JOSEPH ROSMON TUAZON
Distritong Kabila
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Ang abala ay kung hindi ka mapabisita.
Kung sa iyong paanan gumulong ang bola,

pulutin mo:

pagtingala mo ay nilikas na ang palaruan.
Ang duyan, umuugoy.

Huwag mong isiping malaking abala.
Katunayan, magsisimula lamang ang pagdiriwang

pagdating mo.
Inaanyayahan ka sa plasa, sa isang munting salo-salo

at matining na beso-beso
ng mga baso mula ngayon hanggang iisa

na lamang sa kanila ang matira, tangan
ang kopa sa  ere.

Nagpapatauban sila ng panukala kung saan
mainam tumanda,

magwaldas o manghinayang, saanman
na hindi na kailangang lumisan

dito. Umiikot ang plakang 
walang awit kundi ingit

at pirming mukhang bagong-lampaso ang sahig
pagkat walang lakas-loob na tumatapak

sa liwanag, kala-kaladkad ang ka-tango.
Gayunman, alangang masaulo nila ang tumpak

na mga hakbang—ang lakdaw, ganito. Ang ikot,

ganito. Ang padulas na atras,
atras, ganito,

ikaw na laging nasa dulo, laging nagpapaalam.
Ikaw na laging lumilitaw 

mula sa sigabo ng babala’t palahaw
na hindi mo sigurado kung para at dahil sa iyo.

Sundan

ang hilera ng mga terasang iniiwang bukas
ang ilaw.

Ang tumba-tumba, umuugoy.



This poem is part of the collection that won First Prize for Poetry in the 2005 Palanca Awards


1