Sa pagpasok ng 1999, full of hope si MARVIN AGUSTIN sa mas magandang movie career. May mga plano siya at sang-ayon sa kanya hanggang year 2000 na ang mga plano niyang iyon kasama na ang kanyang pag-aartista.
Sa isa ngang pakikipag-usap sa kanya bago mag-New YEar ay masaya niyang ikinuwento na dinalaw nila noong Xmas day ang father niya sa Minimum Security ng New Bilibid Prisons. Sinorpresa nga raw nila ito dahil hindi nila ipinaalam na umuwi ng Pilipinas ang kapatid niyang nagtratrabaho sa isang luxury liner na naka-based sa Dubai.
"Natuwa kami nang makita namin ang malaking pagbabago kay Daddy," sabi ni Marvin. "Tanggap na tanggap na niya ang kalagayan niya roon at kahit nga nasa loob sila, nagtatrabaho rin sila. Isa pa, nakita ko nang malapit na sa Diyos si Daddy. Noong araw kasi, hirap na hirap siyang magsimba, pero ngayon, mayroon silang Bible study roon. Ang laki naman ng compound nila, kaya maluwag silang nakakakilos doon. Masarap magluto si Daddy kaya nagtayo sila ng carinderia doon ng mga kasama niya. Ang mga bumibili raw, bukod sa mga kasamahan din nila, iyong mga dalaw daw ng mga kasama rin nila roon. Sa ngayon nga, ang ginagawa nila ay may isang milyong order na sulo sa kanila, kaya may kita rin sila roon."
Hindi ba niya ikinahiya ang nangyari sa kanyang Daddy?
"I didn't hate my Dad. Hindi naman siya talagang masamang tao, siguro, nadala lamang siya ng barkada niya noon. May pera, may magandang position sa company, hindi niya naisip noon na matatapos iyon sa pagsama niya sa barkada niya. May maganda rin kaming buhay noon, pero nang mangyari nga iyon, natuto rin kaming tumayong mag-isa. Ako, pinasok ko lahat, kahit pagtitinda ng tocino, mag-mascot sa party. Siguro, inihanda naman kami ng Diyos sa pangyayari, dahil heto, nasa showbiz na ako at maraming plano na gusto kong matupad."
Bago nga raw bumalik nga bumalik ng Dubai ang kanyang kapatid, ipinasyal din nila ito sa Enchanted Kingdom. At ang younger sister nila ay magtatapos naman next year sa AMA Computer. Biniro nga namin si Marvin kung inihingi niya ng scholarship ang sister niya kay Jolina Magdangal.