| VLADIMEIR B. GONZALES |
| Lunes, Alas Diyes ng Umaga |
| THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR. |
| THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES | CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA |
| Lunes, Alas Diyes ng Umaga Pinatay ni Mrs. Cruz ang apoy sa kalan. Dahan-dahang humina’t huminto ang pagpito ng takure. Habang suot-suot ang potholder, mabilis na inialis ni Mrs. Cruz ang pito ng takure. Kinuha niya ito’t isinalin ang laman sa dalawang tasa, isang tasang may kape, isang tasang may tsaa. Nagtimpla rin siya ng orange juice, at habang hinahalo niya ang pinagtimplahang pitsel ay tumunog na ang alarm ng oven toaster. Mabilis siyang lumapit dito para kunin ang mga tinapay, at napaso siya dahil sa nakalimutan niyang tinanggal na pala niya ang kanyang mga potholder. Pagkatapos isubo ang daliring napaso’y nakuha na rin ni Mrs. Cruz ang tinapay, nailagay sa pinggang may floral na design, napahiran na ng pinaghalong strawberry jam at mantekilya ang ibabaw. Sa isang dulo ng mahabang sofa ng living room, nakaupo si Mr. Cruz, nagbabasa ng diyaryo. Nang nailagay na ang lahat ng pagkain sa silver na tray, naglakad na si Mrs. Cruz kasama ang kanyang inihanda papunta sa living room, kung saan naroon ang asawa. Maririnig ang paghuni ng mga ibon sa labas. Sumisilip-silip ang liwanag ng araw sa bagong-biling mga kurtina. Pagkatapos ilatag ang mga pagkain sa lamesita, naupo si Mrs. Cruz sa kabilang dulo ng sofa, sa tabi ng telepono. Pinindot niya ang mga numero. Ilang segundo ang lumipas, tumunog ang kanilang doorbell. Tumayo si Mr. Cruz para salubungin ang bisita. Di mapakali sa pagkakaupo si Mrs. Cruz. “Si Ezekiel!” Kasama ni Mr. Cruz ang isang lalaking nakaputing t-shirt, asul na maong at puting rubber shoes. Si Ezekiel—isang lalaking hindi gaanong matangkad, may kapayatan at napapanot na. Napasimangot nang kaunti si Mrs. Cruz. “Coffee? Tea? Juice?” “Tubig na lang po, ma’am.” Lalong napasimangot si Mrs. Cruz. Ayaw na ayaw niya ng mga taong tumatanggi sa pagkaing inihanda niya. Naupo ang lalaki sa katapat na upuan. Hindi rin niya ginalaw ang inihandang toast. Sinimulan na ng mag-asawa ang panayam. “So Ezekiel, ano ba ang trabaho mo?” “Ano po Ma’am, writer po.” “Oh, writer, great! Saan ka nagsusulat?” “Ano po Sir, sa tabloid po.” “Tabloid?” “Opo Ma’am.” “May asawa ka na ba?” “Meron po.” “Anak?” “Isa po.” “Nasusuportahan mo sila sa pagsusulat sa tabloid?” “Actually, Sir, Ma’am, di ko na po kasama ang pamilya ko. Nilayasan po nila ako.” Pagkatapos ay ikinuwento ni Ezekiel kung paano siya iniwan ng kanyang pamilya. Kung paano siya naloko sa alak at sa sugal. Kung paano siya nambabae at nambugbog ng asawa at anak. Kung paano siya nasipa mula sa pagsusulat sa isang sikat na diyaryo papunta sa isang bastusing tabloid dahil sa mga bisyo niya. Pailing-iling ang mag-asawa sa kanyang mga salaysay. “Pero nagbago na naman po ako. Nagpakatino na po” “Ah, I see...” Sasagot pa sana si Ezekiel pero nagsimula nang mag-dial sa telepono si Mrs. Cruz. Lunes, Alas Diyes ng Umaga Pinatay ni Mrs. Cruz ang apoy sa kalan. Dahan-dahang humina’t huminto ang pagpito ng takure. Habang suot-suot ang potholder, mabilis na inialis ni Mrs. Cruz ang pito ng takure. Kinuha niya ito’t isinalin ang laman sa dalawang tasa, isang tasang may kape, isang tasang may tsaa. Nagtimpla rin siya ng orange juice, at habang hinahalo niya ang pinagtimplahang pitsel ay tumunog na ang alarm ng oven toaster. Mabilis siyang lumapit dito para kunin ang mga tinapay, at napaso siya dahil sa nakalimutan niyang tinanggal na pala niya ang kanyang mga potholder. Pagkatapos isubo ang daliring napaso’y nakuha na rin ni Mrs. Cruz ang tinapay, nailagay sa pinggang may floral na design, napahiran na ng pinaghalong strawberry jam at mantekilya ang ibabaw. Sa isang dulo ng mahabang sofa ng living room, nakaupo si Mr. Cruz, nagbabasa ng diyaryo. Nang nailagay na ang lahat ng pagkain sa silver na tray, naglakad na si Mrs. Cruz kasama ang kanyang inihanda papunta sa living room, kung saan naroon ang asawa. Maririnig ang paghuni ng mga ibon sa labas. Sumisilip-silip ang liwanag ng araw sa bagong-biling mga kurtina. Pagkatapos ilatag ang mga pagkain sa lamesita, naupo si Mrs. Cruz sa kabilang dulo ng sofa, sa tabi ng telepono. Pinindot niya ang mga numero. Ilang segundo ang lumipas, tumunog ang kanilang doorbell. Tumayo si Mr. Cruz para salubungin ang bisita. Di mapakali sa pagkakaupo si Mrs. Cruz. “Si Ezekiel!” Pagkabukas ng pinto, tumambad sa kanya ang isang babaeng nakasuot ng powder blue na business suit, mukhang mamahalin. Maayos ang pagkakapusod ng buhok, makinis ang kayumangging balat, smarte ang pagtindig. Nakangiti ang babae nang bumati ng “good morning po” kay Mr. Cruz. Tinitigan ni Mr. Cruz ang babaeng nasa harap niya. Mayamaya’s lumingon at sinigawan ang kanyang asawa. “Honey, paki-dial ang telepono.” Lunes, Alas Diyes ng Umaga Pinatay ni Mrs. Cruz ang apoy sa kalan. Dahan-dahang humina’t huminto ang pagpito ng takure. Habang suot-suot ang potholder, mabilis na inialis ni Mrs. Cruz ang pito ng takure. Kinuha niya ito’t isinalin ang laman sa dalawang tasa, isang tasang may kape, isang tasang may tsaa. Nagtimpla rin siya ng orange juice, at habang hinahalo niya ang pinagtimplahang pitsel ay tumunog na ang alarm ng oven toaster. Mabilis siyang lumapit dito para kunin ang mga tinapay, at napaso siya dahil sa nakalimutan niyang tinanggal na pala niya ang kanyang mga potholder. Pagkatapos isubo ang daliring napaso’y nakuha na rin ni Mrs. Cruz ang tinapay, nailagay sa pinggang may floral na design, napahiran na ng pinaghalong strawberry jam at mantekilya ang ibabaw. Sa isang dulo ng mahabang sofa ng living room, nakaupo si Mr. Cruz, nagbabasa ng diyaryo. Nang nailagay na ang lahat ng pagkain sa silver na tray, naglakad na si Mrs. Cruz kasama ang kanyang inihanda papunta sa living room, kung saan naroon ang asawa. Maririnig ang paghuni ng mga ibon sa labas. Sumisilip-silip ang liwanag ng araw sa bagong-biling mga kurtina. Pagkatapos ilatag ang mga pagkain sa lamesita, naupo si Mrs. Cruz sa kabilang dulo ng sofa, sa tabi ng telepono. Pinindot niya ang mga numero. Ilang segundo ang lumipas, tumunog ang kanilang doorbell. Tumayo si Mr. Cruz para salubungin ang bisita. Di mapakali sa pagkakaupo si Mrs. Cruz. “Si Ezekiel!” Isang matipunong lalaking naka-powder blue na tank top at itim na gym shorts ang sumalubong kay Mr. Cruz. Athletic, naisip ni Mr. Cruz. Pagkatapos papasukin at paupuin sa kanilang living room, nagsimula na ang panayam. “So, fitness trainer ka pala!” “Yes Ma’am,” sabay lagok ng pangalawang baso ng orange juice. “Girlfriend?” “Wife, Sir. Two years na po kami.” “Good for you!” “I bet may anak na kayo? Ilan na ba?” “Well, actually Ma’am, Sir, yun po yung problema ko...” Hindi pa tapos magkuwento tungkol sa kanyang low sperm count si Ezekiel ay nakapag-dial na sa telepono si Mrs. Cruz. Lunes, Alas Diyes ng Umaga Pinatay ni Mrs. Cruz ang apoy sa kalan. Dahan-dahang humina’t huminto ang pagpito ng takure. Habang suot-suot ang potholder, mabilis na inialis ni Mrs. Cruz ang pito ng takure. Kinuha niya ito’t isinalin ang laman sa dalawang tasa, isang tasang may kape, isang tasang may tsaa. Nagtimpla rin siya ng orange juice, at habang hinahalo niya ang pinagtimplahang pitsel ay tumunog na ang alarm ng oven toaster. Mabilis siyang lumapit dito para kunin ang mga tinapay, at napaso siya dahil sa nakalimutan niyang tinanggal na pala niya ang kanyang mga potholder. Pagkatapos isubo ang daliring napaso’y nakuha na rin ni Mrs. Cruz ang tinapay, nailagay sa pinggang may floral na design, napahiran na ng pinaghalong strawberry jam at mantekilya ang ibabaw. Sa isang dulo ng mahabang sofa ng living room, nakaupo si Mr. Cruz, nagbabasa ng diyaryo. Nang nailagay na ang lahat ng pagkain sa silver na tray, naglakad na si Mrs. Cruz kasama ang kanyang inihanda papunta sa living room, kung saan naroon ang asawa. Maririnig ang paghuni ng mga ibon sa labas. Sumisilip-silip ang liwanag ng araw sa bagong-biling mga kurtina. Pagkatapos ilatag ang mga pagkain sa lamesita, naupo si Mrs. Cruz sa kabilang dulo ng sofa, sa tabi ng telepono. Pinindot niya ang mga numero. Ilang segundo ang lumipas, tumunog ang kanilang doorbell. Tumayo si Mr. Cruz para salubungin ang bisita. Di mapakali sa pagkakaupo si Mrs. Cruz. “Si Ezekiel!” Hindi pa nabubuksan nang todo ni Mr. Cruz ang pinto’y isinara na niya ito. Nabigla siya kasi sa nakita niyang tao (hindi na niya nasilip kung lalaki ba o babae) na nawawala ang kaliwang braso. Mabilis na tumakbo si Mr. Cruz papunta sa living room, kinuha ang handset ng telepono at nag-dial. Lunes, Alas Diyes ng Umaga Pinatay ni Mrs. Cruz ang apoy sa kalan. Dahan-dahang humina’t huminto ang pagpito ng takure. Habang suot-suot ang potholder, mabilis na inialis ni Mrs. Cruz ang pito ng takure. Kinuha niya ito’t isinalin ang laman sa dalawang tasa, isang tasang may kape, isang tasang may tsaa. Nagtimpla rin siya ng orange juice, at habang hinahalo niya ang pinagtimplahang pitsel ay tumunog na ang alarm ng oven toaster. Mabilis siyang lumapit dito para kunin ang mga tinapay, at napaso siya dahil sa nakalimutan niyang tinanggal na pala niya ang kanyang mga potholder. Pagkatapos isubo ang daliring napaso’y nakuha na rin ni Mrs. Cruz ang tinapay, nailagay sa pinggang may floral na design, napahiran na ng pinaghalong strawberry jam at mantekilya ang ibabaw. Sa isang dulo ng mahabang sofa ng living room, nakaupo si Mr. Cruz, nagbabasa ng diyaryo. Nang nailagay na ang lahat ng pagkain sa silver na tray, naglakad na si Mrs. Cruz kasama ang kanyang inihanda papunta sa living room, kung saan naroon ang asawa. Maririnig ang paghuni ng mga ibon sa labas. Sumisilip-silip ang liwanag ng araw sa bagong-biling mga kurtina. Pagkatapos ilatag ang mga pagkain sa lamesita, naupo si Mrs. Cruz sa kabilang dulo ng sofa, sa tabi ng telepono. Pinindot niya ang mga numero. Ilang segundo ang lumipas, tumunog ang kanilang doorbell. Tumayo si Mr. Cruz para salubungin ang bisita. Di mapakali sa pagkakaupo si Mrs. Cruz. “Si Ezekiel!” Halos isang oras nang nagkukuwentuhan ang mag-asawa’t si Ezekiel. Naisalaysay na ng binatang naka-powder blue na business suit ang kanyang matagumpay na advertising office at ang serye ng mga sports and fitness magazines. Naikuwento na niya ang pagpapalit niya ng diet mula sa pagkain ng karne patungo sa pagiging vegetarian, na iminungkahi ng kanyang asawa. Naipakita na rin ni Ezekiel ang larawan ng kanyang pinakamamahal na babae sa buong buhay niya, ang asawa at ang kanilang malusog na lalaking panganay. Bilib na bilib ang mag-asawang Cruz sa kanilang bisita. Ilang minuto pa’y nagkatinginan na ang mag-asawa, ibinigay na ni Mr. Cruz ang kindat na senyas ng pagsang-ayon kay Ezekiel. Maligalig na tumango-tango si Mr. Cruz. Humigop ng tsaa si Ezekiel. “So, Ma’am, Sir, tanggap na po ba ako?” “Of course!” “Definitely” At pinindot na ni Mrs. Cruz ang PRINT button sa kanilang telepono. Ilang saglit lang ay lumabas na ang printout ng statistics para kay Ezekiel—kung anong oras, anong araw o linggo, anong posisyon. Nakalagay sa papel ang detalyadong proseso ng pagbuo kay Ezekiel, kaya naman natagalan ang paglabas ng buong dokumento mula sa telepono. Habang inaabangan ni Mrs. Cruz ang pagtatapos ng print process, nakipagkuwentuhan pa si Mr. Cruz kay Ezekiel. “So, Ezekiel, kamusta naman ang parents mo?” “Oh, my parents. Actually, they’re both dead, Sir.” Parehong pinanlakihan ng mata ang mag-asawa. Mayamaya’y nagkaroon ng lakas si Mr. Cruz para magtanong kay Ezekiel. “What happened? Paano ba namatay ang parents mo, iho?” “Kasi po, yung dad ko, may affair. Napatay po ng asawa ng kabit niya.” “Kabit?” Muntik nang malamukos ni Mrs. Cruz ang dokumentong lumalabas sa telepono. Nagpatuloy si Ezekiel sa pagkukuwento. Masyadong obsessive compulsive kasi ang mga magulang niya, masyadong controlling. Gusto’y palaging perpekto ang lahat. Pati mga anak nila, gustong gawing perpekto. Paglipas ng ilang taon, di na nila matitiis ang pagkaperpekto ng bawat isa. Maghahanap ang tatay ni Ezekiel ng ibang babae, babaeng hindi inuubos ang oras sa pagiging perpekto. Magsusugal ang tatay ni Ezekiel, magiging lasengga ang kanyang nanay, lasengga’t durugista. Mapapatay ang tatay ni Ezekiel ng asawa ng kanyang kabit. Ang nanay naman ni Ezekiel ay magpapaputok ng shotgun sa bibig niya nang minsang ma-high siya sa shabu. “Hindi, hindi totoo yan!” “Kalokohan! Imposible!” Napabuntung-hininga si Ezekiel. “Hindi po ako tinuruang magsinungaling ng mga magulang ko.” “Hindi!” Agad-agad na nag-dial sa telepono si Mrs. Cruz, ipinasok ang mga numero ng kanselasyon. Nagkaroon pa ng pagkakataong sumilip si Ezekiel sa larawan ng kanyang asawa’t anak bago siya tuluyang maglaho. Naiwan ang mag-asawa sa kanilang living room. Pareho silang natahimik nang ilang minuto. Si Mr. Cruz ang naunang umimik. “Mahal kita. Hindi kita iiwan.” Katahimikan. “Honey...” Muling iniangat ni Mrs. Cruz ang telepono. Base sa keypad tones ng mga ipinapasok na numero ni Mrs. Cruz, nalaman ni Mr. Cruz ang plano ng kanyang kabiyak. Ida-dial niya ang numero ng pagpapalit ng asawa! Mabilis na natabig ni Mr. Cruz si Mrs. Cruz. Hindi niya hinayaang ma-dial ni Mrs. Cruz ang numerong tatapos sa kanya. Nag-agawan sa telepono ang mag-asawa. Kinalmot ni Mrs. Cruz ang mukha ni Mr. Cruz. Nasiko ni Mr. Cruz ang sikmura ni Mrs. Cruz. Noong hihingi sana ng paumanhin si Mr. Cruz ay hinampas siya ng lampshade ni Mr. Cruz. Muling nag-agawan ng telepono ang mag-asawa. Naihagis ni Mr. Cruz si Mrs. Cruz. Tumilapon sa isang sulok ang babaeng kabiyak. “Kung ayaw mo akong maging asawa,” sigaw ni Mr. Cruz, “ayaw ko na rin sa iyo!” Nagsimula siyang mag-dial. Nataranta si Mrs. Cruz. Namataan niya ang cell phone na nakasaksak pa sa charger, cell phone ng kanyang asawa. Nagmadali siya sa pag-abot ng telepono, nagmadali siya sa pag-dial. Sabay silang naka-contact ng kanyang asawang si Mr. Cruz, at sa isang iglap ay sabay naglaho ang mag-asawa. Noong unang naipabalita sa telebisyon ang teknolohiyang makakahiwa sa istruktura ng espasyo, panahon at mga dimensyon, agad-agad na nag-apply sina Mr. at Mrs. Cruz sa serbisyong ito. Naisip nila, ito ang pagkakataon upang makilala nila ang kanilang posibleng maging anak sa hinaharap, ang anak na papangalanan nilang Ezekiel. Sa pamamagitan ng pambihirang serbisyong ito, makabubuo sila ng isang gwapo, matalino at mayamang anak. Bibili lamang sila ng prepaid card, ipapasok ang PIN, at sa pamamagitan ng iba’t ibang phone numbers ay mahuhugot na nila ang kanilang potensyal na anak sa hinaharap at makakausap, makikilatis. Ituturo sa kanila kung anong oras dapat magtalik, kung saan, kung paano, kung ano ang dapat kainin bago magtalik, lahat ng detalyeng dapat malaman. Ilang numero lang din ang magtatakda ng pag-uulit ng isang araw, ng pagpapalit ng kabiyak, ng pagmamapa ng ibang buhay para sa sarili. Sa tulong ng serbisyong binayaran nina Mr. at Mrs. Cruz sila’y mababalasang muli sa iba’t ibang panahon, lugar at dimensyon. Aayusin ng napakaraming computer networks at ng napakaraming elektronikong makina ang kanilang kapalaran. Ibabalik sila sa kanilang kabataan, uusisain ang kanilang iba pang mga katauhan sa iba’t ibang mga mundo, hahanapin ang mga sitwasyon, lugar, bagay at taong magbibigay sa kanila ng kanilang perpektong kabiyak, ng perpektong pamilyang inaasam ng lahat. Sa paghupa ng pinsalang sanhi ng ganitong serbisyo, muling magiging maayos ang lahat, muling babalik sa isang karaniwang Lunes, alas diyes ng umaga. This story won Third Prize for Futuristic Fiction in Filipino in the 2006 Palanca Awards |