DON PAGUSARA
Mga Landas ng Pangarap
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
Nagkita tayo sa silong ng walang-ulap na langit sa isang makitid na sidewalk sa Cubao.  Maaliwalas ang panahon ngunit may kakaibang lamig ang hangin ng Disyembre. Nagsiksikan ang mga tao, nakipagpaligsahan sa matuling mga araw ng papalapit na Pasko.  Minasdan kitang naglalakad—sanlangit na alaala binuhay sa indayog ng iyong mga balakang habang umiilag ka sa mga katawan ng tao at anupamang nakaharang sa iyong daan mula sa taxi papunta sa aking kinaroroonan.  Sumigla ang tibok ng aking puso.

“Kanina ka pa?”

“Di naman gaano.  Nage-enjoy din naman akong nagmamasid sa klase-klaseng taong naglalakad. Pero ikaw talaga ang pinak....”

“Teka...do’n tayo, o. Napaka-awkward namang mag-usap dito.”

Sa loob ng naka-aircon na Sam’s Chicken Plaza, saka ko napansin ang epekto ng make-up sa iyong mukha. Kumi-kinang lalo ang hiwaga sa iyong mga mata at mga biloy. Hinog na hinog ang dati’y manibalang na mga labi. At ay,  kabigha-bighani ang mga dibdib mong umuusli sa
plunging neckline ng iyong tangerine blouse. Hindi maiwasang sariwain ng aking alaala ang mga sandaling pinagsaluhan natin noon.

Oo, noon—isang matiwasay na tanghali...nakaupo tayo sa may lilim ng mga punungkahoy sa tabi ng UP lagoon.  Dinuduyan ang ating paningin sa umuugoy na mga sanga.  Pinaglalaruan ng hangin ang nakalugay mong buhok.  Paminsan-minsa’y humihinga ako nang malalim marinig ang huni sa punong kawayang humahagod sa kapwa puno, habang mga hita nati’y mariing nagkadikit, halos kinanlung ko na ang iyong mahiwagang yumi.  Inaliw kita ng mga awit ng digma’t kalayaan. Ikaw nama’y maliksing nagdadampot ng mga laglag na dahong kawayan at sinubukan mo itong lalahin.  Ang sinabi mo’y  “Sige, ipagpatuloy mo lang ang iyong pag-aawit at ako’y maghahabi ng mga pangarap.” 

“Hindi kaya aagos sa mga siwang ang ating ligaya?”

Medyo nayamot ka’t kinurot mo ako, “Anong siwang? Basta’t willing tayong mag-sacrifice…magkandurugo man ang katawa’t puso natin sa daan…”  Tumahimik ako’t inabot ang iyong kamay na nakadantay sa ibabaw ng iyong tuhod at dagling nagdaop ang ating mga kamay.  At ngumiti kang nakasandal nang buong lambing sa aking balikat.  Hindi nagkandatuto ang pagbigkas ko sa aking damdamin dahil binuka mo ang iyong mga labi na lagusan ng walang katumbas na tamis at luwalhati.

At ngayo’y naglalaro ang iyong mga biloy.  Pakiramdam ko’y  tumitingkayad ang mga sandali sa saliw ng piano instrumental ng
jingle bells nitong Paskong-paskong-atmosphere ng Sam’s Chicken Plaza. Nakikiliti ang aking kalooban sa kay-tagal-nang-di-naranasang uri ng ligaya.  Sinubukan kong sisirin ang lalim ng iyong damdamin, gayong kay bait ng mga sandali.  Hinatak ko ang iyong gunita doon sa sulok ng aking pusong pinagluluklukan ng iyong larawan…ng larawan nating dalawang naglalambingan.

“Pero Eric, kay tagal na … maraming taon na ang nakalipas.  Hindi ka ba nakalimot?”

“Ikaw, nakalimot ka na?”

“Maraming mga vital questions ang dapat kong ire-resolve, Eric.  Maraming mga pagbabago .. we have passed many crossroads. At hindi madali, kasi…kasi hindi na ako ang dating Iris na kilala mo, Eric…” hinawan mo ang kapirasong damdaming bumabara sa iyong lalamunan.

At sa iyong pagpatuloy, sinalaysay mo ang iyong paglulutang-lutang sa kalituhan at kahungkagan ng kaluluwa doon sa “land of milk ang honey.”  Sa loob ng ilang taon, hinanap mo’y kahulugan ng iyong buhay.  Natangay ka sa agos na sumadsad sa iyo sa kakaibang kaugalian. . .kakaibang wika. . . kakaibang kultura. . .kakaibang mga hangarin at pagnanasa.

Idinampi mo ang iyong palad sa dibdib, “Pilipinas ang aking pinang- galingan at nakarating ako sa America.  After so many years I feel like I don’t belong to either place.  Nahihirapan akong maghanap sa aking identity.”

Dumating ang ating order at na-busy ang ating mga kamay sa pag-asikaso sa roast chicken na pinaliligiran ng mga dekorasyong dahon at sangkap.  May kaparis itong sauce at ilang pirasong tinapay at potato salad. Napalingon tayo sa may pintuan at nakita ang isang marusing na bata…gusto yatang pumasok sa restaurant. Pero bago pa man niya naitulak ang pintuang kristal ay pinalayas na siya ng guwardiya.  Dinapuan tayo ng awa sa bata, nagtinginan tayo at agad pinukol natin ang guwardiya ng muhi sa ating mata. Nagsalumbaba ka’t tumitig sa aking mata...tagos sa aking mata...tagos sa dingding ng Sam’s Chicken Plaza. Alam ko. May mga landas sa kalawakan ng panahon na tinatalunton ng iyong alaala. Oo, naaalala mo ang mga sandaling pinagsaluhan natin kasama ang mga estudyante’t kabataang kagaya nati’y masugid at matapat na nagtataguyod sa islogang “
seize the day, seize the hour,” noong puno-sa-aksiyong Dekada Sitenta.

Kagaya noong isang hapong nandoon tayo sa ating kinagawiang rendezvous sa tabi ng UP lagoon—nagbibilang ng mga sandali’t panakaw-nakaw na lumalagok ng tamis ng pagmamahalan...nang namataan natin sa may tapat ng AS building  ang paparaming lipon ng mga estudyante.   May nagtali ng pulang tela sa ulo, may nagsuot ng Vietcong jacket tulad ng sa iyo, may nakasombrero ng Red Army cap na may red star sa harap.  Mayroon palang mass action na isasagawa sa front steps ng AS building pagkagat ng dilim, na kung saan magtatanghal ang Panday Sining ng dulang adaptation ng
Waiting for Godot.  Pinag-taytolan nila ng Ang Paghihintay kay Andong.

“Punta na tayo,” nagyaya ka.

“Mamaya na…’pag nag-umpisa na.”

“Hoy, baka maakusahan tayo ng dikitismo!” at dalidali kang tumayo’t lumakad nang hindi na naghintay sa akin.

Sa ibang pagkakataon, niyaya mo ako sa isang gathering kasama ng ating mga kaibigang puro tagapaghabi ng mga pangarap.  Nagdala ako ng mga chocolate na nagpatamis sa ating mga bibig matapos nating supilin ang ating gutom sa pamamagitan ng barkekyung manok. Pinagmumudmod mo ang iyong ngiti sa ating mga kakusa. Di nagtagal at pumasok tayo sa sala ng bahay at kumanta ng
Internationale. Sumigla ang pulso ng gabi.  Pinabaktas mo ang iyong mga daliri sa mga teklado ng piano.  Nagkatono ang mga liriks ng tulang naka-graffiti sa pader ng aking puso.  

Nang sumunod na gabi…sa isang sulok sa loob ng bahay ninyo, hinaplos-haplos tayo ng maputlang liwanag. Ang mga bulong sa lumalalim na gabi nagpatindi ng ating pagnanasa. Ang dilim ay balabal na nagpaapoy sa ating mga katawan sa gitna ng lumalamig na hangin ng Disyembreng yaon ng ating buhay. Pagdating ng oras ng pamamaalam, nahirapan tayong paghiwalayin ang ating mga katawa’t damdaming nagkalingkis.

At ngayon...ngayo’y napakagat-labi akong bumubulong—
O Iris, paano ko iwanan ang pinagtirikan ng aking pag-ibig? Kay hirap hablutin ang saligang tagdan ng pagsintang nakaugat sa maraming karanasa’t gunita. Ikaw Iris, ikaw pa rin!

“Anong hinahanap mo sa akin, Eric...?” wala ang dating lambing ng iyong tinig. Kangina nang nagtagpo tayo, nagparelaks sa aking damdamin ang ipinakita mong carefree na gawi. Ngunit ngayo’y nararamdaman ko ang pag-igting ng mga sandali habang kaharap kita nitong munting mesa sa pagitan nating dalawa.     

Parang nangangatal ang aking bibig,  “Iris, tapusin natin ang ating nasimulan.  Sayang naman ang ipinunla nating halimbawa para sa bukas-makalawa—pagsintang pwedeng maging salamin ng tagapagmana ng ating kasaysayan...”

“Pero...pero di ba nag-asawa ka, Eric?”

“Kay tagal-tagal na naming naghiwalay ni Daisy, Iris. Labinlimang taon na. Hindi kami magkasundo. Hindi ko talaga siya iniibig!” Minasdan ko ang iyong reaksiyon, tapos...”Ikaw Iris, bakit ka umalis?”

Saglit na kumulimlim ang iyong mukha, “Wala akong sapat na lakas-loob para suwayin si Mama, Eric.  You knew that.  Oh Eric, ‘wag mo akong sumbatan…please! Tayo na, umalis na tayo…”

Sumakay tayo ng bus patungong UP.   Nais kong pagliyabin muli ang natitirang apoy sa ating puso, isa-isahing damputin at tipunin ang mga butil ng alaala—naiwan sa mga kalsada, mga plasa, mga koridor at classroom at mga lilim ng mga punungkahoy sa mga unibersidad, bagama’t binura na ng libu-libong hangin, init at ulan ang mga bakas at ingay ng makasaysayang Dekada Sitenta. Niyaya kitang dumalaw sa tabi ng UP lagoon, sa ating dating tagpuan.  Ngunit umayaw ka.  Inalalayan ko ang iyong gunita upang taluntunin ang mga landas ng kahapon.

“Naniniwala ka bang ang pinaka-landmark na action ng FQS ay ang Diliman Commune?”

“Ay, Diliman Commune...?” nanaginip ang iyong mga mata, “muntik na akong matamaan ng tumilamsik na mga pirasong semento, nang lumusob ang Metrocom…?”

“Hindi ‘yon mga piraso ng semento, Iris…mga live bullets yong pinaulan ng Metrocom sa ating barikada!”

“Oo nga…‘buti na lang nakatakbo agad tayo sa Kamia dorm, ano!”

“Sa labas ng Sampaguita dorm, nagbanatan ang ating Pillbox brigade at ang Metrocom!  Nadaplisan ang balikat ni Ka Benig sa Tondo…natatandaan mo?”

“Kasama natin sina Judy, May-an, Stella, Reggie at. . .si Mario!  Nasaan na sila?”

“Naririto pa sila.  Si Judy nagtuturo dito sa UP.  Si May-an namamahala ng isang NGO, si Stella nasa Silliman, at si Reggie isang practising physician na.  Si Mario naman ay namundok ‘yon. . .at napatay.  Of course, alam mong nauna pa si Lorena sa kanya. . . alam mo. . .

Oo, alam mong sa puso ng bawat kasamang kasangkot sa mga pakikibaka, mga pagpapakasakit, nakaranas ng bangungot sa stockade. . . mayroong mga lihim na luklukan ng bawat salaysay na bahagi ng ating nakaraan. . .ng ating nakaraan…

Huwag mong pigilan ang iyong luha, Iris.  Umiyak ka.  Hayaan mong dumaloy lahat ng lumbay.  O di kaya’y kumanta ka!  Kantahin mo ang malungkot na ritmo sa iyong kaluluwa.  “
Araw na lubhang mapanglaw, lipos ng kadiliman, nasadlak ang kanyang buhay para sa iyo bayan…” kaparis ng pagkanta natin sa pagkamatay ni Enrique, estudyante ng Lyceum, na halos durog ang ulo’t bali-bali ang katawan sa mga hampas ng truncheon… “ang kanyang simulain tigmak ng dugo’t luha,  at dapat nating itaguyod hanggang sa wakas...” Naaalala mo?  Oo, hindi mo malilimutan ‘yong gabing…

Unti-unting bumibigat ang hangin sa ating hiyaw.  May halong takbo ang ating mga hakbang na nakisabay sa mga silabol ng “
Imperyalismo, Piyudalismo, Burukrata Kapitalismo! Ibagsak!” Sa kabilang bahagi naman ng mahabang martsa dumadagundong ang “Sigaw ng bayan, himagsikan!”  ng dumadaluyong na taumbayan. Ang sagadsad ng libu-libong paa sa mga kalsada ng University Belt patungo sa Mendiola, hindi malayo sa tirahan ng Dambuhalang Buaya ng Pasig,  ay nagpalipad sa alikabok, naghalukay sa maalingasaw na mga estero’t kanal ng ating pinakamamahal na Siyudad.

Kinabukasan, nagkalat ang mga leaflets at iba-ibang klase ng manifesto at handouts sa mga sidewalk at lansangan, nagdulot ng walang-katapusang gawain sa mga metro aides.  Samantalang sa loob at labas ng mga classroom at sa mga lilim ng akasya sa Diliman at ibang eskwelahan walang-tigil ang pagwawalis sa mga damo sa utak sa pamamagitan ng mga teach-in at group discussion na pinanguluhan ng mga radikal na aktibista. Lumalala ang kolonyal at piyudal na kaisipan sa lipunan. At ni hindi man lang natitibag ang pader ng graft and corruption sa gobyerno, bagkus ay lumalala pa.

Kinagabihan, sa Plaza Miranda, nagmaskara tayo kasama ng mga singers ng Gintong Silahis.  Siningit natin ang awiting
Tigreng Papel sa maikling dulang nagdiriwang sa makasaysayang papel ng rebolusyonaryong mamamayan sa pagwasak sa kuta ng naghaharing uri. Nagsiupo ang mga kabataan sa malapad na larangan sa may harap ng Quiapo Church, nagpalipas ng gabi sa pamamagitan ng mga talumpati, tula, awit at dula.

“Drens,” iyon ang tawagan natin sa isa’t-isa dahil iyan ang uso ng masiglang kapanahunang yaon,  “mauna na akong umuwi,  baka kasi mahayblad na naman si Mama?”

“Tena, ihahatid kita.”  Inakbayan kita’t nabigkis ang mga katawan nating sakay sa jeepney patungo sa bahay ninyo sa Project 2. Doon sa madilim na sulok ng bakuran na pinagyungyungan ng mga sanga’t dahon ng aratiles katabi sa gate ng bahay ninyo…doon ipinagdiwang natin ang ating pag-ibig.  Ang mga neonlights sa siyudad ay nagsabog ng mga alipato sa langit.  Nawisikan ng mala-rosas na sinag ang iyong mukha.  Inangat ko ang iyong baba, pinalis ang kapirasong buhok na naligaw sa iyong pisngi at hinagkan ang  bibig mong malugod na tinanggap ang alay mula sa aking sumisigaw na kalooban. Hinipo ko ang iyong dibdib, walang-bra sa ilalim ng pulang T-shirt na pinagsapawan ng Vietcong jacket.   Mayamaya, dinuyan ng aking dalawang kamay ang iyong puwitan. At ilang saglit pa’y inangat ko ang iyong malambot na kabuuan.  Gumanti ang mga hibla ng iyong kalamnan sa aking naninigas na kalagitnaan...nanginginig ang mga kamay kong nangalap sa misteryo ng iyong pagka babae. Hanggang kapwa tayo nanlalambot at napadaus-os sa nagkalat na mga dahon ng aratiles---tahimik sa gitna ng bagong sabog na ingay sa mga unang sandali ng madaling-araw. Mayamaya’y, bumulong ka,  “Magkikita tayo mamayang hapon.“ 

At nang hapong yaon...tungo sa gabi... “Makibaka! Huwag matakot!”

Pumapaibabaw ang sigaw sa karimlan, malakas ang mga yabag ng libu-libong nagmamartsa, winagayway sa ibabaw ng mga hiyaw ang mga pulang streamers, parang mga talulot ng mga dambuhalang gumamela.  Tuwi-tuwina’y bumibilis ang ating mga hakbang, lumalakas ang pintig ng ating puso.   Dumagundong ang mikropono, “Sa embassy!  Sa embassy!”

Sinalubong tayo ng mga Metrocom, naglalakad na nagtatago sa likod ng kanilang mga kalasag, bitbit ang mga truncheon. Pero sumugod ang ating hanay na nagkakapitbisig—malaking puwersa ng mga estudyante’t kabataan, mga drayber at mga manggagawa, mga titser at propesyunal, pati mga sidewalk vendors at taga-halukay ng basura.  Ikaw at ako’y nagkadikit na tila pinag-welding ang ating mga bisig, humihingal sabay sa kalantog ng ating dibdib at maliksing bugso ng kumukulong dugo sa ating mga ugat. Ang ating poot ay itinudla sa imperyalistang Amerikanong nagpalipad sa presyo ng gasolina’t lahat ng bilihin tungo sa mga ulap.  Hindi nagtagal....

“Takbooo! Namamaril ang mga sundalo! Mga Metrocom sumusugod!”

Nagkandarapa tayo, hinila kita, pero  hindi ka makatakbo nang matulin, natanggal ang takon ng iyong isang sapatos. Pinulupot ko ang aking bisig sa iyong baywang. Ngunit biglang-bigla, animo’y kidlat, tinamaan ako ng napakalakas na hampas sa ulo. Nang ako’y bumagsak,  nasubasob ang aking bibig sa semento. Natikman ko ang aking sariling dugong nahalo sa buhangin.  Sinundan pa ng isang hampas ang aking likod. At sa aking pagkalugmok nasulyapan kitang nagsisisigaw habang hinatak ako ng mga Metrocom papalayo sa iyo—papalayo...papalayo...parang panaginip.

Nanaginip ako... ang aking mga pilik-mata’y tila mga rehas na gumuguhit sa maputlang liwanag ng bukangliwayway.  Subalit ang totoong mga bakal na rehas ang siyang natambad sa aking mga mata pagkagising ko sa loob ng stockade.  Ikaw ang una kong hinanap pagbalik ng aking ulirat mula sa guniguni ng gabi.

Saan ka, Iris? Lagi kang nagpakita sa aking mga panaginip at bangungot sa loob ng bilanggoan.  Ngunit hindi ka dumalaw kahit minsan man lang. Nasabi ni Clarence na pinsan ni Judy, pinapunta ka raw sa Amerika.  Halos mabuang ako sa kaiisip sa iyo.  Kaunting bagay ay ginawa kong dahilan para gumuho ang daigdig, hanggang nabartolina ako sa bintang na ako’y nagtangkang tumakas.

Dalawang taon ako sa stockade, Iris....  At sa aking paglabas hinanap kita sa mga lansanga’t mga plaza at sa iba pang mga alaalang dinaanan ng ating mga pangarap para sa kinabukasan at kalayaan.  Hanggang nagkatagpo kami ni Daisy na katulad ko’y nangalap din ng mga suhay sa buhay.  Sa hangaring mapunan ang aking lungkot, pangungulila at kabiguan, isinama ko siya sa ilalim ng isang bubong—nag-live-in kami ng humigit-kumulang isang taon. Subalit walang puwang ang paglimot, Iris.  Ikaw...ikaw at ang ating pinagsaluhang mga sandali—sila’y walang katapusan!  Tulad ng pangarap para sa katubusan.

Labimpitong taon ang lumipas magmula ng sandaling ikaw’y saklutin mula sa aking mundo. At ngayon...nitong siyudad na pinaghahandugan natin ng ating mga lunggati’t pagpupunyagi…ng ating pag-ibig at pagpapakasakit…nagkikita tayong may kanya-kanyang bitbit na salaysay, halos dalawang dekadang
limbo ng ating buhay.

“Marami akong attempts na bisitahin ka sa stockade, Eric. Pero, binigo lahat ni Mama.  Dalawang buwan mula sa iyong pagkabilanggo, isinama ako ng aking auntie sa Amerika.  Kung ilang beses akong sumulat sa iyo.  Pero hindi ka sumagot.  At nabalitaan ko na lang na nag-asawa ka na.”

“Wala akong natanggap na sulat mo, Iris.  Wala.”

“Well, wala nang kabuluhan para pagtalunan natin yan, Eric. Basta’t nangyari ang nangyari na wala sa kapangyarihan natin ang makapagpigil. Kahit ang EDSA nangyaring hindi naaayon sa ating mga layunin, ‘di ba?”

“Edsa...? Totoong hindi natin ‘yon napaghandaan. Pero, let there be no mistake about it!  Malaki ang papel ng FQS at ang walang-humpay na pakikibaka ng masang rebolusyonaryo sa panahon ng martial law.”

“Pero salamat sa Edsa revolution pinayagan akong umuwi dito sa Pilipinas.”

“Wala kang kasintahan sa Amerika, Iris?  Babalik ka ba roon?” “Hmmm...tatlo, apat...siguro’y higit pa ang naging boyfriends ko, Eric.  Pero, so what?  Dumaan lang sila sa aking buhay... at  aywan.. . ‘di pa ako sigurado kung babalik ako sa Amerika”,  tumahimik ka sandali,  “Bakit…?”

Bakit?  Ikaw dapat ang may tiyak na kasagutan sa iyong “bakit”.

Inanyayahan kitang magpunta sa Quiapo...sa Plaza Miranda—larangan ng laksa-laksang salita’t kamaong winasiwas sa langit, eksena ng mapagbatikos na mga aksiyon, dambanang pinaghandugan ng ating pinakadakilang hangarin para sa kalayaan at kinabukasan.

At sa di-inaasahang pagkakataon, napadako tayo rito sa loob ng Simbahan ng Quiapo. Nitong malamig na dapithapon limang araw papalapit sa pagsilang ng Banal na Bata. Kumukurap-kurap ang mga kandila na parang mga alitaptap. Sa aking isipa’y napagwari ko kung hindi nga kaya ang mga ito’y mga mata ng mga bayani ng ilang siglong pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa kalayaan...nagbabantay sa atin sa kung anong di-maaarok na dahilan? Mula sa labas dumaloy sa ibabaw ng humihiging na dasal ang tinig ng mga batang kumakanta ng “
Pasko na naman…” Umisod ka’t naglapat ang ating katawan, inabot mo ang aking kamay, hinawakan nang mahigpit. Inaninag ko ang iyong mukha sa gitna ng pusyaw na liwanag.  Inilapit mo ang iyong bibig sa aking tainga, “Drens, mag-alay tayo ng kaunting panalangin…’

“Hmm…?”

“Para sa lahat na nauna nang lumisan sa atin…”

“Oo, mga manlalakbay sa mahabang gabi...naghawan ng mga landas sa kasaysayan.”



This story won First Prize for the Short Story in Filipino in the 2005 Palanca Awards




1