MSP   KGS   LMSP   KAMI-SR   Go DownHOME  
 
     
 
  KGS  

MIGRANTE Sectoral Party
National Office: 115-B Kamuning Road,
Quezon City, Philippines
Telefax: (63-2) 415-1924
Email: migparty@tri-isys.com

 
 
     
 

Manindigan Laban sa Deregulasyon at Pribatisasyon
Tutulan ang Paglipat ng OFW Fund
mula sa OWWA patungong PhilHealth

(Posisyon ng Migrante Sectoral Party sa Executive Order 182)

 
     
 

I. Introduksyon

Walang anumang konsultasyon na ginawa sa hanay ng mga migranteng Pilipino at maging si Corazon Carsola, ang land-based OFWs representative sa OWWA Board of Trustees, ay nagulantang nang malaman na walang kahihiyang inilipat ng gubyernong Macapagal-Arroyo ang higit-kumulang na P4 bilyong OFW Medicare Fund mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) tungo sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Palihim na pinirmahan ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ang Executive Order (EO) No. 182 noong Pebrero 14, 2003 na siyang ikinagagalit ng mga migrante at mamamayang Pilipino. Sa bisa ng nasabing EO, karakarakang ililipat ang OFW Medicare Fund na nasa pangangalaga ng OWWA patungong PhilHealth sa loob ng anim (6) na buwan mula sa pagkakaapruba nito. Iniutos din ng Pangulo ang paglipat ng Medicare functions relative to the Medicare operations ng OWWA sa PhilHealth.

Sa kasalukuyan, inuumpisahan na sa mga bagong aplikante sa OWWA membership ang pag-fill-up ng Philhealth forms na siyang magiging medicare assistance program nila habang sila ay nasa ibayong dagat. Maingat na ring nagmamaniobra ngayon sa loob ng OWWA Board of Trustees sa kabila ng mariing pagtutol ni Cora Carsola sa nasabing patakaran. Maging ang ilang mga OFW groups at NGOs na dating tutol sa deregulasyon at pribatisasyon ay nakapagtatakang biglang bumaligtad ng posisyon para sumang-ayon sa panig ng Philhealth.

Para sa MIGRANTE Sectoral Party, naninindigan kami sa aming pagkondena at mariing pagtutol sa iskema ng Pamahalaang Macapagal-Arroyo na talikuran ang responsibilidad nito sa migrante at sa kanilang pamilya. Sa aming mga nakalap na dokumento, malinaw rin na hindi lamang imoral at iligal ang transaksyong ito sa pagitan ng pamahalaan at PhilHealth - ito ay isang pabor na ibiniyaya ng Pangulong Arroyo sa PhilHealth para sa darating na eleksyon sa 2004.

Kaya't sa aming bahagi, aming inililinaw ang aming prinsipyadong posisyon laban sa panibagong pagyurak sa karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino at kanilang pamilya.

II. Ang kapakanan at seguridad pangkalusugan
ng Migranteng Pilipino at sambayanan ay tungkulin ng pamahalaan.

Noong Agosto 18, 1994 inilabas ang Executive Order 195 na nagtatadhana ng compulsory coverage ng mga Filipino Overseas Contract Workers at ng kanilang mga dependents sa Philippine Medical Care Program na nakabatay naman sa Presidential Decree No. 1519. Kagyat na nagrehistro ng pagtutol ang MIGRANTE sa usaping ito.

Malinaw sa aming paninindigan na bagamat sang-ayon kami sa anumang programa para sa seguridad pangkalusugan ng mga OFWs, mahigpit naman kaming tumututol na muling ipataw ito bilang karagdagang singilin sa mga OFWs.

Pigang-piga na ang mga OFWs bago paman ito makaalis ng bansa. Kasabay ng panghuhuthot ng mga rekruter, ang pamahalaan ay may mahaba ring listahan ng mga bayarin sa sinumang nagnanais magtrabaho sa ibayong dagat. Batay sa pananaliksik ng COURAGE (kumpederasyon ng mga unyon sa hanay ng mga kawani ng gobyerno), ang pangingikil ng estado (state exactions) sa hanay ng mga OFWs ay aabot sa 13B piso bawat taon. Labas sa revenue na ito ang US$12B taun-taon na pinakikinabangan ng naghihingalong ekonomya ng Pilipinas. Ngunit sa kabila nito, ipinatupad pa rin ng ganid na gubyerno ang Executive Order 195.

Ang EO 195 ay siyang nagtakda sa OWWA na pangalagaan ang nasabing pondo at tiyaking iba at hiwalay ito, relatibo sa medical functions at operations ng OWWA, sa iba pang mga pondo na nasa pangangalaga din ng nasabing ahensya. Malinaw dito na ang OFW Medicare fund ay isang trust fund na mula sa pera ng mga migranteng manggagawa na nasa pangangalaga lamang ng OWWA na may mandated thrust na mangalaga sa kapakanan at kagalingan ng OFWs. Walang anumang kontribusyon ang gubyerno sa pondong ito.

Walang karapatan ang administrasyong Arroyo, tulad ng mga nakaraang administrasyon, na pakialaman ang nasabing pondo. Ang 4 bilyong piso Medicare Fund sa kasalukuyan, ay pera ng mga OFWs na ipinagkatiwala lamang sa pangangalaga ng OWWA. Walang sinuman ang may karapatan na ilipat ito lalo't higit sa isang pribado at profit-oriented na korporasyon na kagaya ng PhilHealth na nagtatago bilang isang GOCC (Government-Owned and Controlled Corporation). Wala ring naisasaad sa batas, maging sa R.A. 7875 (National Health Insurance Program) na maaring ilipat ang nasabing pondo. Tanging ang Gubyernong Arroyo lamang ang nangahas pakialaman ang OFW Medicare Fund sa hangaring pakinabangan (kung hindi man gawing gatasan) ang nasabing pondo.

Sa magkanong dahilan kaya nakabatay ang desisyong ito? Ano ang naganap sa transaksyon sa pagitan ng PhilHealth at ni Pangulong Arroyo? May kinalaman ba ang nalalapit na eleksyon rito?

III. Imoral, iligal at may motibong pulitikal
ang paglipat ng P4 na Bilyong OWWA Medicare Fund sa PhilHealth

Pawis at dugo ng mga OFWs ang P4 na bilyong Medicare Fund sa OWWA. Buhay at kamatayang usapin din ito sa mga nagkakasakit at nadidisgrasyang mga OFWs sampu ng kanilang pamilya. Ang paglilipat nito sa bisa ng EO 182 ni Pangulong Arroyo ay wala sa punto-de-bistang maglingkod ng tunay at lubos na pangalagaan ang interes at kapakanan ng migranteng Pilipino at kanilang mga pamilya. Bagkus, ang paglilipat na ito ay pagtakas sa tungkulin ng pamahalaan na akuin ang pangangalaga sa kalusugan ng mga migrante.

Ang pagpasa ng pamahalaan sa tungkuling mangalaga sa kapakanan ng kanyang mamamayan ay imoral, iresponsable at di-makatao. Laluna nang ipasa ang tungkuling ito sa isang pribado at profit-oriented na korporasyon na kagaya ng PhilHealth. Nanlilinlang ang PhilHealth kung sasabihin nitong hindi siya kumikita sa kanyang negosyo. At ang anumang pribadong negosyo ay tiyak na para sa dambuhalang tubo, kaya naman ngayon pa lang, nababalita na mula P900 na dating sinisingil sa Medicare ay gagawin nang P1,200 ito matapos ang ilang buwan pagkalipat nito.

Pagtataksil at panlilinlang din sa mga OFWs ang naging proseso ng pagkakalipat ng OFW Medicare Fund sa PhilHealth. Mariing kinukondena ng Migrante Sectoral Party ang pakikipagsabwatan nina Pangulong Macapagal-Arroyo, DOLE Sec. Patricia Sto. Tomas at OWWA Administrator Virgilio Angelo para ilihim ang paglipat ng pondong ito. Maging ang land-based OFWs representative sa OWWA Board of Trustees na si Cora Carsola ay hindi makapaniwalang naganap ang paglipat sa kabila ng kanyang mariing pagtutol rito. Noong Hunyo 8 lamang ipinaalam kay Ms. Carsola ang nasabing paglipat ng pondo gayong Pebrero 14 pa pinirmahan ni Pangulong Arroyo ang EO 182.

Sa isang porum noong Hulyo 6, 2003 sa Philippine Consulate sa Hong Kong, inamin rin ni PhilHealth President at CEO na si Dr. Francisco Duque na isang 'oversight' o pagkakamali ang di-pagkonsulta sa mga OFWs. Kung hindi ito nabatid at binunyag ng MIGRANTE, maglalahong parang bula ang P4B OFW medicare fund!

Nanlilinlang din ang PhilHealth sa pagsasabing ang paglilipat ng pondo ay naaayon sa batas. Partikular na tinutukoy ng PhilHealth rito ang R.A. 7875 na siyang ginamit na batas sa transitional transfer ng Medicare programs ng SSS at GSIS. Taliwas sa panloloko ng Philhealth, wala ni anumang nabanggit sa nasabing batas na dapat isama ang OWWA Medicare Fund sa mga programang ililipat sa PhilHealth kaya't hindi rin ito uubrang ligal na batayan para sa nasabing paglipat ng pondo.

Ang OWWA ay isang unincorporated agency, ibig sabihin, nasa ilalim ito at di-hiwalay sa Department of Labor and Employment (DOLE). Bilang ahensya ng gubyerno gumagampan ito ng governmental functions (jure imperii), partikular dito ang serbisyong pangkalusugan, bilang isa sa pangunahing tungkulin ng pamahalaan sa kanyang mamamayan.

Sa kabilang banda, ang PhilHealth ay isang incorporated agency - nangangahulugan na may hiwalay itong charter 'that vested it as a distinct and separate legal entity' sa gubyerno na gumagampan ng proprietary functions (jure gestiones). Ibig sabihin, ang operasyon ng PhilHealth ay private at commercial. Malinaw na ang paglipat ng OFW medicare fund mula OWWA (isang unincorporated agency doing a governmental function) patungong PhilHealth (isang incorporated agency doing a private and commercial function) ay nasa balangkas ng patakarang pribatisasyon at deregulasyon ng gubyerno.

Ngayon pa lamang ay naghahanda na ang MIGRANTE Sectoral Party para ihabla ang iligal na transaksyong ito sa pagitan ng gubyerno at ng PhilHealth. Naipaabot na rin namin sa mga kinatawan ng Bayan Muna sa kongreso ang nasabing usapin upang makapaglunsad ng isang congressional inquiry hinggil sa isyung nabanggit.

Kasuklam-suklam din ang motibong pulitikal sa likod ng transaksyong paglipat ng OWWA Medicare sa PhilHealth. Sa isang PhilHealth Memorandum kay Pang. Macapagal-Arroyo noong Nobyembre 20, 2002, tahasang binanggit ni Dr. Duque na, "The proposed transfer will have a significant bearing on [the] 2004 elections and on the President's desire to provide health insurance to 8 million indigents by [the] end of 2003."

Garapal na hinimok ni Duque si Pangulong Arroyo na ilipat ang pondo ng OFWs para pakinabangan ng huli sa darating na eleksyon sa 2004. Ito ang klase ng pamunuan mayroon ang Philhealth na siyang mangangalaga diumano sa ating seguridad pangkalusugan. Ito rin ang binabanggit ng ibang OFW groups at NGOs na siyang magbibigay ng mas mabilis na serbisyong pangkulusugan sa ating lahat.

Mariing kinukondena ng MIGRANTE Sectoral Party ang kawalang-hiyaang ito sa OFWs at kanilang pamilya.

IV. Manindigan laban sa Pribatisasyon at Deregulasyon!
Ipagtanggol ang kagalingan at karapatan
ng Migranteng Pilipino at kanilang pamilya!

Nakikiisa ang MIGRANTE Sectoral Party sa ibang OFW groups at NGOs na nagsasabing bulok ang sistemang umiiral sa medicare fund sa OWWA. Nakikiisa rin kami sa mga nagsasabing mabagal, inutil at walang malasakit ang serbisyo ng medicare program ng OWWA. Nakikiisa rin kami sa mga nagsasabing bigo ang programang pangkalusugan ng OWWA na serbisyuhan ang nakararaming OFWs na nag-ambag sa nasabing pondo.

Sa kabilang banda, tinutunggali at binabatikos ng MIGRANTE Sectoral Party ang nagsasabing ang solusyon sa problemang ito ay ang paglipat ng Medicare Fund sa PhilHealth. Direkta at di-direktang nagagamit ng sabwatan nila Pangulong Arroyo at PhilHealth ang sinumang sumasang-ayon sa kanilang kataksilan sa mga OFWs at kanilang pamilya. Ang pagsang-ayon sa paglipat ng OWWA Medicare sa PhilHealth ay pagsang-ayon sa iskemang deregulasyon at pribatisasyon na nagtatago sa pangakong 'efficient service to all.'

Ang PhilHealth ay isa sa pinakaunang hakbang na ginawa ng gobyerno para isapribado ang mga serbisyong publiko nito bilang pagtugon sa pagka-myembro ng Pilipinas sa GATT-WTO na niratipika ng gobyerno noong 1995. Kaalinsunod rito ang pagsasapribado sa serbisyong patubig na nagluwal sa mga pribadong kumpanyang Maynilad Water at Manila Water. Kaugnay rin dito ang pagsasabatas ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na nagluwal ng iba't ibang Independent Power Producers at pagpataw ng PPA kaalinsabay ng pribatisasyon sa NAPOCOR.

Kasunod na rito ang pagsasapribado ng serbisyong pampubliko sa pabahay sa pinaplanong pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development (DHUD). Gayundin ang pagsasapribado ng mga serbisyo sa NFA, BIR, POEA, DFA (passport section), state colleges and universities, at marami pang iba.

Ang lahat ng ito ay dulot ng pandaigdigang krisis na nagtutulak sa mga mahihirap na bansa na kagaya ng Pilipinas na buksan ang lahat ng aspetong pwedeng pasukan ng pamumuhunan para makabayad ito ng mga utang o di kaya'y mapasukan ng mga kapitalistang dayuhan. Kaya naman ang buong balangkas nito ay para sa dagdag na kita at hindi sa mas mabilis na serbisyo na kagaya ng sinasabi ng PhilHealth. Nakatutuwang-nakakasuklam na nagagawang pintasan ng gobyerno ang sarili nitong serbisyo upang bigyan daan ang pagpasok ng pribadong negosyo. Ganito ang nangyari sa mga serbisyong patubig at kuryente, para sa mabilis na serbisyo diumano. Makalipas ang ilang panahon, mataas na singilin sa mamayan ang resulta.

Ito rin ang dahilan kung bakit tutol kami sa paglipat ng OWWA medicare sa PhilHealth at ang mga iskemang ginawa para sa pagsasakatuparan nito. Kung ang nakikitang problema ay ang pagiging mabagal at inutil na serbisyo ng medicare sa OWWA, hinihikayat naming kayong makaisa sa paglalantad at pagpoprotesta laban sa OWWA. Hinihikayat rin namin kayo na makaisa sa paglalatag ng mga tunay na reporma na pansamantalang makakaalwan sa kalagayan ng mga OFWs at kanilang pamilya.

Ngunit kailanman, hindi kami makikiisa sa mga pakana ng pamahalaan at ng mga kasabwat nitong mga negosyante na nagtatagayod ng interes ng dayuhan at iilan laban sa interes ng migrante at ng sambayanan.

Ibasura ang EO 182!

Ilantad ang sabwatan ng Gobyernong Arroyo at PhilHealth!

Tutulan ang pribatisasyon at deregulasyon!

Ipagtanggol at Ipaglaban
ang Karapatan at Kapakanan ng Migrante Pilipino at kanilang pamilya!

- MIGRANTE Sectoral Party
2003

 
 
MIGRANTE na!
 
     
 
 
  You are
visitor no.
Counter   MIGRANTE Saudi Arabia
Contact Number: +966 57 396 505
Email: migrante_ksa@yahoo.com
  Back to TopHOME  
 
  ©2003 Manila, Philippines. All rights reserved.
The floating layer appearing in this site is a copyright of © Henrik Petersen, NetKontoret.
Articles under MIGRANTS WATCH reposted from © Bulatlat.com.
 
     

Welcome
to the Website
of MIGRANTE
Saudi Arabia

Updated
20 Feb 2004

HOME
MIGRANTE na!
MIGRANTS WORLD
MIGRANTS WATCH
ISSUES
Absentee Vote
Hunger Strike
Scrap OOPs!
MIGRANTE ORGS
KGS
LMSP
KAMI-SR
SAMU'T SARI
Kultura, atbp
In Solidarity