Isa sa maituturing na hottest loveteam ng taon ang tambalang Jolina Magdangal at MARVIN AGUSTIN. Marami ang nahihiwagan kung bakit tinatangkilik ng mga bagets ang mga ordinaryong hitsura ng dalawa kahit hindi raw naman sila ang mga tipong pang-matinee idol pero klik sila sa masa. Pero hindi naman hitsura ang pinaka-importante salahat kundi ang taglay nilang talento at nakaka-relate ang bawat sinuman.
Nagsimula ang tambalan nina Jolina at Marvin sa programang Gimik ng ABS-CBN. Bago pa lang si Marvin sa showbiz bilang miyembro ng Star Circle Batch 2 samantalang si Jolina ay may apat na taon na sa showbiz mula pa sa Ang TV noong 1992.
Pumayag si Jolina na matambal kay Marvin dahil gusto niya ring makatulong sa isang baguhan. Kung magklik man ang kanilang tambalan, siguro ay nasa pagtanggap na rin iyon ng publiko.
Sa telebisyon pa lang ay maganda na ang response ng mga tao sa dalawa hanggang sa magsama sila sa kanilang first movie together ang Flames (The Movie). Box office hit ang naturang movie at maganda ang nakuhang review ng chemistry nina MAJ sa big screen.
Sinundan ito ng KAMHM with Maricel Soriano at William Martinez hanggang sa mgawa nila ang kanilang launching movie as a pair, ang Labs Kita...Okey Ka Lang? na isang certified blockbuster sa takilya.
Kumbaga, made na made na nga ang tambalan ng dalawa. Pero sa kabila ng tagumpay sa takilya ng kanilang tambalan, isang malaking tanong ang dapat sagutin: Bakit kailanga pang magulo ang lahat?
May gusto nga sa loveteam ng dalawa. Ito'y ayon sa obserbasyon ng maraming sumusubaybay sa kanilang career. Hindi dahil sa isang third party kundi pami-pamilya na ang nagkakagulo.
Pamilya ni Jolina vs. pamilya ni Marvin ang labanan. Nagsimula ito sa isang tabloid item na hindi raw gusto ng mommy ni Jolina na si Mrs. Paulette Magdangal si Marvin para sa kanyang anak. Lumalabas kasi na malalim na raw ang pagtitinginan ng dalawa kaya pinagsalitaan nang hindi maganda ni Mrs. Magdangal si Marvin.
Nag-deny ang mommy ni Jolina tungkol sa balitang iyon at maging si Marvin ay nag-deny rin. Bakit nga naman pagsasalitaan ni Mrs. Magdangal si Marvin ng masasama, eh, todo suporta nga sila sa loveteam ng dalawa? Sila pa ba ang magsisimula ng gulo sa loveteam?
Just as we all thought na maayos na ang lahat, naulit na naman ang gulo noong mismong premiere night ng kanilang pelikula. Amidst the cheering of the fans ay may namumuong gulo na pala sa dalawa hanggang sa magkasitahan sila sa Mario's Restaurant.
Claim ni Marvin ay may sinabing hindi maganda ang magulang ni Jolina sa kanyang ina kaya ito nagwala. Walang alam si Jolina, maging ang paryentes nito.
Dumating sa point na ayaw nang ipatambal ng paryentes ni Jolina ang kanilang anak kay Marvin hangga't hindi ito nag-a-apologize in public. Sinaktan daw nito ang damdamin niJolina. Sinabi rin daw ni Marvin sa Talent Center na ayaw na nitong makipagtambal kay Jolina. Lahat ng ito ay nangyari habang kumikita ang kanilang pelikula sa takilya.
Nangyari na rin ang sitwasyon na ito noon kina Judy Ann Santos at Wowie de Guzman. After ilang box-officehits ay bigla ring nag-away ang dalawa at kapwa nagpahayag ng hindi pakikipagtrabaho sa isa't isa.
Napag-alaman namin na isang tampuhan lang iyon na pinalaki ng mga tao sa paligid nila. Ngayon ay maayos na ang dalawa. Sa kaso nina MAJ, masyadong personal ang pangyayari. Hindi na sila ang involved kundi ang kanilang mga magulang.
Wala naman sigurong masama kung magso-solo na ang dalawa. No fear kay Jolina dahil kahit noong wala pa si Marvin bilang loveteam niya sikat na ito't kaliwa't kanan ang commercial endorsements nito. Proof iyon na may sariling identity na si Jolina, as an actress, TV personality and singer long before she met Marvin at pinagtambal sila.
As for Marvin, napatunayan na naman nito na isa siyang mahusay na artista dahil una't pangalawang pelikula pa lang niya ay napansin na kaagad siya ng award-giving bodies. Magagamit niya ito para makaabante sa kanyang career as a solo artist.
Pero sa showbiz, alam naman nating ang artistang babae ang parating umaangat at napag-iiwanan ang lalaki. Hindi nga nalalayo si Jolina dahil versatile performer ito at puwede siyang maitambal sa ibang artistang lalaki.
But we must not degrade the future of Marvin in showbiz. May ilang aktor din diyan na gumawa ng sarili nilang pangalan kahit na galing sila sa isang loveteam. Malay natin, baka nandiyan din ang suwerte ni Marvin.
Sayang at paganda nang paganda na sana ang tambalan ng dalawa. Siguro nga ay kailangang may ganitong pangyayari para naman makita kung sino talaga ang tatagal: si Jolina ba o si Marvin?
May pag-asa pa kaya silang magsama ulit? Maybe...maybe not.