Nasa kulungan ngayon ang lalaking nakipag-sayaw ng tanggo sa kanyang ina para siya ay maging tao.
Nagdurusa na ngayon ang kanyang ama. Nagsisisi na sa kasalanang ginawa nito.
Labingwalong mahahabang taon ang bubunuin ng ama ni Marvin bilang kabayaran sa inutang nitong kasalanan.
Pero mayroon pa ring naiiwanang katanungan -- kasalanan ba ng anak ang kasalanang nagawa ng kanyang ama?
Kailanman ang kasalanan ni Pedro, ay hindi maaring isisi kay Juan.
Sa halip na husgahan, ang dapat pa nga nating gawin ngayon ay ang abutan ng pang-unawa at lakas ng loob ang isang taong sa napakamurang edad ay humalili na para gampanan ang mga obligasyong dapat AY ANG HALIGI NG TAHANAN ANG GUMAGAWA.
Dapat pa nating saluduhan at papurihan si Marvin, dahil sa mga panahong dapat ay nanliligaw siya at nagdi-disco ay heto siya, ang kapakanan na ng kanilang pamilya ang mas binibigyan niya ng atensiyon.
Bibihirang kabataan na tulad ni Marvin ang aako nang buong-buo sa isang responsibilidad na hindi naman siya ang dapat gumawa.
Kung makasariling tao lang si Marvin ay mabilis niyang masasabi sa kanyang mga magulang na bakit, kasalanan ba niyang isinipot siya sa mundong ibabaw para lang umako sa isang obligasyon na hindi naman siya ang dapat tumupad?
Ang pagtanaw ng anak sa magulang ay kundisyunal. Puwedeng gawin, puwedeng hindi, pero mas kapuri-puri kung gagawin ng anak.
Sa napakamurang edad, sa mga panahong dapat ay nagpapakasarap ang isang Marvin Agustin sa paggimik sa iba't ibang disco ay hayun siya, nagsisilbi na sa mga kostumer sa isang restawran.
Sa mga panahong panliligaw ang dapat niyang atupagin para huwag naman niyang maisip na nalampasan niya ang kanyang kabataan ay hayun na si Marvin, nagtatrabaho sa isang restawran, para kumain lang sila nang tatlong beses sa maghapon.
'Yon ba ang uri ng kabataang kailangan nating husgahan ngayon at iwasan dahil anak siya ng isang bilanggo?
Ang kailangan ay ibilanggo natin si Marvin sa ating mga puso, bigyan natin siya ng lakas ng loob na labanan ang mga unos ng buhay, unawain natin ang kanyang puso na ngayo'y pagod na marahil sa panghihingi ng pang-unawa.
Noong unang ipakilala sa amin ng kaibigan at kasamang Enrico Santos si Marvin ay nakangiti siya.
Malaki ang buka ng kanyang bibig, gusto niyang ipakita sa amin na maligaya siya, pero ang mga mata naman niya'y kumokontra sa kanyang gustong sabihin.
At naibulong namin sa isang kasama, malungkot ang batang 'yan.
Ipinagkakanulo ng mabibilog niyang mata ang kalungkutan ng isang kahapon.
Isang kahapon na ngayon lang namin nalaman na magiging armas pa pala niya sa pakikipagtunggali sa mundong kanyang kinasadlakan.
Malalim ang hugot ng pag-arte ni Marvin. Sa sampu-sampung mga kabataang nagsusulputan mula sa kung saan-saan ay namumukod-tangi ang pagganap ng isang Marvin Agustin.
Hindi 'yon pilit. Hindi idiniktang direktor. Hindi 'yon dinampot mula sa kung saan.
Ang kanyang pagganap, ang lalim ng kanyang hugot ay nagmumula sa puso, sa kaloob-loobang bahagi ng kanyang katawan.
Ayaw nating mangyari, pero kung minsan ay may utang na loob tayong dapat tanawin at pasalamatan sa ating nakaraan.
Ang kahirapan, ang kahinaan, ang mga unos at bagyo na dumarating sa ating buhay -- ang lahat ng 'yon ay maari nating lingunin nang may positibong dahilan.
Iyon ang dahilan kung bakit kapat napapanood naming umiiyak sa telebisyon si Marvin ay nararamdaman naming parang umiiyak din ang kanyang puso.
Sa panbahong paiyak pa lang ang kanyang kaeksena ay tumutulo na ang luha sa mga mata ni Marvin.
May sakit nga kasi siyang nararamdaman sa loob. May krus siyang pinapasan sa kanyang dibdib.
At lagi na'y sinasabi namin -- kapag nasaktan ang puso ay nagsusumbong 'yon sa mga mata.
Mata ang nagkakanulo ng tunay nating damdamin, mata ang naglalabas ng tunay na anino ng ating pagkatao.
Mata ang sumasalamin sa kaluluwa ng tao. Mata ang nagbibilad ng kung sino at ano tayo.
Sinasaluduhan namin si Marvin Agustin.
Kasama na ang kanyang mga pagkakamali, ang kanyang mga kahinaan, kung kami ang tatanungin ay siya ang kabuuan ng isang kabataan na dalawang-kamay naming tatanggapin, bilang isang anak.
Ituloy mo lang ang laban, Marvin.
Maraming tumatanglaw sa iyo sa madilim na daan na binabagtas mo ngayon...