"Nagulat nga po ako nang malaman ko na hindi pa pala tapos ang taping namin dahil mai-extend pa nga raw ito at aabutin na ng one season," sabi ni Marvin over the phone. Marami raw po kasing tumawag mula sa provincial stations ng ABS-CBN na bakit daw bigla na lamang tatapusin ang story samantalang maganda naman at sinusubaybayan na rin nila. Kaya po nag-meeting kami at iyon nga, napagkasunduan na gawin na itong one season instead na 2 months lamang. Pumayag na rin si Inang kahit may naka-schedule pala siyang ididirek na movie sa Star Cinema, para mapagbigyan ang televiewers at bilang pasasalamat na rin sa kanila."
Tinanong din namin si Marvin kung ano ang feeling niya roon sa episode na ipinalabas na nakakulong siya dahil napagbintangan siyang pumatay kay G Toengi?
"Mahirap po pala talaga dahil talagang kulungan iyong ginamit namin. Totoo po pala iyong kapag bagong pasok ka lamang, talaga palang bibinyagan ka ng mga presong daratnan mo roon, na ginawa namin sa story. Pero lalo ko pong na-miss ang daddy ko. Ang maganda nga lamang ngayon kay Daddy, natanggap na niya ang kalagayan niya ngayon at nakita namin ang malaki niyang pagbabago. Masaya na siya noong dinalaw namin siya dahil marami rin daw silang pinagkakaaalahan doon, lalo pa at may order daw sa kanila na gumawa ng sulo na may one million. Kaya kahit nandoon siya, may kinikita pa rin siya. Nakita ko rin na naging malapit na siya sa Diyos. Ang hirap niyang yayain noon na sumimba, pero ngayon, mayroon na raw silang Bible Study doon. Saka ang laki naman ng compound nila, kaya maluwag silang nakakakilos doon. Kuwento nga niya, nagtayo pa sila ng karinderia roon dahil masarap magluto ang daddy ko. Customer daw nila iyong mga bumibisita rin sa mga kasamahan nila roon."
Kung mayroong nami-miss daw si Marvin sa daddy niya, ito ay ang mga yakap nito noong araw na magkakasama pa sila at masaya pa ang family nila. Pero sa nangyari raw, never siyang nagtanim ng galit sa daddy niya. Mabait daw naman ang daddy niya at responsable naman ito, kaya lamang, nasira nga raw ang lahat ng magagandang bagay ng drugs.
"Pero siguro may plans talaga sa amin si Lord kaya nangyari ito. Dahil dito, natuto akong tumayong mag-isa kahit bata pa ako noon. Natuto akong magtinda-tinda, kahit anong trabaho na puwedeng pagkakitaan kahit pambaon ko lamang sa school. Marami rin akong experiences sa pagtatrabaho noon na nagagamit ko rin sa pagiging artista ko. But I'm happy and I count my blessings dahil naging napakabait sa akin ng Diyos. Inihanda niya ako sa trabahong ito. Kung hindi man ako gaanong interesado noon nang unang pumasok ako sa showbiz, ngayon ay natutunan ko nang mahalin ito. Natuto na rin akong mangarap na one day, masubukan ko ring magdirek ng pelikula. Pero matagal pa iyon, pag-aaralan ko munang mabuti. Pagbubutihin ko muna ang pag-arte ko. Pero may isa pa rin akong gustong mangyari. Ito ay iyong maka-join ako sa isang anti-drug campaign. Hindi ko naman kayang magtayo ng sariling organization tungkol dito, kaya the best na lang siguro is sumali sa ganitong klaseng organization. Puwede ko kasing i-share ang buhay ko, ang buhay namin sa mga taong may katulad naming problema. Puwede akong magsalita, hindi lamang sa mga gumagamit ito, kundi pati na rin sa kanilang pamilya na apektado dahil sa drugs. Nakita ko kasi iyon sa father ko, sa family ko, sa akin."
Kaya nga labis-labis ang pasasalamat ni Marvin sa blessings na dumarating sa kanya. Last year, maganda niyang binabalikan iyong mga blessings na tinanggap niya, tulad noong mga awards and nominations. Hindi rin niya akalain na magiging blockbuster ang launching movie nila ni Jolina at iyon pagkakaroon niya ng mini-series. Pero inintriga rin siya noon sa bakit daw siya ang binigyan ng mini-series?
"Siguro ay suwerte ko talaga dahil nang i-conceptualized ang mini-series, ang available lamang ay ako. Wala si Rico dahil nagbabakasyon sa US. Si Diet, may show sa Japan. That time, ako dapat ang ipi-feature sa Star Drama Theater Presents pero inalis nga ako dahil sa akin ibinigay iyong mini-series. Kaya labis-labis po ang pasasalamat ko dahil first time din akong na-handle ni Direk Olive. At salamat din sa mga nagkakagusto ng aming mini-series. Sa ngayon nga, gusto yata nilang ituluy-tuloy ito kaya lamang hindi ko alam kung puwede dahil nga may gagawin pang pelikula si Direk Olive."