RODY VERA
Masa
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS PLAY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR. FOR INQUIRIES ON HOW TO SECURE THE PLAYWRIGHT'S PERMISSION TO STAGE THIS PLAY, PLEASE E-MAIL HIM AT THIS ADDRESS.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES | CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Fr. JESS
Ang paglingkuran ang masa, ito ang sinumpa ko sa sarili.

PEPE
Ba't niyo kami kelangan paglingkuran, Father?

FR. JESS
Dahil kailangan nilang bumangon. Kailangan nilang malaman na may rason kung bakit sila naghihirap
at hindi ito kapalaran lang.

PEPE
Pero alam din nila na sa anumang oras niyo ibigin, puwede kayong bumalik sa dati niyong buhay.

FR. JESS
Sumumpa akong di ako aalis dito.

PEPE
Pero alam niyong pwede kayong bumalik.. Anumang oras niyo gustuhin. Makakabalik kayo sa asyenda niyo sa Negros.   At kahit kapiling niyo sila, tatlong beses sa isang araw ay kumakain tayo. Alam nila iyun. Dahil sila, hindi.

FR. JESS
Ano ang kailangan kong gawin para tanggapin nila ako?

PEPE
Di ko alam, Father. Ang alam ko lang, hindi pobre ang mga pari.


Ibubuhos ni Pepe ang alak sa kopitang hawak ni Fr. Jess.
Itataas ito ni Fr. Jess. Magliliwanag sa kinalalagyan nina Roger. Nakataas din ang kanilang mga kamay.


FR. JESS
Ito ang aking dugo. Inumin niyo ito bilang pag-alaala sa akin.

ROGER
Ayos! Para sa lahat ng ex-convict na hindi na virgin.


Magtatawanan ang lahat. Lilingon si Roger kay Pepe.


ROGER
O syoki? Inom ka muna.


Lalapit si Pepe, kukunin ang basong may lamang lambanog. Iinumin ito ni Pepe.


ROGER
Ano ang mas masarap? Ang dugo ni Kristo o ang dugo ni Barabas?

PEPE
Sa susunod, ako naman ang mag-iimbita sa inyo.

ROGER
Basta ba ipupuslit mo'ng alak ni Father sa kumbento, e. Para naman mahugasan ng bendita vino ang kasalanang
naipon sa mga ugat namin.


Patutunugin ni Toto ang bell na hawak niya, tanda ng consecration. Itataas ni Fr. Jess ang ostiya. Muling lalapit si Pepe sa bahagi nina Toto at Fr. Jess.


TOTO
Darating ang araw, Pepe, ang Tondong nakikita mo ay magbabago. Paaagusin natin ang burak, matutuyo ang mga imburnal at muling dadaloy ang malinis na tubig sa ilog. Titira tayo sa simple pero magagandang mga tahanan. Darating ang araw, ang mga tulad ni Roger ay matatauhan.

PEPE
Pabayaan mo nga sila. Ang importante, kumakain tayo. Tingnan mo si Roger, may reklamo ba siya? Masaya na iyan
pag nakainom. Bakit ka mag-aaksaya ng panahon?

TOTO
Dahil mga tao tayo. Dahil naniniwala tayo sa isang makatarungan at maawaing Diyos.
Muling patutunugin ni Toto ang bell bilang pagtatapos ng Consecration.

PEPE
O ba’t naman napasok si Lord dito? Tsaka yang Diyos mo,  bingi! Masama pang magalit.

TOTO
Kaya pababayaan na lang natin ang mga tulad ni Roger? Kaya kita sinama ay para tulungan mo akong itayo ang Kapatiran dito. Mulatin sila at ipaalam sa kanilang may kinabukasan silang dapat harapin at paghandaan.

PEPE
Ano ba'ng kinabukasan ang  hinahanap mo? Matulog ka, pagmulat mo, eto pa rin tayo. Andun pa rin si Roger, nakaupo't tumutungga; si Lily,  nagpapaligaya ng customer niya; si Ka Lucio, nakatalungko't may sakit pa rin. At ikaw-- ganyan pa rin ang suot mo, ganyan pa rin ang ayos mo, ganyan pa rin ang amoy mo. At ang tawag pa rin ni Roger sa atin ay syoki. At yuyuko pa rin tayo pag may basag-ulong nagaganap diyan sa tabi-tabi. Dahil ayaw ni Father ng dahas. Ha! Dito? sa Tondo?

TOTO
Para ano pala’t sumali ka sa Kapatiran?

PEPE
Gusto mong malaman? Dahil nilibre mo ako ng siopao at mami, hindi ako makatanggi. At gagawin ko’ng lahat ng pinagagawa mo sa akin kung alam kong may pera akong makukuha, o kung pwede akong maging iskolar para di na ako gagastos. Susulat ako sa dyaryo, tatakbo ako sa Student Council, sasali ako sa martsa niyo basta mapawi ang gutom ko.

TOTO
At ang mga sinulat mong essay na binasa ni Hortenso? Yung tungkol sa tunay na papel ng Kabataang Pilipino. Hindi mo rin ba pinaniniwalaan iyun?

PEPE
Sinulat ko kung ano’ng gusto niyong marinig. Kaya kong magsinungaling kung doon sila masaya.

TOTO
Nagbibiro ka ba? O inaasar mo lang ako?

PEPE
Ano ba’ng akala mo ang papel ng kabataan, ha? 

TOTO
Magtayo ng isang lipunang pantay-pantay para maiahon ang nakararaming naghihirap. Paglingkuran ang masa…

PEPE
Hindot. Walang papel ang kabataan. Wala tayong mga trabaho, wala tayong pera, wala tayong kapangyarihan at hindi tayo nakapagpapasiya. Pag nagkagera, tayo ang unang isasabak. At mamamatay tayo, tulad ng maraming kabataang namatay na—ke naniniwala sila sa gera o hindi. Yun ang putang-inang papel ng kabataang Pilipino.

TOTO
Iyan ang paniniwala mo? At iba ang sinulat mo?… Putang-ina mo. Di ka lang sinungaling. Manggagantso ka pa!

PEPE
Putang-ina mo rin. Tapat ako sa sarili ko. Sa palagay mo paano ko mababayaran ang  limang pisong pinautang mo sa akin? Yung siopao na pinalamon mo sa akin? Bobo ka ba? Paano ko kaya makukuha ang scholarship ko kung hindi ko hihimurin ang malalansang puwet ng mga tulad ni Hortenso? At sinasabi ko sa iyo ang tutoo dahil kaibigan kita, ‘tang-ina ka. Ngayon, gusto mo bang manatili tayong magkaibigan o ito na ang huli nating pag-uusap?
Matagal na magtititigan ang dalawa. Yuyuko si Toto, mapapaiyak.

TOTO
Mananatili tayong magkaibigan, Pepe. Nakakalungkot lang isipin na kaya mo ginawa ang lahat ng ito ay dahil… Kung hindi lang siguro tayo ganito kahirap…  Pero salamat pa rin, dahil naging tapat ka sa akin. 


Yayakapin ni PEPE si TOTO.


PEPE
O tama na. Baka isipin nila magkasintahan tayo.


Lalayo si TOTO.  Yayakapin pa rin siya ni PEPE.


PEPE
Ang syoking ito, masyadong iyakin.

FR. JESS
Tapos na ang misa. Humayo kayo nang mapayapa at ikalat ang magandang balita!




Ikalabindalawang Tagpo


Tatlong eksenang pinagtiyap ang disenyo ng eksenang ito. Ang tatlo’y kausap ni Pepe subalit sa magkakaibang panahon at tagpuan.  Ang tatlong tauhang ito ay sina Lily, Toto, at Fr. Jess.
Magsasala-salabit ang mga pag-uusap na ito kung saan ang sentrong tauhan ay si Pepe. 

PEPE
Ano ba ang mga ambisyon natin?

LILY
Buhayin ang anak ko’t ina.

FR. JESS
Magtayo ng isang simbahan.

TOTO
Baguhin ang lipunan.

PEPE
Anak ng puta, tutoo ba kayo? Ang bibigat niyo.

LILY
Mabilis ngang bumigat ang bata habang lumalaki pa.

PEPE
(kay Lily)
Sino ang ama?

LILY
Paul Simpson ang pangalan niya. Peace Corps volunteer. Mabait. 'kala ko kasi dadalhin niya ako sa 'merika.  Sinulatan ko siya nang sinulatan, kahit minsan di siya sumagot.

PEPE
Di ka nagpunta sa Embassy?

LILY
Ano? Kakahiya naman yun. Kung ayaw niya, e di huwag na lang.

PEPE
Para kang nanay ko.

TOTO
May nagkakalat ng intriga tungkol sa iyo, Pepe. Ipinambabato ka kasi ni Propesor Hortenso sa National Directorate.  Hindi ka na lang sa pamantasan kakandidato. Kaso mo, yung mga taga-U.P. gustong pakyawin lahat ng posisyon. Pero di tayo papayag.

PEPE
Kunin na lang nila, wala akong pakialam.

TOTO
Para kasing mga pulitiko ang mga ibang kandidato, e.

PEPE
Di lang naman sa gobyerno nangyayari iyan, sa mga aktibista rin.

TOTO
Para manalo, kahit ano gagawin nila.

PEPE
Ano ba iyun?

TOTO
Putok ka daw sa buho.


Tatawa si Pepe.


FR. JESS
Tandaan mo, walang mga tutoong anak sa labas. Dahil ang gumawa niyan ay ang mga magulang. Sila dapat ang nasa labas.

TOTO
Hindi ka nagagalit?

PEPE
Ba't ako magagalit? Hindi naman sikreto yun, e. Alam yun ng lahat sa amin.

TOTO
Anak ka ni Antonio Samson?

PEPE
Sa maniwala ka't hindi, nuong isang taon ko rin lang nalaman. Kaya kung magagalit man ako, sa kanya. Dahil iniwan niya kami ni Inay.

TOTO
Huwag mong sabihin iyan.

PEPE
Galit ako sa kanya!

LILY
Galit? Siguro sa simula. Pero wala na sa akin iyun. Hindi ko naman mapapakain ng galit ang anak ko. Ang importante ay ang beybi ko, at si Inay, at ang mga kapatid ko. At hindi sapat ang kinikita ko kung ipagpapatuloy ko'ng pagtitinda ng kumot at punda sa Abenida.

PEPE
Kaya ka nag...

LILY
Hindi alam ni Inay.

FR. JESS
Iba-iba ang dahilan.

PEPE
Pero may pinakaimportanteng dahilan, di ba, Father?

FR. JESS
Ano iyun?

PEPE
Pera.

FR. JESS
Hindi iyan ang pinakaimportante...

PEPE
Sa akin, oo. Kay Lily. Sa Nanay niya, sa mga kapatid niya, sa anak niya.

FR. JESS
Naiintindihan kita. Di nga ba, sabi mo, walang mahirap na pari? Kung minsan, iniisip ko, mali yata'ng bokasyong napili ko.

PEPE
(kay TOTO)
Minsan iniisip ko, hindi na lang sana ako pinanganak.

TOTO
Mabuti ka nga kilala mo'ng magulang mo. Tayo ang pumipili ng sarili nating hinaharap.

LILY
Pinili ko ba ito, Pepe? Sabihin mo nga? Alam mo ba'ng bago ko pinasok ang trabahong ito, halos isang beses lang kami kumain sa isang araw?

PEPE
Iyan din ba'ng sinasabi mo sa mga kliyente mo?

Fr. JESS
Lahat ginagawa ko para maitayo ko ang isang simbahan.

PEPE
Marami naman kayong kaibigan, Father, hingi lang kayo ng pera sa kanila. Para maitayo natin ang simbahang gusto niyo.

FR. JESS
Katedral?  Ganun ba?

PEPE
Ba't hindi? Yung Iglesia ni Kristo ang lalaki ng simbahan. Yung sa Katedral sa Intramuros...

FR. JESS
Hindi yun simbahan, Pepe. Mga malalaking building lang iyun. Hindi mo ba naiintindihan?

LILY
Hindi ako puta.

PEPE
Hindi ako naniniwala.

FR. JESS
Ang simbahan ay narito
(sa dibdib ipapatong ang kamao)
Gumuguho ang mga katedral  pero ang simbahan dito, hindi.

LILY
Akala ko mapagkakatiwalaan kita.

PEPE

(kay Lily)

At sasabihin mo'ng hindi mo sila ginagalaw?


Lalapit si Pepe at hahawakan ang suso ni Lily. Titingin si Lily kay Pepe.


LILY
Pati suso ng ina, papatulan mo pa?


Mapapahiya si Pepe.


PEPE
(kay TOTO)
Lahat ng ginagawa ko ay para sa sarili ko lang. Wala pa akong ginagawa para kanino, kahit para sa nanay ko.

FR. JESS
May konsyensya ka ba, Pepe?

PEPE
Lahat ba ng tao meron noon?

FR. JESS
Ang sukat ng isang tao ay kung ano ang nagpapaligaya sa kanya.


Aakapin ni Pepe si Lily dahil nagsimula na itong umiyak.


PEPE
Patawarin mo ako. Ipagtapat mo sa Nanay mo ang lahat. Importanteng malaman niya, kahit masakit. Importanteng malaman natin ang tutoo.

FR. JESS
Ikaw, Pepe, ano’ng hangad mo?

Titingala si Pepe kay Fr. Jess Titingin siya kay Toto.
Mauupo si Toto at kukunin ang gitara sa lapag. Patutugtugin ito.
Tiingnan ni Pepe si Lily, na nakasandal sa kanyang dibdib.

PEPE
Pagkain. Masarap kumain.


Magdidilim.
Ikalabing-isang Tagpo


Tutunog ang kampanilya ng  kapilya.

Papasok si Fr. Jess at magmimisa. Sa likod niya ay sina Toto at Pepe na pawang nagsasakristan.

Offertory. Subalit habang abala ang tatlo sa misa, iba ang kanilang pinag-uusapan.
Continues...



This play won Third Prize for Dulang Ganap ang Haba in the 2005 Palanca Awards



Excerpt From the Full-Length Play

Halaw mula sa nobelang Mass ni F. Sionil Jose
1