LUIS P. GATMAITAN, MD
Tapok at Banlik
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS ESSAY IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES  | CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
“Putik pong malinis ang karaniwang putik. Pero ang banlik po ay putik na ubod ng dumi kasi’y galing sa bundok,” gayon ang paliwanag sa akin ng isang nanay sa Infanta nang bisitahin namin ang lugar nila upang magsagawa ng art therapy sa mga batang nakaligtas sa landslide. Paulit-ulit kasing nababanggit ng mga bata ang salitang banlik kapag sila’y nagbabahagi ng kanilang kuwento. Akala ko, nakasanayan lamang nilang tawaging banlik ang putik. Gaya ng may iba-iba tayong katawagan sa isang bagay sa isang partikular na lugar.  

May pagkakaiba pala ang putik at banlik. Akala ko, kasukdulan na ng dumi kapag sinabing putik. Naiisip ko ang kalabaw ng aking Tatang na nakaugaliang maglublob sa putikan kapag tapos na ang maghapong pag-aararo. Hirap na kinukuskos ni Tatang ang katawan ng kalabaw upang matungkab ang natuyong putik na nakakulapol dito. Pero may antas pa pala ng pagiging marumi. Mas marumi ang gumuhong lupa mula sa kabundukan sapagkat dala-dala nito ang mga ugat ng puno, damo, kulisap, itlog ng ahas, at kung anu-ano pang alamat at elementong matatagpuan doon.

Mula sa mga guho ng Real, Infanta, at Nakar (na mas kilala sa katawagang REINA) sa Quezon, di na mabilang ang mga kuwentong narinig ko. Mga salaysay ito ng pagkalubog at pagbangon mula sa banlik. Mga kuwentong marahil ay paulit-ulit na ikukuwento ng mga batang nakaligtas para di nila malimutan ang mga ama, ina, lolo, lola, amain, tiyahin, pamangkin, apo, kapatid, kaibigan, at kalaro na inangkin ng rumaragasang agos mula sa kabundukan isang gabing walang tigil ang pagbuhos ng ulan.

Aaminin ko, may daga sa aking dibdib nang una kong makaharap ang mga batang nakaligtas sa trahedya. Nandu’n ang pangamba ko na baka naiisip nilang ‘kay lakas naman ng loob ng mamang ito na tumayo sa aming harapan gayong hindi naman niya talagang gagap ang tindi ng aming dinaanang tahedya.’ O baka naman ganito ang nasa isip nila: ‘hay naku, heto ulit ang isa pang grupo na pakukuwentuhin na naman kami nang nangyari sa amin hanggang sa kami’y maiyak!’ Ewan ko ba pero noong una, parang nahihiya akong tumayo sa harap nila. Pakiramdam ko ba’y napapalibutan ako ng mga taong higit pa ang kakayahan kaysa sa ‘kin. Ang mga batang kaharap ko ay mga batang nakayang lampasan ang kahindik-hindik na delubyong dumating sa Quezon! Hindi sila mga ordinaryong bata.

Sino nga ba kami para makialam sa kanilang buhay? Dumating na lang kami sa kanilang lugar nang walang kaabog-abog. Pero inari nila kaming mabuting kaibigan, waring mga piling panauhin sa isang magarang piging. Kapag ibinabahagi na sa amin ng mga bata ang kanilang naranasang sakit o takot, ramdam kong ‘yun ang kanilang paraan ng pagsasabi ng ‘mahalaga po sa amin na nandito kayo.’ Sa pagbubukas nila ng loob sa amin, nasaksihan ko ang dakilang himala ng pakikipagkapwa-damdamin.

Sabi ng isang kaibigan ko, “ang mga bata raw ang nagsisilbing barometrong panukat ng isang komunidad. Kaya makabubuting pagmasdan ang kanilang hitsura’t galaw, at mapakinggan ang kanilang sinasabi o di sinasabi.”                 

Totoo ‘yun. Dahil paano nga ba maitatago ang nararanasang paghihikahos ng pamilya kung ang kilik na bata ay maputla ang balat, malaki ang tiyan, litaw ang butuhing dibdib, at walang kislap ang mga mata? Paano nga ba maililihim ang bunga ng nagdaang sakuna sa mga bata samantalang may mga gabing dinadalaw sila ng bangungot, pag-ihi sa banig, at pangangatal sa pagkaalala ng sakuna? Mahirap lurukin ang kalagayan ng isang komunidad kung ang pagbabatayan ay ang sinasabi ng kanilang tatay, nanay, at iba pang matatanda sa pamilya. Kayang-kayang kasing itago ng mga magulang ang lahat ng kanilang nararamdaman. Kaya nila kaming papaniwalain na ayos lang ang lahat kahit hindi. Iba ang mga bata.

Sa Real ko nakita ang batang kamukha ni Frankenstein. Nang makilala ko si Bunso, si Frankenstein ang unang pumasok sa aking isip. Paano kasi, punong-puno ng tahi ang kanyang ulo, batok, at leeg (para talagang ‘yung karakter na si Frankenstein sa pelikula). Nangawit kaya ang kamay ng mga siruhano nang inoperahan nila ang batang ito? Sangkaterbang pilat ang iniwang alaala ng sakuna sa mukha at katawan ni Bunso. 

“Nadaganan po siya nang gumuho ang Repador Building,” paliwanag agad ng isang guro nang makita niyang waring nagtatanong ang aking mga mata sa hitsura ng batang kaharap ko. “Hindi po siya nakita agad. Akala nga po nila ay patay na si Bunso. Mabuti’t nadala sa Maynila para maoperahan ang nabasag niyang bungo.”

Mula noon, tuwing titingnan ko si Bunso, nahahabag ako. Kung ako kaya ang nasa katayuan niya, makakaya ko kaya ang sinuong niya? Walang sinabi sa mga tahing nasa mukha at ulo ni Bunso ang aking nag-iisang keloid bunga ng inoperahang sebaceous cyst sa aking likod. E, paano pa kaya ang mga pilat ni Bunso na di ko nakikita? Pihadong nag-iwan ng malalalim na pilat sa kanyang murang puso ang sakuna.

Kung nasa ibang lugar lamang si Bunso, pihadong panay tukso ang matatanggap niya mula sa ilang pilyong bata dahil sa kanyang kakaibang hitsura. Pero dito sa Real, walang nangahas bumiro kay Bunso. Siguro kasi’y ang karanasan ni Bunso ay karanasan din ng buong bayan. Ang bawat isang tahi sa mukha at ulo ni Bunso ay nagpapalutang lamang sa kanyang katapangan.    

Hindi sinasadya’y naalala ko ang mga batang may kanser sa aming pagamutan. Sila man ay parang si Bunso rin sa maraming pagkakataon. Nasa isang sitwasyon sila na kahit tayong matatanda na ay mahihirapan din. Hindi biro-biro ang diagnosis na kanser para sa sinumang kaanak. Ang aming mga anghel, di pa man nakababasa ng alpabeto, ay hindi rin ipinuwera ng sakit na ito. Sinong magulang ang hindi madudurog ang puso kapag nakita niyang tinitiis ng minumutyang anak ang hapdi ng turok ng karayom sa kemoterapi?

Pero kagaya ng mga batang nakaligtas sa trahedya ng Quezon, ang mga bata ring ito ay di nawawalan ng pag-asa na gagaling sila. Kapag nasimulan na ang kanilang kemoterapi, nagsisimulang malagas ang kanilang buhok kasabay ng pagpatay ng gamot sa mababagsik na cancer
cells. Pagkatapos, mistulang isang komunidad na na-wash out ang hitsura ng ulo ng aming mga paslit. Pero nandun ang pag-asa na maaaring malampasan nila ang sakit na kanser.   

Hitik sa kuwento,
games, at activity ang tatlong araw na kasama namin sila. Nakatulong din na palagi kong bitbit ang aking digital camera. Manipis kasi ito at maliit lang kaya madaling ilagay sa bulsa. Sa tuwing pipindutin ko ito, una-unahang nagpo-pose ang mga bata para sa ‘kodakan’. Pagkatapos ay titingnan din kaagad ang picture nila, magtatawanan o magtutuksuhan ayon sa nakitang hitsura sa kamera. Minsan nga ay sila pa ang nagpiprisintang magpakuha ng litrato. Agad kong nakuha ang loob nila. Laking pasasalamat ko sa aking digital camera. Nakapasok ako sa mundo ng mga bata nang di sinasadya. Sa bawat klik ng kamera, palapit nang palapit ang loob namin sa isa’t isa. 

Noong unang araw, sinadya naming huwag munang sumalat sa trahedyang sinapit nila. Gusto lang naming magbukas sila ng kanilang mga sarili. At dahil mga lupa at banlik ang tumabon sa kanilang mga bahay at buhay, ninais namin na sa pagpapakilala nila sa kanilang sarili ay dumampot sila ng isang bagay mula sa paligid na kumakatawan sa kanila. Gusto naming bumalik ang tiwala nila sa bundok, lupa, puno, at bato.

“Kagaya po ako ng batong ito,” pakilala ni Cynthia. “Ang ibig ko pong sabihin, matibay po ako, hindi kaagad madudurog. At saka, noong tumatakas po kami, mga matitigas na batong kagaya nito ang hinahanap naming tuntungan para hindi kami malubog sa banlik.” 

May mga dala rin kaming librong pambata para ikuwento. Subalit sa bawat kuwentong isinasalaysay ko, humuhugot sila sa nagdaang sakuna upang idugtong sa aming kuwento.  Kung tutuusin, walang kinalaman sa bagyo o baha ang isang kuwentong isinalaysay ko. Tungkol ito sa pagmamahal ng isang sapaterong ama sa isang anak na ipinanganak na putol ang dalawang paa. Sa naturang kuwento, palihim palang gumagawa ng sapatos ang ama upang ialay sa anak niya. Kapag nalalapit na ang kaarawan ng bata, pilit na iniimadyin ng ama ang lumalaking sukat ng paa ng anak niya. Ngunit lingid sa kaalaman ng ama, napapanaginipan pala ng anak na walang paa ang mga sapatos na nililikha para sa kanya sa tuwing bisperas ng kaarawan niya.

Matapos ang pagkukuwento, hiniling ko sa mga bata na lumikha ng isang pares ng sapatos para sa bidang batang babae sa kuwento, at kailangang kumbinsihin nila ako na ang kanilang sapatos ang dapat kong piliin. Nagulat ako nang makitang karamihan ay bota ang iginuhit. Yung isang grupo ay nagdrowing ng botang may mataas na takong. Yung isang grupo pa ay gumuhit ng sapatos na
convertible sa bota at ipinagdiinan pang ang sapatos nila ay water-resistant. Kasi raw, nang mga sumunod na araw matapos ang sakuna, mga bota na ang kanilang sapin sa paa. Natuwa ako na iginawa nila ng pambihirang bota ang batang bida sa libro. Ayaw raw nilang marumhan ng banlik ang bago nilang kaibigan.   

Iniiwasan ko pa sanang banggitin ang nagdaang sakuna. Sa isip-isip ko, tatalakayin namin ito sa mga susunod pang araw. Pero ipinahiwatig na nilang handa na silang harapin ang kani-kanilang kuwento, katunayan ang mga iginuhit nilang sapatos na pambaha. 

Tinanong namin ng kasama kong
facilitator kung ano ang limang mahahalagang bagay na ililigtas nila sakaling may mangyaring sakuna. Maraming sumagot na ang ililigtas nila ay ang kanilang uniporme at gamit sa eskuwelahan (na para bang magkakalakas-loob pa ang mga prinsipal ng mga eskuwelahan na ideklarang may pasok kinabukasan). ‘Yung iba, TV at pridyider ang gustong iligtas, na siyempre pa’y sinundan ng tawanan. Kahit yata sanrekwang adrenaline ang ipundar ng katawan, hindi kakayanin ng mga paslit na ito na buhatin ang kanilang pridyider!

Pero sa ilan, mga tao ang kanilang binanggit na ililigtas. Sa kanila, hindi mahalaga na “ano” ang tanong namin, kundi “sino” ang ililigtas nila. Mula sa mga sagot na damit, pagkain, notebook, telebisyon, at pridyider, lumabas ang pangalan ng kanilang lolo’t lola, tatay, nanay, kapatid, at pamangkin. 

Hanggang ngayon, hindi mawala sa isip ni May kung paanong nakabitaw ang lola niya sa kanyang kamay noong tinatangay sila ng rumaragasang agos. Hindi na nakita pa ang lola niya, nalibing sa natuyong banlik sa kung saan. At si May, hindi niya mapatawad ang sarili na hindi niya nailigtas ang lola niya. Di lang si May ang nagbahagi nito kundi ilan pang batang pipituhin o wawaluhing gulang na pawang nakangabitaw sa mahigpit na pagkakakapit sa mga kaanak nila. Nandu’n ang masidhing pagnanais na mailigtas ang kapamilyang minamahal. Kung tutuusin, kasama sa mga karapatan ng mga batang kagaya nina May ang unang mailigtas sa panahon ng trahedya. Pero para sa mga batang kagaya nila, higit na mahalagang nailigtas nila ang mahihina na nilang lolo’t lola o ang mga nakababatang kapatid na karga-karga nila. Napag-isip-isip ko, sa panahon pala ng sakuna, nagbabagong-anyo ang mga bata. Gusto nilang maging tagapagligtas. Gaya ng napapanuod nilang
cartoons sa TV na inililigtas ng superhero ang mga biktima.

Nang inaakala naming palagay na ang loob nila sa amin, hiniling namin sa kanila na isulat o idrowing ang naganap noong gabi ng Nobyembre 29, 2004. Naupod ang mga krayolang kulay-brown sa kanilang mga iginuhit. Nagkulay-tsokolate ang kanilang mga papel. Nagmistulang dagat iyon ng tsokolate, parang mga kumunoy na walang katapusan, inaangkin ang bawat batang nahuhulog doon.  

Sabi ni Raymond, nagulat na lang sila sa napakabilis na pagtaas ang tubig. Wala na silang panahon pang maka-tapok (lengguwaheng Quezon para sa ‘paglikas sa matataas na lugar’). Ang tanging nakita ng Nanay niya na mataas ay ang magkatabing puno ng abokado sa kanilang bakuran. Agad nila itong inakyat. Mahigpit na kumapit doon habang ginaw na ginaw, kasama ang isa pa niyang pamangkin. Sa kabilang puno, doon naman umakyat ang Nanay niya, ang ate niya, at isa pang pamangkin. Ngunit hindi naging mabait sa kanila ang mga punong ito. Nabali ito at sapilitang tinangay ang Nanay niya at dalawang pamangkin. Sila na lamang ng kanyang ate ang natira.

Nanlambot ako nang marinig ang kuwento ni Raymond. Hindi sila nailigtas ng matatayog na puno sa kanilang bakuran. Nag-uunahang pumatak ang luha sa mga mata ni Raymond sa pagkaalala sa ina at mga kalarong pamangkin. Paano pa ako kakain ng abokado gayong sa bawat pagbanggit ng prutas na ito ay ibinabalik sa aking gunita ang alaala ng pamilya ni Raymond?

Iisa ang hitsura ng kanilang drowing: mga bahay na nakalubog sa banlik at bubong lang ang makikita, mga taong nakatalungko sa bubungan, mga taong nakakapit sa mga sanga ng puno, mga bahay na inaanod ng rumaragasang banlik, mga nabunot na puno at troso, nalulunod na kalabaw, baboy, at aso. Nagulat pa ako dahil kahit
stick figure lamang ang iginuhit ng karamihan, malinaw pa ring nakasaad doon kung ano ang kasarian o kung bata o matanda ang nakita nilang nalunod!

“Matandang babae po itong nalunod na ito,” sabay turo sa drowing. “Ito naman po ay batang lalaki.”

Sa narinig ay pilit gumagawa ng koneksyon ang aking naririnding utak. Magkaano-ano kaya ang matandang babae at batang lalaki? Maglola kaya ang dalawa? O baka wala naman talaga silang kaugnayan sa isa’t isa. Sabay lamang silang nalunod.

Hindi rin nakaligtas sa drowing ng mga bata ang buwan, ulan, at kidlat. Napansin ko agad ang kakaibang hitsura ng buwan. Nilagyan nila ito ng mukha. Nakalabi ang buwan!

“Kasi po, sobrang lungkot noong gabing ‘yon. Pulos hiyawan at iyakan ang maririnig. Maraming namatay. Maraming nawalan ng bahay. Nakakatakot ang mga troso at banlik. Parang umiiyak ang langit sa nangyari. Kaya naglagay po ako ng umiiyak na buwan.” 

Kakaiba rin ang sinulat na kuwento ni Jenny. Kapansin-pansin na magaling siyang humagod ng mga salita. Nang gabing ‘yon, maaga raw siyang nahiga sa kama. Masarap daw matulog dahil malakas ang ulan. Makapal na kumot ang gamit niya. Akala niya’y panaginip ngunit nagising na lang siyang mistulang dagat na ang kanyang silid. Nagkakagulo na ang kanyang buong pamilya. Nag-aapurang lumikas silang lahat patungo sa kanugnog na bundok, ingat na ingat na huwag madapa o malubog sa rumaragasang banlik. Tinapos niya ang maigsing sanaysay sa pagbanggit ng mga kaanak na nakaligtas. 

“Mabuti naman at nakaligtas ang buong pamilya mo sa sakuna,” sabi ko kay Jenny.

Hindi ko inaasahan ang tugon ni Jenny. “H-Hindi po.” 

Dito na unti-unting nanginig ang tinig ni Jenny. Sa paputol-putol na kuwento ay nalaman kong kasama palang inanod ang kanyang ina, at di na rin natagpuan pa. Pinalaya na niya ang luha na kanina pa pilit pinipigil.

Maingat ang pagkukuwento ni Jenny. Hindi niya binanggit ang kinahinatnan ng kanyang magulang. Kung ang pagbabatayan ko lamang ay ang sinulat na sanaysay ni Jenny, hindi ko iisiping may matinding nangyari sa pamilya ni Jenny. Sinadya niyang iwasan sa kanyang kuwento ang sinapit ng kanyang ina.

Sabi ng nanay ko, kapag sobrang masakit na raw ang nangyayari sa atin, di man sinasadya ay pilit tumatakas ang gunita. Gumagawa ito ng sariling paniniwalaan para malampasan niya ang personal na trahedya. Ayaw na ni Jenny na isiping may nawala sa kanya kaya hindi na niya ito ikinuwento pa. Pero nasukol si Jenny ng aking tanong kaya napilitan siyang magtapat. Noon lamang niya inamin ang pagkamatay ng nanay niya. Nang mga sandaling ‘yun, pakiramdam ko, napaka-pakialamero ko. Nabulabog ko nang di sinasadya ang kanyang pananahimik.    

Iyon din siguro ang dahilan kung bakit ang batang Frankenstein na si Bunso ay ayaw magbigay ng salaysay. Ayaw nitong magsulat ng kahit ano. “Baka puwedeng magdrowing na lamang,” payo ko pa. Pero iniwasan din nito ang mga krayolang ibinigay namin. Hinayaan na lamang namin si Bunso na sumali sa lahat ng aktibidad namin: kasali sa larong “Open the basket”, kasama ring umaawit sa kanilang “group cheer”, kasabay na kumakain ng iba pang bata, nagtataas ng kamay para sa libreng kopya ng libro matapos ang aking pagkukuwento. Kapag makakasalubong ko siya, matipid siyang ngingiti kapag binabati. Pero ang kapansin-pansin sa kanya, kung ako’y nagpapahinga sa isang sulok, basta na lamang siyang tatabi sa aking kinauupuan, hahaplusin ang aking braso, o hahawakan ang aking palad. Minsan naman, napapansin kong nakakapit siya sa kamay ng iba pang nakatatanda sa kanya.

Iginalang ko ang pananahimik ni Bunso. Walang kaso kung wala siyang maalala sa nangyari. May kapangyarihan naman talaga ang ating isip na limutin ang mga pangyayari na hindi nakalulugod sa atin. Hanggang sa nakita niyang nagtapat ang lahat ng kanyang kasama sa nangyari sa kanilang buhay. Nakita niya kung paanong umiyak at humagulgol ang mga kapwa bata matapos ibahagi sa grupo ang kanilang isinulat o iginuhit. Noon nagkalakas-loob si Bunso na basagin ang pananahimik.

Siya ang pinakahuling batang pumunta sa harap at nagkuwento ng buhay. Wala siyang artwork o sinulat na sanaysay. Pero naikuwento niya, sa pagitan ng hikbi, ang nangyari. Nagpunta sila sa Repador building sa pag-aakalang ligtas dito kasama ang kanyang tatay, isang kapatid, at lola. Bigla na lamang daw may gumuho sa loob ng building, at basta na lamang siyang tumalsik. Naiwan sa guho ng Repador ang kanyang magulang at kapatid. Hindi na niya nalaman kung ano ang nangyari sa kanila.

Dinugtungan na lamang ng mga guro ang nangyari kay Bunso. Kung paanong ito’y natagpuang nakaipit sa mga guho. Kung paanong inilipad ito ng helikopter patungong Maynila para operahan ang bungong nabasag. Hindi na nahukay pa sa guho ang mga mahal ni Bunso, sama-sama nang nalibing doon. Masisisi ko ba si Bunso kung waring nabura na sa kanyang gunita ang sinapit ng mga kaanak?

Ang dalagitang si Julie ay napaiyak din nang maalala kung paanong pagkatapos ng sakuna ay nakikipag-agawan siya sa mga
relief goods na dumarating sa kanila. Walang namatay sa kanyang kapamilya. Pero nawalan sila ng bahay, nabuwag ng mga trosong humampas doon.

“Habol po kami ng habol sa mga trak na may dalang pagkain. Nagkakagulo po ang lahat kasi’y gutom na. Kahit po ang mga kalalakihan, di na kami iginagalang, itinutulak o hinahawi kami para lamang makakuha ng
relief goods.”

Nandoon ang hinanakit ni Julie habang ikinukuwento ang naganap. Sa isang nagdadalagang kagaya niya, nahihiya na siya sa ginawang paghabol sa mga trak para lamang makakuha ng pagkain para sa kapamilya. Pero nagugutom sila. Naghahalo ang gutom at hiya, at si Julie ay walang magawa.    

Ramdam ko, nagtatapang-tapangan ang mga bata habang nagsasalaysay. Ayaw nilang umiyak. O mas dapat yatang sabihing pinipigilan nilang maiyak. Nang may magsimulang umiyak, hindi ko pinatahan ang bata. Hinayaan ko lamang siyang umiyak. Hinayaan kong tumulo ang kanilang luha para sa mga kaanak na lumisan. Sabi ko sa kanila, okey lamang umiyak. Kahit lalaki, walang kaso kung umiyak. Hindi nakakahiya ang pag-iyak. Ikinuwento ko sa kanila na nang namayapa rin ang tatay ko, umiyak ako nang umiyak. Hinayaan ko lang silang umiyak upang kahit paano’y mahugasan ng luha ang nakakapit na banlik sa kanilang gunita.

“Umiyak ka na ba?” gayon ang tanong na isinalubong sa akin ng isang kaibigan ilang araw matapos na manggaling ako sa Real.

Hindi ako agad nakasagot. Alam niya kasing mababaw ang aking luha. Kayang-kaya nga akong paiyakin ng isang magandang pelikula. Pero pagkatapos kong marinig ang kuwento ng mga bata sa Quezon, hindi ako makaiyak. Ewan ko kung bakit. Napagod ba ako? Na-drain sa narinig kaya walang mailuha? O baka ang dahilan kung bakit hindi ako makaiyak ay sapagkat nasaksihan ko ang katapangan ng mga batang ito habang sila ay naglalahad ng kani-kanilang kuwento? At ang tapang na ‘yun ay sumaakin na.    

Aaminin kong hindi ko gaanong binabanggit ang tungkol sa Diyos sa aming mga aktibidad. Nakita ko kasi sa kanilang mga sinulat na dasal sila nang dasal nang nagaganap ito. Lahat daw ay tumatawag sa langit nang mga oras na iyon. Pero walang nangyaring himala. Paano ko ngayon sasabihin sa mga bata na kasama na ng Diyos ang kanilang mga kaanak doon sa langit? Paano nila maiintindihan ang grasya ng Diyos samantalang kitang-kita nila kung paanong walang-awang tinangay ng rumaragasang agos ang kanilang ama’t ina, lolo’t lola, at mga kapatid?

Pero hindi nawawala ang sampalataya ko sa mga batang ito. Alam kong pansamantala lamang ang kanilang pagtatampo. Unti-unti, muli silang kakapit sa Diyos. Muli silang hahabi ng mga panalangin. Hanggang sa tuluyang bumalik ang tiwala nila sa Dakilang Lumikha.

Natuwa ako na naiisip nilang iligtas, kung bibigyan ng pagkakataon, ang mga gamit at uniporme nila sa eskuwelahan. Iisa lang ang ibig sabihin noon. Na ang sakunang nagdadaan sa buhay nila ay iniisip nilang pansamantala lamang. Na matatapos din ang lahat ng ito. Na pagkatapos ng bagyo at baha, umaasa silang babalik sa normal ang lahat. Muli silang papasok sa eskuwelahan, muling pupunta sa simbahan tuwing Linggo, at muling maglalaro sa plasa ng bayan.      

Iisa ang mukha ng mga bata sa panahon ng sakuna. Hindi man sila nagbubukas ng kanilang bibig, alam kong marami silang tanong na nakalutang sa hangin at nakasulat sa tubig. Pero hindi para sa akin ang pagsagot dito. Gusto ko lang silang samahan at pakinggan, at iparamdam sa kanila na hindi sila nag-iisa sa karanasang ito.

Sabi ng isa kong kakilala, “may pambihirang spirit daw sa loob ng bawat nilalang, bata man o matanda, na di kayang buwagin ng kahit anong sakuna. Na kahit daanan pa natin ang pinakamatinding trahedya, mananatili itong di natitinag.” Sa mga nagdaang araw na inilagi ko sa Quezon, naramdaman ko ang sinasabing spirit na ito ng mga bata. Ito siguro ang dahilan kung bakit sa lahat ng panahon, sa kahit anong sakuna, maraming bata ang nakakaligtas mula rito. Muli silang nakakaigpaw, muling nagpapanibagong-sigla.  

Mula sa mga batang napiit sa
concentration camp sa Terezin, hanggang sa mga batang nasa gitna ng digmaan sa Afghanistan, at hanggang sa mga batang dumanas ng landslide sa Quezon, ang mga bata ng sanglibutan ay hindi kaagad-agad sumusuko. Taglay nila ang kapangyarihan na makabangon at lampasan ang mga trahedyang ito ng sangkatauhan.    

Sana’y masumpungan ni Bunso, at ng lahat ng bata sa Quezon, na nakangiti na ulit sa kanila ang buwan!



This essay won First Prize for Sanaysay in the 2005 Palanca Awards