Introduksyon
Klimang Politikal
Aksyon at Adhikain
Tunggalian
Konklusyon
Sanggunian
Mga Lumikha

Iba pang artikulo:
Si Joma Sison

Makilahok sa aming talakayan. I-klik ang mga larawan sa ibaba upang pumasok sa aming forum.


Tunggalian

"Eksilo at Panlipunang Pagbabago:
Isang Komparatibong Pag-analisa sa Dalawang Yugto ng mga Pilipinong Eksilo"

Dito naman natin tatalakayin ang pagkakatulad ng mga suliranin sa dalawang yugto ng eksilo. Magkapareho na malaking dagok ang pinansiyal na aspeto sa pagpapatuloy ng kanilang mga aksyon; nagtiis sa kanyang pagkain si Rizal upang makaipon, nangutang nang hindi dumating ang inaasahang sustento mula sa Pilipinas upang mailimbag ang dalawa niyang aklat na Noli me Tanger at El Filibusterismo; samantalang nahihirapan din sa pang-araw araw na panganailangan si Sison dahil sa pagtanggal ng "social benefits" ng Ministry of Finance at apektado pa ang kanyang pamilya dahilan sa kawalan ng kasiguraduhan na makapagpatuloy at kawalan din ng hanapbuhay, kabilang pa dito ang diskriminasyon sa mag uri nating Pilipino at "indio". Iniisip namin tuloy na bagamat malaking hadlang ang hindi pagtugon sa ating pisikal na pangangailangan ay sa kung saan humuhugot ng lakas ng loob at damdamin na ituloy ang pagsilbi sa bayan sa isang napakalaking sakripisyo. Dito makikita natin ng buo ang loob at malakas ang paniniwala ng mga eksilong nabanggit na hindi kailan man susuko. Liban pa sa walang katiyakan nito ay ang tunggalian mismo sa lugar na kanilang kinaroroonan, ang sensura sa kina Rizal at ang mga dossier ng Ministeryo ng Katarungan at sa hindi na pagkilala bilang refugee bagamat nag-aapela sa Korte Europeo ng Luxembourg. Maituturing ito na mga napakahirap na kalaban dulot ng mga legal na hadlang sa karapatang pantao, ekspresyon at "due process" at ang mga mapanlinlang na mga alegasyon at "smear campaign." Sa kaso ni Sison, nagiging matindi ang sigalot ng gobyerno at "rebelde" lalo pa ngayon sa hindi matuloy-tuloy na usapang pangkapayapaan o "peace talks." Malabo na rin na magiging mapayapa nga ang pagresolba ng mga ganitong uri ng tunggalian lalo pa at maging si Bush ay hindi na sumusunod sa alituntunin ng United Nations. Nakakapanghilakbot isipin na dahas sa dahas na ang panahon ngayon.

Sa isa pang aspeto, pwede nating tingnan ang perspektibo sa pagkatao naman ng mga eksilo at ang kanilang laban sa pangungulila. Siyempre, alam nila na ang tunay na laban ay ang nasa kanilang bayan. Mahirap din na kondisyon sa kanila at hindi lubos na maatim na ang paghihiwalay sa bayang kanilang pinaglalaban ay ang malaking hadlang. Liban pa dito ay ang pagkawalay sa kanilang mga minamahal na pamilya at kamag-anak. Mapapansin natin na walang kinikilingan ang estado sa paggawa ng hakbang upang huwag magtagumpay ang mga eksilo. Alam natin na pinarusahan maging si Doņa Teodora at ito ay lubos na nakaapekto kay Rizal at ang nangyari kay Leonor Rivera. Gusto lang nating itumbok na lagpas pa sa ideolohiyang kanilang pinaglalaban ay ang kanilang tunggalian laban sa sarili. Mayroon din naman silang problemang personal at ito ay ang laban ng emosyon sa rason. Hindi lahat ng laban ay pang-intelektwal lang. Sila ay tao lang.

Sa isa pang dimensyon ng tunggalian makikita natin ang problemag pagkawatak-watak. Ito marahil ang pinakarurok na problemang hinarap ng mga Propagandista at ng Pamayanang Eksilo. Nagkaroon ng mga alitan at di pagkakaunawaan at pagpabor ng iba sa mga "Pilaristas" at "Rizalistas" kaya naman nahirapan ng itaguyod ang pagbabagong lipunan, kahit nagsilbi ng modelo sa Rizal sa kapwa mag-aaral at propagandista. At sa kaso nina Sison ay naging problema din ang hindi pagkakaunawaan ng tulad ni Nathan Quimpo na pinatalsik ng grupo sa mga pang-udyok ng prinsipyong groupthink at methink na halata namang taliwas sa adhikain ng pamayanan. Sa tingin namin, normal ang proseso ng argumento sa bawat grupo na magkaroon ng hindi pag-sang-ayon sa bawat proposisyon, subalit manatili lang sana silang tapat sa kanilang tungkulin na ito ay para sa kapakanan ng bayan. Ang mga tunggaliang ito ang susubok sa katatagan ng isang grupong tunay na makabayan.

Sa kabuuan, ang komparatibong pag-analisa na ito ay isang hamon sa pagtanggap at pag-usad ng panlipunang pagbabago. Tayo ba ay mag-aantay sa pagbabalik ng isa pang Rizal sa katauhan ni Sison upang makamit ang estado na makatarungan, pamayanang nagbubuklod-buklod at kaisahang paniniwala? O tayo ay mangingibang bansa na lang din at iwan ang kasalukuyang laban? Nasa atin ang kasagutan, nasa atin ang mga hakbang pagbabago ng lipunan.


Ang mga artikulong mababasa sa website na ito ay isinulat batay sa mga artikulong mababasa sa mga sangguniang aklat at ilang mga websites. Ang mga larawang ginamit ay hiniram din mula sa iba't-ibang mga websites. Ang website na ito ay nilikha para sa isang akademikong layunin.

Disenyo ni Elvin Luciano
para sa PI 100
Unibersidad ng Pilipinas
Diliman, Lungsod Quezon.
Taong 2003