JOSEPH ROSMON TUAZON
Soap
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Hindi pa nagkikita ang magkasintahan

sa paanan ng tenement, katapat
ang gusgusing talyer na pinintahang puti

kalaunan at naging barberya. Gayong
inulit-ulit nila sa isa’t isa

ang kasunduan. Umaraw-umulan.
Siyempre, umulan. At halos pampalubag-loob

na lamang isiping sila ay pareho lamang
nagpapatila saanman inabutan

ng alinlangan. Hindi tulad ng mga batang
paroo’t parito’t pinahintulutan

ang kanilang sarili sa pagtatampisaw.
Hindi nila hinihintuan

ang tagpuan. Ni hindi naaantala ang laro
kahit maya’t maya ang pagdukwang

ni Leoning mula sa ikatlong palapag
para makipagpaligsahan sa panggagalaiti

ng kidlat. Kahit walang makatitinag, walang
ibang nais ang nakasubsob sa poste, sabik

na mamulat at makadakip ng kapalit.
Habang hindi pa magkasukob

sa isang pulang payong ang magkasintahang
mapipilitang makipagpatintero

sa tilamsik at hagibis ng mga kotse
kung magpasya silang tumawid sa kabila,

sa katapat na talyer na naging barberya
para mag-abang ng bus o anumang

maaaring tumangay sa kanila
palayo. Ihahatid sila

ng tingin ng mga batang biglang naawat
na para bang sa kanila may nakiraan.

Ngunit hindi nila hahayaan ang sariling
lubos na malibang, mapatda

sa kinahantungan. Hindi nila makaliligtaang
iilan at iyo’t iyon din lamang

ang mga sulok na puwede nilang suutan
pagkalisang pagkalisan ng dalawa

na kailangan munang magkita.
May idinudulog ang taya sa poste,

hindi siya dapat at hindi pa siya nalilingat.
Patuloy siyang nagbibilang, magbibilang,

ilang tag-ulan na ang nagdaan.



This poem is part of the collection that won First Prize for Poetry in the 2005 Palanca Awards


1