Hgeocities.com/jxbnep/rel1.htmgeocities.com/jxbnep/rel1.htm.delayedx~Jŝ9OKtext/htmlp!9b.HSun, 06 Feb 2005 10:47:50 GMTBMozilla/4.5 (compatible; HTTrack 3.0x; Windows 98)en, *~J9

 

  

Petsa: Enero 02, 2005

Simbahan: Diocesan Shrine of Immaculate Concepcion, Naic, Cavite

Pari: Fr. Nonilon Tibayan

Oras ng Misa: 6:00am-7:00am

Pamagat: Mabuting Pakikipagkapwa

Gospel: Mateo 2:1-12

Paunawa: Ang sumusunod na pagninilay ay ang buod at pagkakaintindi lamang ng inyong lingkod sa homilya ng pari. Ang aking gamit ay batay na sa sariling interpretasyon. 

 

Salita ng Diyos

 

1Pagkatapos na maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Juda, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may dumating sa Jerusalem mula sa silangan, na mga lalaking pantas sa pag-aaral ng mga bituin. 2Sinabi nila: Saan naroroon ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Ito ay sapagkat nakita namin ang kaniyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.

 

3Nang marinig ni haring Herodes ang mga bagay na ito, naligalig siya at ang lahat ng mga tao sa Jerusalem. 4Tinipon niya ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ng mga tao. Tinanong niya sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. 5Sinabi nila sa kaniya: Sa Bethlehem ng Judea sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
 

6Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga gobernador ng Juda sapagkat mula sa iyo ay lalabas ang isang pinuno na siyang mamumuno sa aking bayang Israel.
 

7Nang magkagayon, tinawag ni Herodes nang palihim ang mga pantas na lalaki. Itinanong niyang mabuti sa kanila kung kailan nagpakita ang bituin. 8At pinapunta niya sila sa Bethlehem. Sinabi niya: Pumaroon kayo at matiyaga ninyong ipagtanong ang patungkol sa bata. Kapag natagpuan ninyo siya, balitaan ninyo ako upang makapunta rin ako at sambahin siya.

 

9Pagkarinig nila sa hari ay tumuloy na sila sa kanilang lakad. Narito, ang bituin na kanilang nakita sa silanganan ay nanguna sa kanila. Nanguna ito sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng maliit na bata. 10Nang makita nila ang bituin, lubos silang nagalak. 11Nang sila ay nasa loob na ng bahay, nakita nila ang bata, kasama ang kaniyang inang si Maria. Sila ay nagpatirapa at sinamba ang bata. Nang mabuksan na nila ang kanilang mga kayamanan, naghandog sila sa kaniya ng mga kaloob. Ang mga ito ay ginto, kamangyan at mira. 12At nagbabala ang Diyos sa kanila sa isang panaginip na huwag na silang bumalik kay Herodes. Kaya sila ay nag-iba ng daan pauwi sa kanilang sariling lupain.

-Ang Salita ng Diyos (Bibliya)

 

Pagninilay

Ngayon po ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng Epifanya. Ito po ang panahon ng pagpapakilala o pagkilala kay Kristo bilang banal sa lahat ng mga Hentil.

 

Samantalang napapanahong pag-ukulan natin ng pansin na noong sa pagsilang pa lamang ni Kristo, nariyan na si Herodes na siyang nagsilbing matinding kontrbida sa buhay ni Hesus.

 

Para sa etimolohiya, ang kontrabida ay mula sa mga salitang Espanyol, ang "contra" para sa "laban, hadlang, tiwalag" at ang "vida" na nangangahulugang buhay. Samakatuwid, ang kontrabida ay ang pagiging sagabal sa buhay ng isang tao. Sa kaso nga ni Hesus, si Herodes ang isa sa kanyang mga pangunahing kontrabida.

 

Sa atin pong mga buhay, hindi maiiwasang mayroong mga kontrabida. Sa katunayan, bahagi na ito ng katotohanan ng ating pang-araw-araw na pamumuhay. At dahilan sa hangad natin ang mapayapa at maka-Diyos na pakikitungo, kinakailangang matutunan nating mahalin ang bawat isa sa atin.

 

Una na sa apat na paraan upang maging matiwasay ang ating pakikipagkapwa ay ang gawang pag-iwas. Kung batid nating nariyan ang isa sa mga kumakalaban natin, tayo na lamang ang lumayo. Mapapansing ganito ang ginawa ni Jose nang isilang si Kristo. Dinala niya ang sanggol sa Ehipto.

 

Ikalawa, kung may mga taong sa unang tingin o impresyon pa lamang natin ay hindi na katanggap-tanggap, kaiga-igaya, o kahali-halina, matutunan nawa nating kilalanin muna sila. Hindi sapat na magbatay tayo ng paghusga at pakikitungo mula sa bugso ng ating mga damdamin. Mangyari, madalas na sa mga pagkakataong inaakala natin ng ang isang tao ay kontrabida sa atin, nangyayaring tayo pala ang nagiging kontrabida sa buhay nila.

 

Ikatlo naman, mahalagang ipanalangin natin ang lahat ng may 'di magandang pakikitungo sa atin. Mali ang sabayan at labanan pa sila. Ang panalangin at dasal ang pinakamainam na sandata upang magliwanag ang puso ng mga nasa karimlan. Silang nagsisilbing kontrabida ay nangangailan ng ating dasal.

 

Panghuli, pinakamahalagang sa paghahangad natin ng buhay na walang kontrabida, tayo nawa ay hindi magsilbing kontrabida sa buhay ng iba. Pinakamabuti na ring ipakita natin ang ating mahusay na pakikipagkapwa, nang sa gayon ay kagaya natin, marami pang magtamo ng tahimik na buhay.

 Ukol sa Artikulong Ito...

Magbigay Kumento | Pag-usapan sa Forum

 

[balik]