Si Ibarra
ay bagabag ang isipan at hindi makatulog; kaya upang malibang at mapalayo ang malulungkot na pag-iisip na lalong
lumalaki sa gabi[1]
ay pumasok sa ulila niyang gabinete at hinarap ang paggawa. Inabot siya ng pagliliwanag na naghalo
ng ilang gamot at inilalagay niya sa ilang putol na kawayan at iba pang bagay,
na pagkatapos ay inilalagay sa mga botelyang tinatakpan ng lacre at
nilalagyan ng panandang bilang.[2]
Pumasok
ang isang katulong at sinabi sa ang pagdating ng isang taga-bukid.
“Magtuloy!”
ang sabi, na hindi man lumingon.
Pumasok si
Elias, na tahimik na nakatayo.
“Ah!
Kayo pala!” ang bulalas ni Ibarra sa wikang Tagalog nang siya ay makilala,
“ipatawad ninyong pinapag-hintay ko kayo, hindi ko napuna: mayroon akong
ginagawang isang mahalagang experimento…”
“Ayokong
kayo ay abalahin!” ang tugon ng batang piloto, “naparito ako, unang-una, upang
itanong sa inyo kung mayroon kayong nais na ipagbibilin sa Batangas sapagkat
pupunta ako roon ngayon, at pangalawa ay upang sabihin ko sa inyo ang isang
masamang balita…”
Tinanong
ni Ibarra ang piloto sa pamamagitan ng tingin.
“Ang
anak ni Kapitan Tiyago ay may sakit,”[3]
ang dugtong ni Elias, “hindi naman malubha.”
“Nangangamba
ngang akong baka iyon ang mangyari!” bulong ni Ibarra, “alam ba ninyo kung ano
ang karamdaman?”
“Lagnat!
At ngayon, kung wala kayong ipag-uutos…”
“Salamat,
kaibigan; hinahangad kong kayo ay magkaroon ng isang mabuting paglalakbay…
subalit ipahintulot muna ninyo sa akin ang isang katanungan; kung inaakala
ninyong di-kailangang tugunin ay huwag ninyong sagutin.”