Florante at Laura: Mga Butil na Laglag sa Landas ng Buhay ni Eulogio V. Urbina


Sa gintong aklat ni Francisco Baltazar
Florante't Laura ang taguring taglay
Doo'y mababasa mahalagang aral
Sa wikang matamis nating minamahal

Narito ang ilang wika ni Florante
Ating isa-pusot't namnaming mabuti
Ang panaho nati'y hindi malulugi
At ang tutubui'y malaki't marami.

" Mahiganting langit bangis mo'y nasaan
Ngayo'y naniniig sa pagka-gulaylay
Bago ang bandila ng lalong kasamaan
Sa  Reynong Albaniya'y iwinawagayway

Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
Kaliluha'y siyang nangyayaring hari
Kagalinga't bait ay nalulugami
Ininis sa hukay ng dusa't pighati

Ang mgandang asal ay ipinupukol
Sa laot ng dagat ng kutya't linggatong
Bawa't magagaling ay ibinabaon
At inililibing nang walang kabaong

Nguni at ang lilo't masasamang loob
Sa trono ng puri ay iniluluklok
At sa balang sukab namay asal hayop
 Mabangong insenso ang isinusuob.

Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
At ang kabaita'y kimi't nakayuko
Santong katwira'y lugami at hapo
Ang luha na lamang ang pinatutulo.

At ang bawat bibig na binubukalan
Ng wikang magaling at katotohanan
Agad binibiyak at sinisikangan
Ng kalis ng lalong dustang kamatayan.

Oh! taksil na pita sa yama't mataas
At hangad sa puring hanging lumilipas
Ikaw ang dahilan ng kasamaang lahat
At niyaring nasapit ng kahabaghabag

Sa korona dahil ng Haring Linceo
At sa kayamanan ng dukeng ama ko
Ang ipinangahas ng Konde Adolfo
Sabugan ng sama ang Albanyang Reyno

Ay Laurang poon bakit isinuyo
Sa iba ang sintang sa aki'y pangako
At pinagliluhan ang tapat na puso
Pinanggugulan mo ng luhang tumulo

Di ba sinumpaan mo sa harap ng langit
Na di maglililo sa aking pag-ibig
Ipinabigay ko naman yaring dibdib
Wala sa gunita itong masasapit

Katiwala ako't ang iyong kariktan
Kapilas ng langit anaki'y matibay
Tapat ang puso mo't di nagunam-gunam
Na ang paglililo'y nasa kagandahan

Sa ibang kandunga'y  ipinag biyaya
Ang pusong akin na at ako'y dinaya
Buong pagibig ko'y ipinanganyaya
Linimot ang sinta't sinayang ang luha

Alin pa ang hirap na di nasa akin
May kamatayan pang di ko daramdamin
Ulila sa ama't sa inang nag-angkin
Walang kaibiga't linimot ng giliw."
 
 
 << back to homepage   << back to Butil na Laglag   << back to top   >> Ingkong Logio