EDGAR CALABIA SAMAR
Walang Diwata ng Apoy
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Naunang natupok sa kanya ang ating mga alaala.
Nilimot natin siya gaya ng pagsunog sa mga bagay

na atin nang iniiwan sa nakaraan. Kaya ngayon,
wala na tayong mabalikan kundi ang hinagpis

ng ibang diwata: Cacao, Makiling, Sinukuan.
Tumititig tayo sa pingkian at nagugulumihanan

kung bakit walang nananahang alamat
ng apoy sa sulok nitong ating dibdib at malay.

Sinong ada ang nagnakaw ng ningas kay Ladlao,
diyos natin ng araw, upang matigib itong katawan

ng init ng buhay? Mga mangingibig tayong tigib
ng pagal ang kahapon sa sumpang tag-init

at tag-ulan bawat taon. Binubuhay ng pagkakaingin
sa gubat, ano't nagugulat pa rin tayo sa haplit-babala

ng mga bagay na likas: kay lakas ng ihip ng hangin
at baha sa pusod ng lungsod na binagyo; bitak

naman ang lupa sa bayang niyugyog ng lindol.
Namamad itong ating damdamin sa paghahalo

ng tubig, lupa at hangin, kaya itinatanong natin:
kailan naman ang pagliyab ng apoy sa dibdib?

Namaalam marahil siya noon habang ang gubat
ay naglalagablab, at abong naiwan tayong umibig

sa kanya nang di-nararapat sapagkat karaniwan:
lumalapit pa lamang ay natutupok na ang katawan.

Kaya sinasabi natin ngayon: walang diwata ng apoy,
habang tayo'y nananaghoy sa mga biktima ng sunog

o hindi makatulog sa lamig ni Amihan kapag tag-ulan.


This poem is part of the collection that won First Prize for Tula in the 2004 Palanca Awards


1