Iyon ba ay sa dami ng intrigang dumating sa iyo? Iniiyakan mo bang lahat 'yun?
"Sabi ko nga, ako 'yung taong magaling umiyak, mababaw talaga ang luha ko dahil alam mo kung ano ang lahat ng hirap na pinagdaanan ko, hindi lang bilang isang tao kundi bilang artista. Akala lang nila, narito ako dahil ginusto ako ng mga tao, pero hindi nila alam 'yung pinagdaanan ko kaya narito ako ngayon! Itong nagdaang 1998 na siguro ang worst na taon ng pagiging artista ko. Nasabi ko 'yun dahil ito 'yung taon kung saan marami akong mahal sa buhay na nawala sa akin, although maganda naman 'yung takbo ng career ko, hindi ko iniisip na rito lang pala magtatapos lahat ng mga pinangarap ko noon. Ang tinutukoy ko ay 'yung mga taong tumulong sa akin noong nagsisimula pa lang ako. Sabi ko nga sa sarili ko, itong mga taong ito ang makakasama ko hanggang sa marating ko 'yung pinapangarap ko. Pero hindi dumating 'yung puntong kasama ko sila sa success ko ngayon. Isa-isa silang nawala sa akin last year at ito 'yung nawala lahat, 'yung taong tanging dahilan kung bakit ako narito sa kinalalagyan ko ngayon. Pero hindi naman ako 'yung taong madaling lumimot. Saan man ako makarating ngayon, lahat sila, nananatili rito sa puso ko at hinding-hindi magbabago ang pagtingin ko sa kanila kahit pa sabihing iba na ang nagpapatakbo ng career ko," say pa ni Marvin na ramdam na ramdam namin kung sino ang mga taong tinutukoy niya dahil alam naming isa kami roon.
Hinayaan muna naming ilabas ni Marvin ang namumuong luha sa kanyang mga mata bilang pagbabalik-tanaw sa kanyang mga nakaraan at pagkaptapos noon ay sinundan namin ng kontrobersiyal na tanong tungkol sa kanyang career ngayon.