Hgeocities.com/jxbnep/rel16.htmgeocities.com/jxbnep/rel16.htm.delayedx!~Jŝ.OKtext/html.b.HFri, 15 Apr 2005 03:53:10 GMTIMozilla/4.5 (compatible; HTTrack 3.0x; Windows 98)en, *!~J. John Xavier B. Nepomuceno Online - Year 2005 - Archive (Online Homilies)

 

  

Petsa: Abril 10, 2005

Simbahan: Diocesan Shrine of Immaculate Concepcion, Naic, Cavite

Pari: Fr. Nonilon Tibayan

Oras ng Misa: 6:00am-7:0am

Pamagat: Ang Salita at Gawa ni Hesus

Gospel: Lucas 24:13-35

Paunawa: Ang sumusunod na pagninilay ay ang buod at pagkakaintindi lamang ng inyong lingkod sa homilya ng pari. Ang aking gamit ay batay na sa sariling interpretasyon.

 

Pagninilay

 

Sa pagbasa ngayon, at kung isasama ang ilang nasusulat ukol sa muling pagkabuhay ni Hesus, kapuna-punang hindi siya nakilala ng kanyang mga nakaniig. Halimbawa na lamang sa kanyang mga apostoles, inakala nilang si Hesus ay multo. Si Maria Magdalena naman ay nag-akalang si Hesus ay isang hardinero. Sa pagbasa ngayon, si Hesus ay napagkamalang dayuhan, at isang tagpo ay inakalang pangkaraniwan.

 

Maitatanong ngayon kung bakit ganito ang nangyari, na hindi nakilala si Hesus. Mangyari, sinabing sa muling pagkabuhay ni Hesus, ang katawan niyang bumangon ay nagtataglay na ng kakaibang dimensyon--kung ano'y, hindi maipapaliwanag sa ngayon.

 

Gayunman, sa mga tagpong hindi nakilala si Hesus, napagtanto naman ng kanyang mga kausap ang pagkatao ni Hesus sa Kanyang pananalita--sa Kanyang mga salita; at sa Kanyang gawa--ang paghahati ng tinapay.

 

Sa kasalukuyang panahon, kapansin-pansin kung paano binabalewala ng mga Katoliko ang Salita ng Diyos. Kahanga-hangang ang ibang sekta o samahang Kristiyano ay nagbibigay ng labis na pagpapahalaga rito--nagbabasa ng Bibliya bago at paka-gising, ginagamit ang Bibliya kung may pagtitipon, atbp.

 

Sa Ebanghelyo ay binanggit ang kinasapitan ng mga nakausap ni Hesus ng mapagtanto nilang ang kanilang nakausap ay si Hesus, "Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo'y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan (Lucas 24:32)." Kung pagbabatayan natin ang salin sa Ingles, mababasang, "Wasn't it like a fire burning in us when he talked to us on the road and explained the Scriptures to us (Luke 24:32)?" Samantala, mahalagang pagnilayan at suriin natin ang mga sarili: naramdaman ba natin ang kagayang pag-aalab ng puso, pag-iinit ng damdamin, at pagliliyab sa sabik habang ipinapahayag at ipinapaliwanag sa atin ang Salita ng Diyos?

 

Sa pagdiriwang ng misa, nahahati sa dalawang malaking bahagi ang daloy. Una, ang Liturhiya ng Salita ay kinapapalooban ng mga pagbasa at pagpapaliwanag ng mga Kasulatan. Ang naunang tinalakay ay kabahagi ng parteng ito.

 

Samantala, hindi naman sa Bibliya lamang makukuha ang Salita ng Diyos. Bukod sa Bibliya, ang Salita ng Diyos ay kabahagi ng ating karanasan--ang ating pagtatagumpay, ang ating mga kalungkutan, ang ating kasiyahan, at ating pagkapagod; ang Salita ay makikita rin sa mukha at katauhan ng ibang tao, sa ating kapwa; ang Salita ay nasa kalikasan din--ang pagsabog ng bulkan, ang pagsikat ng araw, bituin, buwan atbp; at ang Salita ng Diyos ay nasa mga kaganapan sa ating paligid--pulitika, pagdarahop, at mga katulad. Gayunman, ang ating pagtingin sa konteksto sa Salita ng Diyos na taglay ng mga ito ay mahalaga upang mapatuwid ang ating pagkilala.

 

Nabanggit na ang unang bahagi ng misa, at sa puntong ito ay dakuin naman natin ang ikalawa, ang Liturhiya ng Eukaristiya. Sa orihinal na pinagmulan ng salitang eukaristiya sa bokabularyong Griyego, ito ay nangangahulugan ng pasasalamat. At tayo, sa tuwing tayo ay nagpapasalamat, kaakibat nito ang gawang pag-alala. Samakatuwid, kung tayo ay nakukuhang magpasalamat, tiyak na tayo rin ay nakakaalala.

 

Nasabi nang nakilala rin si Hesus ng mga tao sa kanyang gawa, sa paghahati-hati niya ng tinapay. Ang bahaging ito ay mai-uugnay sa huling hapunan kung saan naganap at sinabi niya ang ganito: dumulog si Hesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. Dumampot si Hesus ng tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya ito at sinabi, "Ito ang aking katawan, kunin ninyo ito at kainin." Sumunod ay hinawakan niya ang kalis, matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay niya ito sa mga alagad at sinabi, "Ito ang aking dugo, kunin ninyo at inyong inuman." Sa mga ganito ay sinabi rin ni Hesus, "Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin."

 

Kung gayon, maliwanag at nauunawaan po nating ang ating ginagawa sa Liturhiya ng Eukaristiya ay pagtugon sa sinabi ni Kristo sa kanyang mga alagad, ang paggawa kagaya sa kanilang hapunan bilang pag-alaala sa Kanya. Kaugnay nito, makabuluhan at makatwirang sabihin na sa ating pag-alala, tayo ay nagpapasalamat din kay Kristo.

Ukol sa Artikulong Ito...

Magbigay Kumento | Pag-usapan sa Forum

 

[balik]