SANA AY MAGING CONSIDERATE ANG DADDY NI JOLINA SA DESISYON NIYANG PAGHIWALAYIN KAMI

by: Rgee Gaspar (MovieStar Magazine 09/09/98)



Wala nga yatang nagtatagal sa mundong ito. As the English song says: "Some good things never last." Sa naging resulta ng tambalan nina MAJ, pumatok ang kanilang launching film dahil tanggap na tanggap sila ng kanilang mga tagahanga. Dahil sa mga pangyayari nitong nakaraang linggo, tila nagbabadya ang dakilang ama ni Jolina sa kanilang working relationship. Parang natuka ng ahas ang ama ni Jolina sa dahilang ipinagkatiwala nito ang anak sa kanyang screen partner pero more than working relationship daw pala nagaganap sa dalawa. Kaya nagdesisyon itong pahintuin na ang mga palabas at darating pang pelikula para sa dalawa. Kinausap nito ang mga taga-Talent Center. Papayag ba si Marvin kung sakaling ngang ganito ang kahahantungan ng loveteam nila ni Jolina?

"Alam mo, hindi ako naniniwalang ganoon ka-drastic ang magiging reaction ni Mr. Magdangal sa loveteam namin ni Jolina. I don't think sasayangin nila ang opportunity na maganda ang working relationship namin ng kanilang anak at may nakikita na kaming pag-asa ngayong tinanggap kami ng mga tao. Masakit para sa amin ni Jolina 'yon, hindi dahil sa may relasyon na kami off camera, kundi nakakalungkot na pagkatapos naming magsikap para kahit paano ay magustuhan at matanggap kami ng mga tao ay saka pa nila bubuwagin ang loveteam namin. Hindi ganoon kadaling humanap ng mga ka-loveteam at pairs na rin na agad nagkakaroon ng magandang rapport sa mga manonood. Naghirap kami ni Jolina sa pagbuo ng loveteam namin para lang pagkatapos ay tapusin nila agad. Para bang hindi na binigyan ng pagpapahalaga ang mga nagawa at pagsisikap naming dalawa para sa aming loveteam. Masakit at nakakalungkot pero kung ganoon ang maging desisyon nila, sino ba naman ako o kami para tumanggi. Mga magulang sila ni Jolina kaya natural lang na irespeto naming dalawa ang magiging desisyon nila. Pero naniniwala pa rin ako na kahit paano, iku-consider ni Mr. Magdangal ang anumang nagawa namin. Kahit naman sila ay may mga naging sacrifices at natulungan din nila kami sa pagbuo ng loveteam namin. Kaya kahit paano ay manghihinayang din sila sa kung anuman sana ang mararating pa namin."

Kung sakali bang tapusin ni Daddy Jun ang relasyon nila ni Jolina (on and off the screen?), ano kaya ang mangyayari kay Marvin?

"Natural, mag-uumpisa na naman ako o kami sa umpisa. If ever, wala na namang magagawa kung ganoon ang magiging desisyon nila. Kahit na mahirap nang kaunti, kailangang magsikap pa ako ng mas matindi pa. Sayang naman kasi kung pababayaan ko pa ang nasimulan ko na. Alam kong hindi magiging madali ang lahat para sa akin, but I have to do something. Although I must admit that Jolina has been a part of my life, hindi lang ang pagiging artista ko kundi ng pagiging tao ko na rin, dahil close kaming dalawa at okay kami, for quite sometime, naging shoulder to lean on ko rin si Jolina dahil sa kanya ako umiiyak at sa kanya ako nagsusumbong ng mga reklamo ko sa buhay. Hindi ganoon kadaling makakita ng isang tao na hindi mo lang kaartista kundi naging kaibigan mo pa at halos magkadugtong na ang kaluluwa ninyo."

Maling tsismis ang dahilan na umano'y galing sa kampo niya. Kaya nga heto at natuluyan na ang pagkabuwag sa kanilang loveteam para mahinto na rin ang mga alingasngas.

"Hindi ako nagsasalita at wala akong sinabi sa kung anumang ibinibintang nila. Naging maganda ang pagsuporta nila sa akin at hindi ko alam kung kanino nagmula ang mga tsismis na iyan. hindi ko naman magagawang sirain ang pamilya ng babaeng naging malapit sa akin. I hope, maging considerate si Daddy Jun sa kanyang desisyong paghiwalayin kami ni Jolina dahil sayang ang lahat ng pinaghirapan namin. Sana naman, magbago pa ang desisyon niya," pag-asam pa ni Marvin na halatang ayaw mabuwag ang loveteam nila ni Jolina.


SEPTEMBER 1998