| J. DENNIS TEODOSIO |
| Baka Sakali |
| THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES | CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA |
| THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS PLAY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR. FOR INQUIRIES ON HOW TO SECURE THE SCREENWRITER'S PERMISSION TO STAGE THIS PLAY, PLEASE E-MAIL HIM AT THIS ADDRESS. |
| An Excerpt from the One-Act Play Tauhan LOLO Nasa 65 taong gulang pero mas mukhang matanda APO Nasa 25 taong gulang pero mas mukhang bata POMPOM GIRLS Nasa 18 taong gulang Tagpuan Mahahati sa dalawang bahagi ang tanghalan. Ang una ay sa isang masikip na silid. Ilan sa mga gamit ang isang papag (o lumang folding bed), isang lamesita, at dalawang bangko. Sa lamesita, nakaguhit ang isang damahan. Tansan ang mga pantantos doon. Mayroon ding pagkain tinakluban roon. Maaaring may TV set (o hinted o pinag-uusapan lang). Sa gilid, may banig na nakabalumbon at ilang unan. Maaaring sa ilalim ng lamesita o sa may gilid, naroon ang isang sako ng mga inipong bote at garapa at ilang plastic bag ng may mga tansan at product wrapper na gagamitin sa parapol. Ang pangalawa ay sa isang TV game show. May malaking logo ng show sa sahig: “S’werte o Malas”. Maaaring linya lamang ang naghahati sa dalawang bahagi. Tututok ang ilaw kung saan nagaganap ang aksyon. Dilim sa simula. Saglit pa, biglang bubukas ang ilaw sa silid. Papasok ang LOLO sa silid. Lango. Dala niya ang isang bote ng alak. Halos ubos na ang laman niyon. Naka-polo siya at lumang karsunsilyo. Sa bulsa ng polo niya, may ilang piraso ng tingting na nakasuksok. Naka-salamin din siya at suot ang isang iskapular. Pagmamasdan ng LOLO ang kabuuan ng silid. Tututok siya sa APO. Tulog na iyon sa papag. Naka-t-shirt din lang at lumang maong. Tapos, babaling siya sa damahan sa may lamesita. Tila pag-aaralan ang mga piyesang naroroon. Maya-maya pa, mapapailing siya. Ilalagay niya ang bote ng alak sa sakong may inipong mga bote. Saglit pa, hahanapin niya ang remote control at bubuksan ang TV. BUBBLE GANG ang palabas. LOLO Gabing-gabi na pala. Mabilis ding papatayin ng LOLO ang TV. Tapos, may makikita siyang ipis. Gigil niyang papatayin iyon. Muli, babalingan niya ang APO. Gigisingin niya iyon. LOLO Bumangon ka. APO Bakit po ba? LOLO Sige na, bumangon ka na. APO Ano ba, ‘Lo. Nakatulog na nga ho ako, e. LOLO (Yuyugyugin ang APO. Mas malakas ang tinig.) Me sasabihin ako. APO (Inis.) Alam n’yo ho ba kung anong oras na? LOLO Me sasabihin ako. Importante. APO (Babangon. Maamoy ang LOLO.) Sino na naman ho ang kainuman n’yo? LOLO Sinisita mo ‘ko? APO ‘Di ‘yon ang ibig kong sabihin, ‘Lo. LOLO Itatanggi mo pa. Sa tono pa lang, huli ka na. APO Sinong may birthday at biglang nagpainom? LOLO Wala. APO May burol sa baranggay? LOLO Wala. APO May nanalo sa sabong? LOLO Wala sabi, e. APO (Titingnan ang tinaklubang pagkain sa lamesita.) E, ba’t lango na naman kayo? LOLO Wala. Ipinalista ko kay Aling Aning. Isang lapad lang. Nanunuyo na kasi ‘tong lalamunan ko. APO Umutang na naman kayo. LOLO Nagbabayad naman ako, a. APO Nakakahiya kay Aling Aning. LOLO (Kukunin ang plastic na may inipong mga tansan.) Anong nakakahiya? APO Maliit lang ang puhunan noong matanda. LOLO (Ibubuhos ang mga tansan sa lamesita. Marami-rami na rin ‘yon.) Pakuns’welo na lang n’ya ‘yon sa ‘kin bilang suki n’ya. Hindi kikibo ang APO. LOLO Kung ang pag-utang ko ang iniintindi mo, marunong akong magbayad. APO Alam ko ho. ‘Di ba, ‘yan lagi ang inuulit n’yo. Malutong na nga ang tengga ko sa kakarinig n’yan, e. LOLO E, ba’t nag-aalburuto ka pa d’yan. Minsan lang ako magkaroon ng dibersyon, e. APO Pa’no ho ang baga n’yo? LOLO Mas takot akong mauhaw kesa mabutasan ng baga. APO Isang lang hong lapad? LOLO Wala kang tiwala sa ‘kin? APO Tanong ho ba ‘yan o sinasabi n’yong wala akong tiwala sa inyo. Kukunin ng APO ang balumbon ng banig. Ilalatag niya ang iyon. LOLO Anong sa palagay mo? APO Ano bang gusto n’yong isagot ko? LOLO Hindi kita pinalaki para maging pilosopo. APO Hindi ho ako namimilosopo. Tinatapatan ko lang ang takbo ng utak n’yo. LOLO Matino pa ang takbo ng utak ko. Kukunin naman ng APO ang mga unan. Ilalagay niya iyon sa inilatag na banig. LOLO Sasama ka ba bukas? APO Babalik na naman tayo d’yan? LOLO Sagutin mo ang tanong ko. APO ‘Di ba nagkalinawan na ho tayo kanina? Kaya nga kayo umalis at iniwan ako rito dahil mukhang napikon na kayo. Ngayon lang nangyari na ‘di n’yo tinapos ang dama natin. Kaya ba kayo uminom dahil --- LOLO (Nakatingin sa mga tantos sa dama.) Ako na nga pala ang titira. APO Hindi kayo nagtampo? Hindi kikibo ang LOLO. Tututok lang siya sa dama at saglit pa, gagalawin ang isang tantos. LOLO (May diin.) Ikaw na ang titira, ha. (Patlang.) Sasama ka ba bukas? APO (Iiling.) Kumain ka na ba, ‘Lo? LOLO (Maiinis.) Huwag mong ibahin ang daloy. Nag-usap na tayo, a? APO Seryoso kayo? LOLO Oo naman. Pakiramdam ko, susuwertehen tayo bukas. Sumama ka na. APO Kayo na lang ho. LOLO Nagbago ang isip mo? APO Hindi ho nagbago. (Halatang nahihiya sa sasabihin.) Pupunta ho ako kila Steve. Binyag ho ng panganay n’ya. Ninong daw ‘yong boss nila. Ipapakilala ako. Baka ho maipasok ako. Kahit reliever lang. LOLO Saka na ‘yan. APO Mas sigurado ho ‘to. LOLO Mas sigurado? (Tatawa.) Ilang taon ka na bang gradweyt? APO Hindi lang ho ako ang nakapagtapos ng kurso sa Pilipinas. LOLO Alam ko. APO E, alam n’yo ho pala. Bakit parang kasalanan ko na wala pa akong trabaho? LOLO Hindi ko sinabing kasalanan mo. APO Mahirap ho talagang maghanap ng trabaho kahit me diploma. LOLO Alam mo pala ‘yan. Ba’t ‘di ka pa sumama sa ‘kin? APO Mas mahirap hong umasa sa sw’erte. LOLO ‘Yan, tama ka. S’werte. S’werte ang kailangan natin. Susuwertehin ako bukas. Susuwertehin tayo bukas. (Kukunin ang isang bugkos ng product wrapper, ilang piraso ng envelope, at ballpen. Ipapatong niya ang mga iyon sa lamesita. Aakmang susulatan ang isang envelop. Tapos, biglang may maaalala.) Ay, oo nga pala. Tingan mo ‘to. Tingan mo, ha. (Kukunin sa bulsa ng polo niya ang ilang piraso ng tingting. Iaabot sa APO.) O, ayan. Hawakan mo. Tapos, pabunutin mo ako. T’yak na t’yak, mabubunot ko ang pinakamahaba. Ginawa ko ‘yan kanina sa me pondahan. S’werte talaga ako. S’werte talaga. S’werte. Hindi kikibo ang APO. Ilalapag lang sa higaan niya ang mga piraso ng tingting. LOLO Bakit binitiwan mo ang mga tingting? APO (Kukunin ang remote. Bubuksan ang TV. Mabilis na ililipat ang mga channel.) Wala ho tayong mapapala d’yan. LOLO Sinong nagsabi sa ‘yo? APO Ano ho ba ang kinalaman ng tingting sa s’werte? LOLO (Kukunin ang remote sa APO. Papatayin ang TV.) Walang kinalaman ang tingting. APO E, ba’t kailangang bunutin n’yo pa ang tingting? LOLO ‘Di ka kasi nakikinig sa sinasabi ko. APO (Asar na.) E, ‘di ho ba, ang sabi n’yo, s’werte kung mabubunot n’yo ang pinakamahabang tingting. E, ‘di tingting ang s’werte. LOLO Mali. APO Bakit ho mali? LOLO (Asar na rin.) Hindi ang tingting ang basehan ng s’werte. Ako. Ako kasi ang bubunot. Ako ang basehan ng s’werte. APO Ang ibig sabihin ho pala, malas kayo kapag ang pinakamaikling tingting ang mabubunot n’yo. LOLO ‘Di ako malas. ‘Wag mong sabihin ‘yan. APO Dalawang bagay lang ho naman ‘yan, ‘di ba. S’werte o malas. LOLO Bakit ‘di mo subukan ang pinapagawa ko? Tingnan natin kung totoo nga ang sinasabi kong s’werte. APO Payag ho ako. Basta, ‘pag maikli ang nabunot n’yo, tatapusin na natin ang usapang ‘to. Hindi sasagot ang LOLO. Aakmang mag-iisip. APO Kita n’yo na. Sabi ko na nga, e. Mahirap ang umasa sa s’werte. LOLO May sinabi ba akong ayoko na. Sige, pabunitin mo ako. APO Payag ho kayo sa sinabi ko. LOLO Tama na ang satsat. Sige na, pabunitin mo ako. Kukunin ng APO ang mga tingting. Lalayo siya pero susunod ang LOLO. APO Baka may palatandaan kayo, ‘Lo? LOLO Damuhong ‘to. Gagawin mo pa akong mandaraya. APO Iba na ho ang nakakasigurado. LOLO S’werte ang pinag-uusapan, hindi ang pangdaraya. APO Isang bunot lang ho, ha. Titigil na tayo sa pag-uusap kung hindi ang pinakamahaba ang makukuha n’yo. LOLO E, ano naman ang sa ‘kin kung makukuha ko ang pinakamahaba? APO E, ‘di s’werte kayo. LOLO Hindi ‘yon. Sasama ka na sa ‘kin. Hindi sasagot ang APO. Aayusin niya ang mga tingting. Tatalikod siya at itatago sa LOLO ang pag-aayos. LOLO Tama na ‘yan. Bubunot na ‘ko. APO Isang bunot lang ho, ha. LOLO Kelan ba ako ‘di tumupad sa usapan? APO (Ilalapit ang mga tingting.) O, pumili na ho kayo. LOLO Sandali. Mag-iisip ako. APO Akala ko ba mas’werte kayo. Ba’t kailangang mag-isip pa? LOLO Kasama sa s’werte ang paggamit ng kukote. APO Bahala kayo. Malabo talaga ‘yang mga katwiran n’yo. Aanyo ang LOLO na nag-iisip. APO Bumunot na ho kayo. LOLO Sige. Ilapit mo sa ‘kin. Magbabago ang ilaw. Maririnig ang theme song ng isang TV game show. Hahakbang ang mag-lolo sa bahaging may logo ng TV game show. Continues... This dulang may isang yugto won Third Prize in the 2007 Don Carlos Palanca Awards |