaiba nga lang ang porma ng mga nasa puwesto - ang simbahan at gobyerno - ngunit, iissa ang papel, ang supilin ang banta ng pagbabago.

Isa pang mahalagang salik ng malawakang kontrol ng dalawang yugto ang suportang militari. Malaki ang naging alokasyon ng badyet ng military sa panahon ng kolonyalismo katulad din sa lumolobong badyet ng sandatahang lakas habang pakonti naman ang sa edukasyon. Implikasyon lamang ito ng napipintong armadong rebolusyon ng mga taong-bayan. Malamang pa na ang mga intelligence networks ay siyang pinaggastusan upang madakip, matortyur at mapatay ang mga taong tunay na makabayan o di kaya ay ipatapon tulad sa Cuba or eksilong panloob lang halimbawa ang sa Dapitan. Ipinaglaban nina Rizal kahit paano ang kanilang mithiin kahit na limitado ang makakaalam nito pagdating sa Pilipinas. Ang bukod tangi lang marahil sa kanya ay ang determinasyon na ilunsad ang tunay na laban sa pagbabalik bayan. Dito sila nagkakaiba ni Sison dahil sa mas mapanganib na sitwasyon na hinaharap ng huli sa panahong tumuntong dito sa Pilipinas sapagkat hindi lamang siya tinuturing na simpleng kriminal ng kasalukuyan at mga nakaraang administrasyon kundi ng internasyunal na komunidad bilang isang "terorista." Hindi natin sinasabi na may kaduwagan si G. Sison. Naninigurado lang tayo sa kanyang kaayusan at ng kanyang pamilya.

Ang pagsulong nga naman tungo sa panlipunang pagbabago ay isang kumplikadong proseso ng pagsasalang-alang sa sariling interes at kapakanan at ng bayan. Kinakailangan na buo ang kalooban na patuloy ang pakikibaka kahit kalaban pa ang estado. Importante din na ang pananaw ng tagapagtaguyod ng anumang ideolohiya ay maging realistik at praktikal sa kung ano ang mas nakakahigit sa kanyang pagsasakripisyo.


Ang mga artikulong mababasa sa website na ito ay isinulat batay sa mga artikulong mababasa sa mga sangguniang aklat at ilang mga websites. Ang mga larawang ginamit ay hiniram din mula sa iba't-ibang mga websites. Ang website na ito ay nilikha para sa isang akademikong layunin.

Disenyo ni Elvin Luciano
para sa PI 100
Unibersidad ng Pilipinas
Diliman, Lungsod Quezon.
Taong 2003