Two events stand out among all my experiences in 1998.
The first was my trip to China
and the second was my hysterectomy
operation .
Sinusulat ko ito bilang taos-pusong pasasalamat kay Dra.
Myrna Valentin na siyang susi ng pagkatala natin sa pangangalaga ng Health
Shield Inc. ngayong ika isandaang taon ng ating kasarinlan.
Pagkabalik ko sa pagkalakbay sa bansang Tsina, isa sa unang sinunod
ko ay ang memo ng pagtatakda ng executive check-up na gagawin ng Health
Shield Inc. Pinili ko ang unang araw, Lunes, ika-20 ng Hulyo.
Maayos na sistema ang aming dinatnan sa Silid-Sanayan ng HRMD.
Maaga nagpunta ang lahat dahil gutom . Maliwanag ang tagubilin: walang
iinumin at kakainin mula hatinggabi.
Mga batikang doktor ang naroroon. Maayos kaming pumila.
Pinauna namin si Deputy Gomez dahil may dadaluhang maagang pulong.
May nakapa si Dr. Chua sa aking puson. Maaring myoma, ngunit
patitingnan daw sa OB-gyne upang matiyak. "Huwag po kayong mag-alala
at iyan ay lalapatan natin ng lunas sa lalong madaling panahon",
sabi pa niya. Pinapupunta ako sa St Luke’s kinabukasan rin.
Tumuloy ako sa Megacenter Clinic. Nauna pala ako doon, kasi lahat ng
mga kasama ko ay nagsipag-almusal muna. Mababait ang mga tao sa Megacenter
Clinic. Kahit ako asiwa dahil noon lamang makasusubok ng mammography at
pap smear ay palagay ang loob kong sinunod ang mga sinabing dapat ikilos.
At tulad nang dati ko nang nakagawian, pumunta ako kay Dra. Valentin
at ikinuwento ko ang lahat ng bago kong naranasan. At nanghingi ako ng
payo tungkol sa pagkonsulta sa OB-gyne. Huwag din daw akong mag-alala at
mahusay ang pangangalaga ng Health Shield, Inc. "Ipa-aaga natin ang pagkuha
ng resulta na lahat mong tests", ani pa.
Kinabukasan, matapos isagawa ang internal exam, tiniyak ni Dra. Catherine
Grace Ledesma-Lim ng St Luke’s na mayroon nga akong myoma.
Malaki na at kailangang operahan. Pinapunta niya ako sa opisina ni Dr.
Nestor Santiago, coordinator ng Health Shield sa St Luke’s, upang kumuha
ng authorization letter para sa pelvic ultrasound na nais niyang ipagawa.
Bumalik daw ako sa kanya na dala na ang lahat ng resulta ng mga tests.
Sa opisina ni Dr. Santiago, si Amie ang katiwala. Madaling lapitan.
Maasikaso.Tumawag lang siya sa Health Shield. Kumuha ng authorization
number. Maaari na akong magpa-ultrasound sa Megacenter Clinic.
Kailangan pala sa pelvic ultrasound ay puno ang iyong pantog. Pinainom
na nila ako doon sa Megacenter Clinic ng tubig galing sa pitsel nila ay
hindi pa rin nakalutang ang dapat i-eksamin. Naka-ilang inom pa ako na
halos malunod na bago lumutang ang dapat.
Pinagtiyagaan naman akong hintayin ng doktor doon sa clinic. Buti at
malapit lang dito sa atin. Ipinahintay na rin sa akin ang kopya
ng resulta ng lahat ng test.
Biyernes nang linggo ring yaon ay nakabalik na ako kay Dra. Lim.
Kumpirmado ng ultrasound ang diagnosis niya sa internal exam. Kailan ko
raw gustong maoperahan? Hindi naman daw kailangang agad-agad ngunit
hindi rin naman dapat masyadong patagalin sapagkat malaki na ang myoma.
Sinabi ko ang lahat na pangyayari kay Dra. Valentin.
Lahat ng dapat malaman tungkol sa Health Shield ay sinabi
sa akin ni Emmie at ni Ludy. Pati kopya ng kontrata ay binigyan ako. Ano
ang kasali at hindi. Sino ang dapat puntahan at anu-ano ang dapat ihanda.
Binigyan rin ako ng mga papeles para sa Philhealth, Ayala at Medicare.
Buong tiyaga nilang pinagbigyan ang aking mga kakulitan.
Malaking agam-agam ang idinulot sa akin ng katiyakang maooperahan
pala ako.
Sa Health Shield pala, kahit ilang konsulta ay maaari mong gawin, hindi
nila nililimitahan. Hindi pa ako nagkasya sa pagkonsulta kay Dra. Lim,
pumunta pa rin ako kay Dra. Mae Balmores para sa pangalawang opinyon. Sang-ayon
siya sa diagnosis ni Dra. Lim. Kung iaantala ko pa raw ang operasyon, makabubuting
tiyakin na cyst lang talaga ang nasa kaliwang obaryo. Kaya ipinasailalim
niya ako sa transvaginal ultrasound saka CA-125 tests pa. Dito sa St Luke’s
gagawin, kabilin-bilinan pa niya sa Health Shield.
Nais kong sabihin sa puntong ito na ang mga tests na iyon ay
hindi maliit na halaga ang magugugol. (Hindi ka pagdaramutan ng Health
Shield sa lahat ng kailangan!)
Nang lumabas sa CA-125 na walang posibilidad ng kanser, nakatulog
na ako nang mahimbing!
Naitakda ang operasyon sa ika-29 ng Setyembre. Huwag na raw muna
akong sumabay sa napakaraming pasyenteng may dengue, payo ni Dra. Valentin.
Higit kang maaasikaso sa St Luke’s pag lipas na ang epidemya ng dengue,
dagdag pa niya.
Ilang ulit pa akong nagpabalik-balik ng konsulta kina Dra. Lim
at Dra. Balmores dahil sa mga iba’t ibang naramdaman, kasama na pati takot,
habang di pa naooperahan.
Dalawang beses pa nga ako na-cardio pulmonary clearance, ni Dr. Nestor
Santiago at ni Dr. Sedilla na dati ko pang kapitbahay.
Umutang ako sa GSIS upang may baong gugulin. Nang mabatid ni
Girlie ng HRMD kung ano ang paggagamitan nito, siya na mismo ang tumawag
sa akin nang lumabas na ang tseke.
Nagkaroon ng ilang pagbabago sa patakaran ng St Luke’s. Hindi
daw tinatanggap ang Medicare doon. At sa isang panahon, pati na nga
Health Shield. Nalaman ko ito kina Emmie at Ludy
Wala namang naging problema. Kay Dra. Evelyn Esposo lang ako
pinapunta kapalit ng dating pagpunta kay Dr. Nestor Santiago. Nainam
pa, at hindi na tumatawid sa kabilang gusali.
Lunes, Setyembre 28, isang kalatas lang na galing kay Dra.
Esposo na nagsasaaad na ibigay kung ano ang piliin kong silid, tanggap
na ako sa St Luke’s. Tila lamang nagpunta sa isang tanyag na otel
at nag-prisinta ng credit card.
Kinabukasan, naoperahan na. Pitong araw ako sa pagamutan. Sa
buong panahong yaon ay wala akong inintindi kundi ang magpalakas. Lahat
ng tauhan ng St Luke’s ay magalang, masuyo, mapag-alala, maasikaso at matulungin.
Pakiramdam ko ba ay tila ako isang natatanging panauhin sa isang otel.
Dumadalaw na tulad ng mga nagmamalasakit na kamag-anak at kaibigan
ang mga tauhan ng Health Shield. Buong banayad na ipinaliwanag sa akin
ang lahat ng hakbang na gagawin upang makalabas nang maayos sa pagamutan.
Sila ang nag-asikaso ng lahat-lahat, papeles at pati pagbabayad. Binigyan
ko na lamang sila ng tseke na buong tiwala nilang tinanggap upang mapunan
ko ang karagdagang nagugol nila dahil sa pagkataas ko ng antas ng silid.
At laking tuwa at gulat ko na wala pala akong iintindihin sa professional
fee ng doktor! Kaya pala kahit anong pilit ko ay ayaw sabihin ni Dra Lim
kung magkano ang kanyang singil. Hindi ko raw iyon magiging suliranin.
Oo nga naman pala.
Tatlong Lunes nang Oktubre akong bumalik kay Dra. Lim upang magpalanggas
ng sugat. Buong Nobyembre ay pinag-pahinga lamang. Disyembre ay pinayagan
na akong bumalik sa trabaho.
Hinihintay ko ngayon ang pasiya ng Health Shield tungkol sa pakiusap
na bone densitometry x-ray ni Dra. Lim. Kahit hindi sila ang nanalo sa
bidding, tuloy pa rin ang pangangalaga ng Health Shield sa
pananauli ng aking lakas.
At ako ay lubos na nagpapasalamat sa biyayang ito.
In a way, they are both highlights, too.