Madalas man siyang intrigahin, hindi dahilan para lubusang mawalan ng gana si Marvin sa career niya, bagkus tinatanggap niyang challenge ang lahat ng intrigang ibinabato sa kanya. Tulad ngayon, anuman ang intrigang ikinakabit sa pangalan niya'y hindi lang niya pinapansin, bagkus tinatawanan na lang niya ito.
"Kung magpapadala kasi ako sa intriga, baka hindi na ako umabot sa puntong ito. Noong nagsisimula pa lang ako sa trabahong ito, punum-puno ng intriga ang buhay ko kaya ngayon, nasanay na ako, hindi na ako naaapektuhan ng intriga. Tinatawanan ko na lang ito dahil ano pa ba ang gagawin ko? Siguro mas mabuting deadma ka sa intriga para huwag kang maapektuhan. Siyempre tao lang ako, iwasan ko man, kusang dumarating at talagang nasasaktan din ako. Dasal ko na nga lang na sana makayanan ko lahat ng intrigang dumating sa akin. Sana maging matibay pa ako roon sa mga intrigang ikakabit sa akin," seryosong sabi pa ng magaling na aktor.