JOSEPH ROSMON TUAZON
Salansan
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
1
Mas palagay silang ipagpalagay na anomalya
ang pagkakasabit ng mga kuwadro sa eksibit

na kung hindi tabingi, baligtad.

Nakahilig ang baso
at may napipintong umiyak sa natapong gatas.

At ano ang tinutupad ng mga pakpak? Sa halip,
nalalagas mula sa langit ang mga uwak.


2
Ito ang linyang kumislot.

Nang mausisa kung sino ang pintor
ay may nagpresintang
ako

mula sa likod. Ako, pakana

ng isa pa sa pinakalikod. Lahat ay umaakò

ngunit walang may nais humakbang
sa harapan. Managot.

Ito ang itim, balasik na pinanawan ng anyo.

Muling kilatisin ang mga larawan
at hindi na sila ang mga larawan

na sa tanan ay hinubdan ng talukbong.

Ito ang kurbang hinaplos ng liwanag.


3
Ito. Ang lupalop na muli’t muling ipinipinta

bawat pagdantay sa kambas ng mata.


4
Biglang sinapian ng lula ang mga uwak.
Walang-hanggan silang nangalalaglag.

Hindi saklaw ng kuwadro ang lawak

ng taniman. Ngunit makukutuban ang panginginig

ng mga uhay—
Inaakalang anumang padapo, pasalakay.



This poem is part of the collection that won First Prize for Poetry in the 2005 Palanca Awards


1