REBECCA AÑONUEVO
Salimbayan
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Kinabukasan ng Pasko, ay nakamulagat ako sa kisame ng kuwarto,
parang sasabog ang noo sa salimbayan ng mga tanong na plastado,
ano ang kabuluhan ko kanino, nasaan ang kaluluwang minsa'y
nakaniig sa dilim at nagpabaon ng suson-susong liwanag
sa lahat ng dako, ano't parang ginugutay ang mga gunita
ng pag-irog, may nakaririnig kaya sa taghoy ng talinghaga
at di masambit na pangungusap (parang balisong na nakatarak
sa hangin), ganito ba ang pakikipagtagisan sa kamatayan,
ang pagsasayaw, padausdos, sa mga gilid ng di-abot
ng nalalaman at ibubunyag ng kapalaran? Ni walang luha,
walang pagsasal ng puso, parang walang balon ang mga sugat,
walang lalapagan ang makikintab na baryang ihahagis
sa pag-asang matutupad ang anumang kahilingan.
Sakali'y hihilingin ko ang mga bundok upang biglang lumitaw
sa harap ng aming walang-muwang na bahay.
Mga bundok na maaari kong lakaran sa paanan, paikot,
walang kapagalan, lapitan, hawakang mahigpit ang mga damo
hanggang magdugo ang palad, tingalain at sigawan, ubos-lakas,
walang tinig, lupa at hangin ang tanging magkakarinigan.  


Pero walang bundok kundi mga dingding na lagus-lagusan
ang ingay sa kabilang-bahay--pag-iyak ng bata, bulyawan
ng mga magkakaribal na tauhan sa teledrama, tahol ng mga aso,
kalampag ng mga kawali at pinggan, ng lasing na asawang pinagsarhan,
mga boses ng kabataan na nagkakasiyahan sa katatayong perya
sa dating sákop na lupa ng pagawaan ng mga pasô sa baryo.
At ngayon, magpapalit na ang taon, ibayo pang mga ingay sa paligid,
nagpapaligsahang todong tugtog ng mga banda, mga paputok
na ipinagbabawal, bukas na mga ilaw at bintana't pinto
ng buong bahay, torotot ng mga paslit na magtatatalon
paghudyat ng alas-dose, bukas na mga palad na nagpapaubaya
sa langit at kahihinatnan ng di mapangalanang samo ng kalooban.

Mabuti't nabibingit ang ulirat sa kamatayan paminsan-minsan.  
Pagdating ng wakas, ang ikinagigitla ko'y ang bungad ng bukas
na di na inaasahan, ang pag-upo't pagharap muli sa isang hapag,
ang tawanang kinasabikan, magaang na pag-uusap at mga kuwentong
kay tagal na nabinbin, at ngayo’y nakalag para pagsaluhan tulad ng pagkain
at alak, tulad ng tula na nagtutulay sa kalawakang nakapagitan. 
Sa pagtatapos ng taon ay itinitiklop ko ang malalalim na kasalanan.
Maraming nagbago at hindi nagbago--ang mukha'y ang kaluluwang
inaabot sa bawat pagtulog, kinakausap sa kanyang katahimikan,
para matutuhang ang lahat ng wala, kawalan, basyo, patlang,
ay mga salitang-pamalit sa umaapaw. Anong, anong kabuluhan
ng talinghaga? Buong-buo.  Hindi nababasag ang araw.



This poem is part of the collection that won Second Prize for Poetry in the 2005 Palanca Awards


1