Loveteam of the 90's ang taguri ngayon sa tambalang MAJ dahil 'in na in' ito ngayon. Dahil sa big success ng kanilang pelikula ay patunay lang na made na nga ang dalawa. hinahanda na rin ngayon ang follow-up movie na gagawin nila sa Baguio City bilang launching movie ng loveteam nila. Hindi na nga mapigilan ang patuloy na pagsikat ng dalawa. Malaking factor ang loveteam nila ni Jolina kaya tinagurian namang Starboy itong si Marvin. Hindi lang dahil successful ito sa kanyang career kundi successful sa lahat ng bagay, masasabing hindi naman perpekto ang kanyang pamumuhay pero nakikita naman ang unti-unting pag-asenso nito dahil sa sipag at tiyagang pinuhunan upang marating ang kanyang kinalalagyan ngayon. Sa love at career ay successful si Marvin. Open naman ang kanyang lovelife, hindi man niya amining sila na ni Jolina ay nakikita naming happy siya sa piling nito at walang kaproble-problema sa sitwasyon niya ngayon sa puso ni Jolina at lalung-lalo na sa pamilya nito. Sa career, sino ba naman ang mag-aakalang ang dating nilalait-lait noon ay magiging sikat ngayon, 'yung simpleng Marvin na hindi pansin noon ay Marvin Agustin na ngayon.
"Kahit ako man ay hindi rin makapaniwalang narito na ngayon. I'm not saying na sikat na sikat na ako but in fairness ay iba na rin naman 'yung popularity ko ngayon. Kumbaga ay malaki na rin naman ang improvement nito at siyempre masaya ako dahil hindi ko inaasahan na mararating ko itong kasikatang tinatamasa ko ngayon," madamdaming sabi pa ni Marvin.
Napapadalas yata ang pagdi-date nila ni Jolina at balita namin ay madalas silang manood ng sine at kumain sa labas. Hindi raw kasi siya nahihirapang ipagpaalam ang dalagang sini-sinta dahil malaki ang tiwala ng mga magulang ni Jolina sa kanya.
"Kaya naman ayaw kong sirain ang tiwalang ibinibigay sa akin ng magulang ni Jolina at hindi ko 'yon sinasamantala. Aminado naman akong madalas kaming lumabas ngayon ni Jolina dahil sinasamantala ko lang ang pagkakataon napuwede kaming lumabas dahil wala kaming ginagawang pelikula ngayon. Oras kasing umpisahan namin 'yung movie ay siguradong wala na naman kaming oras para mag-date o gumimik. So far, okay naman ang nagiging lakad namin at hindi ko inaabuso ang kabaitan ng parents ni Jolina dahil hinahatid ko naman siya sa tamang oras at wala kaming masamang ginagawa," say pa ni Marvin.