Nakatakdang magsalpukan sa takilya ang pelikulang MARVIN AGUSTIN at Judy Ann Santos, ito ngayon ang matinding pinag-uusapan sa apat na sulok ng showbiz. Sino nga raw ba ang nauna sa takilya, ano nga raw ba ang laban ni Marvin Agustin kay Juday? Ano nga ba ang napatunayan ng nauna upang maglakas loob ang producer nito na itapat sa tinaguriang Junior Superstar. Lahat ng ito ay sinagot ni Marvin ng makapanayam namin siya pagdating niya galing Bacolod kung saan nagkaroon siya ng mall tour mula sa Nido Instant Milk.
"As much as possible ay ayaw ko sanang magsabay ang pelikula namin ni Juday dahil kaibigan ko siya at ayokong mag-suffer ang pelikula naming pareho. Pero wala naman ako sa posisyon para hadlangan ang bagay na 'yon, dahil 'yung producer namin ang magdedesisyon sa bagay na 'yun. Since gusto ng Star Cinema na tapatan ang pelikula ni Juday, nasa kanila na 'yon. Sana lang, parehong kumita ang pelikula namin. Pero sa ganitong kompetisyon, merong mauna at merong mahuhuli kaya idinarasal ko na sana ay kami ang manguna. Pero nakakatakot pa ring isipin na pelikula ni Juday ang binabangga namin, hindi maiiwasang kabahan."
Since ikaw din naman ang bida sa pelikula n'yon ipalalabas, hindi mo ba puwedeng hilingin na kung puwede ay huwag nang itapat ito sa pelikula ng kaibigan mong si Judy Ann?
"I think puwede ko rin namang hilingin 'yon pero, hindi ko gagawin 'yon sa producer namin dahil alam niya kung ano ang makakabuti sa pelikula at saka 'yung mga bookings ay meron ding rules 'yan. Kaya gustuhin ko man ay parang hindi rin puwede, siguro ang kailangan lang ngayon ay matinding dasal na sana ay huwag kaming mag-flop sa takilya," say pa ni Marvin na halata naming kabado talaga.