f Nang ika-22
ng Disyembre noong 1897, ay nagsirating sa
Biyak-na-Bato sina GG. Pedro A. Paterno, ang kapatid
nitong G. Maximino, ilang pat6grapo, isa rito'y
nagngangalang Arias, kastila, may-ari at
tagapangasiwa ng Agencia Editorial sa daang Carriedo,
Santa Cruz, Maynila, at ang dalawang pinaka-sanglang
Generales: Tejeiro at Monet, Heneral sa Eatado Mayor
ang una, at Heneral ng Brigada ang ikalawa, at
Komandante sa gitna ng Luson. Ang dalawang pinunong
ito, matapus malagak sa loob ng isang kagawaran ng
Panguluhang Hukbo, ay binabantayang mabuti na walang
maaaring kausapin kungdi tanging ang Pang-ulo ng
Republika, mga kagawad ug Gabinete 6 Sangguniang
Kagawaran at mga Heneral ng Panghihimagsik.
g. Nang ika-2
ng hapon nung ika-24 ng Disyembre, ang Pang-ulong
Emilio Aguinaldo, niyaong naghihingalo nang Republika
Pilipina, sakay ng magara niyang alasan at sa tanaw
ng mga Heneral. G. Tejeiro at G. Monet, mula sa
kinaroroonan ng dalawang ito, at ang malaking
katipunan ng madlang tauhan ng Panghihimagsik, kasama
aug kani-kanyang pamilya, sa gitna ng liwasan (plaza)
at ng sigawang "Viva España!", saka
sinusundan ng isang malaking pulutong ug mga pinuno,
ay nagpasimula ng paglakad. patungo sa
masaganang bayan ug San Miguel de Mayumo (Bulakan) at
saka nagtungong Baliwag at dito natulog aug madlang
magkakasama; kinabukasan ay nagtungo ang lahat sa
himpilan ng tren ng Malulos at Barasoain, at matapus
pumisan dito si G. Pedro A. Paterno, sugo ng
kasunduan, at marami pang pinuno ng, panghihimagsik
sa malaking pangkat na galing sa Biyak-na-Bato, ay
lumulan sa tren na patungong Dagupan (Pangasinan) na
pinag-aantayan na noon ng isang sasakyang-dagat,
upang sila'y ihatid sa Hongkong. Ang langkay ng mga
naghihimagsik na pinangunguluhan ni G. Aguinaldo at
hatid ni G. Paterno, at ng Koronel G. Miguel Primo de
Rivera, ay binubuo ng maraming pinuno ng
Panghihimagsik, kasama rito ang niga sumusunod:
G. Vito Belarmino,
Heneral ng dibisiyon at pangsamantalang direktor
de guerra.
G. Antonio Montenegro, direktor de Estado
G. Mariano Llanera, Tenyente Heneral.
G. Tomas Mascardo, Heneral ng Brigada.
G. Salvador Estrella, Heneral ng Brigada.
G. Lazaro Makapagal at Lakandula, Koronel.
G. Agapito Bonzon, Koronel.
G. Wenceslao Viniegra, Koronel.
G. Benito Natividad, (taga-Nueba Esiha), Koronel.
G. Gregorio del Pilar, Koronel
G. Silvestre Legazpi, Tesorero Heneral.
G. Jose Ignacio Pawa, Tenyente Koronel.
G. Vicente Lukban Koronel Ingeniero.
G. Anastacio Francisco, direktor ng Sanidad.
G. Celestino Aragon, Opisyal ng sanidad.
G. Agustin de la Rssa, idem.
G. Primitivo Artacho, idem.
Dr. Viola, (taga-San Miguel de Mayumo) at saka
isa pang nagngangalang Leon Novenario, taga
Pateros, na naging ayudante ni
"Vibora".
40.
Kilusang panghihimagsik sa ilang lalawigan ng
Kapuluan.Samantalang nasa paglalayag
na patungong Hongkong ang unang nagsipaglakbay na mga
naghihimagsik na pilipino, ay minabuti kong pigilin ang
pagtatala at umurong uli, upang mabanggit ang ilang mga
bagay-bagay na nangyari sa ibang lalawigan mula pa nang
mga unang araw ng pagkabigo ng panghihimagsik, na
matatawag nating "Pagkilus ng Katipunan",
pagkat ang watawat ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan ang
tanging nawagayway at sinagisag at siya rin ang naghatid
sa libingan sa bangkay ng Republika Pilipina, na sumilang
sa gitna ng di-kawasang mga kaligaligan sa bahay-asyenda
sa Teheros, San Francisco de Malabon, Kabite.
a.
Pangkat na manghihimagsik sa pook na tinatawag na
Kakaron na nasa mga pag-itan ng Bigaa, San Rafael,
Anggat, Bukawe at Bustos ng lalawigang Bulakan.
Kapagkarakang umalingawngaw ang napakatinding tinig
ng Panghihimagsik sa kalawakan ng Pilipinas, na
nilikha ng di mangalanang pamamaslang ng mga kastila
at mga pilipinong maka-kastilaan, na sa balanang
taong-baya'y ginagawa, nang walang itinatanging
matanda ni bata, lalaki ni babae, lalung-lalo na ng
mga nagsipag-aral at nakaririwasa, na may kabansagan
sa kanilang mga kababayan, at gayon ding yaong tmga
walang kadahi-dahilang fanghuhuli, pngpapatapon at
madalas na pagpapabaril nang walang litis-litis,
tungkol sa hini-hinalang mga pagkakasala, ang
isang gurong nagngangalang Eusebio, kilala sa tawag o
sagisag na "Di-Mabunggo", taga bayan ng
Bustos; si G. Felipe Estrella, sa Kingwa; G. Isidoro
Torres, sa Malulos; G. Melecio Carlos, sa San Miguel
de Mayumo; G. Simon Tecson at Bustamante; Dr. Viola
at kapatid, sa San Miguel din; at marami pang litaw
na taga iba't ibang bayan ng Bulakan, matapus iwan
ang kani-kanilang tahanan at ari-arian sa loob ng
kabayanan, ay sama-samang nagsipangubli sa liblib ng
mga kagubatan, upang mailag sa sakuna, Si
"Di-Mabunggo" at si G. Felipe Estrella at
iba pa, ay nagsihantong sa tinatawag na pook ng
Kakaron, at si G. Isidoro Torres naman at iba pa sa
Masukol at Binakod, na nasa pag-itan ng mga bayang
Santa Isabel at Bulakan, kabesera ng lalawigan.
b Ang pook ng
Kakaron ay tinayuan ng mga tanggulan nina
"Di-Mabunggo" at Estrella, at may sampung
libo ang taong tinipon nila roon; bagamat labing-pito
lamang sa mga ito ang nasasandatahan ng mga
eskopetang may iba't ibang sukat, kasama na ang mga
lantakang ginagawa din doon na mga tubong bakal na
kinalupkupan ng kahoy at binilibiran ng kawad ng
telegrapo; subalit sa pamamag-itan ng tanggulan at mga sandatang ito lamang, ang naturang pook ay naging matibay na di mapasok ng halos walang puknat na paglusob ng mga kastila, na tuwi na'y napipipilan at nagiiwan ng mga bakas na lubhang mahalaga sa rnga nagtatanggol. Nakuha ngang nanatili ang himpilang Kakaron mula ilang buwan ng Agosto, 1896, hanggang noong Abril ng 1897, na ikinahulog niya sa kamay ng mga kastila, na katiyap ng maraming mga pilipinong kusang-loob na pinangunguluhan ng isang nagngangalang Kapitan Jose Santa Maria, na ilang araw pa bago isagawa ang pagsalakay, ay nakapagpa-labas-masok nang malimilt ng ilang kataong nakihalubilo sa mga naghihimagslik, mga taong kanyang pinagbilinang pagkarinig nila ng mga unang putok sa mga pangunahing tanggulan ng pook ng mga naghihimagsik nang naturang araw na pagsalakay, ay susuhan nila ng apoy ang mga bahay na hinihimpilan ng madla sa loob ng Kakaron. Ang lihim na ito'y natukilasan ng mga naghihimagsik,
pagkat natutop ang mga naturang tiktik na sa ilalim
ng pangangako sa kanilang ipatatawad ang kanilang mga
buhay, ay nagsipagsabi ng tapat ukol sa naturang kalihiman. Dahil sa kaparaanang ito at dahil pa rin sa noo'y kalahati lamang ng mga kawal ang nagtatanggol sa Kakaron, pagkat ang kalahati'y lumabas at nilusob ang San Rafael, ay nahulog nga ang himpilang Kakaron sa kamay ng kaaway, na sa malaking poot ay tumulad sa hayop na mabangis sa pagpatay sa lahat ng natagpuang tao sa loob, at may sugat at walang sugat, lahat, lahat ay pinag-uutas. Sa pagkakuhang ito ng Kakaron, ay namatay ang humigit-kumulang sa tatlung libong tao, babai't lalaki, matanda't bata.
Iang araw, pagkatapus ng kakila-kilabot na pagkasawing
ito sa Kakaron, ang paug-unang pinunong si "G.
Di-Mabunggo" o si maestro Eusebio, ay nahulog
din sa kamay ng mga kastila sa nayon ng Sili (Anggat)
at siya'y dinala sa kabesera ng lalawigan na siyang
pinagbarilan sa kanya. Dahil sa kakila-kilabot ngunit
karangal-dangalang pagkamatay ng gurong Eusebio, ay
nakapag-iwan siya ng mga huli at mabubuting katibayan
ng kanyang pagka-magiting makabayang lagi nang
magugunita ng kanyang mga kababayan sa Bustos,
kailanmat sila'y makakikita ng isang pirasong papel,
pagkat siya'y namudmod ng mga pira-piraso at binilog
na papel na kinasusulatan sa gitna ng isang kurus at
sa paligid nito'y mga salitang latin, mga papelitong
kawangis ng mga ostiyang ginagamit ng mga paring
katoliko sa simbahan, at may iba't ibang laki:
may gapisong kastila, may kasing-laki ng piseta at ng
tig-lalabinganim na kuwalta. Itinanim ni
"Di-Mabunggo" sa budhi ng kanyang mga tao
na ang sinomang kumain ng naturang papelito at
sumagasa sa harap ng kaaway sa kasalukuyang
paglalaban, ay hindi mapapahamak ni hindi magdaramdam
ng gutom. Halos ang lahat ng kanyang mga tao, ay
nagsisihingi sa kanya ng naturang papelito at
kanilang isinusubo sa harap niya, samantalang siya
nama'y may ibinubulong na mga salitang di maunawaan.
Sa paraang ito, at sapagkat ipinahayag din naman ni
"Di Mabunggo" sa kanyang mga tao na
sinomang maabutan ng kanyang tanaw sa mga sandali
(momento) ng paglalaban at kanyang mahagisan ng
mapaghimala niyang basbas, ay magiging ligtas sa
anomang sakuna at sa anomang kahirapan sa buhay, ay
natamo niyang mapapanalig ang kanyang mga tao; kayat
ang mga ito, sa paniniwalang hindi sila maaano sa
pakikilaban, ay nakipagbakang singbangis ng león sa
paligid-ligid ng di malilimutang Kakaron, pook na
hanggang sa sandaling ito'y kinakikitaan pa ng mga
kalansay ng taong hindi na naibaon.
c Pagkatuklas ng
Biyak-naBato ni G. Isidoro Torres. Ang mga
taong nakatakas sa kakila-kilabot na patayan sa
Kakaron, matapus makipanig sa mga kawal na, gaya ng
nasabi na'y nagsisalakay sa San Rafael na ikinamatay
tuloy ng pinunong Felipe Estrella, na
pinapangalawahan ng isang nagngangalang Tato, isa sa
mga mayayaman sa Kingwa,ay naki-pangkat na lahat sa
kay G. Isidoro Torres sa himpilang Masukol at
Binakod. Si G. Torres ay inihalal nila noon na
Kapitan Heneral ng Hukbo sa naturang himpilan. Dahil
sa pagdami nang mga tao ni G. Torres, at sa
pangingilag na baka mangyari naman ding gaya sa
Kakaron, pagkat ang Masukol ay gaya rin ng nauna
(Kakaron) na naliligid ng mga bayan-bayan at mga
kaparangang linis na linis, ay minarapat ni Heneral
Torres na iwan na yaon kasama ng lahat niyang mga
tao, at nang makarating sila sa may baybayin ng dagat
Pasipiko, ay humantong sa isang bundok, na hangga
ngayo'y kilala pa sa tawag na Biyak-na-Bato, pamagat
na ipinagiging-dahil, kaipala, ng pangyayaring sa
naturang pook, ay may isang yungib na pinamamahayan
ng malaking langkay ng mga kabagkabag na, sa tuwing
ika-5 ng hapon sa araw-araw, ay umaalis sa paghanap
ng makakain at di tumitigil kungdi sa mga ika-8 na ng
gabi, na walang puknat na paghahakot ng mga butil ng
palay at halos magdalawang dipa ang kalapad ng
kanilang hanay sa paglabas na mahahayag dahil sa
ugong. Si G. Torres ay nilusob din sa pook na ito ng
mga kastila, ngunit sa tulong na makabuluhan nina GG.
Melecio Carlos, Simón Tecson Bustamante, Cabling at
iba pa, ay napipilan nila ang mga kaaway, at kanilang
naitaboy hanggang sa may dakong San Miguel de Mayumo,
pagkatapus makapagiwan ng maraming patay sa ilog
Biyak-na-Bato, na pawang doon na lamang nangabulok.

d.
Ang batang-batang H. del Pilar at ang pagtambang na naganap sa nayon ng Atlag, Malulos.
Si G. Gregorio H. del Pilar,
binatang may 18 taon lamang, sibol sa Bulakan, kabesera ng lalawigan ding ito, batsilyer sa Artes sa Unibersidad ng Santo Tomas (Maynila I. F.), matapus iwan ang kanyang pag-aaral na pinasimulan noon 1890, ay napasa kaparangan ng dangal na uhaw sa dugo, upang tumulong, taglay ang kanyang mga kaalaman at katapangan sa mapangnib ngunit maningning at marangal na gawaing paglagot ng tanikala ng kaalipinang gumagapus sa lahi at bayan nina Lakandula, Raha Soliman, Burgos, Gomez at Zamora at, nang siya'y makapangubli sa pook na tinatawag na Late, sakop ng Malulos, ay nagpasimula na siyang maisagawa ang kanyang mga balak at tangkang mapupusok. Babahagya pa siyang nakapagtitipon ng ilan-ilang kataong may mga buong loob, ay nakapangahas nang manambang sa nayon ng Atlag sa isang pangkat na mga kasadores na kastila na noo'y kasalukuyang nangagsitungo sa kabayanan ng Malulos, kasama ang kura sa bayan ding yaon. Halos di pa napapaloob na mabuti ang mga kastila sa hanay ng mga taong nakatago at naghihintay sa kanila, ay bigla na silang sinugod at pinagtatabas ng taga, na sa pagkagulat at pagkagulumihanan, ay di man lamang nakuhang makapagpaputok, bagkus nagpulasan ng takbong sabug-sabog, matapus iwan ang pitong kasama, mga baril at punlong maraming marami at pati ang kura'y nabihag na buhay ng mga naghihimagsik.
e
Magandang patibong na ginawa sa Paumbong ni Gregorio H. del Pilar. Udyok ng kasiglahang naghahari kay G. H. del Pilar, dahil sa tagumpay na natamo sa una pa lamang pakikipanagpo sa Atlag, ay nakuha niyang natutop muli ang buong pangkat na kastilang natatanod sa bayan ng Paumbong. Ito naman ay utang sa magandang kaparaanang ginawa niya, matapus makalapit na unti-unti sa mga kaaway at mapapagtago ito sa Kombento ng kabayanan. Isang umaga ng araw ng lingo, magkakalahati na ang taong 1897, ang mga kasadores na batbat ng sandata, ay dumalo sa misa mayor at nagsilagay, na hanay apat-apat, sa gitna ng simbahan. Pagtugtog ng kampanilya upang ibabala ang "Sanctus, Sanctus, Sanctus" na ipinanikluhod ng buong kataimtiman ng madla, lalunglalo na ng mga naturang kawal na kastila, ang mga ito'y biglang hinandulong at pinagtalukupan ng mga taong sandatahan ni Gregorio H. del Pilar na di nangainong nasa loob din ng simbahan noon, dahil sa nangakasuot babae at may mga kalung-kalong na mga batang pasusuhin, na yari lamang sa pinagpira-pirasong katawan o puno ng sasa, at salamat dito't naikanlong sa mata ng kaaway ang
dalang mga gulok at sundang na pamatay.
Samantalang ito'y nangyayari, ang mga tao namang nanga sa labas ng simbahan at sa may hagdanan ng
kombento na nagkatipong sadya roon sa pamamag-itan ng dahilang hinihintay nila ang kura,
upang sila'y magpamisa na patungkol sa kanilang mga
kamag-anak, ay sila naman ang lumusob sa mga
guwardiyang bantay sa may pinto ng simbahan at sa
iba pang gawi ng kombento. Ang lahat ng mga kawal
na nataungkulang gumanap ng kaparaanang ito, na ang
naging bunga'y ikinabansag na gayon na lamang ni
Gregorio H. del Pilar, ay buong dahas at
katapatang-loob na tumupad ng kani-kanilang
tungkulin, na lubhang ikinasiyang-loob ng nasabing
pinuno at ng lahat ng nangulong kauna-unahang
nagpasimulang humandulong sa mga kaaway. Sa mga
pinunong ito, ay kasama ang mga sumusunod:
Julian H. del
Pilar, Tenyente Koronel; Juan Pugo, Komandante;
Inocencio Tolentino, Kapitan; Kapitan Tenyong, na
tinatawag na "Tenyong Kastila", taga
Santa Isabel, at Juan Fernando, taga Giginto at
"Juez instructor" sa hukbo ni Gregorio
H. del Pilar, na mula noo'y, napabilang sa
Hukbong Naghihimagsik sa tungkuling
"Koronel".
Sa mga armas na
nasamsam sa pagwawaging ito, ay pinagpapalitan ang
yaong mga sandatang palapa ng sasang hugis-baril na
sadyang ipinagamit ni G. H. del Pilar sa kanyang mga
tao, upang maipakita lamang sa kaaway na siya'y
maraming armas na dala.
f.
Kagitla-gitlang pagpapatayan sa San Rafael.
Ito ay nararapat itala kapagkarakang matapus ang
labanan sa Kakaron, pagkat nangyari nang araw ding
yaon; ngunit dahil sa pagkakaligtang hindi
sinasadya'y hindi man lamang nasambit, at sapagkat
naging isa sa mga lalong mahalagang bagay sa
panghihimigsik. ay napag-akala kong karapat-dapat
ilahad ngayon dito. Marahil magugunita pa ng bumabasa
na nang umagang-umaga noong araw ng pagkasalakay sa
Kakaron, ang kalahati ng pangkat ng mnga kawal nito,
ay umalis at sumalakay naman sa San Rafael, na ang
mga kawal kastilang tanod dito'y kakaunti ay napipilang buo sa likod ng apat na oras na
paglalaban sa mga naghihimagsik na lumusob. Sa
malaking galak ng mga nagtagumpay, ay nalibang sa
pagbabalita sa kanilang mga kaibigan tungkol sa
buhay-buhay nila sa pook na kinahihimpilan, samantala
namang sina G. Felipe Estrella, ang pangalawa niyang
si Tato, taga Kingwa. at iba pang mga pinuno, ay
nagsisihingi ng abuloy na bigas at iba pang pagkain
sa mayayaman sa bayan, upang madala nila sa Kakaron.
Nasa ganito silang kalagayan nang dumating ang isang
taong nanggaling sa kalapit ng Kakaron at
nagbigay-alam kay G. Estrella na ang himpilang yaon
ay kasalukuyang nilulusob ng maraming kastila, kung
kaya noon din, si Estrella at kanyang mga tao, pati
ng marami pang taga-San Rafael, dala ang mga armas na
kanilang naagaw sa nasabing bayan, ay nagsilakad nang
buong pagmamadali, upang abuluyan ang mga naiwang
kasama; ngunit hindi pa halos sila nakalalabas sa
kabayanang nililisan, ay natanaw na sa malapit ang
makapal na kaaway na kumukubkob sa kanilang paligid,
at sa gayo'y wala nang nagawa kungdi biglaang
magsiurong ang mga ibang kawal at taglay ang kanilang
mga armas na nagsipasok sa ilang malalapit na
tindahan at nakihalubilo sa mga may-ari nito; ang mga
iba'y nagsitakbo na walang malamang sulingan, at ang
mga iba pa'y nagsipagkulong na kasama ng makapal na
taong-bayan sa simbahan at kombento. Ang mga
da-dalawang oras pa lamang nagtagumpay, ay siyang
ganap na nangapipilan noon sa biglang dating ng
kaaway, at maging ang mga nagsipangubli sa
bahay-bahay, maging ang nagsipasok sa simbahan at
kombento, na halos binaha ng dugo, ay pawang
nangapuksa, sampu ng mga may-bahay, may kasalanan at
walang kasalanan. Tinitiyak ng marami na sa patayang
ito ay mahigit sa dalawang libo katao ang nangapuksa,
kasama na rito ang dalawang pinunong Estrella at
Tato.
g Mga mahalagang pangyayari sa
Giginto.(Bulakan) Pagkaalam ni
Fr. Leocadio Sanchez, agustino at naging kura sa
bayan ng Norsagaray, Bulakan, sa pamamag-itan ng
kanyang kalunyang nagngangalang Paula Bafia at ng
Gobernadorsilyo Manuel Gatchalian, na sumipot ang mga
katipunan sa Giginto, na noo'y kasalukuyang
pinagkukurahan niya, ay nagsuplong agad-agad sa
pinuno ng mga kasadores na natatanod sa bayan at
ipinahuli niya aug mga sumusunod na ginoong
tagaroon:- Espiridion Fernando, Jose Kapulong,
Basilio Mojica, Mariano Angtanda at Francisco
Palipat.
Pagkatapus ng di
kakaunting pahirap na ginawa sa lima kataong ito, ay
pinagbabaril at ang kanilang mga bangkay ay patagong
ipinabaon sa libingan ng bayan.
Ang inasal na ito sa
lima katao ng walang anomang paglilitis, ay
ikinabalisa ng mga taga-Giginto at ipinag-isip ng
paghihiganti. Noon din ay kumilos ang magpinsang
Paulino at Agapito Garcia, kapwa naninirahan sa
nayong Tabang, Giginto, at pinatay ang dalawang kawal
na kasadores na malimit nagsisilabas sa kanilang
himpilan at nangloloob sa bahay-bahay, na matapus
pagpapadapain ang lahat ng maratnang tao sa loob, ay
hinihingi ang susi ng mga kaban at baul. Upang
maitago ang katampalasanang ito sa mata ng mga
kastila at maka-kastila sa bayan, ang mga bakas at
bahid ng dugo ng dalawang pinatay, ay pinagsasabuyan
ng alikabok ng mga babaing natitira sa kalapit na
bahay, na pinangyarihan ng pagpatay na nasa may
bungad lamang ng nayon, mula sa bungad na ito
hanggang sa pook ng Pinyahan na pinaglibingan sa
dalawa.
Pagkaalam,
kinabukasan, ng mga pinunong kasadores at sarhento sa
himpilan ng Giginto sa pagkawala ng dalawang kawal,
kapagkaraka'y ipinag-utos sa mga kawal ang
pagsisiyasat sa lahat ng bahay-bahay sa kabayanan, at
sapagkat hindi makakita ng anomang bakas na sukat
ikakilala sa naturang pagkamatay ng dalawang kasama,
sa malaking pagkapoot ng punong kasadores sa lahat ng
taong-bayan, ay nag-utos ng ibang paraan ng
pagsisiyasat. Kinabukasan noon, at nang kasalukuyarg
nagmimisa, na sanhi ng ipinagkatipon ng maraming tao
sa simbahan, sapagkat sa Pilipinas nang
kasalukuyang nangyayari ang panghihimagsik, ay lalung
napagkilala sa taong bayan ang banal na pag-ibig sa
Diyos nang higit sa alin mang panahon ng kapayapaan
ang ginawa ng nasabing pinunong kastila, ay
ipinag-utos sa kanyang mga kawal na bantayan ang mga
pinto ng simbahan at huwag tulutang may isa mang
lumabas na tao, man tapus ang misa, hangga't walang
sinomang nagsasabi ng totoo sa pagkamatay ng dalawang
kawal na hinahanap. Dahil sa pasyang ito ay isang
matandang babaing nagngangalang Buro ang kusang
humarap, sa pamamag-itan ng kurang Leocadio Sanchez,
at nagsabing noong kamakalawa sa gabi, ay nakita
niyang nagdaan sa nayon ng Tabang ang dalawang
kasadores na patungong kabesera ng lalawigan. Nang
masiyahang-loob ang pinuno sa pahayag na ito, at ng
maypahinto ang pagpapabantay sa simbahan, ay lumakad
na kasama nang lalung maraming kawal na kasadores at
nagtungo sa labasan ng nayong Tabang; dito'y
pinagdadakip at pinigil ang lahat ng taong
masumpungan at makita sa daan, at dahil sa isa man sa
mga taong ito'y walang makapagsabing tumpak sa
itinatanong bagay sa dalawang kawal na nawawala, ay
ipinag-utos sa rnga kawal na pagbabarilin noon din
ang lahat, utos itong sinunod, kaya sa mga
kulangpalad na pinaghuli ay wala isa mang nakaligtas
sa biglang kamatayan. Ang dami ng mga bangkay na
natimbuwal sa paraan ding yaon, ay may pitong kariton
na pawang ipinadala sa kabesera ng lalawigan.

g.
Ang kura Leocadio Sanchez at anim pang prayle at
isang doktor na kastila sa himpilan ng tren sa
Giginto, Nang kasalukuyang ang
magkakasamang ito'y nagsisipaghintay sa pagdaraan ng
tren patungong Maynila, ay dinaluhong sila't sukat
nang isang pangkat na taong may mga gulok at sundang
at inagawan ng mga riple at rebolber, at sinamsam
tuloy pati ng mga armas sa himpilan ng tren. Ang
pangkat na lumusob na, sa udyok ng pari Valentin
Tanyag, sa Taguig (Maynila) kaya nagsitungo sa
himpilan ukol sa gayong bagay, ay binubuo ng nga
sumusunod:
Inocencio
Tolentino, Kapitan; Paulino Garcia, Benito
Garcia, kapatid ni Agapitong nabanggit na sa
unahan, Angel Valencia, Kabisang Gracio, isang
nagngangalang Albino, kapitan; Simon Landayan,
Ape Alimango at ilan pa.
Ang lahat ng
magkakasamang kastila ay napatay, matangi ang isang
prayle, na bagamat nasugatan ng malubha, ay nakuha
ring makalulan sa tren, na natatanaw na lamang na
dumarating nang sandaling nagsisimula pa lamang ang
patayan. Dapat banggitin na nang si Fr. Leocadio
Sanchez, ay ulusin sa may dibdib, ng papatay sa
kanya, ay agad nakaganti at ang sumaksak ay nabigyang
bigla ng isang hataw ng riple na ikinabuwal na halos
walang-malay, ngunit siya'y (si prayleng Sanchez)
tumimbumwang din noon na wala nang hininga, at sa
gayong paraan natapus ang prayleng yaong, nang
nabubuhay pa ay gumawa ng maraming katampalasanan.
Tangi sa naiyulat na sa unahan nito, ay napakarami pa
ang mga kapanganyayaang nilikha niya na iniluha ng
mga pinangyarihang mag-aanak sa Giginto, isa na rito
ang angkan ng binatang Cesareo Galawgaw, batsilyer sa
Artes, na dahil lamang sa di paghalik ng kamay sa
kurang Leocadio, nang maratnan nito sa bahay ng isang
magandang dalagang nagngangalang Jacoba, pagkat
maging si Galawgaw at maging ang kura'y nangingibig
sa dalagang iyon, ay naging sapat na, upang
ipabilanggo ang binata, dahil sa dikono'y may
pagka-pilibustero na siyang ipinalalagay na tanda ng
Katipunan, at sa bilanggua'y tumanggap ng di
gagaanong pahirap at pag-alipusta. Idagdag pa rito
ang kapahamakan ng mag-amang, kapwa
kabesa-de-baranggay, na sila GG. Domingo Jose at
Veronico Jose, na nagsilabas sa kaparangan,
pagkabalita ng walang patumanggang pagbaril na ginawa
sa nayong Tabang. Pagkaalam ng kurang Sanchez sa
pagkawala sa loob ng bayan ng mag-ama, ay nagtungo sa
kanilang bahay, at matapus takutin ang anak na babae
ni Domingo, na nagngangalang Bernardina, na siya
lamang dinatnan, at nang di makapagsabi ng tunay na
kinaroroonan ng kanyang ama't kapatid, ay sinugod ang
murang-murang dalaga, at saka nilugsuhan ng puri na
naanakan tuloy ng isa.
May nangyari pang
iba't ibang pagkakapanagpo ng mga kastila't
taung-bayan sa mga bayan-bayan ng Bulakan na halos
pawang mahahalaga, dahil sa di pangkaraniwang tapang
at kapusukang-loob na ipinamalas ng isa't isang dako,
ngunit mga labanang itong dinaramdam kong di na
mapagtatandaan, gaya halimbawa ng nangyari sa Minuyan
(Norsagaray), nang di pa lumilipat sa Biyak-na-Bato
si G. Emilio Aguinaldo; labanang ikinalitaw tuloy ng
salot sa Minuvan, dahil sa mga bangkay ng taong
nagkalat na nangaiwan na lamang, noong ang nasabing
pook ay lusubin ng mga kastila, sapagkat nalamang
kinahihimpilan ng mga naghihimagsik.
Ang mga taga-lalawigan
ng Bulakan, gayon din ang mga taga-Nueba Esihang
pinangunguluhan ng bantog na naging Gobernadorsilyo
sa Kabyaw, na si G. Mariano Llanera, at ng anak
nitong Eduardo, at ang mga taga-lalawigan ng Bataan,
ay nagsipagtiis din ng malupit na kapootan ng mga
kastila nang higit kaysa taga-ibang lalawigang
kinalaganapan ng Panghihimagsik.
41. Ang
mga unang kilusan ng Himagsikan sa lalawigang Laguna de
Bay.
a.
Ang bayan ng Bay. Labing pitong
katipunang taga-Bay ang una-unang nagpalaganap ng
kilusang manghihirimagsik sa lalawigang Laguna de
Bay, pagkat kararating pa lamang nilang buhat sa
Pasig (Maynila) na pinag-aniban nila sa Katipunan, ay pinakalat na sa
isa't
isang bayan ang balitang sa Maynila at sa iba pang mga lalawigan, ay marami na ang mga
"mason", mga
tao itong kung ilarawan nila'y ibang-iba sa
katotonanan at sinasabi sa mga taong di nakapag-aral,
kayat paniwalain, na ang mga naturang
"mason" ay higit pang mababangis kaysa mga
leon at lobo, na alalaong bagay makapagbigay sana ng
sindak na higit sa pagkapoot. Subalit ang lalong
malakas na nakapagpalaganap sa alingawngaw na itong
gawa-gawa lamang, ay ang mga sermon ng kurang prayle
na sa tuwing magmimisa kung araw ng linggo, ay
tumutukoy sa mga kaanib ng "Masoneria" na
malimit niyang tawaging "mga demonyong
nag-anyong-tao." Ang kakila-kilabot na
bulung-bulungang ito, ay nagpasimulang kumalat noong
Abril ng 1896, at nang magsimula ang Setyembre ng
taon ding yaon, ang Kapitan munisipal na si G.
Agustin na pinalalayawang Putol, ay siyang nakatuklas
ng mga may kagagawan ng nasabing balitang tuwi na'y
ikinagugulantang ng lahat ng mag-aanak, palibhasa ang
naturang Agustin Putol, mula nang maulinigan ang
bulung-bulungan, ay kumilos, sa atas ng kura, upang
pangamuyan, at nang nagtatangka na ang naturang Putol
na manghuli, ay natatago nang mabuti ang mga nagbinhi
ng Panghihimagaik sa nayong Tarangka, sakop ng Laguna
de Bay. Ang mga nahihimpil sa Tarangka, sa
pagnanasang magkaroon ng mga armas, ay nagsisalakay
sa kabayanan noong isang martes ng umaga ng naturang
buwan ng Setyembre, sa ilalim ng pangungulo ng isang
nagngangalang Mateo Andas, na nakasuot Heneral ng
Komedya, at sa tinig niyang parang kulog kalakas,
mula sa bungad ng kabayanan, ay sumisigaw na walang
puknat ng "mason"! "mason"!
"mason"! Ang mga kuwadrilyerong nagsipgsara
sa bahay-pamahalaang-bayan sa tangkang makapananggol,
pagkarinig sa salitang "mason" ay
nagsipanginig, at nang si Mateo Andas ay dumating sa
liwasan ng bayan na sumisigaw ng "mason",
"mason" at sa kanyang maringal na kasuutan,
sa halip na siya'y tuunan ng mga kuwadrilyero ng
baril, ay inihagis ng mga ito sa kanya (kay Andas)
ang mga eskopetang nangasa kanilang mga kamay pati
mga punlo, pagkat ito ang siyang ipinag-utos sa
kanila ni Andas, upang maligtas ang kanilang mga
buhay. Matapus masamsam ang mga armas na ito ng bahay
pamahalaan at ng sa ilan-ilang taung bayan, si Andas
at mga kasama, ay nagtuloy nang umalis na walang
tigil-tigil, upang magbalik sa pook na kinahihimpilan
nang di man nakagunitang humingi ng kahit na ano sa
mga namamayan.
b Pagkabalita sa
nangyaring ito ng Gobernador na kastila sa lalawigan, ay madaling nagtungo sa bayan ng Bay kasama g mga dalawampung artilyerong kastila, at pagdating ay ipinatawag ang mga litaw na tao sa bayan, na
karamihan nama'y nagsidalong hindi man nagluwat. Samantalang
nagsisirating sa kombento na tinigilan ng Gobernador
ang mga naging Kapitan at Kabisa, mga Kabisang
kasalukuyan, at iba pang mga tanyag na maginoo sa bayan, ay
isa-isa silang nililitis ng nasabing pinunong kastila, at
dahilan sa di nasisiyahan ito sa mga sagot sa kanya, ang mga
nililitis ay
ipinakukulong sa isang sadyang silid, at dito'y
sinusunggaban sila ng dalawampung artilyero at
iginagapus na abut-siko-siko sa pamamag-itan ng lubid
na yantok. Kabilang sa mga dumalong ito sa kombento,
na pagkaraka'y ipinadala sa tapunang Chafarinas
(Aprika), matangi si G. Agustin Putol, G.
Alejandro Quidayan at G. Venancio Cueto, pagkat itong
dalawang huli ay pinagtagubilinan ng Gobernador na
silang mangalaga sa katahimikan sa buong kabayanan ng
Bay, ang mga sumusunod: G. Andres
Baria, G. Juan Hernandez, G. Domingo Hernandez, G.
Pascual Estrada, Direktorsilyo; G. Miguel Estrada, G.
Eugenio Carrillo, G Saturnino Causes, G. Pedro Primo,
Donato G. T. A. Y., Kapitan ng mga kuwardilyero.
c
Sa bayan ng Pagsanghan at Santa Cruz. Sina
GG. Severino Tacino, taga Pagsanghan; Francisco Abad
at Roldan at kapatid nitong Cayetano, Narciso
Kabantog at Mariano Malapot, ay nagsipangubli sa pook
ng Talongan, at matapus magtipon ng ilan-ilang katao,
ay nagsipasok na sa kabayanan, at dito na inayus ang
kanilang mga tao na pinagpangkat-pangkat at pinili
ang mga dapat maging-opisyal. Pagkabuo ng hukbo, ay
ipinamahayag ang pagka-pang-ulo ni G. Taeño at ang
naging pangalawa niya'y si G. Francisco Abad at
Roldan. Matapus ang paghihirang at nang mapagtalastas
ang ganap na pagsangayon ng madla sa kanilang
pang-unang pinuno, si G. Taeño ay nagbigay ng utos
na lahat ng pangkat ay magdaan sa ilalim ng isang
malaking watawat na sadyang inihanda ukol sa gayong
bagay. Pag-uumaga, kinabukasan, na isang araw ng
linggo ng buwan ng Oktubre, 1896, at matapus dumalo
sa misa nang sinundang gabi na ginanap, sa kahilingan
ni Taeño, ng paring pilipinong Koadhutor ng kurang
prayle, ay lumakad ang nasabing pinunong Taeño,
kasama ang buong hukbong nasasandatahan ng mga gulok
at sibat na kawayan, nagtungong Santa Cruz, kabesera
ng lalawigan, at pagdating sa bungad ng kabayanan ay
sumigaw ng buong lakas ng ganito: "Abanse ang
lahat!" Pagkarinig ng mga tanod na kastila sa
bayan sa nasabing sigaw, ay pinasimulaan ang
masinsing pagpapaputok: kaya sa sandaling oras
lamang, ay nakalatan ang mga lansangan ng mga bangkay
ng mga patay at sugatang, mga kabig lahat ni Taeño.
Palibhasa'y maraming totoo ang mga nangasawi sa mga
malalakas ang loob na lumululong sa dakong
kinalalagyan ng kaaway, ang bawa't isa'y napilitan
nang humanap ng kanyang mapangungublihang dako,
ngunit sa pagnanasang huwag nang iwan ang pagkubkob
sa mga kastila, ay nanganlong ang kakapalang
naghihimagsik sa harap ng libingan at handang lusubin
o harangin ang kaaway, kung sakaling lumabas kahit sa
pamamag-itan lamang ng kanilang mga sandatang walang
putok, ngunit hasang-hasa at matatalas. Sa ganito'y
ipinag-utos ni Taeño na sunugin ang bahay-bahay sa
kabayanan, upang matanaw ang mga kastila buhat sa
isang malayu-layong agwat. Nang marinig sa mga bayang
kalapit ang walang tilang paputok ng mga kastila, ay
naging isang parang tinig na pagibik, upang ang lahat
ng mga pilipinong maibigin sa kalayaan ng kanyang
bayan ay dumalo at sumakloklo sa labanan at itulong
ang kaya at magagawa, maipagtagumpay lamang ang
pakikilaban: katunaya'y paglampas sa
katanghaliang tapat ng araw na yaon, ay nagsirating
at pumisan sa nakikipaglaban ang di kakaunting tao,
ilan dito'y mga batikang tulisan na nagbabalita ng
lampas o kaya'y sa hangad marahil na mapapag-init ang
nanghihina nang kalooban ng mga tao, ay nagsabing
mapapasok nila, sa pamamag-itan ng igpaw o kaya
lundag lamang, ang kampanaryo ng simbahan kahit na sa
gitna pa ng walang puknat na paputok, at ang mga iba
nama'y naguutos sa madla na magsiluhod at humingi ng
awa sa Makapangyarihan bago isagawa ang inaasam-asam
na paglundag o pag-igpaw sa simbahan.
Ang mga paniwalaing di
nakapag-aral, o kaya'y dahilan sa ang natutukoy ay
ang paghingi ng tulong sa kalangitan, sa gitna ng
gayong pagkagipit, ay nagsisunod nang pikitmata, at,
nang nangakaluhod na, ay makapal sa kanila ang
nangamatay, pagkat pagkakita ng mga kastila sa gayong
anyong walang katinag-tinag, ay pinagpuputukan nang
buong kalamigang-loob. Gayon man, ang mga
sumasalakay, ay nag-isip pa rin ng lahat ng paraang
magagawa, upang magahis ang kalabang may mabubuting
sandata at katayuan; ngunit walang nangyari, kahit na
ayaw na silang iwan sa pagkakakubkob. Dahilan dito,
si G. Taeño ay nag-utos sa kanyang pangalawang si G
Francisco Abal at Roldan, upang magpatayo ng mga
tanggulan sa Sambal, pook na nagigitna sa mga bayang
Pagsanghan, Magdalena at Santa Cruz, upang maabatan
ang mga sasaklolong kawal-kastila na maaaring
manggaling sa mga lalawigang Batangan at Kabite.
Bago pa lamang
nasisimulaan ang paggawa, walang ano-ano, ang isang
makapal na pangkat ng mga kawal-kastilang nagbuhat
nga sa Batangan at pinanganguluhan ni Heneral
Jaramillo, ay dumating at sumipot sa harap na rin ng
ginagawang tanggulan, at ang pangunahing binubuo ng
rehimyentong pilipino blg. 70 na patiwarik ang mnga
baril. ay lumapit sa mga naghihimagsik at itinanong
ang kanilang pinuno. Ito naman ay lumabas
kapagkaraka, upang sumalubong sa pag-aakalang ang mga
dumating na kawal ay takas na nagsitalikod sa hukbong
kastila; subalit nakalakad lamang siya ng dalawang
hakbang sa labas ng kublihan, ay nagpasimula nang
magpaputok ang mgra kawal-kastila sa lahat ng dako na
sumawi sa makapal na naghihimagsik na nang sandaling
yao'y nagkakatipon sa Sambal, kasama na rito ang mga
kuwadrilyerong dati sa bayan ng Bay, sampu nang lahat
nilang eskopeta. Kailangan ding sambitin dito ang
sigaw na punung-puno ng pagkasindak ng Sarhento ng
mga kuwadrilyerong si G. Nicolas Gilel, na:-
"Iligtas mo po ako, Poong San Jose, sampung
pisong buwis", habang siya'y tumatakbong kasama
ng kanyang Kapitan at siya'y hinahabol ng paputok ng
mga Kasadores mula sa pook ng Sambal hanggan sa
sila'y mapapasok sa isang malawak na tubigang
palayan. Kasama ng mga nasawi sa labanang ito ang
pangalawa ni G. Taeño na si G. Francisco Abad at
Roldan.
d. Dahilan sa
pagkagahis na ito, ang mga tao ni G. Taeño ay
nagkasabug-sabog at ang isa't isa'y ummuwi sa kanyang
sariling bayan, upang magtago sa mga gubat na
inaakalang lalong malapit sa kanyang pook, at si G.
Taeño ay napahantong naman sa nayong Takyin o
Bainan, sakop ng Liliw; dito'y tumagal siya hangga
noong mga unang buwan ng taong 1897, na ipinagipon
niyang muli sa kanyang mga tao, lumipat sa nayong
Magallong o Lupok, sakop ng bayang San Antonio, at
dito'y nakipaglaban siyang mabuti sa mga kastila,
bagamat dumating din ang isang masamang pagkakataong
mapasabog uli ng kaaway ang kanyang hukbo na kahit sa
gitna man ng magulong pagtakas, ay di kinahahalataan
ng karuwagan. Sa mga namatay sa huling labanang ito
ay kabilang ang Tenyente abanderadong si G. Cayetano
Abad at Roldan. Gayon man, kahit na ang ikalawang
pagkatalong ito'y lubhang kakila-kilabot na gaya rin
ng una, si G. Taeño ay di rin kinakitaan ng
panglalamig, sa gitna ng maalab niyang pagsinta sa
tinubuang Lupa. Sa piling ng ilang-ilang kalalawigan
niya at saka ilang sandatang eskopeta, ay humimpil sa
nayon ng Balubad (Pagsanghan) at mula rito noong
Nobyembre, 1897, ay nagtungo sa Biyak-na-Bato sa
nasang mapasailalim ng pamahalaan ng Republika
Pilipina; siya'y tinanggap ng pangulo nitong si G,
Emilio Aguinaldo, ginawaran ng tungkuling
Pagka-Heneral ng Brigada at sa kanya pinahawakan ang
pamamahala sa kanyang lalawigan at ginawang pang-ulo
sa lahat ng kawal na tumatanod sa Laguna de Bay.
e. Maraming
paglalabanang nangyari sa loob ng lalawigang ito, at
isa sa mga makabuluhang di ko pa nalilimot ay ang
kinapasubuan ng kabisa-de baranggay na si G. Luis
Banaag, noong magtatapus ang Setyembre ng 1897 sa
nayon ng Makopa, San Pablo. Ang nasabing kabisa ay
napalaban sa isang malaking pangkat ng mga kasadores
na pinangunguluhan ng isang Sarhentong lumugso sa
kapurihan ng asawa ng naturang Banaag, at sa
kabutihang-palad, ay ito ang napaibabaw sa
paglalabanan at nakaganti sa karumal-dumal na
pagkadustang tiniis; kayat sa laki ng kapootan, nang
mapipilan ang buong pulutong at mapatay ang Sarhento,
ay pinugutan
ito ng ulo sa kanyang
kampilan, tinuhog pagkatapus at ibinandila habang
daan, samantalang ang hukbo niyang nagwagi, ay
lumalakad ng pag-uwi sa pook ng Putho, isa sa mga
bisig ng bundok Makiling, na siyang kinahihimpilan
nila, pati ng tropa ng Hen. G. Malvar.
Isa rin sa mga
pangyayaring mahalaga sa Laguna de Bay at marahil
siya pang lalong makatatawag ng pansin ng bumabasa,
ay ang nangyaring paglusob sa mga kawal-kastila sa
San Pablo, pagsalakay na pinanguluhan ni G. Mariano
Trias Closas, gaya ng naiyulat na sa unahan nito,
noong ika-9 ng Oktubre, 1897.
Gayon din maibibilang
na isa pang pangyayaring mahalaga ang pag-aalsa at
pagkaligalig ng mga taga Los Baños, na nangyari
noong buwan ng Oktubre, 1896, na ikinamatay ng di
kakaunting taung-bayan, babai't lalaki, matanda't
bata, hindi sa pagbabaka kungdi sa biglang-biglang
pagkakapatakbo, upang makalayo sa sakuna, pagkabatid
na ang mga kawal kastilang buhat sa bayan ng Bay, ay
dumarating upang lusubin ang mga naghihimagsik, na,
bagamat walang sandata kungdi dadalawang eskopeta
lamang na pang-ibon, ilang eskopetang tinatawag na
"de salon" at saka isang tubong bakal na
siyang pinaka-kanyon, ay nagsipagtibay sa Los Baños
at naiyanib nilang lahat sa layon ng Himagsikan ang
maga tagaroon sa naturang nayon.
42. Ang
mga Kolorum. At ang kanilang pagsalakay sa kabesera
ng Tayabas. Sa salitang itong galing sa
katagang lating "Seaculorum", ay napagkikilala
sa Kapuluang Pilipinas ang isang malaking pangkat o
kapisanan ng mga tao, babai't lalaki, na dahilan sa
malabis nilang pagpupumilit na ang kanilang mga kalulwang
walang kamatayan, pagkatapus ng buhay na ito'y hindi
lamang makaliligtas sa apoy na walang katapusan, kungdi
magiging higit, sa tanang nilikha, sa kabanalan at
ningning sa harap ng Maykapal, ay nagsisipaniwala pa rin,
bukod sa pananampalataya ng kristianismo, na ang lupang
pangako sampu ng lahat ng mga kanugnog, paris
halimbawa ng balon ni Abraham, ay nalipat sa
lupang sakop ng bayang Dolores, lalawigan ng Tayabas.
Naroroon din, diumano, ang pook ng Hudea, na tinatawag na
Belen, na pinagkulungan nina Haring Herodes at Emperador
Cesar Augusto ng iba't ibang nasisiraan ng isip, at gayon
din ang bundok ng Kalbaryo na pinagtayuan ng kurus na
kinaripahan ni Hesukristo. Sa ganitong katagang
"Kolorum", ay tinatawag din ng tawag na
pang-aglahi ang sinomang pilipinong kaanib at hindi man
kaanib sa nasabing kapisanan, kailan ma't nakikitang
madalas na nagkukurus at nagdarasal, nanghuhula o kaya'y
nang-uudyok sa balana ng banal na pagpapakasakit bagamat
ito'y hindi siyang pinaguusapan sa lipunan.
Hindi lamang lilibong
taong nanggagaling sa iba't ibang lalawigan ng Kapuluan
kung panahong nagaaraw o kaya'y kung kasalukuyan ng
kurisma, ang buong pagibig at kataimtimang loob, na
nagkakatipon sa mga gulod ng bundok ng San Kristobal, at
ang mga yungib nito, ay dinadalaw nang buong paggalang na
kagaya ng mga bagay na dakila, pagkat sa mga
paligid-ligid at sa loob, ay paniwalang-paniwalang sila'y
nakakikita ng maraming bagay, mga bagay na himala lamang
at isang kapangyarihang di pangkaraniwan ang makalilikha:
sa isa sa mga yungib na naroroon, ay nagsisisampalataya
ring naririnig ang tinig ng Padre Eterno na sa tagalog ay
tinatawag nilang "Ang Santong Boses". Lahat ng
dalaw doon, habang nqgtatagal ang una, ikalawa at
ikatlong pagsisiyam, alinsunod sa panata ng bawat isa, ay
nagsisipaligo sa tubig ng balon ni Abraham o ni Hakob,
ayon naman sa mga iba, na sa ganang kanila, ang tubig ay
nakakawangki ng gatas na puti pati sa lasa at linamnam,
at samantalang naroroon sila, ay kusang-loob na
nagsisipagtiis na di tumikim ng maraming pangangailangan
sa buhay, nagsisitulog sa hamugan, nagsisihiga sa lupa at
sa piling ng mga batong malalaki, bahagyang nagsisikain
ng tigkakaunti, anopat nagdaraos ng lahat ng
pagpapakasakit, bilang pagsisisi sa kanilang
pagkakasalang nagawa sa buong sang-taon; maya't- maya'y
nagsisipagdasal ng malakas,
inaawit ang mga tugmang tagalog ng banal na kasulatan,
lalung-lalo na ang Pasyon ng Mananakop, Panginoong
Hesukristo. Ilan sa mga pagbabatang ginagawa nila,
samantalang nangaroroon, ay mababanggit ang pagdarasal ng
mga "Ama namin" na kasingdami ng mga butil ng
kaning nahuhulog sa lupa sa bawat pagkain, saka ang lalo
pang napakahirap sa lahat na, ay ang pag-akyat sa matayog
at tugatog ng bundok na tinatawag nilang Kalbaryo, na
kinatatayuan ng isang malaking kurus; sa paanan nito,
matapus ilapag ang batong pinapasan ng bawat isa sa
pagsalunga, nang sang-ayon sa kanyang taglay na lakas ng
katawan, pasang di ibinababa sa balikat mula sa pagakyat hanggang sa makarating sa tuktok ng bundok na
lubhang mabato, ay nagsisiluhod sa bakil-bakil na lapag
na puno ng mga batong maliliit, na kahit ipinagdurugo ng
kanilang mga tuhod, ay di nila iniaalis, yamang
itinuturing na pagpapasakit sa sarili, na dapat maging
katumbas ng pagkakasala ng bawat isa.
Kinikilala nilang pastor o
punong makapangyariban ang isang nagngangalang Sebastian
Carres, at sa piling nito na bilang pinaka-alagad niya,
ay naroon ang isang nagngangalang Huan Magdalo at isa
pang nagngangalang Eligio, na kilala sa palayaw na
"Ilihiyong-dius-diyusan", at pinaka mataas na
pastora naman ang isang matandang babae na anila'y
nakagagawa ng maraming mga himala at hula-hula at
binibigyan ng iba't ibang pangalan: ang iba'y tumatawag
sa kanyang "Mahal na Ina" at ang iba nama'y
"Ina ng Awa" ó "mahabaging ina".
Ang kapakinabangan ng mga
pastor at pastora ng kapisanan o kalipunang ito ng mga
paniwalain, ay nauuwi sa ganito:- l.a, ang halagang piso
na hinihingi sa sinomang bagong umaanib; 2.a, ang di
mabilang-hilang na kandilang binibili ng mga kaanib sa
nayon ng Uriya, San Pablo, Laguna de Bay, na sinisindihan
sa ibabaw ng mga bato sa pook na pinaghahayinan, at doo'y
binabayaan nang maupod; 3.o, ang maraming labi ng bigas
at ng iba pang kinakaing ani sa Kapuluan o sa ibang lupa
na dinadalang baon ng bawat kolorum sa pagparoon, na
pagdating nito, ay tungkulin niyang ibigay sa pastor na
nag-iingat ng mga pagkain at tagapagluto ng iisang uring
pagkaing nauukol sa kalahatan; 4.t, ang ambag o limos na
taunang, sa atas ng mga pastor o kaya'y sa kusangloob ng
sinomang kolorum, ay ibinibigay ng ilang kaanib na
mariwasa.
Kailan ma't ang isang
pastor o pastora ay magsasalita sa isang kapanampalataya
o sa mga kabig niya, ay di kinaliligtaan sa kanyang
maningning, nakaaakit at dakilang talumpati, ang mga
ganitong pangungusap:
"Matang maamo";
"Taingang lampasan";
"Pusong kordero".
At kung ang dalawang kolorum ay magkikita sa isang pook
na walang maraming naiiba sa kanilang magkakaanib, ay
magkakamay; at ang dalawang kamay nilang magkadaop, ay
hihigitin hanggang sa noo ng isa, at pagkatapus ay gayon
din ang gagawin ng pangalawa, sa paraang ang likod ng
kamay ng mga nagkakapanagpu, ay dumaiti sa noo nito, at
sa panunod nama'y doon.
Sa pagkaigaya mandin ng mga kolorum sa halos maytuturing
pawang himalang pagkakapalad ng mga Katipunan, na sa
isang kisap-mata halos, ay naakit ang pagkagiliw ng taung
bayan, at madaling nangakahawak ng maraming sandatang
naagaw sa mga kawal-kastila, ang mga pastor ng kanilang
kapisanan, ay nagpakalat ng balita sa isa't-isa sa
kanilang mga kaanib na ang "Santong Boses" ay
nag-atas diumanong, sila'y magkatipon, magpulong at
magkakasamang sumalakay sa kabesera ng lalawigang
Tayabas, upang bihagin ang lahat ng mga kasadores at
guwardiya sibil na nagbabantay doon, at saka samsamin ang
kanilang mga sandata. Nang nagkakatipon na, at, matapus
ang pangaral ni Huan Magdalo, na upang mapasigla marahil
ang kaloboan ng mga kaanib, ay sinabi ang diumano'y
tagubilin ng "Santong Boses" na:
"Sa paglapit ng kanilang pangkat sa himpilan ng mga
kastila at guwardiya sibil, bawat isang kolorum ay
maghahagis sa dakong himpilan ng lubid, na karaniwang
taglayin sa kanyang baywang", ay nagsilakad
ang lahat na ayus isang prusisyon ng simbahan, na ang
nangunguna'y isang karong kinatatayuan ng isang santo na
pasan ng apat katao sa balikat, santong di iba't si Huan
Magdalo, na sadyang lumagay doon, suot San Huan Bautista,
at sa magkabilang hanay at sa likod ng karo, ay ang di
mabilang na kolorum, babai't lalaki, mga babaing bihis na
bihis at mga lalaking suot puting pulos na mahahaba,
katulad ng mga apostol ni Kristo. Bahagya pang
nakakapasok ng kabayanan ang mga kolorum, na patungong
simbahan na kalapit sa himpilan ng mga kawal-kastila,
nang walang ano-ano, ang kaaway, sa pag-aakala marahil na
ang dumarating ay kakaiba sa talagang prusisyong
patungkol sa Amang-Diyos sa kalangitan, ay nagpasimulang
nagpaputok ng tampak na tampak sa lumalakad na pulutong;
kayat biglang-biglang nangahandusay na walang buhay ang
isang lanigkay na tagapag-ilaw; at si Huan Magdalo namang
nag-San-Juan-Bautista, pagkakitang gumiwang-giwang
magkabi-kabilang gawi, ang kanyang karo pagkat ang mga
nagpapasan sa kanya ay nagsisiyuko sa takot o kaya'y sa
tangkang pumisan na sa ibang pulutong ng kanilang mga
kasama, ay napilitan nang tumalon mula sa kanyang andas
at kumaraykay ng takbong sinusundan ng kanyang mga kabig,
at iniwan ang lansangan na puno ng patay at sugatan.
Dahil sa pagkadala sa kabiguang ito ng mga kolorum, na sa
palagay ko'y sadyang kaparusahang bigay ni San Juan
Bautista, dahil sa pagsusuot ni Huan Magdalo ng damit
nitong santo, na isang sadyang kapangahasan at
paglapastangan dito; o kaya'y ang Amang-Diyos na rin ang
nagbigay sa kanila ng gayong mabuting aral, dahil sa
lubhang pagkapaniwalain o kapalaluan, katulad noong mga
nagpumilit sa tangkang pagkatnigin ang lupa at ang
langit, sa pamamag-itan ng isang torre, na tinawag,
pagkatapus, na "Torre de Babel", ang
mnga kolorum, ay hindi na gumawa uli ng anomang
pakikialam at pakikitulong sa Panghihimagsik, maliban na
sa ilan-ilang abuloy na pagkain at iba pang maliliit na
pangangailangan ng mga kawal ng Himagsikan ng Katipunan
ng mga A. N. B.
43.
Paglusob sa mga tanod na kastila sa bayang San Mateo,
Maynila, ni G. Andres Bonifacio.
Magugunita pa ng bumabasa, na sa pag-uulat ng ilang
bahagi ng pagkakalusob sa San Juan del Monte, Maynila, ay
di namin nabanggit ang ilang mga pangyayaring tunay na
nasaksihan sa mga kalapit na pook ng Maynila, nang
nakaraan ang ika-29 ng Agosto, 1896, hanggang sa malipat
si G. Andres Bonifacio sa lalawigan ng Kabite noong
Disyembre ng taon ding yaon, 1896. Kasama ang mga ilang
kasunod nito ng mga naturang pangyayaring di pa namin
naiyuulat:
a Nang
magsibalik ang mga Katipunan, pagkatapus ng
pagsalakay sa San Juan del Monte, ay nagsilantong sa
isa sa mga burol o gulod ng kabundukang gumigitna sa
Marikina, San Mateo at Montalban, at dahil sa pagdami
ng kanilang bilang sa walang tigil na pakikipisan sa
kanila araw-araw ng taong galing sa iba't ibang dako,
gawa ng mahihigpit na pag-usig ng mga kastila; at
nang manauli nang muli ang kaloobang tumanggap ng
masaklap na pagkabigo sa San Juan del Monte ng mga
naghihimagsik, ay pinagkaisahang lusubin ang mga
kastila sa San Mateo ng hukbo ng Supremo ng
Katipunan, sa tulong nina GG. Emilio Jacinto, G.
Apolonio Samson, G. Macario Sakay, G. Faustino
Guillermo at ng Heneral Lucino na kilala sa Katipunan
sa pamagat na "Payat" at saka pa rin sa
pakikiisa ng mga Heneral Francisco de los Santos at
Hermogenes Bautista na tinatawag na Heneral Menes.
Ang mga nilusob, matapus ang ilang bahagyang
paglaban, ay nagsialis, iniwan ang bayan at nagtungo
sa Marikina, kayat nahulog sa mga naghihimagsik ang
buong San Mateo, pati na ang kabayanan ng Montalban.
b Ang
paglalabanan sa ilog ng San Mateo at Marikina.
Nang ikatatlong araw ng pagkakuha sa San Mateo,
ay lumusob doon ang mga kawal-kastilang galing sa
Marikina, na marami sa karaniwan; at bagamat gayon na
lamang ang pagtatanggol na ginawa ng mga
nanghihimagsik sa lahat ng tanggulan nilang
pangsamantalang itinayo sa iba't ibang dako,
lalung-lalo na sa kahabaan ng ilog ng Langka, na
kinalalagyan ng tatlo pang susong mga lantakang
kawayan na binigkisang mahigpit ng lubid, yari ng mga
mangagawa ng paputok (kastilyeros) sa kabayanang
nasabi, ay napaalis din ng kaaway ang mga
naghihimagsik, kaaway na kahit daan-daan halos kung
mangabuwal sa tama ng mga lantakang nasabi na, ay di
rin nasansala ng pagsulong hanggan sa makuha ang mga
tanggulang naghihimagsik, at ang mga ito'y hinabol
hanggan sa mga kabundukan, nang di binigyan-luwag man
lamang si Heneral Santos, ni si Heneral Menes, na
makapagpasabi kay G. Andres Bonifaciong noo'y nasa
San Mateo, kung kayat ito man nama'y nasubukan ng mga
kastila na, sa pagpasok nila, ay di kakaunting
paputok ang ipinagbukas ng kanilang daraanan.
Pagkatapus ng
pagkagahis na ito, at nang si G. Andres Bonifacio, ay
mapahimpil muli sa kagubatan ng Balara, kasama ang
buo niyang hukbo, ay binaka siyang muli at ang
paglalabana'y nangyari sa loob ng isang tubuhan, at
di lamang napasabog ang kanyang mga tao, kungdi
siya'y (ang Supremo) kamuntik na ring mapatay doon,
pagkat ang kuwelyo ng kanyang barong suot, ay
pinaglagusan ng isang punlo.
44. Mga
bagay-bagay at pangyayari sa lalawigan. ng Patangan.
a Ang
Pamahalaang Pampook ng Batangan (Gobierno Regional de
Batangas), ay di nalansag sa bisa ng Saligang-batas
(constitusyon) na akda nina Artacho at Ferrer na gaya
ng nangyari sa Pamahalaang Departamental ng pitong
lalawigan ng Luson, sa dahilang ang nasabing
Pamahalaang Pampook, ay walang nasasakop kungdi isang
tanging lalawigan lamang. Ang Heneral nitong si G.
Miguel Malvar, na nananatili pa rin noon sa mga
paligid ng bundok Makiling, pagkatapus makauwi si G.
Mariano Trias Closas sa kanyang dating himpilan sa
Mainam (Alfonso, Kabite), dahil sa dinaranas nang
kagipitan ng sarili at ng kanyang mga tao, ay
napilitang ipasalakay niya, sa pamamag-itan ni
Heneral Silvestre Domingo, ni Kapitan Jumanan at iba
pa, ang kanyang (ni Hen. Malvar) kumparing
nagngangalang Kapitan Kulas sa Tanawan at ang isa
pang tinatawag na Kapitang Teryo, sa Tanawan din,
kapwa mayayaman sa naturang bayan. Binihag ang
dalawa, at upang sila'y matubos ay nagtakda si Malvar
ng mga halagang umaabot sa daan-daang libong piso, na
nang matanggap niya ang pinakamalaking bahagi, ay
pinalaya sina Kapitang Kulas at ang anak ni Kapitang
Teryo, pagkat nang salakayin ang bahay nitong hull,
ay wala ang tinurang Ginoo.
b Ilang araw
pagkatapus, sa pamamag-itan naman ng isang lalang na
ginawa ng asawa ng Koronel Aniceto Oruga, ay nakuhang
natutop at nasalakay ng mga kabig din ni Malvar, sa
pangungulo ni Koronel Juliano, ang lantsang kanyonera
sa Laguna de Talisay, nasamsam ang lahat ng mga
kanyong at pusil na taglay at napagpapatay sa taga
ang mga kastilang akibat, matangi ang dalawa na
ipinadalang bihag sa Mainam, na kinaroroonan na noon
ng Pangalawang Pang-ulo ng Republika na si G. Mariano
Trias Closas. Si Malvar, matapus maibigay ang kanyang
mga sariling sandata sa pamahalaang kastila, ay
naglakbay sa Hongkong noong Marso, 1898, kasama ang
kanyang asawa't mga anak, at saka ilan pang naging
pinuno sa kanyang sumabog na hukbo.
45.
Marahil maalaala pa ng bumabasa (Talang may blg. 40)
na ang lupong nina Aguinaldo, ay aming inihatid sa
daungan ng Dagupan ó Suwal, (Panggasinan), upang sila'y
makatulak na patungong Hongkong. Pagbalikan nga natin ang
nalagot na pisi ng mga pangyayaring lalong sukat
alalahanin ng madlang kalipi.
a Pagbibigay ng
mga armas sa Biyak-na-Bato. Pagkatanggap sa Kapital
(Pang-ulong-Bayan) ng Republika noong ika-28 6 ika-29
ng Disyembre, 1897, ng telegramang pinagkausapan mula
kay G. Emilio Aguinaldo na nagbabalita ng kanyang
mapalad na pagdaong sa Hongkong, at pagpapatalastas
din naman sa mga pinunong nanghihimagsik na nasa
kamay na niya (ni Pang-ulong-Aguinaldo) ang halagang
apat na raang libong piso (P 400,00), sina GG.
Baldomero Aguinaldo, G. Isabelo Artacho, G. Severino
d. las Alas, G. Pascual Alvarez, G. Pio del Pilar, G.
Pantaleon Garcia, G. Isidoro Torres, G. Salvador
Natividad, G. Melencio Carlos, si Vibora at iba pa,
ay nagkaisang magpasya na alisin na sa kalagayang
"pinaka-sangla" ang dalawang Heneral na
kastilang Tejeiro at Monet, at nang kinabukasan ika-8
ng umaga, ay ginanap ang pagbibigay ng mga sandata ng
Biyak-na-bato. Pagkatapus maipahanay ayus na ayus ang
hukbo ng Republika Pilipina sa harap ng mga kawal na
kastila, at bago ipag-utos ang pagbababa ng watawat o
bandilang pilipino sa Bahay-Pamahalaan, at ang
paglalapag sa lupa ng mga kawal-pilipino, ng kanilang
mga hawak na armas na paharap, (presenten armas!) si
"Vibora" ay bumigkas muna ng isang matining
na pangaral kasabay ng pagakit sa mga nakikinig na
magkatiwala sa Pamahalaang Kastila sa Pilipinas at
magsiuwi sa kani-kanyang bahay ang lahat nang walang
anomang takot ni agam-agam, sanhi itong ikinabanggit
niya tuloy, bilang halimbawang dapat panalaminan, sa
batang mataas ang loob o "Hijo prodigo" na
isa sa mga isinasaysay ni Kristo. Si G. Isabelo
Artacho man naman, Direktor ng Interyor, ay
nagparinig ng isang mahabang talumpati tungkol sa
malabis na kagaanan ng mga batas na kastila sa
Kapuluan, na anya'y tanging sa taong yaong 1897 ay
makapagbibigay ng ganap na kaligahan at kaluwagan sa
Pilipinas. Noon din, pagkatapus, ay ipinagutos na ni
'Vibora" ang pagbababa ng bandilang tigmak sa
dugo ng mga nabuwal sa dilim ng gabi, at saka ang
tinig na "Ilapag ang mga armas at sampung
hakbang sa dakong likod". Matapus maiwagayway
ang makapangyarihang bandilang maka-hari na
pinag-ukulan ng paggalang ng mga kawal-kastila na
nagtaas na paharap (presenten armas) ng kanilang mga
baril at gayon din ng lahat ng pilipinong kaharap
doon, na sinabayan ng
"marcha real
española",
ay nalansag na ang di malilimot na
paradang yaon na (dinilig ng luha ng mga alagad ng
Panghihimagsik, na nagsipagbitiw doon ng sandata, at
noon din ay pinasimulan naman ang panmimigay ng mga
"pase", upang ang bawat isa'y makauwi nang
walang sagabal sa kanyang sariling pook at bahay. Sa
lahat ng nagsipaghimagsik ay ibinigay, nang walang
anomang sagabal ni pagkabalam, ang mga naturang
"pase", matangi kay G. Pio del Pilar, na
dahilan sa kanyang mga hayop na mga kabayo at
kalabaw, ay natagalan din bago nakapagtamo ng
kasulatang pahintulot sapagkat pinamag-itanan ni
Vibora.

b Sa ikadadali
ng paghaharap ng mga armas ss Pamahalaang Kastila, si
"Vibora", na siyang tanging napaghabilinan
tungkol sa bagay na ito (Blg. 39 titik (a) ng talang
ito), ay nagkaloob ng pahintulot na may kasulatan
kina G. Pantaleon Garcia at G. Isabelo Artacho, sa
Maynila at Bulakan; G. Paciano Rizal at G. Salvador
Natividad, sa Laguna de Bay; G. Miguel Malvar, sa
Batangan, at G. Pascual Alvarez kasama ni
"Vibora" sa Kabite, upang sila ang
mamanihala sa paghaharap ng sandatang nauukol sa mga
nasabi nang pook. Nang ika-8 p.m. (gabi) noong ika-29
ng Disyembre, sina GG Artacho at Natividad, na handa
nang magsialis sa Biyak-na-Bato, ay nagsipagharap ng
kasulatan kay "Vibora" na humihingi sa
Gobernador Heneral ng isang bahagi ng dalawang daang
libong pisong naging kabayaran ng mga sandata sa
ikalawang pagbibigay, ayon sa pinagkasunduan,
upang-maipamudmod sa mga kawal nang alinsunod sa
bilang ng tao at sandatang ihaharap. Ang kasulatang
yao'y nilagdaan ng dalawang humihingi at
pinakilagdaan din kay "Vibora". Nang
mapaharap kay Heneral Primo de Rivera ang kahilingang
yaon, ay tinawag nito sa pulong ang ilang mga punong
nanghihimagsik at isa sa mga nagsiharap, ay si G.
Baldomero Aguinaldo; napagpasyahan sa pulong ang
hinihingi sa kasulatan o kaya'y ang pagtatakda ng
labing limang pisong kabayaran sa bawat isang baril
na ihaharap. Si Artacho, matapus libutin ang mga
destakamento sa Maynila at Bulakan, at mapasakay ang
mga kastilang tumanan sa kanilang hukbo at umanib sa
mga naghihimagsik, ay naglakbay ring patungong
Hongkong, at doon ay nagkaroon siya kay G. Emilio
Aguinaldo ng mabigat na samaang loob, dahil sa
halagang apat na raang libong piso (P. 400,000),
pagkat si Artacho sa kanyang pagkapalagay na Direktor
ng Komersiyo, alinsunod sa napagpasyahan sa
Kapulungan sa Biyak-na-Bato (Talang 39, titik (a) ng
talang ito) ay nagnasang maghawak ng nasabing halaga;
ngunit si G. Aguinaldo ay sumalansang at dinaan sa
pagwawalang-kibo ang kahilingan ni Artacho, at nang
ito'y nagpipilit, ay sinabi sa kanya nang tapatan na
ang kanyang pagkakalagay na Direktor ng Komersiyo, ay
pakunwari lamang, upang mailigaw ang hina-hinagap ng
Pamahalaang Kastila na ang nasabing halaga'y ibibili
ng mga sandata. Dahilan sa di pagkakaugmang ito ng
mga paniwala o palagay, ay nagkahati ang mga
naghihimagsik sa Hongkong; isang panig ang
sumapiling ni G. Aguinaldo, na siyang lalong malakas
at malaki, at ang isa ay kay Artacho na siyang
sinamahan ng mga kastilang umanib sa panghihimagsik.
Ang dalawang pangkat na ito'y nagkaalit sana ng
malubha, pagkat walang inibhan sa mga halimaw na
pinanggigigilan ng ngipin tuwing magkakaharap, kungdi
napataóng sumiklab ang digmaang Kastila't Amerikano,
na siyang ikinasawata ng pagtatanimang-loob ng mga
pilipino sa Hongkong. Ang "SAMAANG LOOB" ni
Aguinaldo at Artacho, dahil sa halagang APAT NA RAANG
LIBONG PISO (P. 400,000), sa pamamag-itan ni G.
Teodoro Sandiko ay napawi sa kalooban ni G. Isabelo
Artacho; datapuwat sa kay G. Emilio Aguinaldo ay
hindi; kayat ng umahon ang magkapatid na Artacho
(Isabelo at Primitivo) kaakbay sila ni G. Sandiko sa
daungan ng Kabite galing sila sa Hongkong ng Hunyo,
1898, ay pinadakip sila (ang magkapatid) agad
ni Aguinaldo sa pamamag-itan ni G. Tomas Mascardo na
nagsalita ng gayon: "Ang hindi nautas sa
Hongkong, ay dito tatapusin", at sila na nga'y
piniit na, at nagtiis ng hirap sa bilangguan ng
mahigit ng isang taong walang anomang paglilitis sa
kanilang kasalanan, hanggang sila'y pinalaya ko ng
Hulyo nang taong 1899.
46.
Ilang mga pangyayari nang nagsisimula ang taong 1898.
a Pagkatapus
maibigay ni Koronel Lucas Camerino ang kanyang mga
armas sa Heneral na kastilang si Tejeiro, gayon din
nina Baldomero Aguinaldo at iba pang mga tanyag na
pinuno, ay nagsipagharap na rin, kinabukasan, ika-9
ng Enero, 1898, sa San Francisco de Malabon, buhat sa
himpilang Mainam, (Alfonso) sina Mariano Trias
Closas, Esteban San Juan at Ladislaw Diwa, na
sinamahan nina Pascual Alvarez at "Vibora".
Si Heneral Tejeiro ay nagalit at sumama ang loob,
nang gayon na lamang dahil sa kakauntian ng mga
sandatang iniharap, na karamihan pa'y mga sira; kaya
si Tejeiro ay tumangging magbigay ng salapi sa mga
tao ni Mariano Trias Closas, kahit na ito'y nagbigay
pa rin ng dalawang bihag na kastila, na galing sa
lantsang kanyonerang natutop sa Laguna de Talisay,
Batangan, ni Koronel Juliano.
b. Ilang
linggo, pagkatapus ng maringal na pakikiisang-dibdib
ni G. Mariano Trias Closas sa kanyang nasabing
kasintahang Bb. (Binibining) Maria Ferrer at Olimpo,
na dinaluhan hindi lamang ng tanang mga tanyag na
taga-lalawigan at mga banda ng musika, kungdi pa
naman ng taga-iba't ibang pook ng Kapuluan,
lalung-lalo na ng mga taga-Maynila, ay nagtungong
Maynila ang naging Pangalawang Pang-ulo ng nasirang
Republika Pilipina, kasama ni "Vibora" at
iba pang mga pinunong naghihimagsik at sila'y
nagharap ng kanilang paggalang sa Gobernador Gral.
Primo de Rivera; pagkatapus na sila'y matanggap nito
nang buong giliw at ningning, ay nagkaloob siya
(Primo de Rivera), bilang "regalo", ayon
din sa kanyang salita, ng halagang labingdalawang
libong piso (P 12,000) na kalahiti'y napaukol kay
Trias Closas at ang kalahati'y kay
"Vibora". Sa pagkakataong ito'y hiningi
nina Trias at "Vibora" sa Gobernador
Heneral, na mangyaring pamag-itanan nito sa Arsobispo
Nozaleda ng Maynila ang pagpapalaya sa dalawang
kurang pilipino na sina G. Manuel Trias at G. Esteban
del Rosario, na dahil sa Panghihimagsik ay kapwa
nangapipigil pa sa Seminaryo ng San Carlos. Si
Heneral Primo de Rivera ay nagbigay sa dalawa ng
isang sulat para sa Arsobispo, na nang mga unang
sandali nama'y tumatanggi sa kahilingan, at ang
idinadahila'y hindi pa natatapus ang paglilitis sa
sakdal na nalalaban sa mga naturang pare; ngunit sa
kasusumamo sa kanya, ni Vibora, ay ipinagka-loob din
sa huli ang pagpapalaya sa dalawa, hindi lamang sa
loob ng tatlong araw na siyang hinihingi ni Trias,
kungdi sa loob ng tatlumpung araw, at bukod sa rito'y
binigyan pa sila ng kapahintulutang makapagmisa at
makapagkaloob ng "santo sacramento" sa
sinomang nagkakailangan.
c Nang mga
huling araw ng Marso ng 1897 ay inawit ang Te-Deum
alang-alang sa kapayapaan ng Pilipinas, hindi sa
gitna ng maningning na pagdiriwang, na gaya ng
karaniwang ginagawa ng nakasasakop na kastila sa mga
ibang panahon at pagkakaton; ang ikinatangi lamang sa
pangkaraniwan, ay ang pagtutulot ng mga palarong
bawal na maibigan ng madla; kaya pati sa mga
lansangngang hayag at mga panulukan, ay nagkalat,
kungdi ang sabong, ay ang larong monte, pangginge,
pakito, ripa at huweteng.
d. Pagkaraan ng
ganitong pagdiriwang, si "Vibora" ay
madalas na lumuluwas ng Maynila at nakikipanayam kina
G. Pedro A. Paterno at mga Heneral na kastila,
tungkol sa pagtupad ng kasunduan sa Biyak-na-Bato ng
pamahalaan, pagkat samantalang ang mga pilipino, ay
nangakatupad na ng lahat ng kailangang kanilang
ipinangako, ang mga kastila nama'y lubusan nang
nagwawalang-bahala sa kanilang (ang mga
nanghihimagsik) makatwirang kahilingan. Nang
magkakalahati ang buwan ng Abril ng 1898, sina G.
Mariano Trias, G. Baldomero Aguinaldo, G. Mariano
Alvarez Mainam, G. Ariston Villanueva, G. Daniel
Tirona, G. Pascual Alvarez at "Vibora", ay
ipinatawag ng Gobernador Politiko Militar sa Kabite,
na si Heneral Don Leopoldo Garcia Peña, na siyang
nagpahayag sa kanila na nasira na ang pagkakasundo ng
Espanya at ng Estados Unidos ng Amerika, at sa gayo'y
hiningi sa mga naturang pinunong kanyang ipinatawag,
na sila'y makianib sa Espanya laban sa, anang
Gobernador Peña'y kaaway ng nagkabilang panig,
kastila't pilipino. Sa mungkahing ito'y nagsipagbigay
ng mararangal na pangako ang mga ipinatawag, na
itutulong hindi lamang ang kanilang lakas kungdi pati
ng kanilang mga asyenda sampu ng kanilang mga buhay
sa Pamahalaang nakasasakop sa Kapuluan, maliban ang
isa sa kanila (si Vibora) na di nangako, at ang
idinadahila'y ang di pagtupad ng Pamahalaang Kastila,
at tikis na di pagganap, sa kanyang ipinangako ukol
sa kasunduan sa Biyak-na-Bato. Sa malabis na
pagkagalak marahil ng Heneral Peña sa pakikianib sa
kanya ng anim, ay lubusang hinamak ang pagtanggi ng
isa, at sa pag-alis nila'y nagsabi ng ganito:
"Iniibig ko pa ang isang kaaway na hayagan,
kaysa isang kaibigang nagpapanggap lamang".
Ang mga bagay-bagay at
pangyayaring di lubhang maliwanag ang pagkakatala
rito o magusot ang pagkakasalaysay, ay siyang lalong
may matingkad na uri, kaysa tunay na mga nangyari sa
buong buhay ng Panghihimagsik ng Katipunan. Ang
watawat nito na nakita naming sumilang at
pinagmamalas pa rin nang mamatay, ay pinalitan ng
bandilang may tatlong kulay, noong ang
pangdigmang-dagat na kastila ay supilin ni Dewey sa
loob ng Maynila nang 1 araw ng Mayo, 1898 at magbalik
dito mula sa Hongkong si G. Aguinaldo, bandilang may
tatlong kulay na napaukol sa ikalawang Panghihimagsik
laban sa Pamahalaang Kastila, na dapat makilala sa
tawag na "Insurreccion Dewey-Aguinaldina".
Ngunit ang bandila mang yaong ipinalit, matapus
mapawagayway nang buong pagmamalaki sa lahat ng sulok
ng Kapuluan, ay pinagpahamakan ding yurakan at
paggutay-gutayin ng lagi nang mapanagumpay na bandila
ng Estados Unidos, na siyang kinasisilungan ngayon,
nang buong pagkakatiwala, ng Kapuluang Pilipinas sa
gitna ng tinatawag na Panahon ng Kaliwanagan.
Nang di malilimot at dakilang unang araw ng Mayo ng
1898, ay namatay na lubusan ang Panghihimagsik ng
Katipunan sa Pilipinas, upang mabigyang buhay 6
simula naman ang "Insurreccion Dewey-Aguinaldina
laban sa Pamahalaang Kastila sa kapultiang
Pilijinas", na nais kong isunod na salaysayin
ang mga nasaksihang kong pangyayari.
W A K A S
Kapag ang
isang bayan ay sinisisilan; kapag niyuyurakan ang kanyang
dangal, puri at lahat ng kalayaan; kapag wala ng
natitirang wastong paraan upang tutulan ang panggagaham
ng nangakakasakop; kapag inalintana ang kanyang mga
pagdaing, pagsamo't, pananambitan; kapag hindi man lamang
pahintulutang tumangis; kapag pinahi sa puso ang huling
pag-asa, ay... talaga... talagang-talaga... na wala ng
dapat gawin kundi pigtasin, sa mga dambanang
nakapangingilabot, ang SUNDANG NANG PANGHIHIMAGSIK.