Kung ang Tatay

ang haligi ng tahanan

ang Nanay ang bubong

sahig, dingding,

pintuan at durungawan



Nanay ang balon ng pagmamahal

batis ng aruga

ilog ng pagtitiis

dagat ng tiyaga

at karagatan ng kalinga



Ang Nanay sa panganganak

isang paa ang nasa hukay

at kung magka-minsan

nagbubuwis pa ng buhay



Ang Nanay

nag-aalaga ng mga mahal sa buhay

nag-aasikaso ng pamamahay

nagsisinop ng kabuhayan

tanungan ng lahat

ng kahit na anong bagay



Kaya nga

Kapag ang Nanay ay naratay

di malaman ng Tatay

kung ano ang uunahin

sa dami ng kinakailangang gawin.