ELYRAH LOYOLA SALANGA
Talambalay
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS ESSAY IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES  | CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Wala akong kinalalagyan.  Hindi katulad ng sapatos na may shoebox o di kaya’y ang mga plato sa platerya. Ang bahay, ayon sa iba, ay kanlungan ng ating mga alaala. Paano kung nanakawan ka ng bahay, nasunugan, o naakyat- bahay? Anong mangyayari sa mga alaala mo? Paano kung palagian kang naglilipat-bahay? Hindi kaya malilito at maalog ang mga maalala at naalala mo?  Katulad ko, naglilipat-bahay kami. Kaya, wala akong paglalagyan.  Ito ang talambalay namin. 

Sa edad kong dalawampu’t pitong taong gulang, masasabi kong marami akong nakilalang mga propesyunal sa kanilang larangan. Nariyan si Eugene, isang propesyunal na manunulat, si Danny, ang propesyunal na manunulot, si Harold, ang propesyunal na bolero, si Grace, ang propesyunal na mandadaot at si John, ang propesyunal na guro. Pero ako, propesyunal ako sa ibang bagay. Kabilang ako sa pamilyang eksperto sa paglilipat-bahay. Tulad ng mga kakilala kong propesyunal sa kani-kanilang larangan, bago ko natamo ang pagiging propesyunal, pinaghandaaan ko’t pinag-aralan ang larangang ito. Kabilang dito ang paghahanda ng aking sarili sa pisikal, sikolohikal at pinansyal na aspekto para sa paglilipat ng bahay. No Permanent Address o NPA kumbaga. 


PAGBIBIGAY-NGALAN AT PAGBABAGO

Nasa kinder ako nang ituro sa akin ng aking mga magulang ang kahalagahan ng pagsasaulo ng aking pangalan, pangalan ng aking mga magulang, mga kapatid at ang aming adres. Itinuro sa akin ang tamang pagbigkas. Upang maisaulo ko, kinailangan kong kantahin ang bawat letra kasabay ng pagtuturo ng tamang pagsulat at pagbaybay ng mga ito. Ani nila’y pag-iingat lamang ito kung sakaling maligaw ako sa isang pampublikong lugar. Ito ang kauna-unahang aralin na natutunan ko: ang kahalagahan ng mga pangalan. Ito marahil ang nasa isipan ng aking mga magulang nang mula sa maraming bahay sa Diliman, napagdiskitahan nila ang isang malaking bahay sa isang kalyeng may nakatatawag-pansin na pangalan.

Ayon sa mga numerologist, may ibig sabihin ang bawat numero at titik sa alpabeto. Sa kaso namin, tila itinadhana ang numero at pangalan ng aming bahay—ang #5 Mabuhay St. Para kay Linda Strayhorn ang numero singko o ang pagsusuma nito ay nangangahulugan ng paglalakbay, pagiging masayahin at ang pagkahumaling nito sa dami ng tao.

Binagayan ng pagpapakuhulugan  ng adres namin ang uri ng aming pamumuhay. Dahil sa kilalang manunulat ang tatay ko, lumaki kaming magkakapatid sa isang bahay na gising beinte kuwatrong oras. Ang bahay namin ay kilala sa dami ng taong labas-masok sa aming tahanan. Sa dami ng taong bumibisita, sumisikip ang malawak na hardin na itinuturing naming palaruan. Bata pa lang kami, alam na namin na naiiba kami sa mga kalaro namin sa aming lugar. Kung ang aming mga kalaro’y kalahating dosena lamang ang pares ng kanilang mga Tito at Tita, triple-triple naman ang sa amin dahil sa dami ng mga naampon na kamag-anak na nagreregalo sa amin. Kaliwa’t kanan ang pasalubong ng mga damit, pagkain at laruan. Araw-araw ay laging may handaan dahil sa mga bisitang dumadalaw sa tatay ko. Sa pananaw ng mga kalaro namin, mayaman kami dahil dito lalo na nang malaman nilang nasa Amerika nakatira ang Ate namin. Mayaman nga siguro kami dahil ang bawat kuwarto ay mayroong telepono at intercom, mayroong yayang nakabantay, puno ang refrigerator ng pagkain at nagpagawa pa ang tatay ko ng mga swing at isang kubo para sa aming bahay-bahayan. Hatid-sundo kami ng drayber sa isa sa tatlong kotse at may kanya-kanya rin kaming mini cars. Regalo ito ng aming mga magulang. Firetrucks ang para sa mga babae at patrol car naman para sa bunsong lalaki.

Idagdag pa dito,ang kinaiinggitan na silid-aklatan dahil sa koleksyon ng tatay ko ng tatlong libong libro. Kung tunay kaming mayaman, naisip ko noon, sana’y habambuhay na ito.

Hindi pala ganoon.

Noong namatay ang tatay ko, nagbago ang aming buhay. Nang sabihan kami ng nanay ko na wala na kaming tatay, matagal bago ko naunawaan ang gusto niyang iparating sa amin. Akala ko, tatay ko lang ang mawawala. Iyon pala pati bahay namin. Laking gulat ko na lamang nang malaman kong hindi sa amin ang tinitirhan naming bahay. Nirerentahan lang pala namin ito. Kinakailangan naming lisanin ang bahay na laging buhay dahil sa dami ng tao at sa mga alaala ng pamamalagi doon ng aking tatay. Hindi ko maunawaan kung bakit kailangang lumipat ng bahay.

Noong huling araw namin sa bahay, nagsisimula na kaming mag-empake ng mga gamit. Naghahati-hati kami ng trabaho. Ang mga maliliit kong kapatid ang mag-aayos ng kanilang mga laruan. Ako nama’y tutulong sa pagtiklop sa damit. Si Nanay sa naiwang gamit ng aking tatay. Hati-hati sa trabaho, tulong-tulong sa lahat ng gawain ang motto namin. Tatlong oras bago kami umalis, hindi ko alam kung bakit, nag-boluntaryo akong linisin ang sahig ng master’s bedroom. Kinuskos ko ang mga nanlilimahid na dumi sa mga sulok. Nagbanlaw, nagpunas, nagbanlaw, nagpunas hanggang sa pumasok sa kuwarto si Nanay na manghang-mangha sa pinaggagawa ko. Ano daw ang silbi ng paglilinis ko kung aalis kami? Naalala ko noon ang sinagot ko: e, kawawa naman ang susunod na titira kung madumi ang bahay. Umiling na lamang siya’t iniwan ako sa kuwarto.

Noong hapon ding iyon, handa na ang lahat para sa aming paglilipat.

Nang sumakay na kami sa malaking trak, gusto ko nang batukan ang sarili ko. Tama nga ang nanay ko, ba’t ko gagayahin si Cinderella kung ibang tao naman ang makikinabang? Naiinis ako habang bumabiyahe kami sa East Avenue. Naiinis ako dahil hindi ko na makikita ang mga kalaro ko. Naiinis ako dahil hindi ko na makikita ang mga taong bumibisita sa amin. Naiinis ako dahil maiiwan ang kubo at swing namin. Higit sa lahat, naiinis ako dahil iiwanan ko ang naging magandang buhay ko sa bahay na iyon. Ang paglisan na ito ang siyang nagsilbing hudyat para sa paghahanda sa bagong lilipatan at sa  bagong adres na sasauluhin namin.


ISANG RITWAL NG PAGLIPAT, PAGDATING AT PAG-ANGKIN

Walang hardin sa aming nilipatan ngunit tama lamang ang laki nito para sa pamilya namin. Nasa looban ito ng subdivision at malapit-lapit sa community park. Bungalow ang bahay na mayroong tatlong kuwarto, ayon kay Nanay nang kausapin niya ang may-ari. Natuwa kami nang malaman namin ito. Kaya sa aming pagdating, para akong asong matagal nang nakakulong na nais nang makalaya. Papasok na sana ako sa gate nang pigilan ako ng nanay ko.

Ang paglipat ay di lang simpleng paglipat. Ito ang aking natutunan sa pagdating namin sa bahay numero dos. May mga hakbang na dapat gawin. May mga ritwal na dapat sundin. Mauuna dapat, ayon kay Nanay, ang pagpasok ng prusisyon ng aming mga gamit na binubuhat ng mga kargador. Kaya kahit gusto kong subukin ang tibay ng sahig at kuwarto sa pamamagitan ng pagtakbo, pagpadyak at pagtalon naming magkakapatid, ay nagpigil ako. Sa pamamagitan nito, una pang masisilayan ng aming mga gamit ang loob ng bahay.

Pagkatapos maipasok ang lahat ng gamit sa bahay, kami naman ang pinapila ni Nanay para sa ritwal ng pag-adya ng mga negatibong enerhiya at pagsasalubong sa bagong bahay. Bago sinimulan ang ritwal inipon namin ang mga kasangkapang aming gagamitin: ang bigas para laging mayroong pagkain sa aming mesa; ang asin bilang simbolo ng buhay namin; ang asukal para sa isang matamis na pamumuhay; ang tubig para manatiling kalmado at malamig ang aming mga ulo; ang mga sariwang bulaklak na walang tinik para sa bahay at sa mga elementong naninirahan dito; at ang panghuli, ang Bibliya para sa espiritwal na pangangailangan namin. At sinimulan namin ang aming prusisyon.

Si Nanay bilang ulo ng pamilya ang mauuna sa pila tangan ang Bibliya at mga bulaklak. Ako, bilang panganay ang inatasang magdala ng bigas at asin habang ang dalawa kong kapatid ang magdadala ng asukal at tubig. Nakita ko sa mga mata ng aking mga kapatid ang pagtataka at pagkamangha nila sa pinagagawa sa amin. Pinagpawisan ang kaptid kong lalaki habang bahagyang nanginginig ang kamay ng kapatid kong babae.  Sa aming pagpasok, unang ilalapag ang bulaklak at Bibliya sa altar at isusunod na aayusin ang mga kasangkapan sa kusina. Sa ganitong paraan, nagpapakilala kami sa aming bahay.

Pagkatapos ng ritwal, tinanong ko si Nanay kung saan niya natutunan ang magsagawa ng ritwal. Noong una, ayaw niya itong sabihin sa akin. Marahil dahil sa pangungulit ko, bumigay na rin siya. Natutunan niya ito sa kanyang lola sa Zamboanga.

Nagmadali akong magpaturo pero dahil sa edad ko, hindi pinatulan ni nanay ang aking kahilingang magritwal din. Subalit napagtanto ko na hindi ko naman pala kailangang magpaturo sa kanya. Nang hapong ding iyon, gumawa kaming magkakapatid ng aming sariling ritwal.

Nais naming makapalagayang-loob ang aming tinitirhan. Dahil sa nangyaring ritwal, naisip ko na hudyat iyon ng pag-aangkin namin sa bahay. Ginawa namin ang ritwal ng pag-aangkin. Nilinis namin nang maigi ang bahay. Kinilala ang bawat sulok, dingding at kuwarto. Kasabay ng aming pagpupunas at pagwawalis ang pagkilatis namin sa bagong tirahang malayong-malayo sa aming nakagisnan. Masikip at mainit ang pakiramdam sa loob ng bahay dahil kulang ang mga bintana. Dadalawa lamang ang kuwarto at walang labahan. Walang malapit na tindahan na puwedeng bilhan ng kendi at higit sa lahat, walang ibang bata na maaring makipaglaro sa amin. Sa aming magkakapatid, simple at nakababagot ang bahay. Habang naglilinis ako sa isang kuwarto, di ko sinasadyang may naibunyag pala akong lihim ng bahay. Sa kuwarto na iyon, sa loob ng isang malaking aparador, natuklasan ko ang isang maliit na kuwarto. Napag-alaman namin sa may-ari na isa itong taguan ng kanyang mga anak, nang pagsawaan na ay pinatira na lamang dito ang kanilang mga libro at laruan. Pakiramdam ko, napaaga ang Pasko. Naexcite ako sa aking nakita. May lugar na kami para sa bahay-bahayan. Dali-dali ko itong ibinalita sa aking mga kapatid. Noong sumunod na araw, mayroon na itong tatlong maliit na unan at tatlong laruan. Masaya kaming magkakapatid dahil dito. Dahil sa sobrang pagkatuwa namin sa bahay, lingid sa amin na kami lang ang naghahangad na magtagal pa sa bahay numero dos.

Sa ikatlong buwan ng paninirahan namin, sinabihan kami ng nanay ko na maglilipat muli kami. “Bakit?” ang una kong tinanong. Ayokong lumipat pero buo na ang desisyon ng nanay ko lalo na’t kakompetensya ko ang kawalan ng telepono’t mataas na pamasahe at ang sakim na may-ari ng bahay.

Sa pagkakataong ito, unti-unting nahasa ang abilidad kong magligpit ng mga gamit. Unti-unti ko nang namememorya ang kung saang kahong dapat ilagay ang ganito, ganyan. Ano ang uunahin, ano ang ihuhuli. Ang damit ba o mga babasagin na gamit? Ang mga libro ng tatay ko o ang mga paborito naming laruan? Habang ginagawa ko ang paghihiwalay ng mga damit ko sa aking kapatid, hindi ko maiwasang isipin ang  laro namin dati. Ang pagbubukod ng naiiba. Naisip ko: baka sa lahat ng magkakapitbahay kami ang naiiba. Baka natuklasan ng mga kapitbahay na isang bruha ang nanay ko dahil gumagawa ito ng ritwal. At dahil siguro kami ang naiiba dapat kami ang bumukod.

At ngayong lilipat muli kami, napagtanto ko na bahagi ng ritwal ang paglisan sa bahay.


DEAD END

Lumipat kami sa bahay numero tres. Sa paglipat namin sa Lands St. sa Visayas Avenue, doon lang namin naunawaan ang kahalagahan ng pagpili ng tamang lokasyon. Ayon sa mga feng shui experts, malas ang bahay na ito dahil nasa dead end kami ng Lands St.  Alam siguro ito ng may-ari pero dahil sa artist at painter ito, hindi niya ito pinansin. Nang maglipat kami, walang sumalubong sa amin. Wala ang may-ari pero naroon ang ilang sawang gumagapang. Nagtilian kami sa aming nakita. Nang tanungin ni Nanay ang may-ari, nagkibit lamang ito ng balikat at nagsabing masuwerte ang may ahas sa bahay. Nahirapan akong mag-adjust sa bahay lalo na’t may ahas sa tabi mo’t hindi mo alam kung kailan ka lilingkisin. Tulad nang nakagawian, nilinis muna namin ang bahay. Tinanggap namin na maluwag sa aming kalooban ang bahay ngunit tila yata kami ang ayaw tanggapin ng bahay dahil sa kamalasang idudulot nito sa amin. Tulad ng nangyari sa Ate ko at kay Nanay.

Pagkaraan ng anim na taon, umuwi ang kapatid ko mula sa Amerika. Nakasilid sa kahon-kahon ng PX goods ang mga Hershey’s Kisses, Suave, pabango at ang kanyang sama ng loob. Dadalawang linggo pa lamang siya sa Pilipinas ay nagpasabog na siya ng bomba sa Davao. Ang itinuturing bakasyon para sa kanila ng nanay ko ay naging mitsa ng kanilang di pagkakaunawaan. Isang araw, nabulabog ang buong bahay dahil sa malalakas na sigawan sa isang silid. Nanggigigil si Ate kay Nanay. Nanlilisik ang kanyang mga mata at nakikita ng lahat ang pagtalsik ng kanyang laway dahil sa sunod-sunod na pagmumura nito kay Nanay.  Noon lamang nalaman ng nanay ko ang lalim ng sama ng loob ng kapatid ko sa aming mga magulang. Dahil lamang sa pera nagrebelde ang kapatid ko. Kinabukasan, umuwi ang nanay ko. Pagkaraan ng tatlong araw, nagkasakit siya. Nilagnat ang nanay ko’t nahirapan siyang huminga. Senyales ito para sa akin ng ikinikimkim niyang sama ng loob sa aking nakatatandang kapatid.

Ako ang inutusan para tawagin ang manghihilot. Lumabas ako ng bahay alas-onse na ng gabi. Kahit alam kong mapanganib ang lumabas ng mga oaras na iyon, nilakasan ko ang aking loob na puntahan ang bahay ng manghihilot. Katutulog lang ng manghihilot nang mabulabog siya sa pagkatok ko. Malalakas ang aking mga katok. Gusto kong ipadama sa kanya ang kahalagahan ng aking pagkatok. Hangos na lumapit sa akin ang manghihilot. Hinding-hindi ko malilimutan ang sandaling iyon. Bakas sa kanyang mukha ang antok pero nakikita ko ang repleksiyon ko sa kanyang mga mata ang maputla kong mukha. Kilala ng manghihilot ang aking nanay. Nakabubuti ito sa akin dahil nabawasan ang mga katagang nais kumawala sa aking bibig.

Ang makita ang nanay ko na nag-aalumpihit sa kama ay isang nakapangingilabot na pangyayari. Panay ang pagbangon niya at pagsusuka. Malamig ang kanyang pawis subalit napakainit ng kanyang katawan. Naaawa ako sa kanya. Ginusto kong magwala, sumigaw, magmura at magtapon ng gamit. Nagpigil ako, para sa nanay ko, nagpigil ako. Galit ako habang pinapahiran ng efficasent oil ang likod ng nanay ko. Galit ako sa kapatid kong kayang tiisin ang nanay ko. Galit ako dahil sa kanyang pagwalay sa amin, hinayaan niyang baguhin siya ng panahon. Galit ako dahil hindi na niya kami kilala. At naisip ko: tama ang feng shui experts. Malas ang bahay na nilipatan namin. Balewala ang mga ahas. Ang nagagawa lang pala nito ay ang magpalit ng kanilang balat. Mabuti pa nga sila kung gano’n. Mabilis nilang nahuhunos ang kanilang balat at mabilis itong napapalitan. Pero ibang-iba sa tao. Nakita ko sa kapatid ko na ang naihunos ay posibleng di na maibabalik. Saksi kami sa tunay niyang pagkatao. Tama ang feng shui experts. Malas ang bahay. Dahil sa nangyari, gusto kong takasan ang malas na idinudulot sa aming pamilya. Noong gabing iyon, hindi lamang ang paggaling ni nanay ang ipinagdasal ko, maging ang paglisan namin sa bahay sa dead end.


PAGBITIW AT PAG-USAD

Siguro nga naawa sa akin ang Diyos noong gabing iyon. Siguro kahit may pinagkakaabalahang iba ay narinig niya ako. Pagkaraan ng dalawang buwan, lumipat kami sa bungad. Sa Visayas Avenue mismo nakatayo ang bahay numero kuwatro. Maganda daw ang posisyon ng bahay, sabi ni Nanay. Kami ang unang sasalo ng grasya. Ngumiti lang ako hindi dahil sa nagbabadyang grasya kundi dahil sa nararamdaman ko noon. Sa mga sandaling iyon, hindi na importante sa akin kung ano ang hitsura ng bahay, kung maliit man ito o malaki, kung suwerte o hindi, ang importante sa aki’y nakalipat na kami. Tama na iyon para sa akin.

Mag-iisang taon na kaming nakatira nang mapansin kong sinusundan kami ng kamalasang naiwan namin sa dating bahay. Nasa ikatlong taon ako sa hayskul nang dahil sa pangangailangang pinansyal ay kinakailangang maibenta ang koleksyon ng libro ng tatay ko. Nang kausapin kami ni Nanay tungkol dito, bigla ako nakaramdam ng panghihinayang. Hindi ko pa man nabasa ang lahat, mapapakinabangan na ito ng iba! Nanlumo ako. Dali-dali kong hinanap ang mga librong alam kong makatutulong sa aking pag-aaral. Nahirapan ako. Para sa akin, ang buong koleksyon ay makatutulong sa aking pag-aaral. Inisa-isa ko ang mga librong waring ako’y nagpapaalam sa isang matalik na kaibigan. Marahil, may dahilan kung bakit kailangang mawalay din ang mga libro ng tatay ko sa amin. Baka nakasuksok sa pagitan ng mga pahina ang mga alaala ng aming masayang kabataan kapiling ang aming tatay na dapat naming ibahagi sa iba. O, baka nais lang din sabihin ng tatay ko sa amin na kailangan na naming bumitiw sa mga alaalang iyon. Bigla akong naguluhan. Bagamat nanganganib ang pagtatapos ko sa hayskul, nagtatalo sa aking kalooban  kung saan ko ilulugar ang naiwang alaala ng aking tatay sa amin. Mabigat sa loob kong tanggapin na kahit tama ang hakbanging ito para sa amin, hindi makatarungan na ipagkait sa amin ang pagkakataong mamulat kami ng mga libro ng tatay ko. Dapat nga bang ibenta para sa pagtatapos namin o magsilbi itong pamana sa amin? Subalit hindi nakasalalay sa akin ang magpasya.

Nanay ko ang nagmakaawa sa mga kaklase ng tatay ko sa Ateneo na suportahan ang aming pag-aaral. Pagkaraan ng dalawang oras na pulong, napagkasunduan na sasagutin nila ang aming pag-aaral hanggang sa matapos namin ang kolehiyo. Ito na marahil ang suwerteng hinihintay namin. Nasalo nga namin kahit papano ang grasya. Pagkaraan ng isang taon, nakapagtapos kami ng kapatid ko. Ako sa hayskul, ang sumunod sa akin sa grade school. Pinagtapos kami ng mga libro ng tatay ko.

Natutunan namin na hindi kawalan ang pagbibitiw ng mga bagay at alaala para kami’y makausad.


PAGLUSONG, PAG-AHON AT PAGSULONG

Hindi ko malaman kung sino sa amin ang may nunal sa talampakan o di kaya’y may balat sa puwet. Ang alam ko lang, kinailangan naming umalis dahil ibinenta ng may-ari ang bahay sa isang debeloper. Ang bahay nami’y gagawing restawran. Eksperto na nga kami sa paglilipat-bahay. Pati ako mismo, nagulat. Dati-rati kapag maglilipat kami, iniisip ko pa lamang ay tinatamad na ako. Pero heto kami ngayon, sinbilis ng MRT ang pag-empake, pag-aayos at paghahanda namin. Tila lumilipad ang mga gamit sa bilis na pagkuha sa mga cabinet ang mga damit, appliance at laruan. Sa bilis, nag-uunahan kung alin ang unang maipapasok sa mga kahon. Ang resulta? Nagkalat na parang tubig sa sahig ang mga gamit tulad ng uniporme naming natabunan ng aming panty na may ruffles, ang mga shorts na kulay itim, asul, pula at berde na sumisilip mula sa ilalim ng bulaklaking kumot.Tunay ngang nahasa ng panahon ang abilidad naming ito. Habang tumatagal, unti-unting nababawasan ang aming mga gamit. Nang nakalipat na kami sa bahay numero lima, nabibilang na lamang ang mga kahong ipinasok sa mga kuwarto at bahay.

Nasa kolehiyo na ako nang manirahan kami sa pang-lima naming bahay. Naiiba ito sa mga dating natirahan namin. Unang-una, nasa squatters erya ito. Pangalawa, kilala ang bahay na ito dahil sa poste ng ilaw sa harapan na may nakataob na malaking kaldero bilang takip sa bumbilya. Nagtaka ako dito. Hindi ko akalaing malalaman ko kung bakit ganito ito isang gabing malakas ang ulan.

Gustong-gusto ko kapag umuulan sa gabi. Napapasarap ang tulog ko kapag naririnig ko ang tila mga nagsasabayang pagsayaw ng tubig-ulan sa bubungan namin.  Noong gabing iyon, hindi ako pinapatulog ng papel ko para sa klase. Nasa pang-apat  na pahina palang ako’y panakaw na nakapasok ang tubig sa loob ng aming bahay. Nagulat ako subalit naisip ko dahil sa di kalakasang pag-ulan, dadampi lamang ang tubig sa aking sakong. Sa sobrang kampante ko, hindi ko naalintanang pursigidong pumasok nang tuluyan ang tubig sa aming bahay.

Apatnapu’t limang minuto palang ang lumipas at hanggang beywang na namin ang tubig. Lahat kami’y first-timers sa mga bahang tulad nito.Kung tutuusin, isa itong rude awakening dahil sa telebisyon lang namin ito nakikita. Walang pasintabi’y nakapag-enroll tuloy kami sa isang crash course sa pakikipagsapalaran sa baha. Walang oryentasyon, sabak agad. Kasabay ng mabilis na pagtaas ng tubig ang mabilis din naming pagkilos sa pagtaas rin ng mga gamit. Bara-bara na ang pinaggagawa namin. Para kaming mga ipis na natutuliro kapag binulabog. Hindi ko malaman kung anong gamit ang unang itataas, kung anong unang madampot iyon ang isinasalba. Kanya-kanya kami ng estilo. Si Nanay, napansin ko, unang isinalba ang mga imahen sa altar at mga manuskrito ng tatay ko. Nagmana ako sa nanay ko, kapuwa kaming maliit. Subalit sa mga oras na iyon, para siyang si Bernardo Carpio sa lakas niya sa pagbubuhat ng mga mabibigat na Santo at mga kilo-kilong nakatali na manuskrito. Iba naman sa kaso naming magkakapatid. Ako, kung ano ang maanod malapit sa akin, iyon ang una kong isinasalba. Inuna ng kapatid kong lalaki ang kanyang mga action figures at ang mga paboritong damit naman ang sa kapatid kong babae. Nang lumaon,
no holds barred na ang laban. Kung noong una, may pag-aalinlangan at pandidiri sa maaaring madampot, dahil sa bilis ng tubig walang madumi, walang mabaho. Pati kagamitan ng iba’y pinakialaman ko na. Kahit wala akong alam sa electrical wiring, pinatulan ko na rin. Ibinungkos, itinali’t nagkabuhol-buhol ang mga wiring. Kung saan at ano ang pinanggalingan ay di mahalaga. Para kaming nagpapaligsahan sa pabilisan at sa dami ng gamit na maisasalba. Ang mahalaga’y ang kaligtasan naming lahat. Isang oras na’t kalahati nakailang balik nang lumulutang ang aming arinola at ilang damit na di namin naisalba . Ang ibang manuskrito ng mga magulang ko’y sandaling lumutang hanggang sa tuluyan nang dinurog ng tubig. Hindi magkaugaga ang nanay ko noong gabing iyon. Humupa na ang baha sa loob ng aming bahay ngunit di pa rin humupa ang pag-iyak ng nanay ko. At nainis ako. Hindi ko maiwasang isipin: dapat may kurso sa UP na nagtuturo sa mga mag-aaral kung papaano malampasan ang krisis ng pagbaha.

Kinabukasan, naalala ko ang kaldero sa poste. At naisip ko: mali na nakataob ito. Sana naisahod nito ang tubig-ulang pumasok sa aming bahay. Kung sabagay, may magandang naidulot ang karanasang ito sa amin, lalo na sa akin, nalaman ko ang mga dapat gawin at hindi sa tuwing may pagbaha sa loob ng bahay. Nalaman ko rin na posible palang malunod kami sa loob ng bahay kung di humupa ang malakas na ulan.

Dahil sa nangyari, malinaw sa amin na hindi kami maaaring magtagal sa bahay na iyon. Sa halip na ikinagiginhawa namin ang pag-ulan, kinatatakutan na namin ito. Nagpaanod na lamang kami sa aming kapalaran at tila itinadhana sa amin, kinupkop muli kami ng bahay sa dead end.


QUORUM SA DEAD END

Sa tulong ng kaibigan ng nanay ko, nakalipat muli kami sa dead end. Maaaring isipin na ibinabalik lamang ng kaibigan ng nanay ko ang pabor na ginawa ng mga magulang ko sa kanila noong araw. Galing sa Davao si Jessie at Joey A. Wala silang masilungan na bahay sa Maynila. Nagmagandang-loob ang tatay ko. Sa amin sila tumira kasama ang kanilang panganay. Libre sila sa lahat ng bagay. Anuman ang kainin namin ay siya ring kinakain ng pamilya nila. Noon iyon, nag-iba na at umusad ang panahon nang magkita muli si Nanay at si Jessie A.

Sa bahay numero anim, regular kaming binibisita ni Jessie A. Bisita siya’t katiwala ng may-ari ng bahay. Laging may dalang pagkain lalo na kung walang laman ang aming refrigerator. Kapag wala kaming pera, at madalas ito, siya ang nagpapahiram sa amin. Subalit nang lumaon, napansin namin, lalo na ang nanay ko, na lahat ng biyayang ito ay may kapalit. Pag wala kaming pamasahe papunta sa eskwelahan halimbawa, magpapahiram siya ng dalawang daan o tatlo kapalit ang magdamagang pakikipagkwentuhan sa nanay ko. Ginawa niyang personal psychiatrist ang nanay ko dahil sa dami ng problema niya. Minsan, nagdadala siya ng kanyang mga kaibigan na malakas uminom ng beer. Magdamagan na nga ang kuwentuhan, may libreng hula pa kapag binabasahan sila ng baraha ng nanay ko. Habang tumatagal, dumadami ang pagkukuwentuhang ito dahil na rin sa mga bisitang nakikilala ng nanay ko dahil kay Jessie A.

Mas matanda pa sa akin ang bilog na mesa namin. Noong buhay pa ang tatay ko, maraming mga kilalang tao na ang nakikain, nakipag-inuman, nakipagdebate at nakipagkwentuhan sa mesang ito. Nariyan ang mga aktibistang nagtatago, ang mga little at big mayor, mga politiko, mga manunulat at artista. Marami nang nasaksihan ang mesang ito, tumanda na ito’t pinatatag ng panahon.

Sa mesang ito nakikipagkwentuhan si Nanay, Jessie at ilan niyang mga kaibigan. Nariyan si Harold, na lihim naming binansagang Kerokeroppi dahil sa laki ng mata nito at si Desiree na binansagan naman naming si Psychic dahil nakakakita hindi umano siya ng mga kaluluwa sa tuwing siya’y nalalasing. Kakaiba naman si Chit. Malaki ang mata, malaki ang ilong at daig pa si Mahal dahil sa matinis na boses.  Ilan lamang ito sa mga kaibigang kakuwentuhan ng nanay ko sa gabi kahit siya’y napapagod na. Dahil magkakaiba ang timpla ng tao, nagsasanga-sanga ang mga diskurso. Minsan nga, nagsasalabat dahil sa mga pagtatalo ukol sa mga utang na hindi nababayaran, sa mga pabor na inaasahan at sa mga tsismis na hindi napatutunayan. Nang lumaon, ‘ika nga sa mga game show sa telebisyon, umabot na sa second level ang kwentuhang ito. Natuto silang mag-mahjong.

Small time lamang na sugal ang ginagawa nila. Beinte-singkong sentimos at piso-piso lamang ang taya. Small time ang sugal dahil small time din ang budget. Masaya na ang sinumang magwawagi dahil mababaw ang kanilang kaligayahan. Sa tatlong pisong panalo, maaari nang makabili ng ikinaliligaya nilang istik na yosi. Sa pamamagitan ng pagmamahjong, naipagpapatuloy ang mga naudlot na usapin tulad ng mga problema sa bahay at asawa. Pinatatag ng mahjong ang pagkakaibigan ng nanay ko at ni Jessie A. hanggang sa nangailangan ng malaking halaga si Jessie A. para sa pambili ng bago nilang bahay sa Tandang Sora.

Doble ang siningil niya sa upa namin. Sa halip na tatlong libo lamang ay siningil kami ng anim na libo sa dahilan na nagbilin ang may-ari na kailangan nang taasan ang renta sa bahay. Biglaan ang lahat. Pagkaraan ng dalawang linggo, nag-iba na ang kuwento ni Jessie A. Ayon sa kanya, kinailangan naming magbayad ng P34,000 para sa dahilang hindi malinaw sa amin. Ituturing daw ito bilang advance rental namin dahil kailangan ng may-ari ng pera. Binigyan kami ng dedlayn: huling linggo ng Disyembre. Nangutang ang nanay ko sa mga mayayamang kakilala ng tatay ko. Nangakong babayaran, kung kailan, hindi niya malaman. Pati ako, tumulong na rin sa paghahanap ng pera at naki-pangako na rin. Noong mga panahon na iyon, nagtuturo na ako sa Ateneo bilang lektyurer. Pambayad utang ang sweldo ko. Noong Pasko, malungkot kaming lahat. Walang pera, simot ang pagkain. Isang lata ng Ma-ling at isang bangus. Nabayaran namin at nalaman na pinagsinungalingan kami ni Jessie A. Nang komprontahin siya ng nanay ko, pinalayas kami pagkaraan ng ilang linggo.

Kapag nagmamahjong sina Nanay, sinusubukan nilang turuan ako. Kahit anong gawin ko hindi ko pa rin makuha. Nalilito ako. Siguro kahit anong pag-oobserba ko, hindi ko pa rin makukuha ang mahjong. Siguro kung magaling akong magmasid sa bawat pagtaya’t pagsalat ni Jessie A., ay natantiya ko na kaagad ang pag-uugali niya. Ang kalaro at pinapakain niya sa bilog na mesa ay ahas na nanunuklaw.


BINGO!

Isa sa mga inutangan namin ang nagyaya sa amin na tirhan ang kanyang bakanteng apartment sa EJAP Compound sa General, Tandang Sora. Dahil sa pagkainis namin sa nangyari, dali-dali kaming napapayag. Lumipat kami sa bahay numero pito. Dito namin natutunan ang kahalagahan ng pananaliksik sa tirahang lilipatan. Sa sobrang kasiyahan namin, hindi namin napag-aralan ang sitwasyon ng mga bahay sa erya na iyon. Nakalipat na kami’t lahat doon lang namin nalaman na may oras ang pagdaloy ng tubig. Dahil pababa ang compound, mabagal at pahirapan ang pag-akyat ng tubig. Kadalasan kahit inaantok at pagod kami galing sa eskwelahan at trabaho, matiyaga naming hihintayin ang tubig. Alas-onse hanggang ala una ang pagdating ng tubig. Kaya sa tuwing gigising kami, pahirapan din ang pagbangon at unahan sa banyo’t baka maubusan ng naimpok na tubig. Kung mamalasin, napipilitan kaming magbayad araw-araw ng kuwarenta pesos para sa nagrarasyon. Unahan pa ito kaya pag dadating ang mga nagrarasyon, daig pa nila ang mga sikat na politikong nangangampanya. Subalit nabawi naman ng kasalatan ng tubig ang kahit papa’nong pirming pagpasok ng pera sa bahay namin.

Isang araw, nabalitaan namin na may compound party na gaganapin sa makalawa. Gusto namin itong iwasan sapagkat wala kaming nakapalagayang-loob sa compound dahil isang buwan pa lamang kami naninirahan doon. Para makaiwas sa mga pangungulit ng Presidente ng compound, napagdesisyunan naming pumunta sa SM Edsa. Naglibang kami doon, nagpakasawa sa oras. Kumain kami sa Sbarro, namili ng insenso at kandila sa Watsons at kumain ng rocky road blizzard sa Dairy Queen. Nang makita naming maaga pa, ginawa namin ang isang bagay na di pa nagagawa ng pamilya namin—nag-bingo kami. Dahil kakakuha ko lamang ng suweldo ko, sinulit namin ang aming paglalaro. Mula sa ordinary game hanggang sa special game, pinagtiyagaan namin umaasang mananalo kahit sa loob-loob nami’y imposible dahil sa dami ng tao.

Wala kaming alam sa mga palaro sa bingo. Hanggang basic lang kami. Noong tumatagal na ang laro at pataas na nang pataas ang premyo, humingi na kami ng saklolo. Kinausap namin ang katabi naming matandang babae. Kumpara sa kanya, mas marami ang kanyang bingo card kaysa sa amin. Ang nakamamangha, kaya niyang bantayan ang lahat ng ito kahit kami nga’y natataranta sa mga bingo cards na hawak namin. Sa gitna ng pagsigaw ng bawat letra at pagkataranta, ginabayan kami ng matanda. Waring nagpalit kami ng puwesto. Kaming mas nakababata ang inaalalayan ng nakatatanda.

Unti-unti naming natutunan ang laro. Sa haba ng laro, halos namemorya na naming mag-ina ang puwesto ng mga numero sa bawat letra. Pati mga kapatid ko, feeling eksperto na. Magaling talagang magturo ang matanda. Siya ang ka-buddy namin sa buong laro. Nakikipagbiruan siya sa amin at nang maubos ang tinta ng bolpen ng nanay ko, pinahiram kami ng magic marker niya. Baka daw suwertehin kami. Dadalawang card na lang ang hawak namin, isang laro na lang tapos na ang pa-bingo. Sa pagkakataong ito, nawawalan na rin kami ng gana hanggang sa huling tatlong kahon, nabuhayan kami. Nang sumigaw ang kapatid kong babae ng “Bingo!,” napasigaw rin ang nasa  mesang tatlong dipa ang layo sa amin. Pinaghatian namin ang P50,000 at binalatuhan ang matandang babaeng tumulong sa amin. Kinabukasan, nakabili kami ng washing machine, cellphone at Play Station para sa kapatid kong lalaki.


PAGTATAPOS NG SIKLO?

Tiniis naming iwanan ang suwerte sa EJAP Compound. Napapalaki lang kasi ang  aming gastusin dahil sa pagrarasyon. Sinagot ng nanay ko ang isang rent ad sa Buy and Sell. Sa Sikatuna Bliss kami napadpad at kapitbahay namin ang squatters erya. Sa mga panahong ito, dahil sa mga nangyari sa amin, namimili na kami ng aming kakaibiganin at kikilanin. Una kaming tumira sa loob ng building six pero dahil sa barado lagi ang inidoro, umalis kami. Sa bahay sa labas ng building six kami tumira. Alanganin ang bahay na ito, bahagi ng building six pero wala sa loob ng building six. Lumipat kami sa bahay sa tabi ng kalsada. Luma na ang bahay at sa palagay ng nanay ko, dahil sa kalumaan, isang anay na lang ang hindi pa nakapirma dito. Ito ang bahay numero siyam.

Ayon sa numerology ng buhay ng nanay ko, ang numero siyam ang pagwawakas o pagtatapos ng siklo (cycle) ng numero bago muling magsimula sa numero isa. Sa bahay na ito, tila nanumbalik ang labas-masok ng mga bisita sa aming bahay. Kakatwa lamang isipin na ito ang bahay na mahirap hanapin. Sa tuwing nagpapa-deliver kami ng pagkain sa fastfood, kahit anong sabihin namin at pagtuturo, nahihirapan silang hanapin ang bahay namin. Kung tutuusin, dapat napapadali ang kanilang paghahanap dahil nasa labasan na kami. Subalit tila yata binabagayan ng bahay naming ito ang pamimili sa mga bumibisita sa amin. Sa totoo lang, kakaunti lamang sa aming mga kakilala ang may alam sa bahay namin. Minsan pa nga, mas lalong naliligaw ang mga taong nangungulit at pilit na naghahanap sa amin. May mga pagkakataon na lalabas kami ng aming gate para madali kaming makita pero sa di malamang dahilan, hindi kami nagtatagpo ng aming mga bisita. Alam ng bahay namin siguro ang mga taong ayaw na naming makita, mga taong nagpapaalala lamang ng mga masasakit na alaala sa aming pamilya.

Sa aming paglilipat, sinubukan naming magsimulang magtanim ng mga magagandang alaala. Dahil sa numerology, nais naming isipin na ito na ang aming huling paglilipat. Marami kaming pagbabago na ginawa. Unang-una ang pagpapalit o pagkilala namin sa mga bagong nakakasalamuha. Dito nakilala ng nanay ko ang mga kaibigang walang koneksyon sa tatay ko. Sila’y ang mga kaibigang siya mismo ang lumikha. Iba’t ibang personalidad, iba’t iba rin ang kuwento nila sa buhay. Sa bahay na ito, tila nanumbalik ang labas-masok ng mga bisita sa aming bahay. Nariyan si Dagul na tinutuksong isip-bata, si Tiyanak ang  maliit na lalaki subalit mayabang, si Angas ang nagagalit kapag siya’y inagawan ng bahay sa ground floor at higit sa lahat ang tinatawag ng nanay kong mga Botocan kids. Ang mga batang ito ay nakatira sa Botocan (isang squatters erya) malapit sa amin. Laging nauutusan kapalit ng kaunting barya o pagkain. Ang mga batang ito ang naging katuwang ng nanay ko sa gawaing-bahay. Subalit higit sa pagiging katuwang ang naging papel nila sa buhay namin, lalo na kay Nanay. Sila ang mga batang dating sinasaway ni Nanay dahil kinukuha ang aming mga mangga na walang paalam, na ngayon ay nagmistulang mga ampon na anak ng nanay ko. Ngayon, sila na mismo ang nagsusumbong sa amin kung may nagnanakaw ng aming mangga o di kaya’y nakalabas na naman ang mga alaga naming kuting sa gate. Walang hindi nakakakilala sa nanay ko sa Botocan. Laking gulat na lamang namin nang isang araw nakarating na sa Lambak at Tangke ang pangalan ng nanay ko. Pag sinabing “Si Ate Alice?” iisang tao lang ang nasa isipan nila. Ayon nga sa nanay ko, siya ang matandang siga na bahagyang umangat sa lupa. Kinaibigan din ng nanay ko ang mga tricycle driver para masiguro ang proteksyon namin. Kung dati-rati may kotse kami, ngayon nama’y pinagdadrayb kami ng mga kakilalang tricycle driver. Malaki ang tulong nito sa amin lalo na kung kailangan naming mamili sa di kalayuang grocery sa Kalayaan St. Kaya minsan, pag nagbibiruan kaming mag-iina, lagi namin siyang niloloko na kung tatakbo siyang baranggay captain ay pihadong mananalo siya. Higit sa lahat, nakabuo rin ng sariling barkada ang nanay ko. Mayroon na rin kaming Morning Girls na sina Adelle at Ric na isang bading. Hindi sila nagmamahjong kundi nagbubugahan lamang sila ng usok at kuwento. Isa sa mga paborito nilang pag-usapan ay ang pagbabalik-tanaw nila sa kanilang pagkabata. Hahagalpak sila ng tawa dahil sa mga
misadventures at kapilyuhan nila noon. Ang mga pag-aaway sa kalye, ang mga kending nauso noon na hinahanap nila ngayon (paborito nila ang tira-tira) at ang mga nobyong  hindi guwapo ngunit matiyagang manligaw ang ilan sa mga yugto ng kanilang pinag-uusapan. Subalit, may mga pagkakataong bigla na lamang mananahimik ang tatlo. Drama na ng kanilang buhay ang paksain sa mesa tulad ng mga pagkakataong hirap sa buhay dahil kulang ang pera, mga sakit na akala’y hindi malulunasan at ang mga oportunidad na hindi nakuha. At mayamaya lamang, bigla na naman sila tatawa dahil pahabaan na ng listahan ng utang ang pag-uusapan.

Kasunod ng pakikisalamuha namin sa mga bagong kaibigan at kapitbahay ang pag-aayos na rin ng aming bahay. Nagtanim ang nanay ko ng malunggay, ilang santan at iba pang halaman para mapaganda ang aming maliit na hardin. Hindi na kami nagritwal sa bahay na ito. Hindi na rin namin ito inangkin. Ang importante’y ginawa namin ang lahat ng aming makakaya dahil tulad ng aming ibang natirhan, bahay pa rin namin ito kahit alam namin hindi ito mapapasaamin. At masayang-masaya kami dito. Marupok ang bahay dahil sa mga anay ngunit matatag ang pamilyang tumitira dito.

Minsan hindi ko maiwasang magtanong. Bakit halimbawa, ayaw kaming tanggapin ng mga bahay na aming nasisilungan? Bakit kalunos-lunos ang aming nagiging sitwasyon? Kapag nadadaanan ko ang mga bahay sa pagbiyahe ko, hindi ko rin maiwasan ang di mainggit. Naiisip ko tuloy: ano ang nagawa ng iba kaya nagkaroon sila ng sarili nilang bahay? Baka may taktika o lihim na sadyang ipinagkakait sa amin upang di namin ito matuklasan. O baka naman, nagawa namin ang taktikang iyon subalit sa maling paraan. At naisip ko, kami lang ba ang palagiang naglilipat ng bahay?  Marami akong katanungan, marami akong gustong itanong sa nanay ko tulad ng: kung magaling ngang magsulat ang tatay ko’t may mataas na I.Q., bakit hindi niya naisipang bumili o magpatayo ng sarili naming bahay? Pero ayoko nang malaman pa ang mga kasagutan. Hindi na ito importante sa akin. Lalo na ngayon.

Labing-pitong taon na kaming naglalakbay at naglilipat-bahay. Labing-pitong taon na rin kaming walang sariling bahay. Iniisip ko na lamang na may ibang planong nakalaan para sa aming mag-iina. At ngayong nakapagtapos na ang bunso namin sa kolehiyo, napapangiti ako. Nakapagtapos siya sa bahay na ito—bahay numero siyam. Isang pagtatapos para sa isang panimula. Marahil, maglilipat pa kami ng bahay o maaaring ito na nga ang huling bahay na uupahan namin. Ngunit nawawala ang mga agam-agam kong ito kapag nakikita ko ang kapatid kong naghahanda sa pagpasok niya sa trabaho.

Noong nakaraang taon, nabasa ko sa dyaryo ang mga nawalan ng bahay dahil sa ipo-ipong si Katrina sa Amerika, nayanig ng lindol ang mga bahay sa India, at natabunan ng lupa dahil sa landslide ang mga taga-Leyte.  Hanggang ngayon, problema at prinoproblema ang bahay. Kung saan titira at kung papaano aalagaan ang tirahan. Kaya, paano kung ang ating mga alaala sa loob ng bahay ay hindi na magkasya sa ating bahay? Marami siguro sa atin ang mababaliw dahil maglilipat-bahay rin ang ating mga alaala.

Pero ako, kahit wala akong pirmihang tirahan, bitbit ko kahit saan ang akin at aming alaala. Lalo na dahil sa dami ng aming pinagdaanan sa paglilipat-bahay, napagtanto ko na kami ang gumagawa ng bahay. Mas matibay ang bahay na sinisilungan ko. Bahay ko ang aking nanay at mga kapatid. Ito ang pinakamahalagang leksyon na natutunan ko.

Mayroon pala akong kinalalagyan kahit kabilang kami sa
homeless statistics.



This essay won Third Prize for the Sanaysay in the 2006 Palanca Awards




1