THINGS HE MISSES

"Yung pagkain ng fishball! 'Yung paglalakad sa park, pagsakay-sakay sa bus at jeepneys!"

by: Joey Diego (StarTalk Movie Magazine 01/26/98)



Ang buhay ng isang artisata ay walang kasiguruhan. Minsang nasa ibabaw, minsang nasa ilalim. Ngayon maririnig mo ang hiyawan at palakpakan ng mga tagahanga, pero bukas, ni isang tili malamang na wala ka nang marinig. Ganyan ang buhay ng mga artista sa daigdig ng showbusiness. Bagay na tinatanggap ni Marvin. Kaya naman habang sikat ang aktor, sinasamantala niya ang pagkakataon upang makapagpundar. Ayaw niyang matulad sa ibang mga artista na sumikat at lahat pero nang malaos ay walang maiturong ari-arian dahil hindi sila nakapagpundar.

Ngunit alam niyo bang sa kabila ng kasikatan na tinatamasa ngayon there are times na miserable pa rin ang feeling ni Marvin? At ito ay gawa ng katotohanang maraming bagay siyang hindi magawa ngayon bilang normal na tao. Prize of success sabi nila.

"Isa sa mga nami-miss kong gawin eh, 'yung pagkain ng fish ball. Dati kasi, kapag may dumaang tindero ng fishball sa tapat ng bahay namin, hindi maaaring hindi ako bumili no'n. Saka hinahanap-hanap ko rin 'yung paglalakad sa mga park nang walang pumapansin sa akin, 'yung pagsakay-sakay sa mga bus at jeepneys, pinananabikan kong gawin ulit ang lahat ng iyon pero mukhang napaka-imposible na. Hindi na talaga puwede. Ngayon pa, eh, ilawit ko nga lang 'yung ulo ko sa labas ng sasakyan ko, nakikilala na kaagad ako!"

Pinangarap mo bang maging isang artista?

"Naku, hindi! Ni sa panaginip nga hindi ko inaasahang papasukin ko ang field na ito. Kasi noong nagwe-waiter ako sa Tia Maria, okey na sakin 'yung kinikita kong P7000 a month. Plus the fact na napakamahiyain ko talaga nu'n! Kaya paano ko naman papangarapin na maging artista!"

Of course ebidente naman ang magagandang bagay na naidulot ng showbiz sa buhay ng isang Marvin Agustin. Pero kung merong maganda for sure may mga pangit ding naidulot sa kanya ang mundong ito.

"So far, ang masasabi ko lang na medyo hindi magandang nangyari sa akin dito sa showbiz eh, 'yung mga intrigang hindi ko na halos makayanon. Dati kasi, nu'ng hindi pa ako artista, mabibilang mo lang 'yung mga times na napapaiyak ako. But since naging artista ako, dumalas 'yung pag-iyak ko. Pero tanggap ko naman na it's part of showbiz life, unti-unti, nasasanay na rin ako."

Bagay na kinatatakutan mong maganap now that you're in showbiz?

"'Yung isang araw eh, hindi ko na maririnig ang hiyawan ng mga tao sa akin! Natatakot akong dumating 'yung time na hindi ko na maririnig ang kanilang mga palakpak. Although alam kong hindi maiiwasan ang pagdating ng pagkakataong iyon pero gusto ko sana bago dumating ang time na 'yon eh 'yung prepared na prepared na ako emotionally and financially. Parang nakakatakot kasing isipin na malalaos ako nang wala man lang akong makikita sa mga pinaghirapan ko, kaya ngayon pa lang, I see to it na makapagpundar ako para naman sakaling dumating ang araw na hindi na ako sikat eh, hindi na namin balikan ng pamilya ko ang kahirapang dinanas namin noon."

Pinakaayaw niya na ginagawa sa kanya ng kanyang mga tagahanga?

"'Yung kinukurot ako at pinanggigigilan ng mga fans. Usually nangyayari ito during out-of-town shows. Nakakairita na kasi minsan pero hindi naman sila masisisi dahil siguro 'yun 'yung way nila para ipakitang natutuwa sila sa iyo. Pero siguro mas nakakatakot 'yung isang araw eh, hindi na nila papansinin dahil hindi na pala nila ako gusto di ba? So okey lang 'yung manggigil sila but not naman to the point sana na nakakasakit na sila!"




JANUARY 1998