JOSEPH ROSMON TUAZON
Ilang Talâ ng Sakuna
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Silbi ng Still Life

May sumisipol-sipol sa tahimik na pasilyo.
Sinisiklot-siklot niya sa palad ang isang kahel.

Bawat silid na kaniyang lampasan ay may abalang
pumapanaw, buo ang konsentrasyon

sa mangkok ng mga prutas na hindi na matiyak
ng mata kung tunay o plastik o pinta

ngunit sa sulok na iyon ay unti-unting nalulusaw,
lumiligwak sa lamesitang wari ding nalulusaw.

Umaabót ang ulirat sa mapipiga, makakatasan
ngunit lalo lamang lumalapot ang lagkit sa lalamunan.

Hindi nagmamadali ang sumisipol-sipol sa pasilyo.
Kay-lamig ng kahel nang sa palad ay mapirmi.


No Parking

Isinandal niya ang bisikleta sa tukod ng senyal
para bumuntunghininga. Hindi iyon
pagkakataon:

ang kadena ay hindi minsang pumalyang
madiskaril. Baka dito rin gumarahe

nang mariin ang isang trak na susuray-suray.
Oo, dito mismo. Masyadong planado?

Hindi ko sasabihing hindi. Na may tuluyang
nakalas. Kunsabagay, baka bagay na masusuway

ang mas hanap niya, hindi aksidente.
Anuman, kailangan na niyang magsimula agad,

paspasan ang pagkumpuni. Pansamantala, wala
akong ibang iisipin kundi ang siya ay naghihintay.


Ensayo

Siya nga. Ang anak. Kanina pa siya nag-eensayong
magtimpi sa pagngawa kapag nirolyo palabas

ang inang nakataklob ng puti’t bagong-labang kumot.
Hindi siya pipikit, hindi bibitaw ang luha sa pilik.

Kung pagbibigyan (puwede?), siya pa ay makikitulak
hangga’t may aawat sa kaniyang tumapak sa exit

kung saan ilan nang tinalukbungang bangkay 
ang naihatid. Malapit na niyang maperpekto

ang pagpipigil. Ipaubaya sa kaniya ang kaniyang
sandali. Heto na, ang hilam bago ang pagbulanghit,

ang pag-iling nang kagat-labi. Bumukas ang pinto
at nangamba siyang baka may mag-abot ng panyo.


Minsan Wala ni Usok

Pero gabi-gabing napapasugod ang bombero,
iginigiit na lahat ng maaaring matupok, matutupok  

anumang segundo. Kapag disoras, ang magkakapit-
bahay ay niyuyugyog sa kama ng sirena

at sinisilaw ng duguang liwanag mula sa bintana.
Sinisikaran niya ang bomba, kinakalag ang mga hose,

tarantang binubugahan ang bawat bahay at bawat
madapuan ng tingin. Hindi magkandatuto

ang mga tao kung aalalayan ba o itataboy ang bombero
na sunod silang tinututukan. Tumitilapon silang

basang-basa’t namamagang parang mga espongha. 
Napakapayapa ng mga umaga pagkaraan ng bagyo.



This poem is part of the collection that won First Prize for Poetry in the 2005 Palanca Awards


1