Nakakaloka ang biyahe nina Angelika, Marvin at Jolina papuntang San Carlos City, Negros Occidental dahil imbes na mag-enjoy ang tatlo sa kanilang biyahe ay pagod at puyat ang natamo nila dahil sa super layo pala talaga ang venue ng kanilang show. Pero wala silang magagawa dahil trabaho it at commitment nila sa mga taga-San Carlos City.
Eksaktong 11:30 ng umaga, araw ng Sabado (Enero 3) nang dumating ang grupo sa Bacolod Airport at malugod naman silang sinalubong ng mga organizers ng show at sumakay na sila ng Van at sinabing 3 hours pa ang biyahe papuntang San Carlos. Halos walang nakakibo sa tatlo kaya't sa daan na rin nag-lunch ang grupo.
Eksaktong 3:30 na ng hapon dumating ang grupo sa San Carlos na kaagad namang hinainan ng meryenda ng mga taga-San Carlos. Pagkatapos ng thirty minutes ay nag-motorcade ang grupo dahil wala raw naniniwalang dumating ang tatlong young stars sa nasabing lugar. Kaya naman nu'ng nakita na sila ng mga tao ay dali-daling nagbilihan ng mga tickets at sa totoo lang ay "sold out" ang nasabing concert.
Ginanap ang concert sa City Auditorium kung saan mayroon itong 4,000 seating capacity pero dahil sa dami ng tao ay naging 10,000 ito at sa totoo lang ay nag-iba na ang amoy ng paligid dahil sa dami ng tao.
Natagalan bago nakapasok sa dressing room ang tatlo dahil sa dami ng fans na nakaabang sa entrance at kinakailangan pang lumipat ng sasakyan ang mga artista para hindi sila mapansin ng tao.
Eksaktong 8:30 nag-umposa ang show at ang unang isinalang ay si Marvin, talaga namang bigay na bigay habang sumasayaw ng Shalala. Medyo na-bad trip lang ang binata dahil walang sound ang mikropono gayung nasa high energy pa naman siya.
Kung dati ay nasaksihan namin ang pagiging wild at unruly ng mga taga-Pampanga ay wala ring pinag-iba ang mga taga-San Carlos. Ang hindi lang nila nagawa ay nambato ng mineral water.\
Pangalawang kumanta si Angelika na walang kaming narinig kundi ang pangalang Cecille na tawag sa kanya ng mga tao dahil sa soap operang Experanza. Tulad ni Marvin, hindi na rin namin narinig ang tinig ng dalaga sa sigawan ng mga tao at talagang game si Angelika dahil naghubad pa siya ng sapatos para lang sumayaw.
Pangatlong kumanta si Jolina na wala rin tigil ang hiyawan lalo na nung nag-duet sila ni Marvin. Kilalang-kilala talaga si Jolina na ayon sa promoter ay maraming hindi naniwala makakarating si Jolina dahil balitang nambibitin ito ng show.
Eksaktong 10:45 natapos ang show at tumuloy ang grupo sa Asahi Hotel para magpahinga at kumain sa Bishop Palace kung saan ang mga seminarista ang naghanda ng simpleng hapunan.