MARVIN THANKS JOLINA

by: Ador Saluta (Movie Flash Magazine 06/04/98)

Hinarap namin si Marvin tungkol sa intrigang kaya lamang daw siya naging malaking artista ay dahil sa pagkaka-link o pakikipagtambal nito kay Jolina Magdangal, ang ngayo'y perenial partner ng young actor.

"Which is true naman, 'di ba?" walang pagkukunwaring sabi pa ni Marvin. "Nagpapasalamat nga ako sa kanya (Jolina) dahil pinansin niya ang isang tulad kong wala pang namang napapatunayan noon," pa-humble pang sagot ng binata. Produkto na raw kasi ng Ang TV si Jolina at kahit papaano'y malaki-laki at malawak na ang kanyang followers before Marvin entered Talent Center and Star Cinema.

"Aminado naman ako na malaking tulong para sa akin at sa career ko ang pagiging loveteam namin ni Jolina. Siguro, kung hindi man nangyari ang ganoon, hindi ko masasabi kung nasaan pa ako ngayon. Kahit na ano pa ang marating ko, tatanawin ko pa ring malaking utang na loob ang pagkaka-link ko sa kanya."

Minsan pa'y itinanggi ni Marvin ang sabi-sabi na "secret lovers" na sila ni Jolina. Much more on sa showbiz ang kanilang pagiging mag-close.

"We go out on dates. Nanonood kaming dalawa ng sine. Madalas 'yon. Kung ano sa palagay ng mga tao ang nakikita nila sa amin, nasa kanila na 'yon," nasabi nito.

Iba naman daw kasi ang kaso ng dalawa. Kung ang ibang showbiz partners ay pinipilit nilang lumabas sa crowd o publiko para lamang mapagtsismisan at mapag-usapan ang dalawa'y walang pinipiling okasyon at lugar kung saan man nila gustong mag-date, kumain o manood ng sine.

"Sa Louie's (THX, Makati) kami usually nanonood ng sine especially 'pag in-invite kami sa mga premiere nights. We eat sa restaurant na gusto naming kainan. We don't display sa public para lamang maka-attract ng tsismis. Besides, we don't hide anything. That's why, nagsasawa na siguro ang ilang tao sa amin dahil 'yon at 'yon din ang routine naming dalawa. Sine, kain, at shopping. Gano'n lang ang routine namin. Aside from those places, wala na."

JUNE 1998