O, Bato sa kalangitan,
Tulingag na ang lahat at
Diwa ng mga katagang
Napapaloob sa lukob
Ng likas na pagwawatas.
Ito ang panahong Kan'yang
Itinulot sa bantulot
Na kris: 'sang alunignig ng
Pagkakataong kumalong.
Sa salaysay ng banyuhay---
Patalim na tumarak sa
Pusong bawat sugat ay may
Maantak na hamong tahak.
'di minsa'y may Decoroso.
Ay! S'ya'y matandang lalaki
Na punong-puno, silakbo
Ng damdaming sumasaling---
Sa mabulos na silangan.
Namulat sa Batangas at
Nagsuot-pula, tumulot
S'yang isang mamamahayag
sa kalookang Maynila.
Bahagyang matabil, sadyang
Matatas; lalo at lipas
Sa sandali ang gabok ng
Yakap niyang pangungusap.
Ngayon, sikat na ang Unang
Kalahati ng Hiyas ng
Panginoon, sa banda ro'n.
Ito, si Decoroso ang
May tangan sa kan'yang kamay.
Isang-kaapat ng kalat
Na lakas ng Pilipinas
Yaring akibat niyaring
'sang bato... higit kung tatlo.
Ang lagunlon, kalipumpon
Ng kadakilang bagay
Ay matimyas, lalong wagas,
At tila mumunting tala.
Imbis mat'wa, s'ya'y tumangis.
At ang igting na dalanging
Sinasambit, binabanggit
Na may lamya ng kung anong
Kasakiman, ay malamlam.
"O, bayan ko, lupang langit,
Magulo---ano't malikot.
Alang-alang sa 'yo, ako,
Sa usapin ay aaamin.
Kapayapaa'y 'di hari
Sa hayok na alisutha;
Bagkus, alimurang dustang
Kalapating sinungaling."
PAGGUNITA: Samantala,
Sa isang panahon, lunang
'di matanto sa bahagi
Ng kasaysayan ng bayan,
Ay nagkakilala sina
Eulogio't Teodulo.
Sa Malakanyang, kung saang
Lutang ang kapararakan,
Nagkasama ang dalawa.
Talos ng huli ang aring
Ingat ng una, kung kaya't
Ngiti lang nito... bumati
Sa langit ang kan'yang puwit.
'di minsan di'y may Teodulo.
Ay! S'ya'y matabang lalaki
Na uusog-usog, busog
Pa man din sa balinsuso
Ng ulong kung iwawari
N'ya'y sakdal o halos ngatal.
Matalan kasi---anuman
Ang alinmang ingusan;
Hiwas ang isip, matalas.
Dangan ay ang pagkundangan
Sa Laguna, tinubuang
Lupang mangangalakal ng
Mga bughaw ang balindang.
May mga pangyayari na
Kay Teodulo ay lisya
(parang damo na mayamo
na humilig pa nga't sukat).
Kan'yang kamtang mga hiyas:
Isang bahagi ng bato
Ng Panginoon na poon,
Isang bahagi ng bato
Ng Pilipino na tao.
Sa hakang makahalagang
Pag-isip na panggagaga,
Ang luray na kapisan ay
Nagtuloy sa Makalawa.
Nguni, mayroon ding Huling
Kalahati ng Hiyas ng
Pilipino, banda rito.
Ito, si Teodulo ang
May karga sa kan'yang bulsa.
Ito, at dal'wa pang bato---
Sa sakim na pagnanais
At balintuwad na lakad,
Ay talandi, malanday.
Ang mga bit'win, abutin
Man ng sangkalupaan,
O kaya'y ng lahat nito,
Malayo pa rin sa tingin.
Imbis mat'wa, s'ya'y tumangis.
Bagaman at ang pagtantan
na 'di kaginsaginsa ng
Tambiling ay kintay, ito'y
Pag-ibig? (buka ng bibig):
"O, bayan ko, lupang langit,
Ngayon ko lamang nalamang
Ang D'yos sa tao'y D'yos, at
Ang tao, tao sa Kanya.
Ang sambayanan ng tao
Ang kaharian ng Diyos.
A! Gayon din sa salungat.
Sila, 'di mapag-iisa."
PAGGUNITA: Samantala,
Tinanto ng tao sina
Eulogio't Decoroso.
Sa ilang banyagang bansa
Kung saan ay may harayang
Kasusumpungang iba pang
Alahas, una-una lang
Ang isa sa alapaap.
Ngayo'y batid na ng una
Ang yamang nasasabulsa
Lamang ng karamaya ay
Pangimbulo ang gumulo
Sa kaisipang kaniya.
At sino 'tong Eulogio?
Ay! S'ya'y mayuming lalaki
Na tumulak, isang anak
Ng Kabite, sa Maynila.
Puti ang sulsi ng gayak
N'yang 'sang mananaliksik na
Mabikas sa pagkilos; sa
Gawa ay mapanganyaya.
Seryo naman kung baga na
Kapag hungkag ang ilong ay
Makulit. Gaanong bait
Ng kasama ang luluwat
Sa pagmamalamig-tinig?
May mga pangyayari na
Walang patumanggang ganap
Sa ano pa mang puwedeng
Katatapusan. (kailan)?
Sa lilong pagsasama ay
Tumalastas ang batas--- 'di
Nangingilatis ng kiyang
Salaula. Pasumala
Na inupasala niya,
Eulogio, ang katoto.
Kan'yang nakamtang alahas:
Isang bahagi ng bato
Ng Panginoon na poon.
Ngayon, sikat na ang Unang
Kalahati ng Hiyas ng
Pilipino, banda rito.
Ito, si Eulogio ang
May tangan sa kan'yang kamay.
Dili kalimutan, ari
Pang bato... kal'hati na ng
Mga gapak na halakhak
Ang dinadala sa dibdib.
Ang hilagyo ng ganitong
Kapangyarihan, bagaman
At lupa lamang... wala na
Bang pipitahin pa?
Imbis mat'wa, s'ya'y tumangis.
Mawari man ng kandili
Ang impis na palahaw na
Buhat sa balat, A! Lalos
Sa pananampalataya.
"O, bayan ko, lupang langit,
Ang pagtitika pala ay
Lagi nang sa huli, ngayong
Gulanit na ang damit ko.
Gaano man ang igi ng
'sang pakay, 'di nagbibigay
Ng katarungang ukol 'pag
Nama'y mahalay ang gawa."
PAGGUNITA: Samantala,
Kaabug-abog namang ang
Mundo'y kumislot, umikot,
At nagpakli nga ng hindi
Sukat-akalang sikmat.
Si Teodulo, na taho
Ng iba na mayro'ng pigil
Na mga aring ingat, ay
Umabay kay Domocao.
Sa pagdiriwang ng Araw
Ng Kalayaan, ang huli
Ay ngumisi... sumandali
Sa hangin ang pangitain.
May mga pangyayari na
Hindi nagbigay ng pantay
Na pagkakataong-sulong-
Ang mapag-imbot na siklot
Ni Domocao ang wagi.
Kan'yang kamtang mgay hiyas:
Isang bahagi ng bato
Ng Panginoon na poon,
Dal'wang bahagi ng bato
Ng Pilipino na tao.
Sa pag-iisip na akala
Para sa sanlibutan,
Ang kasapi'y tumimbuwang.
Nguni, mayroon ding Huling
Kalahati ng Hiyas ng
Panginoon, sa banda ro'n.
Ito, si Domocao ang
May tangan sa kan'yang kamay.
Idagdag pa ang tatlo sa
Tinatanging dating bato;
Lintik lang ang 'di tuminag
Sa inakibat na sidhi.
Tuwang balintataw, tanaw
Sa lugaming libong pusong
Walang hulagpos--- sa hunos
Mandin ay imbi't masakit.
O, Bato sa kalangitan,
'di pa rin sumasansala
Ang tao, apat at higit,
Sa tudyong saluysoy (ito'y
pagbati ng salaghati).
Lutas na nga ba ang bugtong
Na mistulang tanikala
Sa salamisim, sagimsim
Ng balanang kaisipan?
Karaka-raka ang kiri
Ng saksing pagkukulang---
Kumanlong man ang bayan, O.