| INTERMISSION: "life on this island" (ISTORYANG ISLA) UNANG HUKAY (GALING BUENAVISTA) SA isang lugar malapit sa tabing-dagat ng LIBAS, naglalaro ang mga kabataan nang may matisod na pinggan ang isa na nakabaon pa ang kalahating bahagi nito sa lupa. Takado ang mga bata dahil araw-araw naman silang naglalaro doon, ay kung bakit may biglang naligaw na kakatwang pinggan. Hinukay nila ito para makuha nang buo. Napansin ang pangyayari ng ilang kalalakihang taga-roon ba kaagad nagpasya na hindi ordinaryong mga bagay ang nahukay ng mga bata kundi mga sinaunang kagamitaan o 'antique'. Kanya-kanyang hukay sila. Unahan, agawan, kumbaga. Hindi lamang mga lumang pinggang may malaki at may maliit ang kanilang nahukay. Isang puting glazed na platito na kakatwa ang hugis ang nahukay ng isa. Bakit kakatwa ang hugis? Ito ang paliwanag sa akin ng nakahukay: "Paano'y nag-agawan kaming lahat at hawak-hawak ko ito nang biglang may kaagawpala ako't parang biglang nayupi ang plato! Ang karamihan namang pinggan ay hinigop paibaba ng bantay o engkanto siguro. Hindi namin napatakan kaagad ng dugo, kaya naging ganyan!" Kung ganoon eh, di ang maliit na platong nakita ko siguro ang nag-iisang puwedeng mayupi o malleable na glazed plate sa daigdig, di kaya? IKALAWANG HUKAY (SA BOAC ITO) Kuwento ni Aling Elisa, iba naman ang nahukay ni Nanang Sima sa tabindagat ng Amoingon. Mga malalaking itlog. Mga itlog pala ito ng pawikan. Naibida ni Nanang Sima sa ilang mangingisda ang tungkol dito, kaya ang nangyari ay pinagkukuha ng mga damungkog ang mga itlog para lamunin. Pati nga raw si Elisa ay nakatikim pero hindi niya nagustuhan dahil malansa raw. Binabalik-balikan daw ng nanay-pawikan na ito taon-taon (ow?) ang kanyang paboritong lugar para mangitlog. Sa panghihinayang at pagkadismaya, di ko na nagawang itanong kung hanggang ngayon ay binabantayan pa rin ng mga mangingisda ang pangingitlog ng pawikan para upakan na naman. O baka pati ang pawikan ay kinain na rin nila. Kaluad ay! IKATLONG HUKAY (SA BOAC PA RIN) Nagkayayaan kami minsan ng mga kaibigan kong mamayabas sa bundok ng Bunganay. May nadaanan kaming isang taong nagahukay at lampas tao na ang lalim ng nahukay. Tinanong ko kung ano ang inahukay niya. "Burot-burot!", sabay nguso sa may likuran namin na kung saan naroon ang mangilan-ngilang burot-burot na nahukay na nga niya. Kasarap sa lahat ng rootcrops ng Marinduque ang burot-burot. Sarap nito lalo kung tama sa pagkakaluto at maligat-ligat. Bihira laang ngani akong makatiyempo. "Ang sarap niyan!", say ko. "Para sa baboy!", sagot sa akin. Para sa baboy ngani. Dahil pagdaan namin pabalik sa paanan ng bundok ay hustong pinapapak ang mga burot-burot ng kanyang nag-iisang alagang baboy. Ilang oras ng paghihirap, pagpapawis, pagpapagod sa paghuhukay ng malalim para makakuha ng ipapalamon lamang sa masuwerteng baboy. Gan-on po ngani doon! PUTING TSONGGO 1 (SA GASAN ITO NANGYARI) Naging balitang-balita sa Gasan noon ang tungkol sa ginawang 'sumpa' ng isang puting amo (tsonggo, unggoy), laban sa isang kabataang lalaki. Nakita ng lalaki ang tsonggo sa isang maliit na yungib sa tabing-ilog na kung saan siya at ang mga kasamahan ay napadako. Narinig ng mga kasamahan ng lalaki ang mga salita mula sa kanya na ang buod ay ganito: "Diyan pala kayo nagatago ha? Lilipulin ko kayong lahat!", sabay itinapon sa loob ng yungib ang kanyang hinihitit na sigarilyo. Sa daan pa lamang pabalik sa kani-kanilang mga tirahan ay hindi na maganda ang nararamdaman ng ilang mga kasamahang babae. Nahihilo at tila nagbabago diumano ang kanilang mga anyo, pero kaagad bumalik din sa normal ang mga ito pagkauwi. Napuruhan naman diumano ang lalaking kabataan. Nagbago ang kanyang anyo. Kumapal ang mga labi nito at nagmistulang hitsurang unggoy! Sa kasamaang palad, hindi na nagamot ang lalaki at biglang-bigla, kapagkuwan, siya ay sumakabilang-buhay makaraan ang ilang araw ng pagkaratay sa higaan. Katotohanan o pantasya? Para sa maraming nakipaglibing, pamilya at mga kaanak ng yumao, ang istoryang dinetalye dito ang katotohanan. PUTING TSONGGO 2 (SA MALINDIG) May nakapagsabi sa akin na sa Manila Zoo pala ay may inaalagaan na isang puting tsonggo. Katulad din siguro iyon ng mga paminsan-minsan ay natitiyempuhan nating puting mga tsonggo sa Discovery Channel, pero hindi iyon ang mahalaga. Ang puting tsonggo sa Manila Zoo, diumano, ay galing mismo sa Marinduque at base sa nakasulat sa description ay nahuli sa bundok Malindig. Iyon daw ang nag-iisang tsonggong nputi sa Pilipinas na nakakulong. Mabuti siguro ang dito'y pag-aalaga, kaya't walang puwang ang ano mang sumpa! |