SUPPORT FOR MARVIN

by: Joey Diego (StarTalk Movie Magazine 08/22/97)



Nakahinga na nang maluwag si Marvin Agustin dahil maganda ang naging resulta ng ginawa niyang pag-amin sa katotohanan tungkol sa kanyang ama. Isang malaking tinik 'yon na tila nabunot sa kanyang dibdib. Happy siya ngayon dahil mula nang isiniwalat niya ang tungkol dito, marami siyang sulat na natanggap mula sa kanyang mga tagahanga na nagsasabing hindi nagbabago ang pagtingin nila kay Marvin, bagkus lalo pa nilang hinangaan ang binata dahil sa kanyang katapangang ihayag ang katotohanan.

Para sa kanila, hindi naman kasalanan ni Marvin ang pagkakagayon ng kanyang ama. Hindi naman tama na sa kanya ibunton 'yung sinapit ng kanyang ama. Hindi dapat maapektuhan ang career ng kanilang idolo kaya ibinabandera nilang kahit ano pa ang mangyari, hinding-hindi nila iiwan ang nag-iisang idolo nila. Ganito halos ang laman ng mga sulat na natatanggap ni Marvin mula sa kanyang mga loyal na tagahanga kaya kahit paano nakagaaan iyon sa kanyang pakiramdam.

"Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na ganito ang magiging response ng mga fans ko, kaya naman nagpapasalamat talaga ako sa kanila, sa moral support na ibinibigay nila sa kain. Touched talaga ako at ngayon ko nalaman kung gaano talaga nila ako kamahal, siguro one way 'yun para ipakita ko naman sa kanila na dapat lagi kong bigyan ng halaga 'yung mga ipinapakita nila sa akin, actually ay lesson din sa akin 'yun."

Ngunit sa kabila nito, nananatili pa ring nandiyan ang mga taong pilit na nagpapabagsak sa kanya.

"I know na hindi naman mawawala 'yun, e. Okey lang, tinatanggap ko na lang lahat 'yun bilang bahagi ng career ko, in a way nakakatulong pa nga sa akin 'yun dahil natsa-challenge ako sa mga ginagawa nilang pagbatikos sa akin."

Anytime from now, ipalalabas na 'yung "Star Drama Presents Marvin", hindi ba siya natatakot na baka hindi ito umabot sa expectation ng mga kumuha sa kanya dahil sa revelation na ginawa niya?

"Wala naman sigurong kinalaman 'yung Daddy ko sa Star Drama ko, sana naman huwag itong gawing dahilan para huwag panoorin itong ilang episodes ko. I know malaki ang expectation nila sa akin kaya naman ibinigay ko ang best ko. Pinagsikapan ko talagang mapaganda ang bawat episode nito kaya sana lang, huwag naman masayang. Huwag naman sanang gawing dahilan 'yung pagkakakulong ng ama ko dahil wala namang koneksiyon 'yun sa pagpi-feature nila sa akin sa STDP."

May balita rin pala kami na 'nanginig' daw siya sa ilang love scenes nila ni INA RAYMUNDO para sa isang episode niya ng STDP. Meron daw silang kissing scene. Paano ba niya ipaliliwanag ito?

"Naku, ano ba ang dapat kong ipaliwanag, e, totoo naman 'yun. Actually marami kaming love scenes ni Ina. Sa kissing scene nga, totoong natuyo ang laway ko sa nerbiyos. Imagine naman first time kong makipag-kissing scene at kay Ina pa, talagang nagbutil-butil 'yung pawis ko habang kinukunan 'yung eksena! Mabuti na lang magaling magpa-relax si Ina, kahit papaano napawi 'yung nerbiyos na nararamdaman ko. Napaka-supportive ni Ina sa akin," kuwento pa ni Marvin.

Eh, di siguradong ikaseselos ito ni Jolina kapag napanood niya?

"Ewan ko, hindi ko naman hawak ang utak at damdamin ni Jolina, hindi naman siguro dahil trabaho lang naman ito, saka bago pa 'yun alam na ni Jolina 'yung tungkol du'n, dahil nasabi ko naman sa kanya. Saka kasama namin si Ina sa "Onli In Da Pilipins" magkaibigan din naman sila. Alam kong hindi naman ganu'n kakitid ang utak ni Jolina para madala du'n sa lovescene namin ni Ina. Saka lahat naman ito ay trabaho lang, walang personalan. Alam na alam naman ni Jolina na siya talaga ang labs ko!" paglilinaw ni Marvin sa amin bilang pagtatapos.




AUGUST