REBECCA AÑONUEVO
Multu-multuhan
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Ritwal nila iyon bawat araw:
Magtakutan nang walang kapaguran.
Maghagaran, panhik-panaog sa hagdan,
Sisiksik sa ilalim ng mesa at silya,
Pahagikhik na gagapang sa ilalim ng kama,
Nakadikit ang agiw at alikabok sa balat.
Maya-maya’y magtatalukbong ng kumot
Kahit nakausli ang maliliit na paa, 
Magsusuot ng maskarang bungo,
Panginginigin ang balikat,
Itataas ang naninigas na mga daliri, 
Kunwari’y nagbangon sa malalim na hukay.

Niyuyugyog ng kanilang guniguni
Ang bawat sulok ng bahay at sanga-
Sangang loob na nakatanod; ang bakuran
Na tinamnan ng kamyas, santol, atis,
Mga buto ng alamat at pag-uusap ng hayop,
Ang pinagmulan ng buwan at araw at dagat.
Bakit sa mga kuwento’y nagtatagaan ng braso
Ang magkakapatid? Bakit tinupok ng amang araw
Ang mga anak? Bakit tuluyang naglaho
Ang isang dilag at di na nakapagpatawad?
Bakit kailangang iwanan ang daigdig ng tubig
At akyatin ang bundok ng sariling kamatayan?
Bakit masama ang magpakabundat?
Bakit nabuo ang sandaang pulo—tila nakataob
Na mga bangka at lumulutang na mga kawal?

Gumugulong ang saplot ng alon
Tulad ng libong taon na walang dalampasigan.
Bumabaligtad ang sikmura ng lupa,
At peligroso ang parehong gilid at gitna.
Nakabulagta sa siyudad at disyerto
Ang mga buto’t balat, ang kamangmangang dilat,
Patalim at riple sa palibot ng mga templo,
Mga granadang nakasukbit sa katawan
Ng mga babae’t kabataan, isang daigdig
Na nakatiwarik sa dulo ng daliri
Ng nanggagalaiting pinuno.  

Dahil lamang sa mga bata kaya natutunaw
Ang alimura ng tanghaling-tapat
Sa magkabilang dulo ng silangan at kanluran.
Muli’y akyat-baba sila sa hagdanan,
Maiikling biyas at tuhod na tila di madudurog,
Luha at uhog na naghahalo’t umaagos,
Pawis sa likod at banil sa leeg na binilot, 
Awayang di maglalaon ay nauuwi sa limot. 

Humihingal ang mga paslit ay matinis ang hiyawan,
Kristal na mga tinig na di malalamatan,
Di mapapatid ang mga titik.



This poem is part of the collection that won Second Prize for Poetry in the 2005 Palanca Awards


1