Mukhang mauuna pa yata ang pelikulang gagawin ni Marvin with Spencer Reyes at Wowie de Guzman kesa 'yung sa kanila ni Jolina Magdangal. Sa isang exclusive interview with Marvin, nalaman namin mula sa kanya na medyo may konting problema pa sa schedules nila ni Jolina kaya mukhang mas mauuna pa itong "Ipaglaban Mo , The Movie" part two.
"Kasi 'yung sa amin ni Jolina, mag-aaral pa siyang mag-drive ng jeep dahil jeepney driver na tomboy 'yung role niya, so medyo mahirpa pa para sa kanya 'yun dahil hindi naman nagmamaneho si Jolina. It takes time para matutunan niya 'yun, maybe mauuna itong "Ipaglaban Mo."
Kamakailan lang, nagselebra sila ng 1st year anniversary ng loveteam nila sa ASAP. Sa mga nakapanood, ipinakitang niregaluhan nila ang isa't isa. Mula sa stuff toys hanggang du'n sa diamond ring na isinuot nila sa bawat isa, ano 'yun sa kanila ba talaga galing 'yun?
"Regalo sa amin ng ASAP 'yung ring, 'yung stuff toys, bigay namin sa isa't isa, pinangalanan nga namin dahil para naman maging memorable ano? Parang kailan lang ipinakilala lang kami sa GIMIK. Isang taon na pala kami, sana tumagal pa kami ng maraming taon." ani ni Marvin.
'Yung pagreregalo ng ring may kasabihan na kapag engaged ang dalawang lovers ibig sabihin nu'n malapit na silang ikasal, sa kaso nila, posible ba na du'n din sila humantong?
"Masyado pa yatang maaga para sagutin ko 'yan, ni hindi pa nga ako sinasagot ni Jolina, eh, siguro darating din 'yung time na masasagot ko na 'yan kapag sigurado na ako, mahirap na kasi baka maudlot pa.
"Pero siyempre sa aming mga lalaki, gusto namin 'yung magiging girlfriend namin eh 'yung tipong panghabang-buhay na, like sa kaso ko, gusto ko kung sino man ang magiging girlfriend ko ngayon, gusto ko siya na rin 'yung mapapangasawa ko." sunod-sunod pang sabi ni Marvin.
Bakit pa nila pinatatagal gayong sa sobrang sweetness nila eh 'yun na lang naman ang kulang?
"Pagkatapos nu'n, ano naman ang susunod, kasi naman , dito sa showbiz, laging bago 'yung hinihintay nila. ayoko naman kasing madaliin dahil hindi pa talaga ako handa sa ngayon, oo nga't love na love ko si Jolina pero mahirap pa sa sitwasyon namin ang pumasok sa mga bagay na 'yan, kahit nga magkasama kami, hindi rin namin napag-uusapan 'yan, siguro dahil parehong nararamdaman namin na hindi namin iyon mabibigyan ng kaukulang panahon. Mas mabuti na muna 'yung ganito kami, masaya at magkasundo sa lahat ng bagay, tutal pinapayagan naman siya ng mga parents niya na makipag-date sa akin na mag-isa, wala naman paghihigpit sa pagitan namin kaya mas maganda na 'yung ganito na muna kami ni Jolina," say pa rin ni Marvin.
Kaugnay naman sa isang episode niya ng Star Drama, paano siya napapayag na gumanap ng isang full-length bading, hindi ba siya nailang na gawin 'yun?
"Okey lang sa akin 'yung ganu'ng role, mas ginaganahan nga ako kapag medyo nararamdaman ko na mahirap 'yung role. Napaka-sensitive nu'ng role ng isang showgay, sa isang kilos mo lang, maaring punahin ka, pero hindi ako natatakot dahil bilang isang aktor, trabaho lang 'yung ginagawa ko, wala akong nakikitang dahilan para tanggihan 'yun role na iniatang sa akin. Sa tingin ko naman napakaganda nu'ng project na 'yun para sa akin, isa pa, pinaghirapan nilang ayusin 'yung istorya nu'n, binusisi talaga kaya, I don't see anything wrong para ayawan ko ito. Tinanggap ko nang buong puso 'yung role na para sa akin ay challenging.
"Yung gay role na katulad nu'n, napaka-inspiring. Kung sakaling i-o-offer muli sa akin ang ganu'ng role, hindi ako magdadalawang-isip na tanggapin," pagtatapos pa ni Marvin sa amin.