REBECCA AÑONUEVO
Tuwing Umagang Tila Maggagabi
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Malapot na tinggang tubig-baha ang kalangitan 
ngayong alas-diyes ng umaga.
Papasok pa lang ako sa trabaho
ay parang bumabalik na sa bahay.
Tumatalsik sa salamin ng kotse
ang humaliling dilim na gumugulantang.
Parang kay bigat-bigat ng mga ulap
na di malaon ay mahuhulog sa mga bitak
ng mundong namumutok sa libog at lagnat.
Iwinawasiwas ng hangin ang mga puno
sa Ortigas at ibinuwal pa nga ang isa;
ang pula ng ilaw trapiko ay pumikit-dumilat.
Samantala'y parang walang nangungusap
sa mga kasabay na sasakyan sa daan,
o marahil, di ko lang naririnig ang busina.
Walang biglang humaharurot sa unahan o dumadaplis
sa gilid ng kani-kaniyang kahungkagan.

Ano nga kaya't umuurong ang lahat,
nahihilong nakaratay ang araw, 
at wari'y alas-seis ngayon papagabi;
ang kamatayan ay ang mamang sorbetero
sa gitna ng ulan, ang  nilagang mani'y
isinusulot sa imbudo ng suka,
ang nakasagala'y mga basketbolista't
mga askal, nawawala ang kamay ng magnanakaw,
ang pinakamadadang tao'y nagdidikdik
ng sariling dilang sinilihan.
Ano kaya't lubha pang pinagpala
ang masasama para hindi na kailanman mamatay; 
walang katapusan ang kanilang kaligayahan,
ang hangin ay nagiging bato,
ang oras ay hindi tumatakbo.
Ano kaya't maumay sila sa pagpapasasa,
mapagod sa rangya at lisya, at magmakaawa,
siphayuin ako ng tadhana, bulukin ang aking laman
buong-buhay, sa lalong madali’y pugtuin ang paghinga,
bigyan ako ng balang mangangata.



This poem is part of the collection that won Second Prize for Poetry in the 2005 Palanca Awards


1