MICHAEL FRANCIS C. ANDRADA
Tala-Huli / Huling Tala: Si Manong, Sa Dyip, Ang Drayber, at Ako, Ako Lang Naman, Ang Kaniyang Pasahero
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
I. Pasa(kalye) ng Pu(sakal)

Inabot ako ng halos tatlumpung minuto kahihintay sa dyip na susundo sa akin. Dyip ang sundo ko. Dyip na maaaring walang laman o punumpuno ang likuran. Dyip na may isang sakay o wala sa harapan. Basta dyip na nagtatakda ng isang bakanteng upuan sa harapan para sa akin.

Dumating na si Manong1. Ilang beses man siyang magpalit ng mukha, alam kong siya si Manong. Ang diyos ng manibela. Ang utak na palikaw-likaw tulad ng sikmura. Ang utak na memoryado ang palikaw-likaw na kalsada. Ang bisig na sanay sa alburoto ng kalsada.

Minsan, nginingitian ako ni Manong. Minsan naman, ipinatatapon sa akin ang yosing kasisindi ko lang. Minsan, iipitin ko pa lang ang yosi para sindihan, sinasaway na niya ako. Daig pa niya ang tatay2 ko kung magpatupad ng batas.


II. Sakit ng Tuhod, Binti at Talampakan, Sakit ng Buong Katawan

Kaya kanina, matapos ang tatlumpung minutong paghihintay, matapos ang tatlumpung minuto ng pagpapasakit ng tuhod, binti at talampakan, dumating siya dala ang bago na namang dyip, muntik pa akong malampasan. Sa wakas! Makakauwi na ako sa Sampaloc3.

Sumakay ako. Namumula ang kayumanggi niyang balat. Tumoma na naman siguro, tahimik na patutsada ng sikmura ko. Sasang-ayunan ako ng nanay4 ko sa obserbasyon kong iyon. Nagpaalam ako. Hindi iyong nagsabi na aalis o bababa ako, kundi iyong paalam na humihingi ng permiso. Sa pinakamagalang kong mga salita, sinabi ko kay Manong: "P'wede po bang magyosi?"

Tumango lamang siya nang hindi man lang ako pinagdadamutan ng tingin. Medyo napikon ako, dahil pakiramdam ko, heto na naman si Manong, wala na namang pakialam sa paborito niyang pasahero. Nakatitig lang siya sa kalsada, marahil binibilang kung ilang makapal na puting linya sa kalsada ang nadaraanan niya simula nang sumakay ako sa dyip niya.

Parang binubulatlat na tiyan ng palaka ang dibdib ko. Sa inis marahil. Sa hindi pagbigay ni Manong ng kahit na pahapyaw na sulyap sa akin. Pahapyaw na nga lang, at sulyap pa, hindi pa niya maibigay sa paborito niyang parokyano, na paborito naman siyang drayber.


III. Kalkulasyon at Konklusyon

Naisip ko sa puntong iyon ng malalim na gabi sa Philcoa, papaliko sa kurba ng Quezon City Circle, kung mayroon ba akong ginawang mali para ikagalit ni Manong.

Binilang ko na lang kung ilang tao pa ang nag-aabang o nakatayo lang o nagtitrip lang sa kurba ng Circle. Sampung lalaking nakaporma. Kahawig at kapostura pa ng kapatid kong si Mark5 yung isa sa mga lalaki. Halos lahat sila ay kung wala sa ilalim at lilim ay nasa tapat, likod o gilid ng mga pink na bubungang-lata ng MMDA.

Tinangka kong bilangin ang mga poste ng ilaw. Natigil ako sa apat dahil naaninagan ng kaliwang mata ko na nag-antanda si Manong. Kumakalog-kalog ang maliit na Sto. Nino sa altar ng dyip, kasabay ng tila aligagang pagtango ng mga piguring aso, pusa’t bibe.

Sumusunod din sa galaw ng dyip ang mga sticker na nakapagkit sa wind shield: “Shalom!”, “Easy Loan! Text or Call 0915-4413324! Now! Look for Leklek!”, “Barya Lang Po sa Umaga, Jollibee Almusal!”, “Basta Driver, Sweet Lover!”, at “Basta Sexy, Libre! ‘Pag Buntis, Doble! ‘Pag Mataba, Triple!” Naalala ko ang bunso kong kapatid na si Jay-ar6.

Sa side mirror, nakita ko ang mukha ko. Nalalabusaw ito sa tensiyonadong pagtakbo ng dyip.


Tala-Huli

[1] Minsan, galing sa Welcome, Rotonda (na Mabuhay, Rotonda na ngayon – at nagbiro pa iyong kaklase kong baklang si Charles nung hayskul kami sa Lourdes School of Quezon City nang ganito: Charles: Bongga ang pag-pay kesh sa jeepangga kaninesh! “Manong, bayad po!” “Sa’n ‘to?” tanong ng drayber. Sagot ko: “Mabuhay!”), nagmamadali akong sumakay dahil mahuhuli na ako sa alas-diyes (siyempre umaga) na klase ko, hindi ko na nagawang mag-abang pa ng dyip na may bakanteng upuan sa tabi ng drayber. Ako pa lang ang lulan ng likuran ng dyip. Naghihintay pa ako ng pasaherong sasakay para may mag-aabot ng bayad ko sa drayber. Sinipat-sipat ko ang batok ng drayber. May lumalaylay na mahahabang hibla ng buhok mula sa dulo ng bumbunan, bagama’t nasasakluban ng pulang sumbrero, taksil ang mahahabang hibla ng buhok sa identidad ng drayber. Sa pagsulyap ng drayber sa sidemirror sa kanan, ipinihit niya nang bahagya ang kaniyang ulo. Nakita ko ang isang kapat ng kalahating mukha ng drayber: maamo ang mukha, maselan ang kalahating ilong, maliit ang kanang tenga. Parang, parang, parang kalahating mukha ng babae. At taksil ang maamong mukha, maselang kalahating ilong, at maliit na kanang tenga niya. Babae. Babae nga si Manong Drayber. Dahan-dahan akong pumunta sa likuran niya. Iniabot ko ang bayad ko habang sinasabing: “Mama, bayad ho.”


[2] Dumating ako, mag-a-alas dose ng hatinggabi, mariin nang nakapinid ang labi ng pinto. Doorbell. Pagkalipas ng tatlumpung segundo, di na dilaw na ilaw ang bumulaga sa akin sa tarangkahan. Krismas layts na.

Di pa man nabubuksan ng tatay ko ang pintuan ay naamoy ko na ang gin na paborito niyang inumin. Di lang kasi sa hininga nasasagap ang amoy nito. Nagmumura na ito sa kaniyang pawis.

Pinabili niya ako ng tatlong itlog. Dinagdagan ko ng bili ng isang kaha ng Winston Lights. Bukas ng alas sais ng umaga, bago ako pumasok sa klase, ko pa makukuha ang sukli, sabi ng tindera.

Nagsangag ng kaning-lamig ang tatay ko. Nag-init ng pansit. Nagtorta ng itlog. Tinawag niya ako para kumain. Gusto ko sana siyang sabayan pero dahil mag-ama ang panlasa at pang-amoy, maglalasang gin ang torta't sinangag niya.


[3] Ang pangalan ng lugar na ito ay sagot sa isang bugtong. Pero may mga nangyari pa bago at pagkatapos na ibigay ko ang sagot sa sarili kong bugtong. Nagbubugtungan kami ni Jerrie sa dyip isang hapong tumakas kami sa klase. Ganito iyon sa pagkakatanda ko:

“Anong prutas ang mas mataas sa araw?” tanong ni Jerrie.

“Star apple,” sagot ko.

Sinasalimpad ng hangin ang mga hibla ng kaniyang buhok habang nakangiti siyang umiiling-iling.

“Kaimito?”

“Tinagalog mo lang, e!”

“Siret.”

“E di, santol,” at tuluyan nang nagsanga ang nakatikom niyang bibig, naging dalawang mapulang-maitim na labi, tulad ng pampang ng isang ilog. Naggigitgitang mga puting bato ang kaniyang mga ngipin.

“Ako rin may baon.”

“Sige!”

“Sinampal ko muna bago ko inalok.”

Magaan niyang isinampal-sampal ang mga palad ko sa magkabilang pisngi niya. Tinatantiya ko naman kung gaano kalalim ang kaniyang biloy, parang iwang sa sahig, pintuan; parang pingas sa babasaging balat ng baso.

“Siret ka na?” tanong ko sa kaniya.

Pinapagalaw niyang mag-isa (o magdalawa) ang kaniyang mga tainga habang umiiling-iling.

“Siret ka na!”

“Sige!”

“E di, Sampaloc.”

Sinampal niya ako. Parang naiwan ang lahat ng ukit ng kaniyang kaliwang palad sa kanang pisngi ko. Kukurutin ko sana siya sa biloy niya nang makita kong tumalilis siya palayo sa akin – palapit sa bukana ng dyip – parang alimango, patagilid. Matapos niya akong sampalin, at matapos siyang lumayo nang kaunti, inalok niya akong tabihan siyang muli. Lumapit naman ako. Siyempre.


[4] Nagising ang nanay ko nang magdoorbell ako. Bumaba siya, nalimutan kong humalik sa pisngi, mukhang nalimutan niya rin. Sinindihan niya ang kompyuter. Kumonek sa worldwideweb.

Antagal sumagot ng nanay ko sa e-mail ng kuya kong OFW sa Taiwan, pero nasa New York ngayon dahil ipinadala siya ng kumpanyang pinagtatrabahuhan. Nang maipadala niya ang elektronikong liham niya, pumunta siya sa www.google.com. Di ko nakita kung ano ang tinayp niya sa search engine. Pero maya-maya, nasa isang website na siya ng Meteor Garden. Hanggang ngayon, adik pa rin siya kay Ken Zhou. Dinadownload niya rin ang mga kantang naka-mp3 format ng iba pang miyembro ng F4. Kahit laos na ang F4 at Meteor Garden. Laos na rin ang Lovers in Paris. Palaos na rin ang Save the Last Dance.

Minsan, nagtext sa akin ang nanay ko: "Til 8am pla free ISP. Kttpos q lng mgintrnt. Nagssoundtrip aq ngyn."


[5] Nagpapainit ng tubig ang kapatid kong si Mark. Maglalaga raw siya ng mga boteng sususuhan ng anak niya. Kanina, sinilip ko sila ng asawa niya. Gising pa sila at nanonood ng telebisyon. Tulog na si Amery, ang dalawang-araw pa lang na anak nila ni Karen.

Gwapo ang kapatid kong ito. Ang pinakagwapo sa apat na anak na lalaki ng tatay ko sa nanay ko. Apat lang naman kaming anak ng tatay ko sa nanay ko. Lalaki kami lahat. Lalaki. May dalawang babae at isang lalaking anak ang tatay ko sa isang GRO sa isang maliit na beerhouse sa Cubao.

Gusto sana ng kapatid ko na lalaki ang anak nila. Pero babae si Amery. Kanina, nang sumilip ako sa kuwarto nila, tamang-tamang naghihikab si Amery. Sabi ng nanay ko, ganung-ganun raw ang hitsura ng kapatid ko nang ipanganak niya siya.

Sabi ng tatay ko: maganda, maputi, matangos ang ilong ng bata. Kamukha ng kapatid mo. Siyempre naman.

Dati, sabi ng tatay ko, "Ayoko talaga dun kay Jhoanna (dating nobya ng kapatid ko). Di sila bagay ng kapatid mo. Masyadong gwapo ang kapatid mo." Kulang na lang sabihin niyang pangit at maitim si Jhoanna.

Minsan, inilalagay ko ang sarili ko sa tsinelas ng asawa ng kapatid ko, at hinihiling ko na huwag maging kawangis ng tatay ko ang kapatid ko.


[6] Dalawampung taong gulang na ang bunso kong kapatid na si Jay-ar. Para siyang Buddhang nakaupo sa kama namin, nagkukutkot ng kaniyang pitaka, inaayos ang mga litrato niya at ng nobya niya. Umaalon ang kaniyang mga bilbil.

Nakita ko ang litrato niya nung mga anim o pitong taong gulang pa lang siya. Itinuro ko habang sinasabi: "Tulog ba si Amery? Baby, may bagong baby na tayo. Di ka na baby!" Sabi niya "Hmp!" pero nakangiti siya.

May hinugot siya mula sa kaniyang pitaka. Mga dilaw na sticker. Ibinigay niya sa akin. Nakuha raw niya kanina nung pauwi siya galing UST. Iniabot raw sa kaniya kanina nung nakasakay siya sa dyip galing UST, pauwi sa Sampaloc. “No to Oil Price Hike!” ang nakalagay.

“Sobrang trapik kanina! Lahat ng tao, mainit ang ulo!”

Sa gabi, o madaling araw, tulad ngayon, tulad mamaya, aakyat ako't tatabi sa bunso kong kapatid. Naghihilik na siya ay magsisimula pa lang akong magpalaot sa panagimpan o bangungot o bungang-tulog, alinman ang masagwanan ko mamaya. Pero iyon, ang hilik na iyon, ang aking bangka.


This story won First Prize for Futuristic Fiction in Filipino in the 2006 Palanca Awards


1